Hindi ka na naman nagpaalam.
Mabuti na lang mayroon kang itinirang ulam.
Hindi ka pa naghugas ng pinagkainan.
Pininaw mo na pala ang mga damit sa sampayan.
Wala na palang kanin.
May tinapay pa.
May butas na ang bubong, baka tumulo ‘pag umulan.
Maayos na ang baradong lababo.
Napakahirap bang gawain ang magwalis?
Napunasan at natanggalan na ng alikabok ang mga pigurin.
Parang may mga batang nagpasirko- sirko sa kama!
Napalitan na ang pundidong ilaw.
Mag- isa akong manonood ng telenobela.
Malamang siopao ang uwi mong pasalubong.
Mag- isa na naman akong iiyak, tatawa, iiyak, tatawa… na parang baliw.
Sabay tayong iinom ng maligamgam na gatas para mabilis makatulog.
Mag- isa akong nakaupo sa sofa habang nakataas ang paa.
Mamasahihin ko ang mga nanakit mong kasu- kasuan at kalamnan.
Magsindi kaya ako ng sigarilyo? Kahit isang stick lang.
Lotion kaya o powder?
Samahan ko na rin kaya ng beer, o kaya sa- shot na lang ako…mag- isa.
Maligo kaya ako ulit para maging mabango sa pagdating mo?
Kanina pa kita hinihintay.
Hihintayin kita kahit umagahin ka pa.
Wala naman sa usapan nating gwardiya pala ang papel ko- laging nag- aabang.
Kahit hindi ako obligado, gusto ko pa ring gawin.
Dapat tayong dalawa, bakit parang ako lang?
Magkaiba pa rin tayo- iba ka at iba ako.
Haaaaaaaaaaaaaaaaaaay…
Hmmmmmmmmmmmmmmmmmm…
Magpasalamat ka kasi…
Pero sa kabila ng lahat…
Mahal kita.
Mahal kita.
No comments:
Post a Comment