Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, May 6, 2011

Kahit Salasalabat Man

Kung parang lasing mang
susuray- suray sa daan-
na malabo ang paningin at wala sa katinuan; 
Sumisirko- sirko man ang paligid: mga tahanan at halaman-
at sabay- sabay na tumakas at magmadaling lumisan; 
Sakaling kumiwal- kiwal ang dating tuwid na landas;
Sakaling ang moog ay masira't mabutas;
Umalon- alon man ang payapang dagat-
kasabay ng lindol na pupuksa sa lahat;
Mabiyak man ang lupa't
Guhuin man ang pangarap; 
Giliw isa lamang ang pakatandaan-
sa lahat ng ito'y
wala kang kinalaman. 

Kung tumigil man sa pag- awit ang Adarna;
Kung mapagod man sa paglangoy ang mga Nimpa;
Kung sakaling malanta man ang mga rosas sa hardin; 
Sakaling maluma na ang paboritong tugtugin; 
Daigdig ma'y mawasak, maluoy, magunaw
Pag- asa ma'y matuyo, maubos, malusaw
Pag- ibig ma'y mawala, maglaho, mamusyaw
'Wag kang mangamba't 
Lagi mong isipin
Na sa tuwina mahal-
wala kang aalalahanin. 

Kahit salasalabat man, mga salita't pahayag;
Magpaikot- ikot man, mga parirala't pangungusap; 
Magkabuhol- buhol man, mga numero at letra;
Magkahalo- halo pa ang kuwit ( , ), tuldok ( .) at linya ( __________ );
Di ikaw ang dahilan.
Wala kang kasalanan.
Sadya lang mahirap iwasan-
ang bulong ng 'yong damdamin at
sigaw ng isipan.
Marahil, ngayon ay malas lang-
'Pagkat di ako ang nabigyan ng mabuting kapalaran. 

No comments: