Sampu lang naman ang mga daliri ng isang tao.
Tig- iisa bawat kamay na kakabit ng braso.
Walang lumalabis at imposibleng magkulang.
Pare- pareho lang naman, kahit ano pang gulang.
Sampu lang ang daliri ng isang tao.
Nagkakatalo lang sa tuwing nagbibilang nang mano- mano.
Magsisimula ka ba sa unahan o mas pipiliin mo ang dulo?
Hinlalaki, hintuturo, hinlalato, palasingsingan at hinliliit - kanan
Hinlalaki, hintuturo, hinlalato, palasingsingan at hinliliit- kaliwa
Sampu lang naman talaga, di ba?
Subalit bakit nahihirapang magbilang ng kanyang yaman si Kroko?
Sinimulan sa mamera, singko, diyes, beinte singko, singkwenta hanggang maging piso.
Pero naguguluhan pa rin ang loko
Gayong sampu lang naman ang daliri ng tao.
Marahil ito na rin ang kanyang kaparusahan.,
Sa kanyang kapalaluhan at kasakiman.
Unti-unting inubos ang ating yaman ,
hinamig at sinimot ang kaban ng bayan.
Ang isa kapag dinagdagan ng isa
Ang sagot dapat ay dalawa.
Kung tutuusin nama’y napakasimple ng pormula.
Kayang- kayang bilangin ng mga sampung daliri.di ba?
Hindi na kailangan pang maglimi at magsuri.
Kaya lamang si Mando ay hindi makuntento.
Paiba- iba ang kasama mula Lunes hanggang Linggo.
Lumalabis na sa bilang ang kanyang mga “kaibigan”
Mga mahahaba niyang daliri tiyak na magkukulang.
Mga daliri ni Goryo ang kanyang katuwang,
Ginagamit araw- araw at kinakasangkapan.
Nagpapaltos, nagkakalyo , sa tindi ng trabaho
Punong- puno ng lupa ang mahahabang kuko.
Subalit kanyang sweldo, di husto ang bilang.
Tila kanyang amo’y labis na nahirapan,
ang tanging nasambit ng pobreng nilalang,
“Panginoon, panginoon, daliri n’yo po ba’ y kulang? “]
Sampu ang mga daliri ng isang tao.
Tayo lamang naman ang may kasalanan
Kung bakit nagiging komplikado.
Simple lang naman sana ang pagbibilang,
Kung ito ay tama, wasto at walang lamangan
1 comment:
Patama sa gobyerno lalo na sa nagdaang pangulo..kawawa ang pobreng tao sinasamantala ng mga nakaupo sa gobyerno..kung di mabilang ng daliri ang kanyang yaman bakit hindi ibigay sa pobreng nagtatrabaho ng maayos ngunit di sapat ang sweldo..sobra na ang pera ng nananamantala hindi na masalo ng kangyang sampung daliri..
Post a Comment