Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, May 6, 2011

SIRANG PLAKA, SIRANG PLAKA


Nais kong pakinggan
Ang matatamis na hagikhik
ng mga batang paslit
Na abala sa patintero,
taguan at luksong tinik.
Taya!
Taya! 
Ang halakhak ni Manong
Ang mga tawa ni Ate 
Pumapailanlang sa ere- 
Hahahaha.
Hahahaha.
Tuloy- tuloy, walang patlang.
Ayaw paawat, at di mapigilan.

Musika sa aking tainga
ang huntahan at kwentuhan-
ang ingay ng kalsada.
Hoy!
Hoy! 
Kanya- kanyang "bida"
Kanya- kanyang "dala".
Di ako magrereklamo
Wala akong karapatan
Dahil minsan ako rin
ay bahagi ng kasalanan. 

Kaysarap sa pandinig 
ng isang magandang awit.
Lalalala.
Lalalala.
Panandaliang paglimot ang dulot. 
ilang segundo ng pag- asa
tatlong minuto ng pagtakas at saya. 
kaunting panahon ng pagngiti at ligaya. 

Gusto kong marinig
ang malamyos mong tinig 
nang paulit- ulit
nang paulit- ulit.
Ang bawat alingawngaw
sa aking pagsigaw
ng iyong pangalan 
ay di pagsasawaan
di pagsasawaan. 

Kay lapit lang ng pagitan
Ni hindi mo kailagang gumamit ng largabista
Hayan ang mga batang 
Panay ang bungisngis
Nariyan sina Manong at Ate. 
Pakinggan mo ang tsismisan sa daan
Malakas na ang tunog
ng masiglang awitin.
Pagod at pagal  na
ang aking katawan at kaluluwa
sa paghiyaw
sa paghiyaw.

Paulit- ulit ako.
Paulit- ulit sila.
Paulit-ulit kami.
Paulit- ulit ka.
Paulit- ulit ka! 
Di mo ba talaga marinig ang aming tinig?
O, baka sadyang di ka lang marunong makinig?  

No comments: