Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, August 19, 2011

Ikaw, Si Pepe at ang Munting Gamugamo


Matagal na kitang binalaan 
Ang paglapit sa apoy ay 'wag masyadong kahiligan
Naging bisyo mo na
ang makipaghabulan, makipagtaguan at makipagpatintero 
Sa liwanag at sa init ng umaandap- andap na ilaw

Sige ka nang sige, sugod ka nang sugod 
Kahit na napakarami nang nagbigay ng paalala
Hindi ka na humingi ng pahintulot
Basta ka na lamang umalis
Nagpatuloy sa paglipad
sa pagkampay ng 'yong mga munting pakpak

Puno ng pananabik ang damdamin
Habang umuusal ng isang panalangin
Na ang gagawin mo sana'y magbunga ng mabuti
Para sa sarili, para sa nakararami

Tangan ang talino mo't  mabuting hangarin
Baon lamang ang positibong pagtingin
Sa kasalukuyan, sa kinabukasan
Umaasang gagabayan ka ng Poong Maykapal
Na ituturo ng pagmamahal ng 'yong mga magulang at kapatid 
ang tamang landas patungo sa nais mong puntahan

Alam kong wala kang pinagsisisihan
At wala ka ni katiting mang hinanakit
Batid kong masaya ka sa 'yong naging hakbang
Malaki man ang naging kapalit at kabayaran

Pinatunayan mong wala na ngang libre sa mundong ito
Na ang lahat ng bagay na ninanais ay may katapat na halaga
Na may kailangang maging malungkot para lumigaya ang iba

Hindi madali ang 'yong ginawa
Madilim ang daan na tinahak mong mag- isa
Para lamang marating ang 'yong destinasyon-
Ang umaandap- andap na liwanag 
Bagaman para sa ilan, kapalaran mo'y naging masaklap
Maligaya ako sapagakat naabot, nahawakan at nayakap mo ang 'yong pangarap. 


No comments: