Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, August 19, 2011

DAHIL HINDI KA ISANG CONSOLATION PRIZE


Napakasarap sa pakiramdam ang tanghaling panalo
Langit ang nadarama sa pagputong ng korona
Sa pag- abot ng setro, pagbigay ng bulaklak, at pagsuot ng kapa
Walang kapantay ang sayang dulot ng palakpakan at hiyawan
Ng paulit- ulit na pagsambit at pagsigaw ng 'yong pangalan.
Hindi matatawaran ang ligayang hatid
Ng pagsampa sa entablado, pagngiti at pagkaway 
Habang isinasabit sa'yo ang gintong medalya.
Higit pa sa galak ng isang pamosong boksingero 
Sa tuwing mapatutumba niya ang kanyang katunggali, 
Walang kapantay ang tuwa sa'yong dibdib
Kapag napapatawa mo ang mga tao sa'yong paligid.
'Sandaang milyon at higit pa ang halaga
Ng 'yong salapi sa bulsa at sa kaha.
Napasusunod mo ang lahat 
Sa pag- angat lamang ng 'yong daliri at pagkumpas. 
Lumuluhod ang mga tala 
At nagbibigay- pugay ang mga Bathala. 
Ikaw ang nanalo; ikaw ang nagwagi; 
Ikaw lang, wala nang iba pa. 

Ibinigay mo sa kanya ang lahat ng premyo
Hindi mo basta lang ipinahawak ang korona
Ipinagkatiwala mo pa, ng buong puso,
Ng buong kaluluwa. 
Panay- panay ang pag- aalay mo ng bulaklak, 
Hinuhubad mo ang 'yong kapa sa kanyang harap.  
Isinangla mo ang gintong medalya para sa kanya
Inihagis mo ang setrong nawalan na ng silbi
Nilimas mo ang laman ng kaha
Sinaid hanggang sa huling barya
Namusyaw ang mga bituin sa isang iglap
Nawalan ng saysay ang 'yong mga salita
Wala nang tumatalima sa 'yong mga utos at batas
'Pagkat ikaw na ang alipin
at siya na ang iyong panginoon. 

Masaya naman raw siya kapag kasama ka niya
Pero kaya rin naman niyang mabuhay kahit na wala ka.
Hindi lang daw sa'yo umiikot ang kanyang mundo
Hindi niya hiniling na ang lahat ng mayroon ka'y isuko mo. 
Marami pa siyang nais, at mayroon pa siyang ibang gusto.
Subalit makakaya na rin daw niyang magtiis sa piling mo
Kung wala na talaga, kung wala nang iba pa.

Na sa iyo ang titulo, nag- iisa ka lang
Isuot mong muli ang korona at kapa 
Pulitin mo ang itinapon mong setro
Damputin mo sa sahig ang 'yong pagkatao
Tubusin mo ang gintong medalya
Bawiin mo ang iyong dangal at kahihiyan
Angkinin mo ang trono, at 'wag mo ng pakawalan
Dalhin mo siya sa dapat niyang kalagyan
Dahil ikaw ang Big Winner at wala nang iba pa. 
Ikaw ang Miss Universe at ikaw ang reyna
Huwag mong hayaang maging pampalubag- loob ka lang niya
Pamalit at pamatid- uhaw sa mga inaasam niyang ligaya.
Naka- jackpot siya, iyan ang isipin mo.  
Ipamukha mong ikaw ang First, Grand at Ultimate...
At hindi ikaw ang kanyang consolation prize.  

No comments: