Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Saturday, May 14, 2011

Paboritong Apo

Tawa pa rin nang tawa si Ging- Ging. Tawa siya nang tawa habang nakatingin sa pusang- gala na naligaw sa labas ng munti nilang barong- barong. Nilalaro ng pusa ang balat ng bubble gum na itipon niya kanina. Nasa loob lang ng bahay si Ging- ging, nakapamintana habang ngumangata ng bubble gum. Nakatingin siya sa pusa at tawa siya nang tawa.

Alas siete y media na ng umaga nang magising si Emman. Tanghali na ito kung tutuusin dahil ang karaniwang gising niya ay mula sa pagitan ng alas singko at alas sais. Pupungas- pungas pa ang bata nang bumangon mula sa kinahihigaang karton ng chichirya na hiningi pa niya sa tindahan ni Aling Miling sa may labasan . Katabi niya ang nakababatang kapatid na si Ging- ging na himbing na himbing pa rin sa pagtulog. Nagmumog na si Emman. Sinuklay ng mga maliliit na daliri ang magulo at nagdidikit- dikit niyang buhok. Kinuha niya ang tabong yari sa lumang lata ng gatas, sumalok ng tubig sa timba. Binasa ang mukha para lalong magising at mawala ang antok. Nagwisik- wisik.

“Tarantado ka talagang bata ka eh ‘no! Anong oras na?” Tanghali na ah!” Isang matandang lalaki mula sa labas na ngayon ay nakatayo na sa pinto ng barong- barong ang biglang sumigaw para kunin ang atensyon ni Emman- si Lolo Peping.

“Paalis na po. Ginabi lang ako kasi nananalo ako sa Bingo-han. Nakatama po ako ng limang daan nung simula, sa unang laro. “ Depensa ng batang si Emman.

Biglang lumiwanang ang kanina’y madilim na mukha ng matanda. “Aba, eh na’san na ang pera?” Nakalahad ang mga palad. Nakangiti. “Dali, para maipambili ko ng pandesal at saka kape.”

“Ah eh…wala na ho eh.” Kumamot sa ulo si Emman.

“Ano? Eh na’san na?” Si Lolo Peping na parang takang- taka.

“Di ba nga po nung umpisa ako nananalo, eh di bumili pa ako nang bumili ng mga bingo card para maglaro hanggang sa blackout. Baka kasi manalo pa ko ng mas malaki. Pero…”

Nawala na ulit ang ngiting panandaliang dumapo sa bibig ng matanda kanina. Busangot na ulit, tila alam na kung ano ang kasunod na sasabihin ng batang apo.

“…naubos po eh. Kakabili ng cards. Akala ko mananalo ako nang malaki. Inalat nung mga huling bola. Tapos, tumaya din ako dun sa color- color…wala rin po eh. Nanalo ako ng Chippy, ‘yung maliit.” Medyo mahina ang boses ng bata. Tila alam na rin niya ang mangyayari pagkatapos niyang sabihin ang katangahang ginawa. Nag- abot siya ng singkwenta pesos sa matanda. “Eto ho ang natira.” Sabay kamot ulit sa ulo.

Tahimik lang ang matanda pero busangot. Nakapamewang habang nakatayo na parang gwardiya sa may pintuan.

“Alis na ho ako. “ Nagpaalam na ang bata at kinuha ang kamay ng kanyang lolo para magmano.

Bago tuluyang makalabas ng kanilang munting barong- barong si Emman, isang malakas na dagok ang pinakawalan ng kanyang lolo para sa kanya. Sapat para madapa ang bata. Mabuti na lamang at naitukod niya ang kanyang mga kamay at braso sa maruming lupa kaya hindi siya tuluyang sumubasob.

First year high school na si Emman. Sa edad niyang dose, ay hindi aakalaing high school na siya. Mukha siyang elementary. Payat na bata at hindi rin katangkaran. Laging nakasuot ng mga malalaking damit, ‘yung mga tipong sa unang tingin ay malalaman na hindi talaga siya ang may- ari, baka binigay lang o nakuha sa kung saan. Mas gusto niyang tinatawag siyang Emman kaysa sa tunay niyang pangalan na Emmanuel, mas “cool” daw kasi. Mas magandang pakinggan. Tipikal bata na ayaw papatawag ng kanyang makalumang pangalan. Parang pangalang pangmatanda ang “Emmanuel” aniya kaya mas gusto niyang marinig ang “Emman” na binibigkas ng mga kaklase, kaibigan at kahit ng mga guro niya. Ang Lolo Peping niya lang ang tumatawag sa kanya ng Emmanuel sa kanya. At kadalasan, ang bawat pagbigkas ng kanyang lolo sa kanyang pangalan ay pasigaw, pasinghal.

Grade 1 pa lang si Emman ay laman na siya ng kalye. Walang araw yata na napirmi siya sa bahay. Makukulong lang siya sa munti nilang barong- barong kung may bagyo. Kahit kasi umuulan, kung papatak- patak lang naman, lalabas pa rin siya. Mahilig lumabas- labas si Emman hindi para maglaro o maglakwatsa. Gumagala si Emman dahil kailangan niyang kumita ng pera. Kundi nangangalakal ng basura sa may malapit na tambakan, sumasama siya sa mga kaibigan para mangolekta ng mga bote, diyaryo, bakal at mga plastic. Nasusuyod nilang magkakaibigan ang halos kabuuan ng Quezon City sa buong umaga. Sa hapon, pumapasok naman siya sa paaralan hanggang gabi. Pagkatapos ng klase at kung may enerhiya pa siya, dun lang siya makakapaglaro, o tatambay na lang sa tindahan ni Aling Miling, o sa may tabing creek, o sa may covered court malapit sa paaralang pinapasukan kasama ang mga kaibigan. Magkukwentuhan sila ng kung ano- ano hanggang sa mapagod.

“Emman, kunin mo ‘yung bote  ng C2! Ayun o!” Si Mark na kaibigan ni Emman habang itinuturo ang plastic na bote ng inuming tsaa na nakalapag sa semento katabi ng basurahan.

“Hehehe. Marami- rami na ‘to ah.” Masaya si Emman dahil mukhang maaga yata silang makakatapos ni Mark sa pangongolekta ng plastic.

“Oo nga. Ibenta na natin para may pambaon tayo mamaya. Gusto kong bumili ng malaking Mr. Chips eh. Gusto ko ‘yun ang baon ko mamaya. “ Nakangiti rin si Mark habang iniisip ang malaking chichirya na uubusin niya mamaya sa recess. Hihingi ang mga kaklase niya, magdadamot siya sa simula. Pero magbibigay rin naman nang kaunti sa kalaunan. Puntos ‘yun para maging popular sa mga kamag- aral.

“Bakit malaking Mr. Chips pa ‘yung bibilhin mo? Maliit na lang. Mauubos mo ba ‘yung ganun karami?” Si Emman habang binibilang ang mga plastic sa sako niya.

“Ah basta. Gusto ko ng malaking Mr. Chips!” Si Mark habang nagbibilang din ng plastic sa sako niya.   

“Magagalit sa akin si Lolo ‘pag bumili ako ng malaking chichirya. Sasabihin nun timawa ako. Sisigaw na naman.” Lumungkot na naman ang mukha ni Emman.

“Ang sungit ng Lolo mo na ‘yun’no? Kaya siguro umalis na si Ate Milet sa inyo. ‘Sungit ng lolo n’yo eh.” Si Mark na parang nagtataka.

“Ewan. Bigla na nga lang lumayas si Ate. Lalo tuloy nagalit si Lolo. Lalo siyang naging masungit lagi nung umalis si Ate. Ewan ko ba dun. “ Si Emman.

“Si Ging- ging? Buti hindi siya sinusingitan ni Lolo Peping? ‘Kulit kaya nun.”Si Mark.

“Hindi ‘no!? Anak kaya ng Diyos ‘yung si Ging- ging. Mahal na mahal ‘yun ni Lolo. Lagi silang magkasama. Laging ipinapasyal ‘yun ni lolo maski noon pa. Laging may chichirya ‘yun at saka biskwit.” Buong pagmamalaking kwento ni Emman.

“Akalain mo’yun. May kabaitan pala si tanda eh ‘no.” si Mark.

Si Lolo Peping ay dating nangangalakal din ng basura. Tatay siya ng tatay ng magkakapatid na Milet, Emman at Ging- ging. Sa kanya na naiwan ang mga bata magmula nang maulia sila. Nagkahiwalay sila ng kanyang asawa noon pa mang unang bahagi ng dekada ’90. Mula noon, tila buhay- binata na ulit si Lolo Peping.  Sa edad niya ngayon na Singkwenta y Otso, malakas pa siya. Kumikita siya sa pagtitinda- tinda ng sigarilyo sa labas ng isang shopping mall, sa ibaba ng foot bridge sa kahabaan ng Edsa.  Pero huminto na rin siya sa pangngalakal ng basura dahil sa paminsan- minsang sumpong ng rayuma. Ayaw na niya  ng mahabaang paglalakad.

“Bibilhan kita ng bagong damit, at saka kakain tayo ng cheeseburger ha. Gusto mo ba ‘yun? “ Malambing na tanong ni Lolo Peping kay Ging- ging habang nakakandong sa kanya ang bata.   

Ito ang bumungad kay Emman nang dumating siya sa barong- barong, alas dose ng tanghali. Nakaupo sa may hapag si Lolo Peping, nakakandong sa kanya si Ging- ging. Nasa mesa pa ang pinagkainan ng tanghalian, kumain na ang matanda at ang kanyang kapatid. Isa lang ang plato, malamang ay sinubuan na lang ulit si Ging- ging.

“O, maaga ka yata?” Gulat na tanong ni Lolo Peping nang Makita ang kanyang apong si Emman na nasa may pintuan. Ibinaba niya si Ging- ging sa isa pang upunan.

“Ala una po ang pasok ko.Kailangan ko pang maghanda.” Si Emman. Kumuha siya ng isang baso ng tubig at lumagok nang tuloy- tuloy.

“Eh wala nang ulam. Pa’ano ba ‘yan? “ Si Lolo Peping.

“Ayos lang, ‘lo. Mamaya na lang ako kakain ng alas tres y media. Sa recess na lang, sabay tanghalian at meryenda. ‘Bili na lang ako ng tinapay. “ Mahina ang boses ni Emman.

“Bahala ka.” Si Lolo Peping.

Hindi na ito bago kay Emman. Hindi naman ngayon lang siya naubusan ng ulam. Hindi naman ngayon lang siya nabalewala sa bahay nila. Madalas, siya na lang ang dumidiskarte para sa kanyang sarili. Magkaganunpaman, hindi nagtatanim ng sama ng loob si Emman sa Lolo niya. Ang iniisip niya na lang, ganun naman talaga ang lahat ng matatanda- masungit, bugnutin, mainitin ang ulo. At saka kung wala naman na talagang ulam, baka wala na talagang pambili. Naubos kasi kaunti lang, sapat lang para sa kanilang dalawa ni Ging- ging. Kahit minsa’y napapatanong na lang siya sa kanyang sarili kung bakit hindi siya masyadong mahal ng kanyang Lolo Peping, hindin pa rin siya masyadong nagdaramdam. Ang mahalaga para sa kanya, mahal ni Lolo Peping si Ging- ging. Marahil dahil sa isang taon lang ang pagitan nilang dalawa, kaya sobrang malapit si Emman sa kapatid na babae. Kung pwede nga lang ay siya na ang mag- aruga sa kapatid. Inaalagaan ng lolo niya si Ging- ging kaya nakakapag- aral siya at nakakaraket pa kahit pa’no. ‘Yun na lang ang mahalaga para sa kanya. Pasalamat na siya roon.

“Class, may babayaran kayo bukas. Kailangan n’yong bumili ng ticket. 100 ‘yun lahat. Ang hindi magbayad, walang project ha. “ Ang adviser ni Emman. Sinasabihan na ang buong klase na maghada ng Isandaang piso para pambayad ng ticket bukas.

Alumpihit si Emman. Saan siya kukuha ng Isandaang piso? Ang pambaon niya nga para sa pagpasok niya sa hapon, binubuno pa niya sa umaga. Saang kamay ng Diyos niya kukunin ang 100 piso pambayad ng tiket para sa cake raffle ni Ma’am?

Pagdating niya sa barong- barong, walang tao. Mag-a alas otso na ng gabi. Tahimik. Iginala ni Emman ang mga mata niya sa kabuuan ng kanilang munting dampa. Kahabag- habag ang itsura ng bahay, kung bahay ngang matatawag ‘yun. Biglang bumukas ang pinto ng banyo. Lumabas si Lolo Peping at si si Ging- ging. Nakabalot ng tuwalya ang bata at basa ang buhok.

“Bakit hindi ka man lang kumakatok, lintik ka!” Ang sigaw ni Lolo Peping sa apong kararating lang.

“Hindi naman po talaga ako kumakatok ‘pag pumapasok dito sa bahay ah.” Sagot ni Emman.

 “Sumasagot ka pang bwisit ka! ‘Kita mong pinaliliguan ko ‘yung kapatid mo. Tarantadong ‘to!” Galit pa rin ang matanda.

“Gabi na ho ah, bakit n’yo pa po pinaliguan si Ging-ging?” Tanong ni Emman na may halong pagtataka.

 “Walang kang pakialam! Init na init nga ‘yung, kapatid mo! Gago ka talaga!” Padabog na inilagay ng matanda ang tabo sa lababo.

Hindi na lang pinansin ni Emman ang galit ng lolo niya. Huminga siya nang malalim. Bumuwelo para sa isang tila masinsinang laban.

“Lolo, pwede mo ba akong bigyan ng 100. Ibabayad ko lang sa tiket bukas. Project ko po kasi ‘yun eh. “ Buong hinahong pagkakasabi ni Emman.  

“Wala akong pera!” Galit pa rin ang matanda.

“Pero, ‘lo. Kailangang- kailangan ko po talaga. Baka bumagsak po ako. Sayang naman po ‘yung pag- aaral ko, ‘lo.  Please po. 100 lang, lo. “ Pagmamakaawa ng bata.

“Wala nga akong! Bwisit na ‘to!” Ang matandang sumisigaw pa rin.

“Lolo,please po…” Hinihigit na ni Emman ang damit ng lolo niya. Para lang makumbinisi.

Hindi pa man natatapos makapagsalita ang bata ay isang malakas na sampal ang pinakawalan ng kanang kamay ng lolo niya. Tumama ang palad ng matanda sa kaliwang pisngi ng bata. Pero sa sobrang lakas nito ay parang naalog ang buong ulo ni Emman, ang buo niyang katawan, ang buo niyang pagkatao.  Napaupo sa sakit si Emman. Hawak-hawak niya ang kanyang mukha habang tuloy- tuloy na umaagos ang luha sa kanyang mapupulang mata. Panay- panay rin ang tulo ng uhog at pagtagaktak ng pawis ng bata dahil sa di maampat na pag- iyak.

“Tumigil ka! Hindi ka ba titigil!? Tumigil ka!” Ang matandang pinatatahan ang apo.

Lumabas ng bahay ang matanda, pero bago niya itapak ang kanyang kanang paa sa kabilang bahagi ng pintuan. Hinagis niya muna kay Emman ang plastic na lalagyan ng shampoo at sabon.

“Ligpitin mo nga ‘yan. Pati ‘yan nadala ko dito sa labas. Leche ka!” Utos ng matanda habang papalabas ang matanda.

Tahimik lang si Ging- ging habang pinagmamasdan ang Kuya niya na umiiyak. Nakatapis pa rin siya ng tuwalya. Wala ring masabi si Ging- ging, hindi niya rin kasi siguro alam ang sasabihin.   


Kinabukasan, maagang umalis si Emman para mangalakal ng plastic. Iniisip niya na baka kung mas aagahan niya ang paglakad, baka mabuo niya rin ang kailangan niyang halaga para sa project niyang cake raffle ticket ni Ma’am. Hindi na niya inisip ang nangyari kagabi. Masakit pa ang mukha niya pero hindi na niya ‘yun ininda. Hindi na niya isinama si Mark, aniya mas mabuti kung siya lang muna mag- isa ang lalakad para wala munang kaagaw sa kalakal.

Mabilis na lumipas ang  bawat segundo, minuto at oras. Sinikatan, sinungitan at siguradong lulubugan na naman ng haring araw si Emman sa kalye. Kahit masakto niya lang ang isandaang piso, kahit wala nang sumobra. Bitbit na ni Emman ang kanyang backpack sa pangongolekta ng mga plastic. Inisip niyang hindi na siya uuwi sa kanila bago pumasok. Nasa loob na rin ng backpack ang uniporme niyang gagamitin. Makikigamit na lang siya ng kubeta sa kung saan para makibihis.

Alas dose y media na, nasa junkshop na si Emman para ibenta na ang mga nakolekta niyang plastic. Sa kasamaang palad, sitenta y singko pesos (75) lang ang napagbentahan ng lahat ng naipon niyang basura. Alalang- alala na siya. Hindi na niya malaman kung paano ang gagawin. Pa’no na lang siya makakabili ng tiket ni Ma’am? Project ‘yun, baka bumagsak siya.

“Magkano pa ba ang kailangan mo? “ Si Manong Joey. Ang may- ari ng junkshop.

“Bente singko pa ho sana. ‘sandaan po kasi ang babayaran kong tiket.”

“Siya. Pauutangin na muna kita. Diyan ka lang naman nakatira. Basta bayaran mo bago matapos ang buwang ‘to ha. O, eto.” Iniabot ni Manong Joey ang bente singko pesos kay Emman.

Hindi mapagsidlan ang tuwang naramdaman ni Emman sa mga oras na iyon. Hindi niya lubos maisip na may mga tao, kahit hindi naman niya kamag- anak na handang tumulong. Walang gaanong tanong at kwestityon, basta tutulong. Makakabayad na siya, hindi na siya babagsak kay Ma’am. Napakasaya ni Emman.
Inabot na ng alas diyes ng gabi sa labas si Emman nang araw na iyon. Nagtuloy- tuloy ang saya ng bata. Napakwento siya sa ang kaibigan sa may tabing creek. Habang naghuhuntahan ay panay ang tawa ni Emman. Nanlibre pa ang isa nilang kasama ng chichiryang tigpi- piso at saka Ding Dong. Bumili rin ng  malaking RC na pinalagay nila nang pantay- pantay sa plastic na lalagyan. May pambara at panulak na sila sa isang masayang kwentuhan. Napakasaya ni Emman.

Pagdating ni Emman sa kanilang dampa ay nakasarado ito. Malamang ay inisip ng kanyang Lolo Peping na baka nakitulog na siya sa isa sa kanyang mga kaibigan o sa kung saan mang lupalop kaya pinagsarhan na siya ng bahay. Hindi naman na ito bago sa kanya. Napagsarhan na siya ng pinto noon. Ang hindi alam ng kanyang lolo, alam niya kung pa’no makapasok. Mayroon na siyang paraan, susungkitin lang naman ang alambreng nagsisilbing kawit na pangsara ng pinto.  Hindi na kumatok o sumigaw si Emman dahil ayaw na niyang makabulahaw pa sa mga natutulog. Kaya ang ginawa niya na lang ay kumuha ng isang stick. Sinipat ang siwang ng pinto at hinanap ang alambreng nagsisilbing kawit na pangsara. Nang makita niya ito ay dahan- dahan niya itong sinugkit. Parang may gising pa. Parang hindi pa natutulog ang mga tao sa loob ng bahay, gabing- gabi na.  

Nang mabuksan ni Emman ang pinto ay hinanap niya agad si Ging- ging. Wala doon ang kapatid. Ang nakita niya lang ay ang kanyang Lolo Peping na nakadapa, natatakpan ng kumot. Hindi. Nandoon pala si Ging- ging. Nandoon din pala ang kapatid niya, may kung anong nginunguya sa bibig, bubble gum yata. Tahimik lang. Hindi nagsasalita. Baka kasi hindi naman alam ni Ging- ging ang sasabihin.

Mabilis na kinuha ni Emman ang kutsilyo sa may lababo. Hindi na siya nag- isip. Mabilis. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito…basta maraming beses. Akala niya hindi kaya. Akala niya hindi niya magagawa. Para kay Ging- ging. Para sa kanya. Hindi niya tinantanan. Hindi niya tinigilan.

Napatayo na lang si Ging- ging. Tawa siya nang tawa sa mga nangyayari. May dumaang pusa. Tawa siya nang tawa habang nakatingin sa pusang- gala na naligaw sa labas ng munti nilang barong- barong. Nilalaro ng pusa ang balat ng bubble gum na itipon niya kanina. Nasa loob lang ng bahay si Ging- ging, nakapamintana habang ngumangata ng bubble gum. Nakatingin siya sa pusa at tawa nang tawa.  

Basang- basa ng dugo ang damit at ang buong katawan ni Emman. Ang tangi niya lang nasabi sa kapatid, “Ok na. Ok ka lang ba, Ging- ging?”.   

Biglang huminto sa pagtawa ang kapatid na babae. Walang imik. Tahimik lang. Hindi nagsasalita. Hindi kasi talaga alam ni Ging- ging ang sasabihin. Tahimik lang siya, pero lumuluha na.
  
          

No comments: