Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, November 3, 2013

IKUWENTO MO SA PAGONG

Pumunta ka sa gubat
Kausapin mo ang mga kulisap.
Maghanap ka ng mga salaginto’t salagubang
Sa kanila ka makipaghuntahan.
Habulin mo ang mga tutubi,
Manghuli ka ng mga tipaklong,
Magpaliwanag ka sa kanila.
Doon,
Doon ka maghabol ng mga insekto.
Kapag inabot ka ng dilim,
Magpasama ka sa mga alitaptap,
Baka sakaling maliwanagan ka.
Ilahad mo ang argumento mo
Sa mga kuwago.
Siguradong hindi ka nila tutulugan.
Kapag hindi pa rin umubra,
Pumunta ka sa may ilog
Pero huwag ka ng maghanap
Ng matabang isda,
Bubugnutin mo lang din naman sila.
Sa mga palaka ka maglitanya
Dahil mukhang wala naman kayong pinagkaiba.
Kapag lumundag sila nang mabilis
Huwag mo nang habulin,
Malamang nairita na rin ‘yon sa’yo.
Maghanap ka ng hayop
Na medyo mabagal- bagal
Sa kanila mo ikuwento
Ang mga bulaan mong istorya
Baka sakaling di nila agad makuha
At paniwalaan ka.
Sa pagong...
Sa pagong mo ikuwento
Ang mga kasinungalingan mo. 




No comments: