Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus
Showing posts with label Mga Sanaysay at mga Kwentong Puro Kwento. Show all posts
Showing posts with label Mga Sanaysay at mga Kwentong Puro Kwento. Show all posts

Wednesday, September 25, 2013

BIRHEN

Isinalin ni Romano B. Redublo mula akdang "The Virgin" ni Kerima Polotan- Tuvera 

Pumunta siya kung saan nakaupo si Ms. Mijares. Isang matangkad at matipunong lalaking may magiliw na paggalaw. Isang lalaking nalalaman ang lebel ng kanyang itsura at pangangatawan at ginagamit niya ito nang husto. Naupo siya sa isang lumang silyang mapaghahalatang niluma na ng panahon at ng ilang umupo doon para mag- aplay ng trabaho. Ibinigay ni Ms. Mijares ang mga papel na kailangang sagutan ng lalaki, nag- abot na rin siya ng lapis. Habang sinasagutan ng lalaking nakaupo ang mga papeles na iniabot niya, napansin ni Ms. Mijares sa kanyang relo na alas diyes na ng umaga.

“Alas diyes na pala, babalik rin ako agad. May pupuntahan lang ako.” Gumamit siya ng Tagalog. Di niya kasi alam kung marunong mag- Ingles ang aplikante. Isa pa, alam niyang mas gusto at bihasa naman silang mag- Tagalog. Para kay Ms. Mijares, ang paggamit ng katutubong wika ay tanda ng kanyang pagmamalasakit. Ayaw niyang mapahiya pa ang aplikante.

“May pupuntahan lang ako. Hintayin mo ako.” Sabi pa ni Ms. Mijares.
Habang naglalakad siya paputa sa canteen, naisip ni Ms. Mijares na napakadali naman para sa kanyang sabihing,

“ Pakihintay mo ako ha.”, o kaya’y “May pupuntahan lang ako. Mahihintay mo ba ako?”. Subalit sa tagal na rin niya sa pagtatrabaho sa placement section ay tila napapagod na siya, nayayamot at nabubugnot. Dahil dito ay tila nabawasan na rin ang kanyang paggalang sa kapwa. Kahit di naman sinasadya ay nagsasalita siya nang mabilis, nakakalimutan na niyang gumamit ng ”po” at “opo”. Kahit di niya naman intensiyon, pakiramdam niya ay nababastos niya minsan ang kausap niya.

Sa tuwing kinakausap niya ang mga aplikante at tinatanong ang mga paulit-ulit na tanong niya tungkol sa paghahanap ng trabaho, nakikita niya ang kaba sa mga mukha nila: ang pagkapahiya, ang panunuyo ng mga labi, ang pagkuha nila ng panyo para punasan ang mga pawis at  ang panginginig ng kanilang mga kamay habang kinakausap siya. Sa di maipaliwanag na dahilan ay nakararamdam na siya ng pagkainip na di niya mawari kung saan nagmumula. Kahit ang simpleng, paglalagay ng aplikante ng markang “x” o kaya’y paglalapat ng thumbmark sa sinasagutan nilang papel ay ikinayayamot na niya. Ang ginagawa na lamang niya ay iniiwas ang kanyang tingin. Madalas niyang ibinabaling ang kanyang mga mata sa panyong nakalagay sa bulsa ng kanyang blusa. 

Nang makarating siya sa canteen ay naupo siya sa isang bakanteng mesa, mag- isa lamang siya noong mga oras na iyon. Wala sa itsura ni Ms. Mijares na 34 anyos na siya. Payat siya, medyo mabuto na nga, subalit mahusay siyang magdala ng damit. Alam niyang wala siyang pigurang kurbado at kahuhumalingan ng mga lalaki kaya natutuo siyang dayain ito. Ang mga pang- itaas niya ay palaging may mga ribbon, lace at ruffles para makagawa ng ilusyon sa mga tumitingin sa kanya, kunwari’y mayroon siyang maambok na balakang at dibdib. Ang mga kulay na pinipili niya ay pastel dahil higit itong nakakabata. Sa tagal na rin ay natuto na siyang mag- ayos ng sarili dahil iyon ang hinihigi ng kanyang trabaho.

Maganda rin ang pagkakaayos ng kilay ni Ms. Mijares, malamang ay inaahit o binubunutan pa niya ito. Tuwing gabi ay nilalagyan niya rin ng rollers ang kanyang buhok para paggising niya sa umaga ay mas maganda at masinsin ang pagkakulot nito. Manipis lang ang pisngi niya dahil nga payat naman siya. May maliit siyang baba at may prominenteng panga o jawline. Sa tuwing nakakaramdam siya ng disgusto sa isang bagay o sitwasyon ay bigla siyang ngumunguso nang malaki, kakaiba ito para sa isang taong may maliit na mukha.

Tama, hindi masama ang itsura ni Ms. Mijares subalit hindi rin naman siya ganoon kaganda. Napakaordinaryo ng kanyang itsura. Tipikal para sa mga babaeng may katulad niyang trabaho. Siya rin ‘yong tipong may mukhang laging pinag- aalaga ng mga makukulit na pamangkin.

Ganoonpaman, naiisip pa rin niya ang pag- ibig; mga panandalian at maiikli subalit madalas na pangarap at panaginip ng pagkakaroon ng kasintahan.  Halimbawa, nang minsang may makasay siyang isang lalake sa jeep, naramdaman niya ang katawan ng lalake dahil siksikan. Nagkadikit pa ang kanilang mga hita. Sa tuwing may hawak siyang bata, naiisip niya, paano kaya kung magkaanak na rin siya. Tuwing nanonood siya ng pelikulang romantiko, ng mga love stories, puro anino sa dilim ang nakikita niya. Lahat ng iyon ay may katabi at kapareha. Lalo pang nag- aalab ang kanyang lungkot kapag ipinakita na sa malaking screen ng sinehan ang paghahalikan ng bidang lalake at ng bidang babae.  Mapapahawak na lamang siya sa kanyang mga labi na kahit minsan ay di pa nahahalikan.

Noong medyo bata- bata pa siya, napakaraming bagay ang kinailangan niyang gawin—dapat siyang matapos sa kolehiyo, may pamangkin siyang dapat pag- aaralin at may nanay siyang kailangang alagaan.

Kinaya niya ang lahat ng iyon dahil na rin sa kanyang pagtitiyaga. Likas talaga siyang pasensiyosa. At saka isa pa, pakiramdam niya noon, ang pag- ibig, nasa paligid lang. Mas idealistic pa siya, ika nga ng iba. Ang sabi niya sa sarili, hindi siya dapat mangamba dahil hihintayin siya ng kanyang tunay na pag- ibig. Subalit, hindi man magandang sabihi’y natagalan sa pagkakaratay sa banig ng karamdaman ang kanyang ina. Matagal niya rin itong inalagaan. Matagal na pinahirapan ng sakit ang kanyang magulang at sa huli’y bumigay rin. At siya, naiwang mag- isa. Bukod sa labis na kalungkutan, pakiramdam niya noo’y nasayang ang lahat ng taon ng kanyang pag- aaruga, ni hindi man lang siya napasalamatan. Wala siyang kasama, walang magulang, kapatid, at lalong walang kasintahan. Siyam na taon ang lumipas, siyam na taon ang nawala. Tuwing mag- isa siya sa madilim na silid ay tinutulungan siya ng kanyang mga kamay sa paglalakbay, lalo siyang nalulungkot dahil ang mga kamay na iyon ay hindi pa nahahawakan ng kahit sinong lalake.

Pagkagaling sa canteen ay bumalik na sa opisina si Ms. Mijares. Nakita niyang nakatayo sa may bintana ang lalaking iniwan niya kanina. “Ito,” sabi ni Ms. Mijares habang papalapit,” nasagutan mo na rin ba ang mga ito?” “Opo.” Ang sagot ng lalaki na ngayon ay nakaharap na kanya.

Nakatayo pa rin ang lalake. Sa kanyang kamay ay hawak niya ang isang pabigat sa papel (paperweight) na ibon (hindi malaman kung Agila ba o Maya) na yari sa kahoy.  Iniregalo iyon kay Ms. Mijares. Luma na ang ornamentong iyon, matagal na sa kanyang mesa. Nang minsang nalaglag, tuluyan ng nasira ang isang pakpak.
Nagulat ang mga katrabaho ni Ms Mijares kung ano ang nahulog. Ang nasabi na lang niya dahil na rin sa labis na pagkabigla, “May bumaril yata!” Pagkatapos noon ay natawa na lamang siya.

Inayos ng lalake ang lumang paperweight. Iniikot ang maluwag na turnilyo sa pakpak at tinanggalan ng alikabok.  Ngayong nasa kamay na ng lalaki ang ibon ni Ms. Mijares, mukha na itong maamong kalapati.
Biglang kinuha ni Ms. Mijares ang ibon sa lalaki, ni hindi man lang nagpasalamat. Pinaupo niya ang lalaki. Saka binasa ni Ms. Mijares ang mga sinagutang papel.

Nakatapos lamang siya ng hayskul. Dati iyang karpintero
Di tulad ng iba, di naman siya mukhang naghihirap. Ang suot niyang damit, kahit luma, ay naplantsa nang maayos. Kumpleto rin ang butones ng kanyang damit. Maganda ang lapat ng manggas ng kanyang polo sa kanyang malalaking braso.

“Ang sabi po ng kaibigan ko, nangangailangan kayo ng trabahador sa pier.” ang sabi ng lalaki habang nakatingala kay Ms. Mijares. “Hindi pa naman ako nagugutom.”, sabay ngumiti. “May naipon pa naman po ako mula sa dati kong trabaho. Ang nangyari lang po eh nagkahiwa- hiwalay kami ng mga kasama ko. Alam n’yo naman mahirap magkarpintero nang mag- isa. Mula sa pagpaplano, sa paglalagare, pagpapako, hindi ‘yon kaya ng isang tao lang, kailangan po isang team talaga. “

Malamang ay di naman sinasadya ng lalake, kaya lamang, naisip ni Ms. Mijares na para sa isang naghahanap pa lamang ng trabaho, napakakampante at makwento ng lalake, ang daming sinasabi. Mga ilang minuto niya rin iyong ikinainis.

Kumuha ng kapirasong papel si Ms. Mijares at sinabing, “ Since you are not starving yet,” sa Ingles na niya ngayon kinakausap ang lalake, para malaman nito ang dapat niyang kalagyan,”you will not mind working in our woodcraft section, three times a week at two- fifty to four a day, depending on your skill and the foreman’s discretion, for two or three months after which there might be a call from outside we may hold for you.”
“Maraming salamat, Ma’am.” ang sabi ng lalaki.

Di pangkaraniwan ang araw ng pasok ng lalake, dahil tatlong beses isang linggo nga lang, tuwing Martes, Huwebes at Linggo lang siya pumapasok. Madalas bumisita doon si Ms. Mijares para kausapin si Ato, ang foreman sa woodcraft section. Pinag- uusapan nila kung sinong trabahador ang matatapos na ang kontrata. Palagian kasi ang pagpapalit ng trabahante, tatlong buwan lang ang pinakamatagal na pamamalagi ayon sa kasunduan.

“’Yong bago,” ang sabi ni Ato ”Maayos naman ang trabaho.” Itinuro niya ang mga natapos ng mga cabinet na magiging lalagyan ng mga libro.

Noong Miyerkules, tinanong ni Ms. Mijares si Ato, “Magkano ang nakukuha niya bawat araw?” “Tres.” Sagot naman ni Ato.

Tinignan ni Ms. Mijares ang kanyang listahan, pinaraanan ng lapis. “Pero ‘yong posisyon niya, dapat kwatro ang bayad ah. Halika rito.” Tinawag ni Ms. Mijares si Ato papalapit pa. “Dagdagan mo ang sahod niya, gawin mo ng kwatro.” “Kalahati lang, Ma’am, gawin nating thee- fifty.” ang tila nabugnot na sagot ni Ato.
“Sabi ni Ato dapat daw po akong magpasalamat sa inyo.” ang sabi ng lalaki habang pinipigilan sa paglalakad si Ms. Mijares sa bakuran ng pinagtatrabahuhan niya.

Tanghaling tapat, ang pinakamainit na oras ng araw na kung saan pakiramdam ni Ms. Mijares lalo siyang nagmumukhang matanda at pagod na pagod dahil nararamdaman niyang hinahaplos na ng mainit na sinag ng araw ang manipis niyang mukha. Nagsisimula na naman siyang mainis subalit pinigilan niya ito. Ngumiti na lamang siya at nagsabing,  “ Kalahati lang naman ang idinagdag sa sahod mo, ibibigay rin naman talaga ‘yon sa ‘yo ni Ato pagkatapos ng ilang linggo”.

“Oo nga po, pero kayo po ang nagsabi kay Ato.” Lalong lumalapit ang matipunong katawan ng lalaki.

“Salamat ulit, kahit hindi ko masyadong kailangan, di tulad ng ibang trabahador dito. Wala pa naman kasi akong asawa—sa ngayon.”

Tinignan ni Ms. Mijares nang matalim ang lalaiki dahil naramdaman niya ang malisya sa boses nito. “Gagawin ko ‘yon sa kahit na sino!” tumalikod na siya at nagpatuloy na sa paglakad. Galit na galit siya dahil pakiramdam niya ay pinahiya siya ng lalaki kahit dalawa lang naman silang nakarinig ng kanilang pag- uusap.

Nang sumunod na linggo, may nangyari sa kanya: naligaw siya sa biyahe pauwi sa kanyang bahay na tinutuluyan.
Sigurado si Ms. Mijares na tama ang nasakyan niyang jeep. Pero dahil na rin gustong umiwas sa matinding trapik ng tsuper ay lumiko ito sa mga maliliit na eskinita. Nang makitang papaubos na ang gasolina, humanap na naman ang drayber ng ibang shortcut para makapagpakarga agad. Pagkatapos noon, hindi na alam ni Ms. Mijares kung saang lupalop na siya napadpad.

Madilim ang lugar na kanyang napuntahan, mabababa ang mga bahay at tila nakasimangot ang lahat ng mga tao. Ang tsuper na kanina ay magiliw at makwento, ngayon ay parang isang malupit na estranghero. Nilakasan na lang niya ang kanyang loob. Bigla niyang naalalang nangyari na ito sa kanyang panaginip. Paulit- ulit, sa kanyang panaginip, na sa tuwing uuwi siya, tila may pwersang pumipigil sa kanya at gumugulo sa kanyang daan.
Hindi rin naman nagtagal ang pagkakaligaw niya. Nang huminto ulit ang drayber sa isang pamilyar na lugar ay bumaba na siya. Alanganin nga lang ang kanyang binabaan. Nakatayo na siya sa isang street island para mag- abang ng panibagong sasakyan. Sari- saring ilaw na ang kanyang nakikita, hapong- hapo na siya sa maghapong pagtatrabaho, lukot- lukot na ang kaninang maganda niyang damit. Pagod na siya.   

Ang lalakeng kapapasok pa lamang sa trabaho at nabigyan agad ng umento sa sweldo ay lumiban ng isang linggo. Hinintay siya ni Ms. Mijares noong Martes subalit hindi siya dumating. Isang mahalagang tagubilin sa kanilang kompanya, maging sa iba pa, na kung liliban ay dapat magpasabi agad. Bumabagal ang produksyon sa tuwing nababawasan ng isang trabahador.  Dahil lamang sa isang pagkakamali, ang pagkalimot sa pagbibigay ng abiso, maaaring mawalan ng trabaho ang lalaki.

“Umuwi po ako ng probinsiya, Ma’am.” ang agad na sinabi ng lalaki kay Ms. Mijares.
“Bakit hindi ka man lang nagpasabi nang mas maaga?” ang sagot ni Ms.Mijares.
“Emergency lang po, Ma’am. Namatay po kasi ‘yong anak kong lalaki.”
“May anak ka? Paanong...?”

Isang mabagal subalit matinding inis ang unti- unting gumapang sa loob ni Ms. Mijares. “Pero ang sabi mo binata ka pa?”
“Hindi po, Ma’am”, sinabi niya habang may pagmumwestra pa ng kamay.
“May asawa ka ba?”
“Wala po, Ma’am.”
“Pero ikinasal ka—may anak nga kayo!”

“Hindi po ako ikinasal sa nanay ng anak ko.”, ang sabi ng lalaki, may kasama pang kakatwang pagngisi, at sa unang pagkakataon ay napansin ni Ms. Mijares na malayo pala ang pagitan ng dalawang ngipin sa harap ng lalake. Tila kinabahan din naman ang lalaki dahil naramdaman niyang pumipitik- pitik ang mga ugat niya sa kanyang sentido.

Umiwas na lamang ng tingin si Ms. Mijares para pigilin ang labis na galit.
“Dapat sinabi mo sa amin lahat”, nagpipigil pa rin siya ng yamot.
“Hindi ko po kasi naisip na mahalaga pa ‘yon” , sagot ng lalaki.

“Parte ng negosyong ito ang buhay niyo!” ang sigaw ni Ms. Mijares sa lalake.
Umulan nang pagkalakas- lakas noong hapong iyon, sunod- sunod din ang kulog at kidlat. Tila nakikiayon ang panahon sa nararamdaman ni Ms. Mijares.

Pasado alas sais na ng hapon nang lumabas siya ng opisina. Mabilis na kumalat ang dilim at patuloy pa rin ang matinding buhos ng ulan. Ganoonpaman, pinanatili niya ang tapang sa sarili at sinabing hindi siya dapat maligaw sa gabing iyon. Nang pumara siya ng jeep at sumakay, may isang tao ang biglang sumunod sa kanya. Pag- upo ay napansin niyang ang lalakeng karpintero pala ang sumunod sa kanya. Tumungo siya pero dagli ring umiwas ng tingin.

Ang kanyang takot sa kanyang panaginip ay unti- unti na namang bumabalik sa kanyang isipan habang bumibiyahe. Hindi pa man nakakalayo ay lumiko ulit ang drayber para maghanap ng shortcut. Sa ibang eskinita naman ngayon. Subalit ganoon pa rin, alam niyang maliligaw pa rin siya maya- maya lamang. Pinipilit pa rin niyang aninagin sa bintana ang tanawin kahit matindi pa rin ang buhos ng ulan sa labas. Dinarasal niyang sana’y nasa pamilyar na lugar pa rin sila ng mga panahong ‘yon.

“Hanggang dito na lang po tayo” sabi ng tsuper. “malapit naman na po ‘yong main road eh, sa kabila na lang.”

“Pero ang lakas ho ng ulan.” protesta ng isang pasahero.

“Pasensiya na po. Kapag naipit po ako ngayon sa trapik, baka abutin tayo ng susunod na taon bago makaalis. Sorry po.”

Isa- isa ng bumaba ang mga pasehero. Mabilis silang naglakad palayo patungo sa madilim na daan.
Bumaba si Ms.  Mijares sa isang mataong tindahan sa isang eskinita. Nagsisimula na namang lumakas ang hangin, naririnig pa niya ang tunog ng malakas na ihip nito.

“Ma’am,” narinig ni Ms. Mijares ang boses ng lalake na nasa kanyang likuran. “pasensiya na po kayo pero hindi po talaga ako nagsinungaling, hindi ko lang nasabing may anak na ako.”
Iminuwestra ni Ms. Mijares ang kanyang kamay na tila pinatatawad na ang lalaki. Hindi muna siya nagsalita.
Inilibot ni Ms. Mijares ang kanyang mga mata sa lugar na kanilang kinalalagyan. Basang- basa ang paligid. Sa isang iglap, tila naglaho ang lahat at ngayo’y sila na lamang ang tao doon-- sa oras na iyon, habang umuulan at madilim. 


Sa kaibuturan ng kanyang puso, ang mga pangarap niya ay muli na namang nabubuhay. Sa oras na iyon, sa piling ng isang matipunong lalaki, bumubulusok papalapit sa kanya ang kanyang mga pangarap, bumubulusok sa gitna ng ulan subalit wala siyang pakialam. Dapat na akong umalis, ang sabi niya sa sarili. Subalit lumapit na ang lalaki sa kanya at hinawakan na siya nito. Sa paglapat ng kamay ng lalaki sa katawan niya’y tila lumundag ang buo niyang pagkatao. Nagbalik sa kanyang alaala ang unang pagkakataong nakita niya ang kamay ng lalaki sa ibabaw ng kanyang mesa at ang pagkakahawak niya sa ibong yari sa kahoy (na nagmukhang isang magandang kalapati). Sa oras na iyon, sa gitna ng ulan, sa ilalim ng dilim ng kalangitan, kahit na basang- basa na siya, siya ay nagpaubaya na. Nagpaubaya na siya.

Thursday, August 22, 2013

Yeso/ Chalk/ Tsok

“Kunin mo ang yeso sa ibabaw ng mesa para makapagsulat ang guro sa pisara.”

Ganito ang inaasahan sa akin lagi ng mga estudyante ko. Lagi nilang iniisip na kapag pumasok na ang guro nila sa Filipino laging parang tumutula. Akala nila ang guro nila ay purong- puro talaga kung magsalita—dalisay, matimyas, malalim at ubod sigla sa pananagalog o sa pamimilipino. Iyong para bang apo sa tuhod ni Balagtas o kaya pamangkin ni Jose Corazon de Jesus kung umasta.

Hindi ako ganoon.  

Akala ko dati, bilang guro sa Filipino ay kailangan kong magpursige at magsikap sa paggamit ng ating sariling wika sa lahat ng oras habang itinuturo ko ang aking asignatura. Ibig sabihin noon, dapat maging puristang Tagalog ako sa pananalita. Ginawa ko naman ‘yon nang buong puso, sa simula. Natuwa ang mga mag- aaral at ang mga katrabaho ko, natuwa silang lahat dahil matatas daw akong mag- Tagalog (‘yon talaga ang tawag nila). Natuwa sila...ako lang ang hindi. Dahil hindi nga ako ganoon.

Pinilit ko pa ang sarili kong gumamit ng “tuwid” na Filipino sa klase ng mga ilang taon pa. At ang resulta noon ay naging mahigpit din ako sa aking mga mag- aaral. Marapat lamang na ako na kanilang guro, na gumagamit ng Pambansang Wika ay obligahin din ang aking mga estudyanteng kausapin ako at tumugon din sa purong Filipino. Nagagalit ako sa kaunting Ingles na salitang aking naririnig mula sa kanila. Hindi nila mabuo ang isang pangungusap kung hindi sila maglalagay ng kahit isa lang na salitang Ingles. Nais kong sabihing ang mga batang ito ay nasa kolehiyo na. Ordinaryo sa kanila ang mga salitang, “subject”, “assignment”, “project”, “report” at ang mga salitang “asignatura”, “takdang- aralin”, “proyekto” , “ulat” ay parang mga salitang nagmula sa ibang planeta. Nakatutuwang pakinggan sa simula ang aking kahusayan sa pamimilipino subalit naging nakaiilang at nakaiinis na ito kalaunan para sa aking mga mag- aaral. May kung anong pader na akong nilikha sa pagitan ko at sa pagitan nila. Bumagal ang pagtalakay sa mga aralin at naging napakahirap ng paghingi ng maayos na tugon.

Isang araw, naisip kong baguhin ang aking paraan ng pagtuturo. Sinadya kong haluan ng Ingles ang pagsasalita ko sa klase. Tawagin mang Taglish, Enggalog o Code- switching ang ginawa ko ay binalewala ko na. Sinimulan ko sa pakonti- konti. Kung noon ang sinasabi ko,“Magandang umaga sa inyong lahat. Ano nga ulit ang tinalakay natin noong nakaraang araw?”, pinalitan ko ng “Good morning, san na nga tayo ulit last meeting?”.Kahit ako nanibago sa sarili ko. Para kasing mali. Hindi kasi ito ang nakasanayan ko noong bagong guro pa lang ako. Hindi rin ganito ang turo sa unibersidad na aking pinanggalingan. Ang sabi ng mga dati kong propesor, kaming mga guro sa Filipino raw ang tutulong panatilihin ang kulturang Filipino. Dapat kaming manguna sa paggamit ng pambansang wika. Subalit bakit noon, panay- panay ang gamit nila ng salitang “ballpen”, “bag”, “notebook”; bakit hindi nila ginamit ang mga salitang “pluma (ink)”, “tampipi o sisidlan” o “kwaderno” man lang? Kaya naisip ko, hindi rin sila purong mag- Filipino.  Ano ba kasi ang purong Wikang Filipino? Mayroon pa bang ganoon?

Ang Pinakbet at Chopsuey ay parehong masarap na ulam, parehong malasa, parehong malinamnam, at parehong binubuo ng halo- halong mga gulay. Kinakain natin lagi kasi masarap. Parang ganito ang ating wika. Sa dami ba naman ng sumakop sa atin, mula sa Espanyol, Hapon, Amerikano; idagdag mo pa ang mga impluwensiyang Arabe, Malay at Tsino, imposibleng maging puro ito. Halimbawa sa pahayag na, “ipatong mo sa mesa ang bag” ay makikita ang mga salitang Ingles na “bag” at salitang Espanyol na “mesa”.Sabihin mo, malabo ba? Mabilis namang makukuha ang ibig sabihin. Mali ba ang estudyante kapag nagtanong siya ng, “Sir, may assignment ba tayo?”. Dapat ko ba siyang pagalitan at sabihing mali siya? Na ang mas tama ay “Ginoo, may takdang- aralin po ba tayo?”. Hindi na ganitong magsalita ang mga mag- aaral. Pare- pareho kayong mahihirapan. Wikang Filipino ‘yan, may halo man o wala.

Laging iniisip ng ibang mga guro na kapag Filipino ang asignatura ay nakatuon ito sa gamit ng Pangngalan, Panghalip, Pang- uri, Pangatnig, Pang- abay, Pandiwa, Pantukoy at iba pang bahagi ng pananalita (Parts of Speech). Kasama rin dapat sa pinag- aaralan ang Wastong gamit ng salita, Ayos at Kayarian ng Pangungusap at Paggmit ng bantas. Huwag ding kalimutan ang mga tula, maikling kwento, dula at nobelang Pilipino. Pero para saan ba ito? Bilang guro sa kolehiyo, dapat ko pa bang balikan ang mga aralin sa Pandiwa at Pang- uri? Anong gamit nito sa kanilang pagtatrabaho? Ito ba talaga ang gamit ng ating wika?

Hindi dapat ganito. Higit sa wastong gamit ng mga salita at pag- aaral ng pagiging puristang Filipino sa pagsulat at pananalita, dapat pagtuunan nating lahat ng pansin kung sa paanong paraan magagamit ang ating wika sa pagtuturo ng mga pangunahing asignatura. Halimbawa, pagtuturo sa Filipino ng Math at Science. Nasimulan na ito sa ibang mga paaralan at dahil na rin sa K+12 na gagamit ng First language o Mother Tongue Based Multi Linugal Education, mas magiging malawakan na ito. Maging positibo sana ang resulta.

Higit pa, kailangan ding pagtuunan na ng pansin kung paanong magagamit ang wikang Filipino sa sangay ng media, negosyo at komersiyo, siyensiya at medisina,  lalong- lalo na sa pulitika. Matrabaho ito kung iisipin dahil kailangan ng matinding pag- aaral at malalim na kasanayan sa pagsasaling- wika at panghihiram ng salita. Maraming oras at malaking pondo rin ang kailangang igugol dito.

Ang mga ito talaga ang gamit ng wika. Hindi ito basta minememorya lang-- inaaral ang mga konsepto at balangkas, pagkatapos ay tapos na.

Sabi ng karamihan, Ingles daw ang wolrd lingua franca o ang wika ng daigdig. Paano tayo makikipagsabayan kung hindi tayo marunong man lang mag- Ingles?

Mahalaga naman talaga ang Ingles. Hindi na ito dapat pagtalunan. Nais ko lamang ipaalala na ang mga mayayamang bansa gaya ng Japan, Germany, France, China, Spain, Korea, kahit ang Malaysia ay hindi naman mga English Speaking Countries, bakit sila maunlad? Maunlad sila kasi nagkakaintindihan sila. Maayos ang kanilang sistema ng edukasyon. Naituturo ang mga asignatura sa wikang kinamulatan ng bata, na nagbubunga ng mas matalino at kapaki- pakinabang na mamamayan ng bansa nila.  

Hindi na dapat isyu kung anong klase o barayti (variety) ng Wikang Filipino ang  dapat gamiting wikang panturo. Kahit purong Filipino, Filipinong tunog Espanyol man; Filipinong tunong Ingles; kahit pa Filipinong may halong Ingles, Espanyol, at katutubong wika pa, iisa lang naman ‘yon—Filipino pa rin. Ang mahalaga ay maintindihan ng mga- aaral at maging masigla ang talakayan sa klase. Sa lakas ng impluwensiya ng kulturang popular at ng internet bumibilis talaga ang pagbabago ng wika. Minsan pang napatunayang dinamiko ito, mas matulin nga lang ang takbo ngayon. Kailangan nating makipagsabayan sa bumibilis na pagbabago ng ating wika. Subalit kailangan din nating maalala na may mas malawak na gamit ito. Malaki ang potensiyal ng ating wika, sa negosyo, agham, sa pulitika at sa media.  Kailangan lang nating gamitin at pagkatiwalaan.

Sabihin mo, mali ba ako kapag sinabi ko sa estudyanteng,

“Kunin mo ang tsok sa ibabaw ng teybol para makapagsulat ang titser sa blakbord”

kung naintindihan naman niya?

Wednesday, March 27, 2013

Kahit Hindi Ko na Sila Makakasabay Tuwing Pananghalian


Sinigang. Isa ‘yan sa mga pinakapaborito kong ulam. Hindi lang naman ‘yan; gusto ko rin ang Nilagang Baka, Kare- kare, Caldereta, Adobong Baboy, Chopsuey, Pinakbet, Porkchop, Inihaw na Liempo...basta, marami pa. Mahilig ako sa baboy, baka at manok, hindi masyado sa isda. Pero lahat naman ng gulay na nasa Bahay- kubo kinakain ko. Hindi ako kumakain ng mga laman- loob ng hayop gaya ng atay, dugo, bituka, balun- balunan, baga, utak at iba pa. Nangingilag din ako sa leeg, paa, ulo, buntot at tainga. Ewan ba, marami na ngang naaasar sa akin na kaibigan at kapamilya (Kapuso?), hindi naman daw ako mayaman pero ang arte ko sa pagkain. Masyado raw akong pihikan. Hindi ko naman pwedeng laging sisihin ang sarili ko sa tuwing aalukin ako ng Puto at Dinuguan eh laging di ko nagagalaw ‘yong huli. Mahirap ding hindian ang pulutang Chicharong- bulaklak. At nga pala, hindi ako kumakain ng Balot (Malapit na ba akong tamaan ng kidlat?). Nahihiya ako siyempre pero hindi ko talaga kaya. Sinisigurado ko na lang na kapag tinanggihan ko ‘yong alok nila eh hindi ako makakapanakit ng damdamin, magalang naman ako. Tinitikman ko naman kahit paano...basta, tikim lang. 


Kahit mapili ako sa pagkain, magana naman ako kapag gusto ko ‘yong nakahain. Matakaw ako kapag masarap ang ulam. Siguro, ‘yon na rin ang dahilan kung bakit nagkasundo kami ng mga katrabaho ko. Malakas din kasi sila kumain kahit ‘yong iba hindi aminadong parang kargador sila kung sumubo ng kanin. Nakakatuwang isiping pagdating ng pananghalian ay may makakasabay akong kaibigan. Magaan sa pakiramdam na may kasalo ako. Bukod kasi sa mas nagiging marami ang pagpipilian kong ulam (share- share na kasi), oras ‘yon para makapagkwentuhan, tawanan, asaran at kulitan kami. 



Hindi tipikal ang oras ng kain ko: minsan 10 pa lang ng umaga kumakain na ako; minsan, 11:30 ; minsan, ala- una; depende sa tapos ng trabaho. Paiba- iba rin ang nakakasabay kong kumain: lalaki, babae, lalaki’t babae, bakla, pero wala pa yatang tomboy. Iba- iba kami :may maarte, may mas maarte at may sobrang arte; may mahilig kumanta at magpatugtog; may mahilig mambara at tawa nang tawa; mayroon akong kasabay kumain na text nang text at laging may kausap sa cellphone; mayroon ding wala lang, nandoon lang siya; may religious at mahilig sa mga bible verses; may makulit at mahilig makipagdebate; may parang Nanay, may parang Tatay, may parang Kuya, may parang Ate...para akong may pamilya. Magkakaiba nga kami pero sigurado akong maayos sila at mabubuti silang mga tao. 



Kaya lang, hindi naman namin pag- aari ang mundo. Bahagi lang kami ng mas malaki at masalimuot pang teritoryo. Hindi namin namalayang ang bilis pala talaga ng panahon, na sa bawat araw na nagiging malapit kami sa isa’t isa ay napapansin ng iba na tila “lumalayo” kami sa kanila. Hindi namin akalain na ang simpleng pagsasabay- sabay sa pagkain ay magdudulot ng maraming alingasngas. Hindi namin napansing sa pagdaan ng mga araw ay mas dumarami ang mga matang nakamasid. Mas tumitindi ang kanilang suspetsa. Di namin inasahang iba ang magiging pagtanggap nila sa mga bulungan, kwentuhan, tawanan at asaran namin. Parang apoy na kumalat at parang isang matinding virus, nilamon sila ng kabaliwang bunga na rin marahil ng labis nilang paghihinala; mga akusasyong wala namang basehan. Natakot sila sa multong sila naman ang lumikha. Kinabahan sila sa isang sakunang hindi kailanman dumating. Nakakalungkot. 



Bahagi na ng isang lipunan ang tsismis—sa trabaho, sa biyahe, at lalo na habang kumakain. Masarap talagang pag- usapan ang buhay ng iba sa gitna ng isang mainit na sabaw. May kung anong halinang dala kapag ang pinagkukwentuhan n’yo sa hapag ay ‘yong kung anong nangyari sa kapitbahay mong kabit, sa katrabaho mong masungit, sa boss mong laging absent...halos lahat ng tao mahilig sa tsismis, halos lahat. Kasama na ito sa sistema at sa kulturang Pilipino. Bawat isa sa atin ay nangtsismis at naitsismis na. Kaya nga nakakapagtakang ikinagagalit ng ilan ang malamang pinag- uusapan sila samantalang sila naman itong nangunguna at mas mahilig pa sa mga kwentuhang walang katorya- torya. BABALA PARA SA LAHAT: ANG LABIS NA PARANOIA AY NAKAKASIRA TALAGA NG BAIT.



Hindi ko na makakasabay sa pananghalian ang mga dati kong katrabaho at kaibigan. Isang semestre na naman kasi ang natapos. Kasabay ng pagsasara ng taong- aralang ito ay maghihiwa- hiwalay na rin kami ng trabahong papasukan. Maghahanap kami ng bagong tahanang aampon sa amin. Hindi lang ang mga masasarap nilang baon ang lagi kong maaalala. Mas mami- miss ko ang kanilang mga pangungumusta, ang mga ngiti, ang mga haplos at ang kanilang mga yakap. Malamang, hindi magiging ganoon kadali ang humanap ng katulad nila. Oo nga, hindi ko na sila makakasabay sa pananghalian. Pero alam kong sa mga susunod na panahon ay pwede naman kaming lumabas para magkape, magmeryenda at maghapunan...kahit mag- almusal pa. Hindi pa naman ito ang huli. :D

Saturday, November 3, 2012

Ang Pinakamagarang Parol

Disyembre 16; Biyernes

Madaling araw. Alas kuwatro pa lang ng umaga ay nakagayak na si Bong para sa unang simbang gabi. Tipikal na labing limang taong gulang na binatilyong bihis na bihis at animo’y pupunta sa isang party ng kaibigan. Nakatsinelas nga lang siya. Naglagay siya ng gel sa buhok. Paulit- ulit niya itong sinuklay, ginulo at sinuklay ulit. Tanghali pa ang pasok ni Bong sa eskwelahan kaya hindi naman siya nag- aalalang mahuli. Isa pang tingin at lingon sa salamin at lumabas na siya ng kanilang bahay. 

Tulog pa ang siyam na mga kapatid ni Bong nang maglakad siya palabas. Dahan- dahan niyang pininid ang pinto ng kanilang munting bahay. Gusto sana niyang magkape man lang. Nasa bakuran na ang kanyang ina at nagwawalis. Maaga ring nagising. Siguro’y sabik din sa unang araw ng simbang gabi. Nililinis ng nanay niya an mga tuyong dahon na nalalag mula sa puno ng mangga. 

“Alis na po ako, ‘Nay.” Ang sabi ni Bong sa nanay sabay kuha ng kamay nito para magmano.

“4:30 ang misa, di ba?Bilisan mo na at baka mahuli ka, dumating ka dun tapos na ang sermon ng pari.”


“Ayaw n’yo po ba talagang sumama?”


“Ay, hindi na. Baka magising ‘yung bunso mong kapatid, mahirap na. At saka nandun na naman ang lola mo.”


“Unang araw po ngayon ng Misa de Gallo.”

“Hindi na, ‘nak. Maiintindihan ‘yun ng Diyos.”

“Kayo pong bahala.”

Hinatid ng tanaw ng kanyang ina si Bong. Kasabay ang paulit- ulit at malalim na buntong- hininga.

Malamig ang klima ng umagang iyon sa Barangay Dolores, sa San Fernando, Pampanga. Kaya naman hindi na alintana ni Bong ang paglalakad mula sa kanilang bahay papunta sa pinakamalapit na simbahan. Habang paparating ang araw ng Pasko ay mas tumitindi ang panananabik ni Bong.  Lagi niyang naiisip ang maraming palamuti, masayang pagtitipon, masarap na kainan, mga regalo, ang palabas sa plaza at patimpalak sa paggawa ng Pinakamagarang Parol. 

Ang Giant Lantern Festival ay isang taunang timpalak na nilalahukan ng iba’t ibang barangay. Naging pamoso na ito dahil na rin sa masigasig na kampanya ng alkalde at ng iba pang opisyales ng bayan. Sabi nila, malaking pera ang kikitain kung makikilala ang San Fernando bilang Christmas Capital ng buong Pilipinas. Dagdag pondo para sa kaban ng kanilang bayan. 

Ilang hakbang na lamang ay nasa harap na ng simbahan si Bong. Papalapit na siya nang papalapit sa tunog ng kampanang humihikayat sa madla na magsimba. Tuwang- tuwa niyang pinagmasdan ang mga nagtitinda ng bibingka, puto- bumbong, suman at kung anu- ano pa. Subalit nakaramdam din siya ng kaunting lungkot. Hindi niya maipaliwanag subalit tila may kung anong hapis siyang nadama. Bigla na lamang ay nais niyang maiyak.

Bago tuluyang makapasok sa bakuran ng simbahan ay may babaeng lumapit kay Bong. Medyo may edad na rin. Nakapusod ang puting buhok ng matanda. Hawak ng babae ang isang bungkos ng sampaguita.

“Andito ka na pala. Dapat kanina ka pa ah. Bihis na bihis ka pa. O, kunin mo, ito.”, ang sabi ng babae sabay abot kay Bong ng kalahating bungkos ng sampaguitang kwintas.          

“Pasensiya na, ‘La. Nagbihis pa po ako nang maayos kasi po baka makita po ako nung mga classmates ko rito.  Unang araw po ng simba eh.” ,ang malumanany na sagot ni Bong. 

“ ’Sus, nahihiya ka bang makita ka nila? Ikinahihiya mo ito?”, medyo tumaas ang tinig ng matanda. 

“Hindi naman po. Sorry po ulit.”

“Siya, pumuwesto ka na diyan ha, ialok mo na ‘yan sa mga darating.”

Hawak na ngayon ni Bong ang sampaguitang kailangan niyang itinda at ubusin para sa araw na ‘yon. Sa unang araw ng simbang gabi, kumita si Bong ng Php 115, hindi na rin masama.


Disyembre 19; Lunes

“Salamat po, Ma’am.” , ang sabi ng batang nagtitinda ng sampaguita sa harap ng simbahan. 

Isang ngiti lamang ang isinukli ni Gemma sa bata.

Mula sa Simbahan ng Ina ng Hapis, 5:30 na ng umaga ay kumaripas na sa paglalakad  si Gemma. May ilang minuto pa siya bago makarating papunta sa paaralang bayan ng Dolores kung saan siya nagtuturo.  Ika- 7 ng umaga ang simula ng  unang klase. 


Hawak ni Ma’am Gemma sa kanyang kaliwang kamay ang sampaguitang binili at sa kanan nama’y sari- saring mga papel, folders, plastic folder at plastic envelop. May nakasukbit pa sa kanyang shoulder bag kung saan nakalagay ang kanyang baong pananghalian, class record, salamin sa mata, payong at kung anu- ano pa. 

Nagmamadali na si Ma’am, ayaw niya kasing ma- late, Lunes na Lunes. Mabilis niyang naikilos ang balingkinitan niyang katawan. Bago pa man magsimba ay nagtali na rin siya ng buhok dahil alam niyang ganito nga ang mangyayari.  Kahit  nakapalda pa siya ay paspas pa rin siya sa paglalakad.  Butil- butil na ang pawis sa kanyang noo subalit hindi ito pinansin ni Gemma.

Mabuti na lamang at dalaga pa siya, maliksi pang kumilos. Malapit na siyang mag- trenta años subalit dalaga pa rin. Para sa kanya, wala namang problema sa ganoon. Hindi naman daw siya nagmamadali.  Ang sabi ng nanay niya dapat ay matulungan niya munang mapatapos sa pag- aaral si Jun, ‘yung kapatid niyang bunso. At sabi naman ng tatay niya, dapat makapagpundar muna siya ng lupa’t bahay, mas mainam na rin kung magkaroon na siya ng sarili niyang sasakyan, kapag nangyari ang mga iyon, baka sakaling pwede na siyang mag- asawa. 

“Godd morning, Ma’am”, ang nakangiting bati sa kanya ng gwardiya ng paaralan.

Isang tango lamang ang isinukli ni Ma’am Gemma. Nagmamadali pa rin siya.  Habol hininga, at hingal na hingal, sa wakas ay nasa loob na ng paaralan ang guro. 

Subalit, sa halip na sa silid ng kanyang advisory class o sa faculty room ay dumiretso sa principal’s office si  Gemma. Bago siya kumatok ay luminga- linga muna siya, tinignan niya kung may tao ba sa paligid. Wala pa masyado. 6:01 ng umaga, may ilang minuto pa, halos isang oras.

Kumatok na si Gemma sa pinto. Agad namang may nagbukas nito. Isang lalaking marahil ay edad 40 na subalit maayos at matipuno pa ang itsura. May mangilan- ngilang puting buhok subalit lamang pa rin ang itim. Pusturyoso ang suot nito sa kanyang puting polo- barong at abuhing pantalon. 

“Hinihingal ka na naman, pasok ka na nga.”, ang marahang sabi ng lalaki sabay kuha ng dalang mga folders at papel ni Gemma. 

“Galing pa ko sa simbang gabi, pakisabit mo nga ito sa Sto. Niño”, tugon ni Gemma habang iniabot ang sampaguitang binili sa harap ng simbahan kani- kanina lang.

Isinabit ng lalaki ang sampaguita sa santo. Muli siyang lumingon kay Gemma. Dahan- dahang lumapit sa dalaga. Nang malapit na malapit na siya ay saka yumakap ang lalaki.

“Dalawang araw tayong di nagkita, miss na miss kita.”, ang sabi nito kay Gemma.


“’Miss din naman kita.”, sabay halik sa lalaki.

Di nila namalayan na habang nasa gitna sila ng kanilang paglalambingan ay patuloy sila sa pag- atras sa kabinet na nakapuwesto malapit sa malaking Christmas Tree sa loob ng principal’s office. Kakaatras nilang dalawa ay natabig ni Gemma ang isang picture frame. Nabasag ito. Nagulat ang dalawa. Sabay nilang pinagmasdan sa sahig ang masayang larawan ng lalaking punongguro kasama ang kanyang asawa at tatlong anak.


Disyembre 21; Miyerkules

“Maasahan n’yo po ang full support ng school natin sa project n’yo, Kap.”, ito ang sagot ni Mr. Felipe Gatmaitan, ang punongguro ng Dolores National High School kay Barangay Captain Raul Mendoza. 

“’Yan naman ang gusto ko sa inyo, Sir eh. Talagang lagi kayong nakasuporta sa mga projects ng baragay.” sagot ni Kap.

“Siyempre. Aba, dapat tayo ulit ang mag- champion sa Giant Lantern Festival.”  muling sagot ng principal.

“Dapat. Malaki ang maitutulong ng premyo nun sa pondo ng barangay natin. Salamat, salamat ulit, Sir.”

Tatlong araw bago ang inaabangang patimpalak ng pinakamagarang parol sa bayan ng San Fernando, Pampanga ay abalang- abala na ang bawat barangay na magpapaligsahan. Halos lahat ay naaaligaga sa paghahanda ng kanilang parol na lahok. 

Kaiba sa tradisyunal na parol na yari sa kawayang patpat at papel de hapon ay napakarangya ng parol ng mga taga- San Fernando. Gawa ito sa mga makukulay na plastic na matibay o di kaya naman ay sa capiz. Pinagdurugtong ito ng mga malalaking alambre, nilalagyan ng napakaraming bumbilya. Pinapagana ito ng mga kableng dadaluyan ng kuryente para magpatay- sindi at mas lalong tumingkad. Higit sa lahat, 18 hanggang 20 talampakan ang diametro nito. Dambuhalang parol.

Pinapangasiwaan ni Captain Raul Mendoza ang paggawa ng giant parol ng mga taga- Dolores. Kaunting ayos na lamang at matatapos na ang pabolosong palamuti. 


“Bilisan n’yo diyan! Ayusin n’yo kasi! “, mainit na ang ulo ng kapitan dahil ilang araw na lamang ay dadalhin na sa pinakamalapit na shopping mall ang parol para mahusgahan ng mga hurado at ng mga mamamayan ng San Fernando. 

“Hindi ako pwedeng mapahiya! Anak ng... Tignan mo ‘yan, oh!”, pasigaw na itinuro ni Kap kay Oca ang isang bumbilyang hindi gumagana.

“Pambihira...Tanga ka ba!? Hindi mo ba napansin na hindi umiilaw ‘yun!?”, muling sigaw ng kapitan. 

“Eh isa lang naman po, Kap., baka hindi na po ‘yan mapansin.”, sagot ng lalaki.


“Tarantado! Kahit isa, dalawa, tatlo, o isang libo, ang mahalaga may isang ilaw na ayaw gumana. Matatalo tayo dahil sa kabobohan mo!”, halos sumabog na sa galit ang kapitan.

“Sige po, Kap aayusin ko po.”


“Dapat noon mo pa ginawa ‘yan, sira ulo ka!”.


Nang umalis ang Kapitan ay tila nakahinga nang maluwag ang mga gumagawa ng parol. 


“Akala mo kung sino. Sa susunod na eleksyon ‘wag na talaga nating iboto ‘yan ha.”, ang sabi ng isang babae.

“Oo nga, ang kapal ng mukha. Kung alam n’yo lang kung saan napunta ang premyo noong nakaraang taon. Daang libo rin ‘yun ah. Ni hindi man lang natin naramdamang ‘tong barangay pala natin ang nag- champion.”, sabad ng isang lalaking inis na inis din sa kapitan.


Tahimik lamang si Oca na siyang nasigawan kanina. Patuloy lamang siya sa pagtanggal- kabit ng bumbilya ng parol at pag- aayos sa mga kable hanggang sa mapailaw niya ito. 


“Sa wakas. Salamat sa Diyos.”, isang buntong- hiningang may halong pasasalamat ang napakawalan niya nang maaayos niya ang lahat ng mga ilaw. 

Alas siyete na ng gabi nang makauwi ng bahay si Oca. Takang- takang siya dahil maaga pa subalit madilim na sa bahay nila. Iginala niya ang kanyang paningin sa mga kabahayan sa paligid, may ilaw naman sila. Hindi naman pala brownout. 

Bagaman tila alam na ni Oca ay nagtanong pa rin sa kanyang asawa nang makapasok siya sa kanilang tahanan. 

“O, bakit ang dilim? Wala ba tayong kuryente?” 

“Aba, ano bang aasahan mo!? Dalawang buwan na kaya tayong atrasdo sa pagbabayad ng kuryente!”, ang pasigaw na sagot ng kanyang asawang walong buwan ng buntis. 

May isa pang anak na lalaki si Oca, limang taong gulang na. Kasalukuyan itong kumakain ng kanin at nilutong instant noodles sa mesang kinalalagyan rin ng isang kandilang malapit ng maubos. Pawis na pawis na ang bata pati na rin ang misis niyang buntis pa. Panay ang paypay at punas ng bimpo.

“Gagawa ako ng paraan.”, ito na lamang ang nasabi ni Oca. 


“Hay! Puro ka na lang ganyan. Ang sabihin mo kasi batugan ka! Ano bang pinaggagagawa mo sa buhay mo, Oca! Paano na lang kami ng mga anak mo!”, galit at tila maiiyak na ang babae. 

Lumabas ng bahay si Oca. Nang nasa may pintuan na siya ay tumingala siya sa langit. Tila nagdasal. Nagbaba siya ng tingin. Muling iniligid ang kanyang mga mata. Napako ang mga ito sa kuntador ng kanilang kuryente. Ilang minuto niya rin itong pinagmasdan. Napangiti siya. 

Ilang pukpok, ilang pihit, ilang tanggal, ilang kabit....

Biglang narinig ni Oca ang malakas na tinig ng kanyang anak na lalaki, 

“Yehey!!!! May ilaw na!!!!”



Disyembre, 23; Biyernes

 “Sige na ho, kunin n’yo na ‘tong singsing ko oh.”, sabi ni Minda habang pinipilit si Mrs. Saavedra na bilhin ang kanyang gintong wedding ring. 


“Ano ka ba, hindi ba wedding ring n’yo ‘yan ni Oca?”, ang sagot ng matandang babae. 


“Ayos lang ho ‘yun, alam na naman niya eh. At saka pang- Noche Buena lang po kasi namin. Sige na po, Ma’am.”

“Hindi ba peke ito?”, sabay kuha sa singsing.

“Hindi ho ah, mataas ang kilatis niyan.”

“Siya sige, kukunin ko. 500 ha.”


“Ano ho!? 500 lang!?”


“Ayaw mo? Di humanap ka na lang ng ibang bibili niyang peke mong singsing.”

“Eh...sige na nga ho.”


“Papayag ka rin pala eh. Ang dami mong arte. Ayan!”, sabay abot ng pera sa buntis na si Minda.

Si Mrs. Amanda Saavedra ang isa sa pinakamaykaya sa barangay Dolores. Ang bahay niya ang isa sa may pinakamaraming chistmas lights, mula loob hanggang sa hardin. Siya ang madalas na kuning Hermana Mayor tuwing fiesta. Palagian rin siyang kinukuhang ninang sa mga binyag at kumpil. Madalas din siyang maging sponsor ng kung anu- anong paliga at programa ng barangay. 


Para sa paskong ito, siya ang nakatokang sumama kay Kapitan sa bayan sa pagdadala ng lahok na parol sa Giant Lantern Festival sa bayan. Malaking pribilehiyo ito para sa kanya dahil may ambisyon din siyang kumandidato bilang kagawad sa susunod na halalang pambarangay. Kinailangan nga lang niyang maglabas ng medyo malaking halaga bilang kontribusyon sa paggawa ng dambuhalang parol. Siya na rin ang naatasang humanap at magbayad ng truck na magdadala ng parol sa bayan. Wala naman siyang angal dito.


“Basta, Kap ha, ‘yung parte ko sa cash prize ha. At saka ‘yung suporta mo sa akin sa eleksyon.”, ang nakangising sabi ng matandang babae sa Kapitan ng barangay. 


“Siyempre, ikaw pa.”, ang tugon naman ng Kapitan.    


Mansiyon na nga kung maituturing ang bahay ni Mrs. Saavedra sa Dolores. Dahil na rin siguro ang mga katabing bahay niya ay puro mabababa at yari sa kahoy. Bihira ang mga mararangyang bahay na yari sa graba at semento. Iila- ilan lang sila. 


Sa loob ng bahay ni Mrs. Saavedra ay makikita ang isang malaking piano, mga antigong palamuti, mamahaling sofa, salang naka- carpet, mga larawang gawa nina Amorsolo at BenCab, ilang mga piguring Lladro at mga kristal na chandelier. Kapansin- pansin ang larawan ng kanyang tatlong anak na babae na nakakuwadro. Ang isa ay tapos ng abogasiya, ang isa ay medisina at ang isa ay accountant sa isang malaking kompanya. Lahat ay nakapag- aral sa mga sikat na unibersidad sa Maynila. Makikita rin sa sala ang larawan nilang mag- asawa noong mismong araw ng kanilang kasal. Luma na subalit mababakas mo pa ang saya sa mga labi nila.

Umupo si Mrs. Saavedra sa sofa at saka nagbuklat ng isang magazine. Ilang saglit lang ay nag- ring ang telepono. 

“Ising......!!!!!!! ‘Yung telepono dali, sagutin mo!”, sigaw ng matandang babae. 

“Ay, opo, Ma’am teka lang po!”, patakbong tinungo ng katulong ang teleponong limang beses ng nagri- ring.  “Hello. Sino po sila?”

“Si Cathy ito, pakausap naman kay Mama.”

“Ma’am, si Ma’am Cathy raw po kausapin daw po kayo.”


“Akin na ‘yan. Sige na, umalis ka na at bumalik ka na dun sa ginagawa mo!”
Kinuha ni Mrs. Saavedra ang telepono. 


“Anak, kumusta ka na? Agahan n’yo ang dating bukas ha. Kayo ng mga bata. Pati si Ate Pat at si Ate Joan mo. Manggagaling lang ako sa bayan para sa contest dun sa giant lantern, tapos babalik ako agad dito para makapag- noche buena tayo. Marami tayong handa. Lahat masarap, espesyal lahat. Punta kayo ng maaga.”, tila naging maamong tupa ang matanda habang kausap ang bunso niyang anak sa kabilang linya. 


“’Yun nga, ‘Ma ang dahilan kaya ako napatawag. Hindi kami makakauwi ng Pampanga this year. Si Ate Pat, kailangan dun sa bahay ng in- laws niya, si Ate Joan next week pa ang balik galing Singapore, ako naman maraming kailangan gawin sa trabaho. Sorry, ‘Ma. Bawi kami sa’yo sa New Year kapag free ‘yung schedule namin. Sorry talaga.”


“Ah ganoon ba? Hindi ba pwede kahit saglit na saglit lang kayo rito?”

“’Ma, eto na naman tayo. Ang hirap kayang magbiyahe.Sorry talaga. Si Daddy nga pala, pabalaik na ng US next week kasama si Tita Malou.”

“Hay, ang bwisit mong Tatay!”

“Mabait si Tita Malou, ‘Ma, ano ka ba? Ok na sila ni Daddy, sana maging ok ka na rin. Sige na, ‘Ma. Masyado ng mahaba ‘tong usapan natin. Mahal na ‘yung babayaran ko, cellphone ang gamit ko eh. Sorry talaga ha. ‘Love you. Merry Christmas.” 

Biglang ibinaba ng bunso ni Mrs. Saavedra ang kabilang linya. Ni hindi lamang nagawang magpaalam nang maayos ng matanda sa anak.


“Merry Christmas din.”, ‘ang bulong ni Mrs. Saavedra sa sarili.


Disyembre, 24; Sabado

Ginaganap ang Giant Lantern Festival sa San Fernando, Pampanga sa huling Sabado ng Disyembre bago magpasko. Nagkataong tumapat ito sa bisperas ngayong taong ito kaya naman labis- labis ang pananabik ng mga tao. Inaasahan nilang mas magiging magarbo ang programa pati na rin ang mga kalahok na parol ng bawat barangay dahil mas mahaba ang panahon ng paghahanda. 


Damang- dama ang simoy ng Pasko buong paligid. Bukod sa mga tradisyunal na kakanin at pamaskong pagkaing nilalako sa paligid ay may makikita ring nagtitinda ng mga lobo, bola, torotot at iba pang laruan. Alas nueve ng gabi ang nakatakdang oras ng pagpapailaw ng mga higanteng parol. Dito na makikita at huhusgahan kung kaninong lahok ba ang pinakakaaya- aya, makulay at kaakit- akit. Habang lumalalim ang gabi ay patuloy sa pagkapal ang tao sa paligid. 

May sampung barangay ang lumahok ngayong taong ito. Walang tulak- kabigin sa mga parol dahil lahat naman talaga ay paboloso at magarbo. 

Dumating na ang takdang oras. Sinimulan ng pailawin ang mga dambuhalang parol. Hindi magkamayaw ang mga tao sa hiyawan at palakpakan. Sinasabayan pa ng napakalakas na musikang pamaskong disco na nagmumula sa mga malalaking speakers sa paligid. Patay- sindi ang mga bumbilya ng sampung kalahok na parol. Walang gustong magpaawat, lahat ayaw magpatalo. 

Subalit, sa di inaasahang pangyayari ay bigla na lamang isa- isang di umilaw ang mga bumbilya ng parol ng barangay Dolores. Parang kandilang unti- unting nauupos. Napupunding isa- isa ang mga ilaw. 

“Aaaayyyyyyyyyyyy....sayang naman...”, malakas ang pinagsama- samang tinig ng mga manonood sa paligid. 

Ang parol ng barangay Dolores na kanina ay naghihingalo, tuluyan ng namaalam. May kawad daw na bumigay at di na kinaya pang padaluyan ng kuryente ang kabuuan ng higanteng parol.


Hindi na maipinta ang mukha ng Kapitan ng Barangay Dolores at ng isang matandang kanina pa nagpapaypay. Walang ibang emosyong mababanaag sa kanilang mga mukha kundi galit at labis na pagkamuhi. Matalim ang tingin na ipinukol nila sa lalaking nakatayo sa gilid na siyang nangangasiwa sa pagpapailaw sa parol. 


“Gago ka talaga, Oca akala ko maayos na ‘to!?”, ang sigaw ng kapitan sa lalaki. 

“Oo nga, ang laking pera ang nasayang diyan. Sitaulo ka!”, susog pa ng babaeng namamaypay. 

“Pasensiya na po. Sa kable po nagkaproblema eh.”, sagot ng electrician na si Oca. 

“May magagawa ba ang paghingi mo ng pasensiya!? Tanga ka!”, sigaw muli ng kapitan. 

Sa mga panahong iyon ay may ibang tao na ang nakapansin na tila may komosyong nangyayari. Dumarami na ang mga usisero at usisera subalit patuloy pa rin sa pagsigaw at pagsinghal ang kapitan at ang matandang babae. 

Hindi na umimik pa si Oca, kinuyom na lamang niya ang kanyang mga palad.   




Disyembre 25; Linggo ng umaga; Araw ng Pasko


Hindi muna magtitinda ng sampaguita si Bong ngayong umagang ito, Pasko naman. Sa halip, lumabas siya ng bahay 5:30 ng umaga para bumili ng pandesal na pagsasaluhan nilang mag- anak sa kanilang almusal maya- maya lang. Masaya si Bong. Pasipol- sipol pa habang naglalakad papunta sa pinakamalapit na bakery. 


“Merry Christmas, Bong! Bibili ka?”, ang sabi ng tindera.

“Oo, Ate. Trenta pesos na pandesal. ‘yung tostado ha. Merry Christmas din!”, ang sagot naman ng binatilyo.


“Ok, sandali lang ha.”

Tumalikod ang babae para kunin ang binibiling pandesal ni Bong. Hawak niya sa kanyang kamay ang 50 pesos na perang papel. Iniligid ni Bong ang kanyang mga mata sa kabuuan ng bakery. Napako ang mga ito sa isang lokal na diyaryong nakasabit, kahilera ng mga lalagyan ng kendi at sigarilyo. 


Ang nakalagay sa headline ng pahayagan:

MALIGAYANG PASKO!!!

Binasa pa niya ang ilan pang nakasulat. May mga balita tulad ng: 

BARANGAY SANTA LUCIA, BAGONG KAMPEON SA GIANT LANTERN FESTIVAL


PRESYO NG LANGIS MULING TATAS NG 50 SENTIMO KADA LITRO


ISANG LALAKING PRINCIPAL AT KALAGUYONG TITSER, PATAY SA ILANG TAMA 
NG BARIL. LEGAL NA MISIS, SUMUKO NA

ANO BA ANG SIKRETO NG LOVETEAM NINA GERALD AT KIM?

KAPITAN NG BARANGAY AT ISANG HERMANA, INUNDAYAN NG SAKSAK, PATAY. SUSPEK, PINAGHAHANAP PA.

Pagkatapos basahin ni Bong ang ilan sa mga nakasulat sa harap ng diyaryo ay muling bumalik ang mga mata niya sa headline... MALIGAYANG PASKO!!!