Isinalin ni Romano B. Redublo mula akdang "The Virgin" ni Kerima Polotan- Tuvera
Pumunta siya kung saan nakaupo si Ms. Mijares. Isang matangkad at matipunong lalaking may magiliw na paggalaw. Isang lalaking nalalaman ang lebel ng kanyang itsura at pangangatawan at ginagamit niya ito nang husto. Naupo siya sa isang lumang silyang mapaghahalatang niluma na ng panahon at ng ilang umupo doon para mag- aplay ng trabaho. Ibinigay ni Ms. Mijares ang mga papel na kailangang sagutan ng lalaki, nag- abot na rin siya ng lapis. Habang sinasagutan ng lalaking nakaupo ang mga papeles na iniabot niya, napansin ni Ms. Mijares sa kanyang relo na alas diyes na ng umaga.
“Alas diyes na pala, babalik rin ako agad. May pupuntahan lang ako.” Gumamit siya ng Tagalog. Di niya kasi alam kung marunong mag- Ingles ang aplikante. Isa pa, alam niyang mas gusto at bihasa naman silang mag- Tagalog. Para kay Ms. Mijares, ang paggamit ng katutubong wika ay tanda ng kanyang pagmamalasakit. Ayaw niyang mapahiya pa ang aplikante.
“May pupuntahan lang ako. Hintayin mo ako.” Sabi pa ni Ms. Mijares.
Habang naglalakad siya paputa sa canteen, naisip ni Ms. Mijares na napakadali naman para sa kanyang sabihing,
“ Pakihintay mo ako ha.”, o kaya’y “May pupuntahan lang ako. Mahihintay mo ba ako?”. Subalit sa tagal na rin niya sa pagtatrabaho sa placement section ay tila napapagod na siya, nayayamot at nabubugnot. Dahil dito ay tila nabawasan na rin ang kanyang paggalang sa kapwa. Kahit di naman sinasadya ay nagsasalita siya nang mabilis, nakakalimutan na niyang gumamit ng ”po” at “opo”. Kahit di niya naman intensiyon, pakiramdam niya ay nababastos niya minsan ang kausap niya.
Sa tuwing kinakausap niya ang mga aplikante at tinatanong ang mga paulit-ulit na tanong niya tungkol sa paghahanap ng trabaho, nakikita niya ang kaba sa mga mukha nila: ang pagkapahiya, ang panunuyo ng mga labi, ang pagkuha nila ng panyo para punasan ang mga pawis at ang panginginig ng kanilang mga kamay habang kinakausap siya. Sa di maipaliwanag na dahilan ay nakararamdam na siya ng pagkainip na di niya mawari kung saan nagmumula. Kahit ang simpleng, paglalagay ng aplikante ng markang “x” o kaya’y paglalapat ng thumbmark sa sinasagutan nilang papel ay ikinayayamot na niya. Ang ginagawa na lamang niya ay iniiwas ang kanyang tingin. Madalas niyang ibinabaling ang kanyang mga mata sa panyong nakalagay sa bulsa ng kanyang blusa.
Nang makarating siya sa canteen ay naupo siya sa isang bakanteng mesa, mag- isa lamang siya noong mga oras na iyon. Wala sa itsura ni Ms. Mijares na 34 anyos na siya. Payat siya, medyo mabuto na nga, subalit mahusay siyang magdala ng damit. Alam niyang wala siyang pigurang kurbado at kahuhumalingan ng mga lalaki kaya natutuo siyang dayain ito. Ang mga pang- itaas niya ay palaging may mga ribbon, lace at ruffles para makagawa ng ilusyon sa mga tumitingin sa kanya, kunwari’y mayroon siyang maambok na balakang at dibdib. Ang mga kulay na pinipili niya ay pastel dahil higit itong nakakabata. Sa tagal na rin ay natuto na siyang mag- ayos ng sarili dahil iyon ang hinihigi ng kanyang trabaho.
Maganda rin ang pagkakaayos ng kilay ni Ms. Mijares, malamang ay inaahit o binubunutan pa niya ito. Tuwing gabi ay nilalagyan niya rin ng rollers ang kanyang buhok para paggising niya sa umaga ay mas maganda at masinsin ang pagkakulot nito. Manipis lang ang pisngi niya dahil nga payat naman siya. May maliit siyang baba at may prominenteng panga o jawline. Sa tuwing nakakaramdam siya ng disgusto sa isang bagay o sitwasyon ay bigla siyang ngumunguso nang malaki, kakaiba ito para sa isang taong may maliit na mukha.
Tama, hindi masama ang itsura ni Ms. Mijares subalit hindi rin naman siya ganoon kaganda. Napakaordinaryo ng kanyang itsura. Tipikal para sa mga babaeng may katulad niyang trabaho. Siya rin ‘yong tipong may mukhang laging pinag- aalaga ng mga makukulit na pamangkin.
Ganoonpaman, naiisip pa rin niya ang pag- ibig; mga panandalian at maiikli subalit madalas na pangarap at panaginip ng pagkakaroon ng kasintahan. Halimbawa, nang minsang may makasay siyang isang lalake sa jeep, naramdaman niya ang katawan ng lalake dahil siksikan. Nagkadikit pa ang kanilang mga hita. Sa tuwing may hawak siyang bata, naiisip niya, paano kaya kung magkaanak na rin siya. Tuwing nanonood siya ng pelikulang romantiko, ng mga love stories, puro anino sa dilim ang nakikita niya. Lahat ng iyon ay may katabi at kapareha. Lalo pang nag- aalab ang kanyang lungkot kapag ipinakita na sa malaking screen ng sinehan ang paghahalikan ng bidang lalake at ng bidang babae. Mapapahawak na lamang siya sa kanyang mga labi na kahit minsan ay di pa nahahalikan.
Noong medyo bata- bata pa siya, napakaraming bagay ang kinailangan niyang gawin—dapat siyang matapos sa kolehiyo, may pamangkin siyang dapat pag- aaralin at may nanay siyang kailangang alagaan.
Kinaya niya ang lahat ng iyon dahil na rin sa kanyang pagtitiyaga. Likas talaga siyang pasensiyosa. At saka isa pa, pakiramdam niya noon, ang pag- ibig, nasa paligid lang. Mas idealistic pa siya, ika nga ng iba. Ang sabi niya sa sarili, hindi siya dapat mangamba dahil hihintayin siya ng kanyang tunay na pag- ibig. Subalit, hindi man magandang sabihi’y natagalan sa pagkakaratay sa banig ng karamdaman ang kanyang ina. Matagal niya rin itong inalagaan. Matagal na pinahirapan ng sakit ang kanyang magulang at sa huli’y bumigay rin. At siya, naiwang mag- isa. Bukod sa labis na kalungkutan, pakiramdam niya noo’y nasayang ang lahat ng taon ng kanyang pag- aaruga, ni hindi man lang siya napasalamatan. Wala siyang kasama, walang magulang, kapatid, at lalong walang kasintahan. Siyam na taon ang lumipas, siyam na taon ang nawala. Tuwing mag- isa siya sa madilim na silid ay tinutulungan siya ng kanyang mga kamay sa paglalakbay, lalo siyang nalulungkot dahil ang mga kamay na iyon ay hindi pa nahahawakan ng kahit sinong lalake.
Pagkagaling sa canteen ay bumalik na sa opisina si Ms. Mijares. Nakita niyang nakatayo sa may bintana ang lalaking iniwan niya kanina. “Ito,” sabi ni Ms. Mijares habang papalapit,” nasagutan mo na rin ba ang mga ito?” “Opo.” Ang sagot ng lalaki na ngayon ay nakaharap na kanya.
Nakatayo pa rin ang lalake. Sa kanyang kamay ay hawak niya ang isang pabigat sa papel (paperweight) na ibon (hindi malaman kung Agila ba o Maya) na yari sa kahoy. Iniregalo iyon kay Ms. Mijares. Luma na ang ornamentong iyon, matagal na sa kanyang mesa. Nang minsang nalaglag, tuluyan ng nasira ang isang pakpak.
Nagulat ang mga katrabaho ni Ms Mijares kung ano ang nahulog. Ang nasabi na lang niya dahil na rin sa labis na pagkabigla, “May bumaril yata!” Pagkatapos noon ay natawa na lamang siya.
Inayos ng lalake ang lumang paperweight. Iniikot ang maluwag na turnilyo sa pakpak at tinanggalan ng alikabok. Ngayong nasa kamay na ng lalaki ang ibon ni Ms. Mijares, mukha na itong maamong kalapati.
Biglang kinuha ni Ms. Mijares ang ibon sa lalaki, ni hindi man lang nagpasalamat. Pinaupo niya ang lalaki. Saka binasa ni Ms. Mijares ang mga sinagutang papel.
Nakatapos lamang siya ng hayskul. Dati iyang karpintero
Di tulad ng iba, di naman siya mukhang naghihirap. Ang suot niyang damit, kahit luma, ay naplantsa nang maayos. Kumpleto rin ang butones ng kanyang damit. Maganda ang lapat ng manggas ng kanyang polo sa kanyang malalaking braso.
“Ang sabi po ng kaibigan ko, nangangailangan kayo ng trabahador sa pier.” ang sabi ng lalaki habang nakatingala kay Ms. Mijares. “Hindi pa naman ako nagugutom.”, sabay ngumiti. “May naipon pa naman po ako mula sa dati kong trabaho. Ang nangyari lang po eh nagkahiwa- hiwalay kami ng mga kasama ko. Alam n’yo naman mahirap magkarpintero nang mag- isa. Mula sa pagpaplano, sa paglalagare, pagpapako, hindi ‘yon kaya ng isang tao lang, kailangan po isang team talaga. “
Malamang ay di naman sinasadya ng lalake, kaya lamang, naisip ni Ms. Mijares na para sa isang naghahanap pa lamang ng trabaho, napakakampante at makwento ng lalake, ang daming sinasabi. Mga ilang minuto niya rin iyong ikinainis.
Kumuha ng kapirasong papel si Ms. Mijares at sinabing, “ Since you are not starving yet,” sa Ingles na niya ngayon kinakausap ang lalake, para malaman nito ang dapat niyang kalagyan,”you will not mind working in our woodcraft section, three times a week at two- fifty to four a day, depending on your skill and the foreman’s discretion, for two or three months after which there might be a call from outside we may hold for you.”
“Maraming salamat, Ma’am.” ang sabi ng lalaki.
Di pangkaraniwan ang araw ng pasok ng lalake, dahil tatlong beses isang linggo nga lang, tuwing Martes, Huwebes at Linggo lang siya pumapasok. Madalas bumisita doon si Ms. Mijares para kausapin si Ato, ang foreman sa woodcraft section. Pinag- uusapan nila kung sinong trabahador ang matatapos na ang kontrata. Palagian kasi ang pagpapalit ng trabahante, tatlong buwan lang ang pinakamatagal na pamamalagi ayon sa kasunduan.
“’Yong bago,” ang sabi ni Ato ”Maayos naman ang trabaho.” Itinuro niya ang mga natapos ng mga cabinet na magiging lalagyan ng mga libro.
Noong Miyerkules, tinanong ni Ms. Mijares si Ato, “Magkano ang nakukuha niya bawat araw?” “Tres.” Sagot naman ni Ato.
Tinignan ni Ms. Mijares ang kanyang listahan, pinaraanan ng lapis. “Pero ‘yong posisyon niya, dapat kwatro ang bayad ah. Halika rito.” Tinawag ni Ms. Mijares si Ato papalapit pa. “Dagdagan mo ang sahod niya, gawin mo ng kwatro.” “Kalahati lang, Ma’am, gawin nating thee- fifty.” ang tila nabugnot na sagot ni Ato.
“Sabi ni Ato dapat daw po akong magpasalamat sa inyo.” ang sabi ng lalaki habang pinipigilan sa paglalakad si Ms. Mijares sa bakuran ng pinagtatrabahuhan niya.
Tanghaling tapat, ang pinakamainit na oras ng araw na kung saan pakiramdam ni Ms. Mijares lalo siyang nagmumukhang matanda at pagod na pagod dahil nararamdaman niyang hinahaplos na ng mainit na sinag ng araw ang manipis niyang mukha. Nagsisimula na naman siyang mainis subalit pinigilan niya ito. Ngumiti na lamang siya at nagsabing, “ Kalahati lang naman ang idinagdag sa sahod mo, ibibigay rin naman talaga ‘yon sa ‘yo ni Ato pagkatapos ng ilang linggo”.
“Oo nga po, pero kayo po ang nagsabi kay Ato.” Lalong lumalapit ang matipunong katawan ng lalaki.
“Salamat ulit, kahit hindi ko masyadong kailangan, di tulad ng ibang trabahador dito. Wala pa naman kasi akong asawa—sa ngayon.”
Tinignan ni Ms. Mijares nang matalim ang lalaiki dahil naramdaman niya ang malisya sa boses nito. “Gagawin ko ‘yon sa kahit na sino!” tumalikod na siya at nagpatuloy na sa paglakad. Galit na galit siya dahil pakiramdam niya ay pinahiya siya ng lalaki kahit dalawa lang naman silang nakarinig ng kanilang pag- uusap.
Nang sumunod na linggo, may nangyari sa kanya: naligaw siya sa biyahe pauwi sa kanyang bahay na tinutuluyan.
Sigurado si Ms. Mijares na tama ang nasakyan niyang jeep. Pero dahil na rin gustong umiwas sa matinding trapik ng tsuper ay lumiko ito sa mga maliliit na eskinita. Nang makitang papaubos na ang gasolina, humanap na naman ang drayber ng ibang shortcut para makapagpakarga agad. Pagkatapos noon, hindi na alam ni Ms. Mijares kung saang lupalop na siya napadpad.
Madilim ang lugar na kanyang napuntahan, mabababa ang mga bahay at tila nakasimangot ang lahat ng mga tao. Ang tsuper na kanina ay magiliw at makwento, ngayon ay parang isang malupit na estranghero. Nilakasan na lang niya ang kanyang loob. Bigla niyang naalalang nangyari na ito sa kanyang panaginip. Paulit- ulit, sa kanyang panaginip, na sa tuwing uuwi siya, tila may pwersang pumipigil sa kanya at gumugulo sa kanyang daan.
Hindi rin naman nagtagal ang pagkakaligaw niya. Nang huminto ulit ang drayber sa isang pamilyar na lugar ay bumaba na siya. Alanganin nga lang ang kanyang binabaan. Nakatayo na siya sa isang street island para mag- abang ng panibagong sasakyan. Sari- saring ilaw na ang kanyang nakikita, hapong- hapo na siya sa maghapong pagtatrabaho, lukot- lukot na ang kaninang maganda niyang damit. Pagod na siya.
Ang lalakeng kapapasok pa lamang sa trabaho at nabigyan agad ng umento sa sweldo ay lumiban ng isang linggo. Hinintay siya ni Ms. Mijares noong Martes subalit hindi siya dumating. Isang mahalagang tagubilin sa kanilang kompanya, maging sa iba pa, na kung liliban ay dapat magpasabi agad. Bumabagal ang produksyon sa tuwing nababawasan ng isang trabahador. Dahil lamang sa isang pagkakamali, ang pagkalimot sa pagbibigay ng abiso, maaaring mawalan ng trabaho ang lalaki.
“Umuwi po ako ng probinsiya, Ma’am.” ang agad na sinabi ng lalaki kay Ms. Mijares.
“Bakit hindi ka man lang nagpasabi nang mas maaga?” ang sagot ni Ms.Mijares.
“Emergency lang po, Ma’am. Namatay po kasi ‘yong anak kong lalaki.”
“May anak ka? Paanong...?”
Isang mabagal subalit matinding inis ang unti- unting gumapang sa loob ni Ms. Mijares. “Pero ang sabi mo binata ka pa?”
“Hindi po, Ma’am”, sinabi niya habang may pagmumwestra pa ng kamay.
“May asawa ka ba?”
“Wala po, Ma’am.”
“Pero ikinasal ka—may anak nga kayo!”
“Hindi po ako ikinasal sa nanay ng anak ko.”, ang sabi ng lalaki, may kasama pang kakatwang pagngisi, at sa unang pagkakataon ay napansin ni Ms. Mijares na malayo pala ang pagitan ng dalawang ngipin sa harap ng lalake. Tila kinabahan din naman ang lalaki dahil naramdaman niyang pumipitik- pitik ang mga ugat niya sa kanyang sentido.
Umiwas na lamang ng tingin si Ms. Mijares para pigilin ang labis na galit.
“Dapat sinabi mo sa amin lahat”, nagpipigil pa rin siya ng yamot.
“Hindi ko po kasi naisip na mahalaga pa ‘yon” , sagot ng lalaki.
“Parte ng negosyong ito ang buhay niyo!” ang sigaw ni Ms. Mijares sa lalake.
Umulan nang pagkalakas- lakas noong hapong iyon, sunod- sunod din ang kulog at kidlat. Tila nakikiayon ang panahon sa nararamdaman ni Ms. Mijares.
Pasado alas sais na ng hapon nang lumabas siya ng opisina. Mabilis na kumalat ang dilim at patuloy pa rin ang matinding buhos ng ulan. Ganoonpaman, pinanatili niya ang tapang sa sarili at sinabing hindi siya dapat maligaw sa gabing iyon. Nang pumara siya ng jeep at sumakay, may isang tao ang biglang sumunod sa kanya. Pag- upo ay napansin niyang ang lalakeng karpintero pala ang sumunod sa kanya. Tumungo siya pero dagli ring umiwas ng tingin.
Ang kanyang takot sa kanyang panaginip ay unti- unti na namang bumabalik sa kanyang isipan habang bumibiyahe. Hindi pa man nakakalayo ay lumiko ulit ang drayber para maghanap ng shortcut. Sa ibang eskinita naman ngayon. Subalit ganoon pa rin, alam niyang maliligaw pa rin siya maya- maya lamang. Pinipilit pa rin niyang aninagin sa bintana ang tanawin kahit matindi pa rin ang buhos ng ulan sa labas. Dinarasal niyang sana’y nasa pamilyar na lugar pa rin sila ng mga panahong ‘yon.
“Hanggang dito na lang po tayo” sabi ng tsuper. “malapit naman na po ‘yong main road eh, sa kabila na lang.”
“Pero ang lakas ho ng ulan.” protesta ng isang pasahero.
“Pasensiya na po. Kapag naipit po ako ngayon sa trapik, baka abutin tayo ng susunod na taon bago makaalis. Sorry po.”
Isa- isa ng bumaba ang mga pasehero. Mabilis silang naglakad palayo patungo sa madilim na daan.
Bumaba si Ms. Mijares sa isang mataong tindahan sa isang eskinita. Nagsisimula na namang lumakas ang hangin, naririnig pa niya ang tunog ng malakas na ihip nito.
“Ma’am,” narinig ni Ms. Mijares ang boses ng lalake na nasa kanyang likuran. “pasensiya na po kayo pero hindi po talaga ako nagsinungaling, hindi ko lang nasabing may anak na ako.”
Iminuwestra ni Ms. Mijares ang kanyang kamay na tila pinatatawad na ang lalaki. Hindi muna siya nagsalita.
Inilibot ni Ms. Mijares ang kanyang mga mata sa lugar na kanilang kinalalagyan. Basang- basa ang paligid. Sa isang iglap, tila naglaho ang lahat at ngayo’y sila na lamang ang tao doon-- sa oras na iyon, habang umuulan at madilim.
Sa kaibuturan ng kanyang puso, ang mga pangarap niya ay muli na namang nabubuhay. Sa oras na iyon, sa piling ng isang matipunong lalaki, bumubulusok papalapit sa kanya ang kanyang mga pangarap, bumubulusok sa gitna ng ulan subalit wala siyang pakialam. Dapat na akong umalis, ang sabi niya sa sarili. Subalit lumapit na ang lalaki sa kanya at hinawakan na siya nito. Sa paglapat ng kamay ng lalaki sa katawan niya’y tila lumundag ang buo niyang pagkatao. Nagbalik sa kanyang alaala ang unang pagkakataong nakita niya ang kamay ng lalaki sa ibabaw ng kanyang mesa at ang pagkakahawak niya sa ibong yari sa kahoy (na nagmukhang isang magandang kalapati). Sa oras na iyon, sa gitna ng ulan, sa ilalim ng dilim ng kalangitan, kahit na basang- basa na siya, siya ay nagpaubaya na. Nagpaubaya na siya.
1 comment:
itskathyC.blogspot.com
-Kathyreen Caringal
-Student
-Retorika
Post a Comment