Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, August 19, 2011

Aralin: PANDIWA

PANDIWA


  • Bahagi ng pananalitang nagsasaad ng kilos o galaw.
  • Ito ang nagbibigay diwa sa isang pangungusap.
  • Ito’y binubuo ng salitang-ugat at panlaping makadiwa tulad ng mga, um ,in, hin, an, han, mak, maki, ma, magsi, at iba pa.

Pangkat A
Pangkat B
1. Bumili ng bagong telebisyon ang nanay sa Makati.
2. Ang tubero ay nag-aayos ng tubo sa aming bahay.
3. Nakinig kay Elvis Presley ang mga bata bago sila sumayaw.
1. Pareho silang naghahanap.

2. Nag-ipon sin sila.

3. Gumagawa sina Mang Ben at Mang Lino.

1.  PANDIWANG PALIPAT
Sa mga pangungusap sa Pangkat A ay mapapansin ang pandiwa at ang parirala. Ang mga parirala ang mga tuwirang layon at pinangungunahan ng pang-ukol na ng, sa at kay. Kapag ang pandiwa ay may tuwirang layon, ito ay pandiwang palipat.

2. PANDIWANG KATAWANIN
Kung ang pandiwa’y hindi na kailangan ng tuwirang layon at nagtataglay ng kahulugang buo sa ganang sarili kaya’t hindi na kailangan ang tagatanggap ng kilos, ito ay tintawag na pandiwang katawanin. 



TINIG NG PANDIWA

Ang tinig ay isang pag-aari ng pandiwa na nagpapakilala kung simuno ang siyang gumaganap o bagay na ginaganap.

Uri ng Tinig ng Pandiwa
1. Tukuyan – kung ang simuno ay siyang tagaganap ng pandiwa. Ang pandiwang nasa tinig na ito ay karaniwang may isang tagatanggap ng kilos o galaw na tintatawag na tuwirang layon. Ang mga um, mag, mang, magpa, maki, at iba pa, ay karaniwang ginagamit sa tinig na tukuyan.

Halimbawa: Nanghiram ka ba ng bilao kina Aling Maria?

2. Balintiyak – kapag ang salitang tagaganap ng kilos o galaw ng pandiwa ay hindi ginagamit na simuno at ang nasabing tgagaganap ay nasa hulihan ng pandiwa. Ang karaniwang pinaggamitan ng pandiwang nasa tinig na balintiyak ay ang pangungusap na ang dating tuwirang layon ay ang ginagamit na simuno.

Halimbawa: Ang bilao ay hiniram kina Aling Maria.


ASPEKTO NG PANDIWA
          Ang pandiwa ay nagbabanghay sa tatlong aspekto na tumutukoy sa panahong ikinagaganap, ikagaganap, o ikinaganap ng kilos.

1. Aspektong PERPEKTIBO o naganap – nagsasaad ng kilos na nasimulan na o ng kalagayang nangyari na.
Halimbawa: Napanood ko ang pagsayaw ni Clare kanina.
2. Aspektong IMPERPEKTIBO o nagaganap – nagsasaad ng kilos na ginagawa sa kasalukuyan o ng kilos na palagiang ginagawa.
Halimbawa: Napapanood ko ang pagsasayaw ni Clare ngayon.
3. Aspektong KONTEMPLATIBO o magaganap- nagpapahayag ng kilos na gagawin o mangyayai pa lamang.
Halimbawa: Mapapanood mo ang pagsasayaw ni Clare sa Linggo.

Mga Pokus ng Pandiwa



Pokus ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.
1. aktor-pokus o pokus sa tagaganap
Ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "sino?".
(mag- , um- , mang- , ma- , maka- , makapag- , maki- , magpa-)
Halimbawa:
Naglunsad ng proyekto ang mga kabataan.
Nagluto ng masarap na ulam si nanay para sa amin.
Bumili si Rosa ng bulaklak.
Si Ian ay humingi ng payo sa kanyang kapatid tungkol sa kanyang suliranin.

2. pokus sa layon

Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "ano?".
(-in- , -i- , -ipa- , ma- , -an)
Sa Ingles, ito ay ang direct object.
Halimbawa:
Nasira mo ang mga props para sa play.
Ang ulam na masarap ay niluto ni nanay para sa amin.
Binili ni Rosa ang bulaklak.

3. lokatibong pokus o pokus sa ganapan

Ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "saan?".
(pag-/-an , -an/-han , ma-/-an , pang-/-an , mapag-/-an)
Halimbawa:
Pinagtaniman namin ang bukiran ng maraming gulay.
Pinuntahan ni nanay ang kusina ng bahay para magluto ng masarap na ulam.
Ang tindahan ang pinagbilhan ni Rosa ng bulaklak.
Pinadausan ng paligsahan ang bagong tayong entablado.

4. benepaktibong pokus o pokus sa tagatanggap
Ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "para kanino?".
(i- , -in , ipang- , ipag-)
Sa Ingles, ito ay ang indirect object.
Halimbawa:
Kami ay ipinagluto ni nanay ng masarap na ulam.
Ibinili ni Rosa ng bulaklak ang Mahal na Birhen.

5. instrumentong pokus o pokus sa gamit
Ang paksa ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "sa pamamagitan ng ano?".
(ipang- , maipang-)
Halimbawa:
Ang kaldero ang ipinangluto ni nanay ng masarap na ulam para sa amin.
Ipinampunas ni Marco ang basahan sa mesa.
Ipinanghambalos niya ang hawak na tungkod sa magnanakaw.

6. kosatibong pokus o pokus sa sanhi
Ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "bakit?".
(i- , ika- , ikina-)
Halimbawa:
Ikinatuwa namin ang pagluluto ng masarap na ulam ng aming nanay.
Ikinatuwa ni Ynez ang pagbili ng rosas ng kanyang nobyo para sa kanya.
Ikinalungkot ng bata ang hindi nila pagkikitang mag-anak.

7. pokus sa direksyon
Ang paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "tungo saan/kanino?".
(-an , -han , -in , -hin)
Halimbawa:
Sinulatan niya ang kanyang mga magulang.
Pinuntahan ni Henry ang tindahan para mamili ng kagamitan.


5 comments:

Fisheristang Cute said...

Kelan pa po naging TUKUYAN at BALINTIYAK ang tinig ng Pandiwa? Ang alam ko pa kasi ay TAHASAN at Balintiyak..

Anonymous said...

Ang tukuyan ay kinikilala rin bilang tahasan kaya po iisa lamang sila.

Risha said...
This comment has been removed by the author.
Risha said...
This comment has been removed by the author.
Risha said...

Ang tukuyan po at tahasan ay iisa lamang