“Kunin mo ang yeso sa ibabaw ng mesa para makapagsulat ang guro sa pisara.”
Ganito ang inaasahan sa akin lagi ng mga estudyante ko. Lagi nilang iniisip na kapag pumasok na ang guro nila sa Filipino laging parang tumutula. Akala nila ang guro nila ay purong- puro talaga kung magsalita—dalisay, matimyas, malalim at ubod sigla sa pananagalog o sa pamimilipino. Iyong para bang apo sa tuhod ni Balagtas o kaya pamangkin ni Jose Corazon de Jesus kung umasta.
Hindi ako ganoon.
Akala ko dati, bilang guro sa Filipino ay kailangan kong magpursige at magsikap sa paggamit ng ating sariling wika sa lahat ng oras habang itinuturo ko ang aking asignatura. Ibig sabihin noon, dapat maging puristang Tagalog ako sa pananalita. Ginawa ko naman ‘yon nang buong puso, sa simula. Natuwa ang mga mag- aaral at ang mga katrabaho ko, natuwa silang lahat dahil matatas daw akong mag- Tagalog (‘yon talaga ang tawag nila). Natuwa sila...ako lang ang hindi. Dahil hindi nga ako ganoon.
Pinilit ko pa ang sarili kong gumamit ng “tuwid” na Filipino sa klase ng mga ilang taon pa. At ang resulta noon ay naging mahigpit din ako sa aking mga mag- aaral. Marapat lamang na ako na kanilang guro, na gumagamit ng Pambansang Wika ay obligahin din ang aking mga estudyanteng kausapin ako at tumugon din sa purong Filipino. Nagagalit ako sa kaunting Ingles na salitang aking naririnig mula sa kanila. Hindi nila mabuo ang isang pangungusap kung hindi sila maglalagay ng kahit isa lang na salitang Ingles. Nais kong sabihing ang mga batang ito ay nasa kolehiyo na. Ordinaryo sa kanila ang mga salitang, “subject”, “assignment”, “project”, “report” at ang mga salitang “asignatura”, “takdang- aralin”, “proyekto” , “ulat” ay parang mga salitang nagmula sa ibang planeta. Nakatutuwang pakinggan sa simula ang aking kahusayan sa pamimilipino subalit naging nakaiilang at nakaiinis na ito kalaunan para sa aking mga mag- aaral. May kung anong pader na akong nilikha sa pagitan ko at sa pagitan nila. Bumagal ang pagtalakay sa mga aralin at naging napakahirap ng paghingi ng maayos na tugon.
Isang araw, naisip kong baguhin ang aking paraan ng pagtuturo. Sinadya kong haluan ng Ingles ang pagsasalita ko sa klase. Tawagin mang Taglish, Enggalog o Code- switching ang ginawa ko ay binalewala ko na. Sinimulan ko sa pakonti- konti. Kung noon ang sinasabi ko,“Magandang umaga sa inyong lahat. Ano nga ulit ang tinalakay natin noong nakaraang araw?”, pinalitan ko ng “Good morning, san na nga tayo ulit last meeting?”.Kahit ako nanibago sa sarili ko. Para kasing mali. Hindi kasi ito ang nakasanayan ko noong bagong guro pa lang ako. Hindi rin ganito ang turo sa unibersidad na aking pinanggalingan. Ang sabi ng mga dati kong propesor, kaming mga guro sa Filipino raw ang tutulong panatilihin ang kulturang Filipino. Dapat kaming manguna sa paggamit ng pambansang wika. Subalit bakit noon, panay- panay ang gamit nila ng salitang “ballpen”, “bag”, “notebook”; bakit hindi nila ginamit ang mga salitang “pluma (ink)”, “tampipi o sisidlan” o “kwaderno” man lang? Kaya naisip ko, hindi rin sila purong mag- Filipino. Ano ba kasi ang purong Wikang Filipino? Mayroon pa bang ganoon?
Ang Pinakbet at Chopsuey ay parehong masarap na ulam, parehong malasa, parehong malinamnam, at parehong binubuo ng halo- halong mga gulay. Kinakain natin lagi kasi masarap. Parang ganito ang ating wika. Sa dami ba naman ng sumakop sa atin, mula sa Espanyol, Hapon, Amerikano; idagdag mo pa ang mga impluwensiyang Arabe, Malay at Tsino, imposibleng maging puro ito. Halimbawa sa pahayag na, “ipatong mo sa mesa ang bag” ay makikita ang mga salitang Ingles na “bag” at salitang Espanyol na “mesa”.Sabihin mo, malabo ba? Mabilis namang makukuha ang ibig sabihin. Mali ba ang estudyante kapag nagtanong siya ng, “Sir, may assignment ba tayo?”. Dapat ko ba siyang pagalitan at sabihing mali siya? Na ang mas tama ay “Ginoo, may takdang- aralin po ba tayo?”. Hindi na ganitong magsalita ang mga mag- aaral. Pare- pareho kayong mahihirapan. Wikang Filipino ‘yan, may halo man o wala.
Laging iniisip ng ibang mga guro na kapag Filipino ang asignatura ay nakatuon ito sa gamit ng Pangngalan, Panghalip, Pang- uri, Pangatnig, Pang- abay, Pandiwa, Pantukoy at iba pang bahagi ng pananalita (Parts of Speech). Kasama rin dapat sa pinag- aaralan ang Wastong gamit ng salita, Ayos at Kayarian ng Pangungusap at Paggmit ng bantas. Huwag ding kalimutan ang mga tula, maikling kwento, dula at nobelang Pilipino. Pero para saan ba ito? Bilang guro sa kolehiyo, dapat ko pa bang balikan ang mga aralin sa Pandiwa at Pang- uri? Anong gamit nito sa kanilang pagtatrabaho? Ito ba talaga ang gamit ng ating wika?
Hindi dapat ganito. Higit sa wastong gamit ng mga salita at pag- aaral ng pagiging puristang Filipino sa pagsulat at pananalita, dapat pagtuunan nating lahat ng pansin kung sa paanong paraan magagamit ang ating wika sa pagtuturo ng mga pangunahing asignatura. Halimbawa, pagtuturo sa Filipino ng Math at Science. Nasimulan na ito sa ibang mga paaralan at dahil na rin sa K+12 na gagamit ng First language o Mother Tongue Based Multi Linugal Education, mas magiging malawakan na ito. Maging positibo sana ang resulta.
Higit pa, kailangan ding pagtuunan na ng pansin kung paanong magagamit ang wikang Filipino sa sangay ng media, negosyo at komersiyo, siyensiya at medisina, lalong- lalo na sa pulitika. Matrabaho ito kung iisipin dahil kailangan ng matinding pag- aaral at malalim na kasanayan sa pagsasaling- wika at panghihiram ng salita. Maraming oras at malaking pondo rin ang kailangang igugol dito.
Ang mga ito talaga ang gamit ng wika. Hindi ito basta minememorya lang-- inaaral ang mga konsepto at balangkas, pagkatapos ay tapos na.
Sabi ng karamihan, Ingles daw ang wolrd lingua franca o ang wika ng daigdig. Paano tayo makikipagsabayan kung hindi tayo marunong man lang mag- Ingles?
Mahalaga naman talaga ang Ingles. Hindi na ito dapat pagtalunan. Nais ko lamang ipaalala na ang mga mayayamang bansa gaya ng Japan, Germany, France, China, Spain, Korea, kahit ang Malaysia ay hindi naman mga English Speaking Countries, bakit sila maunlad? Maunlad sila kasi nagkakaintindihan sila. Maayos ang kanilang sistema ng edukasyon. Naituturo ang mga asignatura sa wikang kinamulatan ng bata, na nagbubunga ng mas matalino at kapaki- pakinabang na mamamayan ng bansa nila.
Hindi na dapat isyu kung anong klase o barayti (variety) ng Wikang Filipino ang dapat gamiting wikang panturo. Kahit purong Filipino, Filipinong tunog Espanyol man; Filipinong tunong Ingles; kahit pa Filipinong may halong Ingles, Espanyol, at katutubong wika pa, iisa lang naman ‘yon—Filipino pa rin. Ang mahalaga ay maintindihan ng mga- aaral at maging masigla ang talakayan sa klase. Sa lakas ng impluwensiya ng kulturang popular at ng internet bumibilis talaga ang pagbabago ng wika. Minsan pang napatunayang dinamiko ito, mas matulin nga lang ang takbo ngayon. Kailangan nating makipagsabayan sa bumibilis na pagbabago ng ating wika. Subalit kailangan din nating maalala na may mas malawak na gamit ito. Malaki ang potensiyal ng ating wika, sa negosyo, agham, sa pulitika at sa media. Kailangan lang nating gamitin at pagkatiwalaan.
Sabihin mo, mali ba ako kapag sinabi ko sa estudyanteng,
“Kunin mo ang tsok sa ibabaw ng teybol para makapagsulat ang titser sa blakbord”
kung naintindihan naman niya?
No comments:
Post a Comment