Tuloy- tuloy ang biyahe ng sasakyang lulan
Papalit- palit at sari- sari ang tanawin sa daan
Animoy larawang buhay, nilikha ng mga mapagpalang kamay.
Tahimik ang mga nakangiting labi
Habang di na mabilang ang mga matang naniningkit
Sa luntiang parang at bughaw na langit.
Nakasusunog man ang sikat ng araw
Nakasisilaw man ang liwanag nito
Walang alinlangang tumingala at di ininda ang hapdi
Nakisayaw sa hangin, sa ibabaw ng buhangin.
Tila may kakaiba sa mga bagay sa paligid:
Bagaman higit na matingkad ang pagkarosas ng Rosas
At kahit pa ang mga dahon nito'y puspos ang pagkaberde
Nakapagtataka, walang bangong taglay ang mga Dama de Noche.
May paanyayang hatid ang mga alon sa dagat
Sa bawat yakap sa batuhan , at halik sa dalampasigan
Nakamamanghang tignan ang kanilang pagniniig
Subalit ang aking kastilyo'y sinira nang paulit- ulit.
Halos abot- kamay ang gintong araw sa dapithapon.
Parang isang pukol lang mula sa kinatatayuan.
Maaaring marating, sa pagtapak- pagtawid sa ibabaw ng tubig.
Sa katotohanan, isang milyong milya ang pagitan; malaking kalokohan.
Kahit pa nasa harap ko na ang isang "perpektong mundo"
'Singganda man nito ang hardin ng Eden
Ihain man sa akin ang lahat ng yaman ng kalikasan
Mapuno man ang sisidlan ko ng pilak at ginto
Kung papipiliin- mas nais pa rin kitang makasama
Manatili at mamalagi na lamang sa 'yong tabi.
Maglakbay sa iba pang dako nang hindi nililisan ang kinalalagyan.
Ang maglakad, tumakbo at tumuklas ng bagong mundo
Nang hindi umaalis sa piling mo.
No comments:
Post a Comment