Tanaw mula sa malayo ang liwanag mong taglay
Isang anghel na bumaba mula sa langit
Upang sambahin ng mga tagalupang tulad niya-
Tulad ko.
Nakahihiyang hawakan ang 'yong mga kamay
Na di man lang yata nakaranas na madampian ng
Alikabok ng tiklado ng piyano.
Nakangingiming kausapan ka nang matagalan
Subalit lahat sila'y nais mabatid ang iyong pangalan.
Kasabay ng marahang ihip ng hangin
Ang pagsasayaw ng bawat hibla ng 'yong buhok
Na umakit at bumihag
Sa puso, isip at kaluluwa
Ng isang Italyano, ng isang Romantiko.
Nagawa mo siyang iligaw sa loob ng 'yong mga mata
Napasunod mo siya sa lahat ng iyong nais
Napaakyat mo siya sa mataas na balkonahe
Para lang bigyan ka ng papuri at awit ng pagsinta.
Nahalina siya ng iyong kabataan
Binulag ng kahinhinan at kasibulan
Marahil dahil na rin sa mabini't matimyas mong pagkilos
Kaya labis siyang natangay ng agos.
Ngunit paano, kung di lahat ng nilalang ay tulad mo?
Na isang Diyosang nagkatawang tao
Paano na lamang ang aming gagawin?
Nasaan na ba ang mga alituntunin?
Sabihin mo
Dahil ang lahat ay gagawin ko
Upang mapaibig at mabihag
ang pangarap kong Romeo.
:)
No comments:
Post a Comment