Sinigang. Isa ‘yan sa mga pinakapaborito kong ulam. Hindi lang naman ‘yan; gusto ko rin ang Nilagang Baka, Kare- kare, Caldereta, Adobong Baboy, Chopsuey, Pinakbet, Porkchop, Inihaw na Liempo...basta, marami pa. Mahilig ako sa baboy, baka at manok, hindi masyado sa isda. Pero lahat naman ng gulay na nasa Bahay- kubo kinakain ko. Hindi ako kumakain ng mga laman- loob ng hayop gaya ng atay, dugo, bituka, balun- balunan, baga, utak at iba pa. Nangingilag din ako sa leeg, paa, ulo, buntot at tainga. Ewan ba, marami na ngang naaasar sa akin na kaibigan at kapamilya (Kapuso?), hindi naman daw ako mayaman pero ang arte ko sa pagkain. Masyado raw akong pihikan. Hindi ko naman pwedeng laging sisihin ang sarili ko sa tuwing aalukin ako ng Puto at Dinuguan eh laging di ko nagagalaw ‘yong huli. Mahirap ding hindian ang pulutang Chicharong- bulaklak. At nga pala, hindi ako kumakain ng Balot (Malapit na ba akong tamaan ng kidlat?). Nahihiya ako siyempre pero hindi ko talaga kaya. Sinisigurado ko na lang na kapag tinanggihan ko ‘yong alok nila eh hindi ako makakapanakit ng damdamin, magalang naman ako. Tinitikman ko naman kahit paano...basta, tikim lang.
Kahit mapili ako sa pagkain, magana naman ako kapag gusto ko ‘yong nakahain. Matakaw ako kapag masarap ang ulam. Siguro, ‘yon na rin ang dahilan kung bakit nagkasundo kami ng mga katrabaho ko. Malakas din kasi sila kumain kahit ‘yong iba hindi aminadong parang kargador sila kung sumubo ng kanin. Nakakatuwang isiping pagdating ng pananghalian ay may makakasabay akong kaibigan. Magaan sa pakiramdam na may kasalo ako. Bukod kasi sa mas nagiging marami ang pagpipilian kong ulam (share- share na kasi), oras ‘yon para makapagkwentuhan, tawanan, asaran at kulitan kami.
Hindi tipikal ang oras ng kain ko: minsan 10 pa lang ng umaga kumakain na ako; minsan, 11:30 ; minsan, ala- una; depende sa tapos ng trabaho. Paiba- iba rin ang nakakasabay kong kumain: lalaki, babae, lalaki’t babae, bakla, pero wala pa yatang tomboy. Iba- iba kami :may maarte, may mas maarte at may sobrang arte; may mahilig kumanta at magpatugtog; may mahilig mambara at tawa nang tawa; mayroon akong kasabay kumain na text nang text at laging may kausap sa cellphone; mayroon ding wala lang, nandoon lang siya; may religious at mahilig sa mga bible verses; may makulit at mahilig makipagdebate; may parang Nanay, may parang Tatay, may parang Kuya, may parang Ate...para akong may pamilya. Magkakaiba nga kami pero sigurado akong maayos sila at mabubuti silang mga tao.
Kaya lang, hindi naman namin pag- aari ang mundo. Bahagi lang kami ng mas malaki at masalimuot pang teritoryo. Hindi namin namalayang ang bilis pala talaga ng panahon, na sa bawat araw na nagiging malapit kami sa isa’t isa ay napapansin ng iba na tila “lumalayo” kami sa kanila. Hindi namin akalain na ang simpleng pagsasabay- sabay sa pagkain ay magdudulot ng maraming alingasngas. Hindi namin napansing sa pagdaan ng mga araw ay mas dumarami ang mga matang nakamasid. Mas tumitindi ang kanilang suspetsa. Di namin inasahang iba ang magiging pagtanggap nila sa mga bulungan, kwentuhan, tawanan at asaran namin. Parang apoy na kumalat at parang isang matinding virus, nilamon sila ng kabaliwang bunga na rin marahil ng labis nilang paghihinala; mga akusasyong wala namang basehan. Natakot sila sa multong sila naman ang lumikha. Kinabahan sila sa isang sakunang hindi kailanman dumating. Nakakalungkot.
Bahagi na ng isang lipunan ang tsismis—sa trabaho, sa biyahe, at lalo na habang kumakain. Masarap talagang pag- usapan ang buhay ng iba sa gitna ng isang mainit na sabaw. May kung anong halinang dala kapag ang pinagkukwentuhan n’yo sa hapag ay ‘yong kung anong nangyari sa kapitbahay mong kabit, sa katrabaho mong masungit, sa boss mong laging absent...halos lahat ng tao mahilig sa tsismis, halos lahat. Kasama na ito sa sistema at sa kulturang Pilipino. Bawat isa sa atin ay nangtsismis at naitsismis na. Kaya nga nakakapagtakang ikinagagalit ng ilan ang malamang pinag- uusapan sila samantalang sila naman itong nangunguna at mas mahilig pa sa mga kwentuhang walang katorya- torya. BABALA PARA SA LAHAT: ANG LABIS NA PARANOIA AY NAKAKASIRA TALAGA NG BAIT.
Hindi ko na makakasabay sa pananghalian ang mga dati kong katrabaho at kaibigan. Isang semestre na naman kasi ang natapos. Kasabay ng pagsasara ng taong- aralang ito ay maghihiwa- hiwalay na rin kami ng trabahong papasukan. Maghahanap kami ng bagong tahanang aampon sa amin. Hindi lang ang mga masasarap nilang baon ang lagi kong maaalala. Mas mami- miss ko ang kanilang mga pangungumusta, ang mga ngiti, ang mga haplos at ang kanilang mga yakap. Malamang, hindi magiging ganoon kadali ang humanap ng katulad nila. Oo nga, hindi ko na sila makakasabay sa pananghalian. Pero alam kong sa mga susunod na panahon ay pwede naman kaming lumabas para magkape, magmeryenda at maghapunan...kahit mag- almusal pa. Hindi pa naman ito ang huli. :D
No comments:
Post a Comment