Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, August 19, 2011

Aralin: PANG- ABAY


Ang Pang-abay ay bahagi ng pananalita na nagbbibigay turing sa pandiwa, pang-uri, o kapwa pang-abay. 
Ang mga pang-abay ay nagsasabi ng kung paano, kalian, saan at gaano.

MGA URI NG PANG-ABAY

1.       Pang-abay na Pamanahon – nagsasaad kung kailan naganap o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa.
Ø       May pananda

Nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, hanggang

Hal.      1. Kailangan mo bang pumasok nang araw-araw?
            2. Tuwing pasko ay nagtitipon silang mag-anak.
            3. Umpisa bukas ay dito ka na manunuluyan.
Ø    Walang pananda
Kahapon, kangina, ngayon, mamaya, bukas, sandali,atb.
Hal.        1. Manonood kami bukas ng pambansang pagtatanghal ng   
               dulang Pilipino.
              2. Ipagdiriwang ngayon ng ating pangulo ang kanyang ika – 40  
                       na kaarawan.
Ø       Nagsasaad ng dalas
Araw-araw, tuwing umaga,taun-taon atb.
Hal.      1. Tuwing Mayo ay nagdaraos kami sa aming pook ng
              santakrusan.
            2. Nag-eehersiyo siya tuwing umaga upang mapanatili ang
              kanyang kalusugan.

2.       Pang-abay na panlunan – tumutukoy sa pook na pinangyarihan, o pangyayarihan ng kilos sa pandiwa. Karaniwang ginagamit ang pariralang sa/kay .
Sa – ginagamit kapag ang kasunod ay pangngalang pambalana o
panghalip.
Kay /kina – ginagamit kapag ang kasunod ay pangngalang
pantanging ngalan ng tao.
Hal.      1. Maraming masasarap na ulam ang itinitinda sa kantina.
            2. Nagpaluto ako kina aling Ingga ng masarap ng keyk  para sa
              iyong kaarawan.
       
3.       Pang-abay na pamaraan – naglalarawan kung paano naganap,
nagaganap, o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Ginagamit ang panandang nang o na/-ng.
            Hal.      1. Kinamayan niya ako nang mahigpit.
                        2. Bakit siya umalis na umiiyak?
                        3. Tumawa siyang parang sira ang isip.

4.       Pang-abay na pang-agam – nagbabadya ng di-katiyakan sa pagganap
sa kilos ng pandiwa. Mga halimbawa: marahil, siguro, tila, baka, wari, atb.
      Hal.      1. Marami na marahil ang nakabalita tungkol sa desisyon ng
                   Sandiganbayan.
                  2. Higit sigurong marami ang dadalo ngayon sa Ateneo Home
                  Coming kaysa nakaraang taon.
                  3. Tila patuloy na ang pag-unlad ng turismo sa Pilipinas.

5.       Pang-abay na panang-ayon – nagsasaad ng pagsang-ayon. Hal. Oo, 
     opo, tunay, sadya, talaga, atb.
            Hal.      1. Oo,asahan mo ang aking tulong.
                        2. Talagang mabilis ang pag-unlad ng bayan.
                        3. Sadyang malaki ang ipinagbago mo.

6.       Pang-abay na pananggi – nag-sasaad ng pagtanggi, tulad ng hindi/di at ayaw.
Hal.      1. Hindi pa lubusang nagagamot ang kanser.
            2. Ngunit marami parin ang ayaw tumigil sa paninigarilyo.

7.       Pang-abay na panggaano o pampanukat – nagsasaad ng timbang o sukat. Sumasagot sa tanong na  gaano o magkano.
Hal.      1. Tumaba ako nang limang libra .
            2. Tumagal nang isang oras ang operasyon.

8.       Pang-abay na pamitagan – nagsasad ng paggalang.
Hal.      1. Kailan po kayo uuwi?
            2. Opo, aakyat na po ako.



No comments: