Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Tuesday, May 10, 2011

Sa Muling Pagdaan ng Love Bus

Umaga ng Hunyo 17, 1978, Lunes, mula sa kanilang bahay ay naglalakad na papunta sa sakayan ng bus si Miguel. Kaunti lang naman ang distansya ng waiting shed kung saan humihinto para magsakay ang mga bus at dyip papunta sa paaralang kanyang pinagtuturuan kaya hindi na siya sumasakay pa ng pedicab o ng tricycle- sayang lang sa pamasahe sa loob- loob niya.

Wala namang kakaiba sa umagang iyon. Bumangon siya sa kanyang kamang may kulay light blue na sapin at limang unan katulad din ng kahapon, katulad din ng mga nangyayari sa bawat araw ng kanyang buhay. May kaunting inis na ordinaryo lang namang nararamdaman ng kahit sinong nagigising dahil sa ingay na nililikha ng alarm clock. Pagkabangon ay mag- aantanda siya ng krus. Pupunta sa banyo. Magmumumog. Titingin sa salamin. Magtatanggal ng muta sa mga mata. Uupo sa bilog na mesang yari sa narra at kakain ng almusal na inihanda ng kanyang ina. Rutinaryo. Paulit- ulit lang naman. Pati ang kinakain niya sa umaga ay kabisado na rin niya halos. Kung hindi pritong Tinapang Bangus o Salinas na may kamatis at itlog na maalat at sinangag; Scrambled eggs, Swift hotdog at sinangag; o di kaya nama’y Sunny side- up, Tapa o Tocino o Longganisa at Sinangag---‘yan ang menu nila ng kanyang nanay sa buong isang lingo. At laging may kapeng mainit dapat. Masarap naman. Magrereklamo ka pa ba sa homemade breakfast na gawa ng nanay mo? Maliligo siya. Isusuot ang kanyang pang- Lunes na uniporme (kulay asul na polo- barong at itim na pantalong slacks). Magsusuklay ng buhok. Isusukbit ang bag na nilalamnan ng mga kung ano- anong parapernalya sa pagtuturo. Hahalik sa nanay niya para magpaalam. Tutunguhin ang pinto at maglalakad papunta sa pulang gate. Bago tuluyang lumabas ng kanilang bahay, lilingon sa kanyang likuran si Miguel, saka muling haharap at mag- aantanda ng krus bago maglakad papuntang sakayan.

Alas- sais pa lang ng umaga sa Maypajo pero marami- rami na rin ang nag- aabang ng masasakyan. Tumayo na si Miguel sa waiting shed gaya ng ginagawa niya sa araw-araw. Matamang naghihintay ng unang bus na darating papuntang Maypajo Integrated School kung saan siya nagtatrabaho bilang isang  4th year high school techer. Iba’t ibang itsura, sari- saring amoy at halo- halong uri ng nilalang ang nasa waiting shed na ‘yun. Ang iba, basa pa ang buhok; halatang nagmamadali.Ang iba nama’y walang pakialam- parang si Miguel. Hindi naman sila nag- aabalang tanungin pa ang isa’t  isa kung anong ginagawa nila doon. Isa lang naman kasi ang dahilan, ang makasakay ng bus at makarating sa kanilang kani- kaniyang destinasyon.

Dalawampu’t pitong taong gulang na si Miguel. Binata. Tipikal na binatang Pilipino. Hindi naman siya mahirap, at hindi rin naman ganun kayaman. Dating guro rin ang nanay ni Miguel at dating sundalo naman ang namatay na niyang ama. May-asawa nang lahat ang mga kapatid niya.Lahat sila ay babae.Si Miguel ang bunso. Kaya sila na lamang mag- ina ang magkasama sa lumang bahay nila sa Maypajo. Nasunod naman halos ang layaw niya dahil siya na nga ang pinakabata. Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Secondary Education Major in English sa isang premyadong kolehiyo sa Maynila. Gayunpaman, higit niyang pinili ang magturo sa pampublikong paaralan dahil ‘yun din ang ginawa ng kanyang ina. Saradong katoliko ang pamilya ni Miguel. Nabinyagan, unang kumonyon at kumpil na siya- kasal na lang ang kulang. Ang maikasal na lang ang hinihintay ng kanyang ina- ng kanyang pamilya na mangyari sa kanyang buhay.

Dumating na ang bus, sa wakas. Love Bus ang pangalan ng bus, sikat na bus. Buti na lang. Pero punuan na naman kasi rush hour daw. Dahil nasa Pilipinas, kahit halos parang sardinas na ang mga tao, ay ipipilit pa rin ng drayber at ng kundoktor na pasakayin ang kahit sino pang gustong sumakay. Nagdadalawang isip si Miguel kung sasakay ba siya o hindi sa Love bus. Punong- puno na. Parang aapaw na ang mga tao sa labas ng bintana. Pero sige pa rin ang sigaw ng kundoktor ng , “Makakaupo! Maluwag pa! Maraming bababa sa may palengke!” Ang tanging nasabi ni Miguel sa kanyang sarili ay, “Bahala na. “. Kaya sinuong ni Miguel ang dagat ng mga taong nais sumakay ng bus na ‘yun. Nakipagbalyahan siya, tulakan, murahan at siksikan siya hanggang sa makahanap ng munting pwesto. At nakahinga na siya kahit pa’no nang maluwag.

Ang Love bus ay isang pamosong kumpanya ng mga pampasaherong bus na bumabiyahe rito sa Kamaynilaan. Sinisirbisyuhan nito ang halos lahat ng taong naninirahan dito sa lungsod. Maliban kasi sa dyip, ang bus ang pinakamabilis na paraan para makarating ka sa pupuntahan mo. Makulay ang disenyo ng Love bus. May blue, green, red, at orange nito. Sa magkabilang gilid ay may nakaguhit na puso at may nakasulat sa loob nito na: “LOVE BUS”. Maganda.Matikas ang dating ng sasakyang ito.Kaya naman marami rin ang gustong makasakay. Marami ang naghihintay sa pagdaan ng Love Bus sa tapat nila.

Kahit panay ang pagtulo ng pawis ay panay- panay pa rin ang pasasalamat ni Miguel dahil nakasay na siya. Hindi siya male- late sa pagpasok. Nakakahiya naman kasing mas mahuli pa ang guro sa estudyante. At saka isa pa, Lunes nayon may flag ceremony. Sa kinatatayuan niya ay nakita siyang isang lalaking nakasuot ng long sleeved polo na kulay asul rin. Napansin niya ang lalaki dahil pakiramdam niya’y tinitignan siya nito. Pawisan na ang lalaking nakahawak sa bakal na nakakabit sa kisame ng Love Bus. Tumatagaktak na. Panay- panay ang paypay ng malapit nang malukot na folder na marahil ay kanina pa niyang hawak. Hindi maintindihan ni Miguel pero may kung anong nagsasabi sa kanya na kanina pa nakatingin ang lalaking pawisan. Pinilit niyang tumingin na lamang sa bintana. Pagkaraan lang ng ilang minuto ay nakarating na si Miguel sa Maypajo Integrated School. Bababa na siya. Bababa siyang hindi man lang nakakaupo, masikip pa rin kasi. Bababa na siya. Wala na sa Love Bus ang lalaking pawisan na akala niya’y nakatingin sa kanya kanina. Bababa na siya.

“Good morning, Sir.” ‘yan lang ang sinasabi ng gwardiya ng paaralan kay Miguel sa tuwing papasok siya tuwing umaga. Limang taon nang nagtuturo si Miguel sa eskwelahang ‘yun at nadatnan na niya ang gwardiyang nagbabantay sa gate noon pa man. Pero kahit minsan ay di man lang siya nag- abalang tanungin ang pangalan ng huli. “Ano bang alam ng gwardiyang ‘yun sa umaga ko? “ ‘yan lang ang sinasabi ni Miguel sa kanyang sarili  habang naglalakad sa loob ng paaralan, papuntang faculty room, pagkatapos siyang batiin ng gwardiya ng, “Good Morning, Sir. “. Para kasi sa kanya, sinasabi mo lang ang isang bagay kung ‘yun talaga ang ibig mong sabihin. Para kay Miguel, walang kwenta ang mga salitang walang laman at walang sustansya. Walang silbi ang mga salitang binigkas kung hindi naman ‘yun ang totoong gustong sabihin ng isip mo. Gusto sana niyang sagutin ng, “Sigurado ka bang good ang morning ko, Manong? “ ang gwardiya pero ayaw niya na lang maging bastos. Kaya isang malamig na pagtungo na lang ang isinusukli niya sa tuwina bago tuluyang maglakad palayo.

Malinis ang mesa ni Miguel sa faculty room nila. Maayos. Magkakasama ang Mongol na lapis at dapat nakagrupo sa bawat numero. Ibig sabihin, lahat ng Mongol #1 ay magkakasama, Mongol#2 at Mongol #3. Hindi pwedeng magkahalo- halo. Nakasalansan nang maigi ang mga ginagamit niyang libro sa pagtuturo. Wala ang kanyang lesson plan dahil iniuuwi niya ito para gawin sa kanilang bahay. Mabusisi sa gamit si Miguel at alam niya kung may gumalaw niyon at may nakialam sa simpleng pagtingin pa lamang.

“Good morning, mga Ma’am, mga Sir. Tena muna kayo’t may ipakikilala ako sa inyo.” Ang principal. Tinatawag mula sa pinto ang lahat ng mga gurong nasa loob nang faculty room. May ipakikilala raw.Ayaw sanang lumabas ni Miguel dahil abala siyang pinupunasan at tinatanggalan ng alikabok ang malinis niya namang mesa. Pero dahil ang principal ang tumatawag sa kanilang lahat, sino ba siya para hindi lumabas.

“Mga Ma’am, Sirs this is Mr. Paolo Buenaventura. Siya ang bago nating Science teacher. Kakapasa niya lang sa board exam. Bata- bata pa ‘to kaya kayo na lang muna ang bahala sa kanya ha. “ , sabay tapik sa balikat ng bagong guro. 


Naka- long sleeves polo na blue ang bagong teacher. Habol hininga pa’t mukhang hinihingal- hingal.Pawisan. Hindi maaaring magkamali si Miguel, siya ang lalaking nasa bus kanina. Siya ang lalaking sa palagay niya’y tingin nang tingin sa kanya.  Siya ang kasabay niya sa Love bus.

“Miguel Valencia. English Teacher”.Sabay abot ng kamay niya kay Paolo.

“Sir, tinitignan po kita kanina sa bus.”Ang nasabi ng batang guro.

“Huh? “ Ayaw na sana ni Miguel na malaman pa ni Paolo na alam  niyang magkasabay sila sa bus kanina. Hindi kasi masyadong maaayos ang itsura ng huli.  Ayaw na niyang mapahiya pa si Paolo. Gusto sana niyang sumagot ng,  “Oo. Ikaw ‘yung tingin nang tingin sa akin kanina sa bus. ‘yung mukhag di mapalagay na bagong salta sa Maynila. ‘Yung pawisang- pawisan dahil naka- long sleeves na sasakay sa siksikang bus!” Pero ayaw niyang sirain ang unang araw sa pagtuturo ng bagong guro. Kaya sinabi niya na lang na , “Oo nga. Natatandaan ko na, kanina sa Love Bus. Nandun ka rin pala.”.

“Oo. Naaalala mo na, Sir? Tinitignan kita kasi naka- uniform ka eh. Alam kong uniform ng public school teacher ‘yang suot mo. Alam ko rin na dito ka nagtuturo at bababa ka kasi ito lang naman ang public school na madadaaan nung Love bus. Natuwa lang ako kasi may nakasabay akong bagong co- teacher. Hindi lang kita nalapitan kanina kasi sobrang sikip talaga. Tapos, bumaba na ako agad sa kanto kasi meron pa akong pina- Xerox eh. “.

Hindi malaman ni Miguel ang isasagot sa mga sinabi ni Paolo. Ang bilis kasi.Ang dami. Parang hindi man lamang nanantiya ng ugali ng mga bagong makakatrabaho. Basta, nagtuloy- tuloy na lang sa pagsasalita. Parang magaspang ang ugali at walang modo. Parang isang batang naisipan na lang isang araw na magturo sa high school.

Dumaan ang araw na ‘yun ng tulad ng dati. Pagkatapos ng flag ceremony ay pumasok si Miguel sa loob ng kanyang klasrum; sa klase ng IV- Newton na siya rin ang adviser. Nagsimula sa pagtatanong kung sino- sino ang mga absent para ilagay sa class record. Nagalit siya sa mga huling mag- aaral at nagsabi ng, “ Wala kayong karapatang ma- late!”. Tumakbo ang klase nang maaayos. Gaya ng inaasahan niMiguel. Ayon sa kanyang panlasa. Sa pagtunog ng bell ay sabay- sabay na nagpaalam ang mga bata. Lumabas si Miguel sa klasrum ng IV- Newton para lumipat naman sa klase ng IV- Einstein. Lumipas ang umaga, ang maghapon na tulad din ng ibang araw.

“Sir! Sir! “ Malakas ang tinig ng isang lalaking humahangos sa likod ni Miguel.

Lumingon si Miguel. Si Paolo ang tumatawag sa kanya.

“O! Sir! Pauwi ka na? “ , ang sabi ni Miguel habang takang- taka kung bakit kinailangang pang tumakbo ni Paolo.

“Oo, Sir. Sabay na tayo. “

“Ah. Ok. Sige.”.

Napakunot- noo na lang si Miguel at napaisip. Bakit kaya gusto siyang kasabay ng taong ‘to?Sa palagay ba ni Paolo, magkaibigan na sila agad? Anong ikukwento at pag- uusapan nila habang naglalakad papunta sa sakayan?   
Sa mga panahong inilagi ni Miguel sa Maypajo Integrated ay hindi man lang siya nagkaroon ng kaibigan. May mga nakakausap at nakakakwentuhan pero wala siyang kaibigang sumasakto sa totoong depinisyon ng isang kaibigan. Wala siyang kasamang humalakhak.Makipagtsismisan.Hunatahan. Paminsan- minsa’y sumasabay siyang kumain sa ibang mga Fourth Year Advisers, lalo na ‘pag may meeting. Pero madalas, kumakain na lang siyang mag- isa sa canteen. Wala siyang masabihan ng kanyang mga sikreto, ng kanyang mga pangarap, ng kanyang panaginip. Para kasi sa kanya, hindi lahat ng katrabaho ay dapat na ituring na kaibigan. Para sa kanya, wala siyang obligasyon na kaibiganin silang lahat. Malinaw para kay Miguel ang pagkakaiba ng katrabaho at kaibigan.

“Gusto ko ng Fishball!”

May ngiti sa labi si Paolo sa pagkakakita sa nagtitinda ng fisball at scramble sa tapat ng gate ng Maypajo Integrated. Hindi nagdalawang isip ang binata at agad na kumukha ng stick at isa- isang tumuhog ng fishball na lumalangoy sa mainit na mantika.  

“Ayaw mo, Sir? “ Nagtanong si Paolo kay Miguel na tila gulat na gulat sa inasal ng kasama.

“Ha? Sige.Sige. Ayos lang ako. “ Gustong- gusto ng tumalilis ni Miguel para iwan si Paolo. Sa tinagal- tagal niya sa paaralang ‘yun, kahit minsan ay hindi siya kumain, ni huminto man lang sa tapat ng gate para pag- isipang kumain ng fishball na itinitinda sa kariton.  May presumsyon kasi siya na ang lahat nang itinitinda sa kalye ay marumi. At saka isa pa, nahihiya siyang makita ng mga estudyanteng nasa labas ng paaralang pinagtuturuan niya na nakikituhog siya at nakikikain ng fishball kasama sila. Hindi niya maunawaan ang ginagawa ni Paolo. Nakakahiya.

“Busog na ako.Ayaw mo talaga, Sir? “

“Sige. Ok lang ako.”

Nang matapos ng kumain si Paolo ay naglakad na silang dalawa ni Miguel papunta sa sakayan ng bus.Hindi pa rin lubos maisip ni Miguel na may ganitong uri pala ng lalaki, may ganitong uri pala ng teacher na tulad ni Paolo. Na walang pakialam, na gagawin lang ang gusto niyang gawin.

“San ka umuuwi? Si Miguel.

“Diyan lang ako, Sir sa may Bagong Barrio. Kaya pwde talaga tayong magsabay.Kahit papasok at pauwi pwede. Kasi isalang ang ruta ng bus na sinasakyan natin. Mauuna ka nga lang bababa. “. Ang sagot ni Paolo na kababakasan ng tuwa dahil sa loob niya, kahit papano’y di siya magiging mag- isa at malulungkot sa paaralang ‘yon. Mayroon siyang makakasama at makakasabay kahit sa biyahe man lang.

Hindi alam ni Miguel ang iisipin. Hindi alam ni Miguel ang isasagot.

Lumipas ang mga araw at ganun pa rin ang buhay ni Miguel. Pareho pa rin ang kanyang almusal. Ang sinasabi sa kanya ng gwardiya habang papasok siya ng gate. Ganun pa rin ang kanyang pamilya, ganun pa rin siya. May mga biyahe sa bus na nakakasabay niya si Paolo. Minsa’y nakukulitan na siya sa ingay at daldal nito pero nagagawa naman niyang pagtiyagaan. Sa katunayan, sa mga araw na hindi niya kasabay ang “katrabaho” ay tila ba hinahanap- hanap niya na rin ito. Pero, nawiwili rin siya sa katahimikan.

“Bakit mo binagsak ang anak ko!? Wala kang karapatang ibagsak ang anak ko!?”

Isang magulang ang sigaw nang siagw sa may pasilyo ng klasrum ng IV- Newton. Galit na galit ang babae habang dinuduro- duro si Miguel. Paulit- ulit nitong sinasabi na walang karapatan ang guro na ibagsak ang kanyang anak dahil nasa honor list ito mula first year hanggang third year. Hindi lohikal para sa magulang na ‘yun na kung kailan nasa fourth year pa ay saka babagsak ang anak niya.

“Misis, ayan ho ang class record ko. Pwede n’yo hong makita ang grades ang anak niyo.” Si Miguel.

“Ah eh, wala akong pakialam diyan. Ang tanong ko. Bakit bumagsak ang anak ko?”

“Ang class record ho ang sasagot sa mga tanong niyo.”

Sigaw pa rin nang sigaw ang babae. Naeeskandalo na ang buong paaralan dahil sa ginagawa niya.

“Misis, awat na po.Nakakahiya na po.” Si Paolo na di na nakatiis at sumabad na sa usapan nina Miguel at ng galit na galit na magulang ng estudyante.

“At sino ka naman?Pakialamero!”

“Teacher din ho ako dito!” Tumaas din ang boses ni Paolo.

“Pwede bang ‘wag kang maialam dito, Mister! Wala kang alam!”

“Mas wala kayong alam! Ang ingay- ingay n’yo! “ si Paolo na tila galit na galit na rin at halatang napikon na sa nagwawalang nanay. 

Tanging ang principal lang ang nakapagpapayapa ng sitwasyon na naging sobrang mainit. Bukod kay Paolo ay marami pang guro ang nakialam at sumagot para kay Miguel. Hindi naman ito bago para sa kanila. Mas bago pa nga ang sitwasyon para kay Paolo dahil siya ang pinakabago sa Maypajo Integrated.

“Oh. Para sa’yo.“ Iniabot ni Miguel kay Paolo kinabukasn ang isang kulay brown na supot na papel. May laman itong tatlong pirasong ensaymada.

“Uy, salamat, Sir. ‘Sarap nito ah. “

“Salamat din. Pero sa susunod ‘wag mo ng ulitin ‘yung ginawa mo kahapon. ‘Wag ka ng sasabat sa usapan. Kaya ko naman eh. Hindi naman ako bago sa mga magulang na histerikal. Alam ko naman ang gagawin.”.Si Miguel na kababakasan ng ngiti habang nagpapaliwanag sa katrabaho.

“Pasensiya ka na rin ha. Hindi ko na napigilan eh. Ang bastos kasi eh.  Sorry ha. “

“Wala ‘yun.Ano ka ba?

“Salamat ulit sa ensaymada, Miguel.”

“ ’Pakabusog ka, Paolo.”

Naunahan ni Miguel sa kanyang paggising ang pagtunog ng kanyang alarm clock. Ni hindi nagkaroon ng pagkakataon ang orasan na sigawan siya para bumangon sa kanyang kama na kulay pink na ang sapin. Lima pa rin ang unan niya.Pagkabangon ay nag- antanda siya ng krus. Binasa niya ang kanyang mukhasa banyo. Umupo sa mesa pagkatapos, at kumain ng Homemade Tapsilog na gawa ng nanay niya. Nakadalawang platong sinangag siya ngayon. Bago umalis ay humalik muna siya sa kanyang ina. Nakangiti siyang nag- antada muli ng krus bago maglakad papuntang sakayan ng bus.

Biyernes kaya hindinaka- uniform si Miguel ngayon, casual Friday sa paaralan nila. Sa waiting shed ay marami pa ring taong nag- aabang ng bus. At lahat sila ay nananalanging makasakay sa magandang bus, sa Love Bus. Kesehodang makipagsiksikan ulit baka makasakay lang. Malakas ang kabog ng dibdib ni Miguel ngayon di tulad noong mga nakaraang araw. Minsa’y naisip niyang magpatingin na sa doktor dahil napapadalas nitong huli ang pagbilis ng kabog ng kanyang dibdib.  Baka may sakit siya sa puso.

Isang malakas na busina ang ipinangbungad ng bus na paparating. At gaya ng inaasahan ay Love Bus ito. Buong lakas na nakipagtulakan si Miguel para lang makasakay. Ang mahalaga’y makasampa’t makalulan siya sa bus na ‘yun.


“Inaabangan mo talaga ‘tong bus ko ‘no? “ Isang mahinang tinig ang narinig ni Miguel. May bumulong sa kanyang kaliwang tainga. Sa gitna ng dikit- dikit na katawan ng mga tao, may bumubulong sa kanya.  Si Paolo.


“Sira!Kailan mo pa nabili ang kumpanya ng Love Bus? Para sa lahat ‘to.” Pasinghal mang sumagot si Miguel ay wala namang lamang galit ang kalooban niya. Natutuwa pa nga siya dahil mayroon siyang kasabay sa pagpasok.
Matagal- tagal na rin ang lumipas na panahon mula ng unang pagdating ni Paolo sa Maypajo Inegrated. Halos matatapos na rin ang school year. Buwan ng Setyembre nang bigla na lang siyang binigyan ng advisory class. Mula sa floating status (walang advisory class), ay nabigyan siya ng sarili niyang mga anak- anakan. Malayo- layo na rin ang tinakbo ng pagkakaibigan nila ni Miguel. Hindi lang sila sa biyahe nagsasabay. Maging sa pananghalian, sa meryenda, sa pagbili ng mga gamit sa school, minsan maghahapunan pa silang magkasama. Nakapunta na sila sa bahay ng isa’t isa. Napagkwentuhan na nila mula sa kanilang kabataan hanggang sa maaari nilang sapitin sa kanilang katandaan. Mula pulitika at pamamalakad ni Marcos, ang Martial Law, ang mga pelikulang bomba, ang ekonomiyang “gumaganda” raw, ang iba’t ibang “centers” na ipinapatayo ni Imelda sa NCR, ang pagkakaroon ng Light Rail Transit (LRT) na babiyahe sa kahabaan ng Maynila, at marami pang iba.

“Good morning po, mga Sirs.” Ang gwardiya ng paaralan.

“Good morning din, Kuya.” Si Miguel.

Si Paolo para kay Miguel ay isa ng kaibigan. Higit sa isang katrabaho ay kaibigan na niya si Paolo. Si Paolo lang ang nakatawid sa linya. Siya lang ang nakagawang wasakin ang pader na matagal na binuo ni Miguel. May kaibigan na si Miguel sa paaralan niya.

“Gusto ko ‘yung mga magiging anak ko ipapasyal ko sa bahay ng nanay ko. Para naman maalagaan din sila ng lola nila. ‘Yung magiging misis ko naman, sa bahay na lang siya. Ayoko siyang mapagod sa pagtatrabaho.”Si Paolo habang masayang nagkukwento kay Miguel.Habang kumakain sila ng nilagang mais na binili nila ilang metro lang mula sa gate ng paaralan at malapit sa sakayan ng bus.

“Ah talaga?” May kung naramdaman si Miguel. Tila bigla siyang nahirapang nguyain at lunukin ang mga butil ng nilagang mais na kinakain niya kanina pa.  “Ayos ‘yan.” Patuloy na nginasab ni Miguel ang mais. Tuloy- tuloy.Walang patlang.  Pero bumibilis na naman ang tibok ng kanyang puso, kumakabog na naman ang kanyang dibdib. Nanginginig ang mga kamay niya habang hawak niya ang nilagang mais.

“Magiging Ninong ka ng mga anak ko ha. Siguro ‘yung panganay, inaanak mo agad ‘yun.” Nakangiti pa rin si Paolo habang kumakain ng mais Sabay bigay ng isang marahang suntok sa balikat ng kaibigan.

Tanging pagtango lang ang naisagot ni Miguel kay Paolo. Ginawa niya ‘yun habang ngumunguya ng mais at nakatingin sa mga langgam na nakapila sa kanyang paanan.Nakapila ang mga langgam, pero hndi naman nila alam ang kanilang patutunguhan. Mula sa sakayan hanggang sa biyahe ay tila lumilipad ang diwa ni Miguel.

Lunes nang umaga, nag- aabang ng masasakyan si Miguel. Bus pa rin gaya ng dati. Marami pa ring tao sa waiting shed. May flag ceremony ngayon kaya hindi siya pwdeng ma- late. May parating ng bus. Pero hindi Love bus, ibang bus ito. Hindi pwedeng mahuli si Miguel kaya sumakay na siya agad sa unang bus na dumaan. Siksikan, dikit- dikit pa rin ang mga pasahero sa loob. Nakatayo lang si Miguel.

“Miguel, may bakante raw sa Andres Bonifacio High School ah. Kailangan nila ng English teacher dun.” Ang principal kay Miguel.

“San po ‘yun, Sir? “ Si Miguel na nagtanong sa punongguro na may halong pagtataka kung saan ba ang paaralang nabanggit ng una.

“Malapit ‘yun sa bahay n’yo. ‘Yun ‘yung bagong tayong school ni Madam Imelda. Biruin mo, walking distance lang ‘yun. Pwede kang mag- tricycle o pedicab ‘pag tinatamad kang maglakad.Makakatipid ka ng pamasahe.Gusto mo ba dun? “

“ ’Po, Sir?” Si Miguel sa Principal.

“Sayang naman ‘yun.’Kaw rin.”

Panandaling natigilan si Miguel.Nag- isip. Tila may kung anong pwersang nagsasabi sa kanya na ‘wag tanggapin ang panukala ng principal. Subalit may bumubulong rin sa kanya na sunggaban na ang isang magandang oportunidad.

“Maiiwan akong mag- isa dito?". Ito ang reaksyon ni Paolo nang sinabi ni Miguel ang posibilidad na lumipat sa ibang paaralan.

“Sayang naman. Malapit lang ‘yun sa amin. Matipid.“, si Miguel habang nakatingin kay Paolo.

“Iiwan mo nga talaga akong mag- isa.”, si Paolo.

“Sa Maypajo pa rin ako titira, hindi ako lilipat sa Tuguegarao. Ano ka ba?", si Miguel

“Iba pa rin ‘yun eh. Kaya mo bangwala akong kasama dito? Pa’no ako?”, Paolo.

“Ikakasal ka! Magkakaanak ka! Magkakaapo kayo! Magkakapamilya ka, Paolo!”, Miguel.

“Eh ano?Magkaibigan naman tayo ah.”, Paolo.

“Pa’no ako!?”, Miguel.

“Pwede kitang maging kaibigan.Kung ano ‘yung noon.Kung ano ngayon. Ganito lang.  “, Paolo.

“Ha?”, Miguel.

Tumalikod na si Miguel.

“Hindi na ko magpapakasal! Hindi na ako mag- aasawa!", Si Paolo.

“Talaga!?”, Si Miguel.

“Oo.”, Paolo.

“Sigurado ka ba? ", Miguel. 

Panandalinang hindi nakaimik si Paolo.

“Hindi ka sigurado.”, si Miguel muli.

“Wala namang sigurado sa buhay di ba?.Wala namang kasiguraduhan ang lahat. Ang sinasabi ko lang sa’yo ngayon hindi na ako mag- aasawa. Hindi ka pa ba masaya?”, si Paolo muli.

“Wala pa rin ‘yang patutunguhan.Hindi ka pa rin sigurado.", si Miguel.

“Ano bang gusto mo?”, si Paolo.

“Tamang direksyon.”, si Miguel.     

Araw- araw pa ring pumapasok si Miguel sa paaralan bilang English Teacher hanggang ngayon. Paretiro na rin siya sa serbisyo. Hindi siya nag- ambisyong maging principal o ng kahit anupamang mataas na posisyon sa paaralan. Sandali lang siyang naging department head noong dekada ’90 pero binitiwan niya rin agad, higit na may halina talaga sa kanya ang pagtuturo. May ilang negosyo na ring naipundar si Miguel. May bahay bakasyunan na rin siya sa Tagaytay. Nakapunta na siya sa Hong Kong, Japan, sa Europa, sa Australia at sa Amerika para lang magbaksyon at magliwaliw. Malaki- laking halaga na rin ang kanyang naipon dahil sa tagal na niya sa trabaho. Sumasakay pa rin siya ng pedicab sa tuwing papasok siya. Ayaw niyang sumakay ng tricycle dahil matagtag daw sa biyahe. Maraming taon na rin siyang hindi nakakasakay ng bus, ang paborito niyang Love Bus. Dahil na rin sa katandaan ay wala na siyang hilig magbiyahe, at wala naman siyang makakasama. Sa panahon kung kalian mayroon ng jeep, fx, taxi, lrt at mrt ay tila may kung ano pa ring halina ang bus sa kanya.

Isang araw, habang papunta sa kung saan, sa isang pambihirang pagkakataon, pagkaraan ng maraming taon ay nakakita muli ng Love Bus si Miguel. Subalit hindi na ito tulad ng dati. Wala na ang dating rangya at garbo nito. Wala na ang tikas at magandang tindig ng mahal niyang bus. Ang simbolo ng kanyang kabataan.Ang sasakyang nais niyang muli siyang mailulan at maiduyan.

“San Mateo” ang biyahe ng Love bus na paparating. Anong gagawin ni Miguel sa San Mateo? Bakit siya pupunta dun? Wala na siyang pakialam. Ang mahalaga lang ngayon para kay Miguel ay ang muling makasampa sa Love Bus. Kaya pa niya.Kaya pa ng lolong ito ang malayuang biyahe. Buong giting na itinaas ni Miguel ang kanyang kanang braso para parahin ang paparating na bus. Malayu- layo pa pero tuloy- tuloy na ang pagkawag ng kanyang braso. Tila isang batang sabik na sabik sa isang basket ng kendi. Hayan na ang Love Bus. Hihinto na. Bumibilis ang kabog ng dibdib ni Miguel. Nanginginig ang kanyang mga kalamnan. Malapit na ang bus. Marahang humakbang ng tatlong beses papalapit si Miguel para mabilis siyang makasampa sa hagdan ng bus na papalakas na ang busina. Nakataas pa rin ang kanang braso ni Miguel. Malapit na. Hayan na. 

“Para! Para!” Sigaw ni Miguel.

Tuloy- tuloy lang sa pagtakbo ang bus. Tuloy- tuloy lang at ni hindi pinansin ang matandang si Miguel. Nabasa pa rin niya ang nakasulat na “Love Bus” sa gilid nito, bagamat kinakalawang na. Naiwang nakatayo si Miguel habang minamasdan ang papalayong bus.Naiwang nakatayo si Miguel. Mag- isa.   


No comments: