Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, May 6, 2011

Hindi Laging sa Asotea Nagsisimula ang Lahat

Hindi laging sa asotea nagsisimula ang lahat.
Romantiko subalit humahagibis ang mga pagkilos na naganap.
Pumapagaspas ang lawin, rumaragasa ang ilog.
Bagaman maningning ang mga tala nang gabing yaon,
At may kalamigan ang ihip ng hanging amihan,
Mapupusyaw pa rin ang mga rosas sa paligid. 
Nagkulay dugo ang malawak na karagatan,
Mga ungol at halinghing
Na lamang ng mga batang tigre ang maririnig,
Mga tuko at kuliglig…
Katahimikan.

Lumipas ang mga araw
At bumalik sa normal ang lahat-
Akala lang nila iyon.
Hanggang sa umikot- ikot ang sikmura ng unang hayop.
Umikot- ikot naman ang ulo ng isa pa.
Para silang mga hilong talilong na hindi alam ang gagawin.
Para silang trumpong nakatakdang umikot nang habambuhay.
Panay panaghoy nila at ng iba pang mga hayop ang maririnig.
Hindi man nagkulay dugo ang karagatan…
Napuno naman ng ulap ang kalangitan.
Katahimikan.

Masinsin ang pagkakahabi
ng kanyang traje de boda.
Punong- puno ng mga ohales at iba pang adorno-
Gawa sa kombinasyon ng telang pinya at seda.
Nakapusod at banat na banat
ang kanyang mahabang buhok.
May kamison pa siyang suot bilang panloob.
Naglalakad na siya sa ibabaw ng alpombra.
Naiilang pa rin siya sa mga matang nakamasid.
Ang dapat sanay paglalakad sa ibabaw ng mga talulot ng dalia,
Ay parang pagmamartsa nang nakayapak sa sementong may bubog at tinik
Napakahaba ng kanyang belo.
Maaaring matapakan nang kahit na sino.
Maraming matang nakatingin…maraming hayop ang nakalabas ang ngipin.
Pero ang tanging maririnig sa paligid-
Katahimikan.

Naghihintay ang isa sa altar,
Pigil na pigil at paputol- putol ang kanyang hinga.
Butil- butil na pawis ang lumlabas sa kanyang buong katawan.
Bagaman plantsado dahil sa pomada ang kanyang buhok
Gusot- gusot na ang Barong Tagalog niyang suot.
Nakakuyom ang palad habang nakapamulsa.
Lunok nang lunok kahit di naman kumakain,
Kailangan din ng tubig dahil kanina pa nahihirinan.
Nangangatog ang tuhod sa kaiisip kung ano mangyayari kinabukasan.
Ang sandaling kaligayahan ba’y magdudulot ng habambuhay na kapahamakan?
Tanging hiling niya sa mga sandaling ito’y –
Katahimikan.

Perpetwal at hindi maampat ang pagluha ni Inang Maria.
Mahinahon subalit halatang may tampo si San Jose.
Pihong lalong titindi pa ang paghihirap ni Hesukristo sa pagkakapako Niya sa krus.
Magpasalamat na lang at kahit pa’no,
Hindi na kailangan pang mag- alay ng itlog at panalangin kay Sta. Clara sa Obando.
Gusot- gusot na ang Barong Tagalog ng lalake.
Masinsin ang pagkakahabi ng traje de boda ng babae.
Punong- puno ng mga ohales at iba pang adorno-
Gawa sa kombinasyon ng telang pinya at seda-
Pero hindi puti ang kulay nito kundi pula.


No comments: