Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Tuesday, May 24, 2011

Sunday morning, stars are falling ♫♫♫♫♫

Sobrang naaliw ako sa panonood nang live sa studio ng Party Pilipinas!
Salamat sa pinsan kong si Edwin Rey at sa mga friends niya. Pati kay Ms. Jonalyn Viray na pumayag magpa- picture na naka- heart shaped hands para sa album ko. Akalain mo 'yun. :) 
Kahit wala doon si John Lloyd (dahil Kapamilya siya :l ) natuwa talaga ako nang sobra. 
For the greater glory of the Filipino (Pop) Culture! Yeah! 








Friday, May 20, 2011

Iniibig Kita awiting ginawa ni Ryan Cyabyab




Kulang ang araw at gabi 'pag kita'y kapiling.
Kahit ang bukas ay di rin sapat upang mamasdan lamang kita.
Labis kitang minamahal, pag-ibig ko'y walang kapantay.
Kung kaya ko lang abutin ang mga bituin t'yak ito'y gagawin.

Malaman mo lang wala nang ibang mas hihigit pa sa pag-ibig ko sa 'yo.
Walang ibang nagmamahal ng tulad ko sana'y paniwalaan mo.
Iniibig kita.

Kulang ang araw at gabi 'pag kita'y kapiling.
Kahit ang bukas ay di rin sapat upang mamasdan lamang kita.
Labis kitang minamahal, pag-ibig ko'y walang kapantay.
Kung kaya ko lang abutin ang mga bituin t'yak ito'y gagawin.

Malaman mo lang wala nang ibang mas hihigit pa sa pag-ibig ko sa 'yo.
Walang ibang nagmamahal ng tulad ko sana'y paniwalaan mo.
Iniibig kita. Iniibig kita. Iniibig kita.Iniibig kita. Iniibig kita.Ooh...

Thursday, May 19, 2011

Ang Tunay na Star ng Starbucks

Akala ko matatapos ang Lunes ko (May16,2011) na isa lang regular na araw ng bakasyon- boring. Pagkatapos kong maghugas ng mga pinggan na pinagkainan ng pananghalian, naligo muna ako saka nagpunta sa barbershop para magpagupit ('wag ng tanungin kung bakit naligo muna ako bago nagpunta sa barbero, ganun talaga). Pag- uwi ko, habang nag- i- internet dito sa bahay, eh nakatanggap ako ng tawag sa cellphone, si Marlon. Nagyayaya sa SM North Edsa. Automatic na 'pag nagyaya si Marlon, kasama si Izza (kasi sila naman talaga ang friends. hehehe.) 

Dahil madali akong kausap at dahil gustong- gusto ko talagang may gawin at maggala, naligo ako agad (ulit); nagbihis, at bumiyahe na papunta sa aming meeting place. Hindi na ako nag- MRT, mahaba kasi ang pila. Sumakay na lang ako ng air- con na bus. At saka isa pa, ayokong palagpasin ang chance na may makatabing cute. :) 

Ginawa na namin ito last year. Mas nakakaloka mga lang, kasi pagkatapos ng back- to- school shopping ni Marlon nun, at pagkakain sa Pizza Hut (kung saan nandun si "RJ"), eh nagpunta kami sa Antipolo para mag- swimming. Ganun kalakas ang "trip" ng dalawang 'yun. Na sobrang na-e-enjoy ko naman, kasi bukod sa lagi nila akong nililibre (makapal talaga ako. hehehe), mahilig din ako sa mga biglaang lakad. 

Sa back- to- school shopping ngayon ni Marlon, eh wala pa rin halos nagbago. May mga binili pa rin siyang small treats para raw sa mga co- faculty niya. Wala na nga lang siyang biniling shoes kasi bago pa raw 'yung gamit niya ngayon. Hindi ko kinaya ang damit ni Izza... may fringes. At in fairness sa kanya, bagay naman. Match na match sa kulot niyang buhok.  Sa Tokyo, Tokyo kami pagkatapos. Sa labas kami kumain, I mean sa may Sky Garden part, nagyosi kasi si Marlon. Matagal- tagal na kwentuhan. Dahil masaya si Marlon (ask him why), nag- Padis Point pa kami. Isang bucket ng San Mig Light at Nachos ang pulutan, busog pa kasi kami. Pero ang pinaka- highlight ng gabing 'yun eh nang pagbigyan ako nung dalawa na uminom ng kape sa... Starbucks.      

Sa edad ko kasing 26, minsan akong naging saling- pusa sa klase; 1 beses akong nag- Kinder; 6 na taon ako sa elementary at 4 sa high school; 10 semesters at 1 summer ang binuno ko para matapos ang kurso ko sa college; at halos 6 na taon na pero hindi ko pa rin nakukuha ang formula para matapos ko ang Masters ko. Sa tinagal- tagal ng panahon...ngayon ko lang natikman ang kape sa Starbucks.



Unang tikim. Hahaha. :)

After five minutes, parang pro na. Kaaliw ang itsura ni Ate. :) 

Si Izza (na may fringes ang blouse) at si Marlon (na confused pero happy). :) 

Saturday, May 14, 2011

Paboritong Apo

Tawa pa rin nang tawa si Ging- Ging. Tawa siya nang tawa habang nakatingin sa pusang- gala na naligaw sa labas ng munti nilang barong- barong. Nilalaro ng pusa ang balat ng bubble gum na itipon niya kanina. Nasa loob lang ng bahay si Ging- ging, nakapamintana habang ngumangata ng bubble gum. Nakatingin siya sa pusa at tawa siya nang tawa.

Alas siete y media na ng umaga nang magising si Emman. Tanghali na ito kung tutuusin dahil ang karaniwang gising niya ay mula sa pagitan ng alas singko at alas sais. Pupungas- pungas pa ang bata nang bumangon mula sa kinahihigaang karton ng chichirya na hiningi pa niya sa tindahan ni Aling Miling sa may labasan . Katabi niya ang nakababatang kapatid na si Ging- ging na himbing na himbing pa rin sa pagtulog. Nagmumog na si Emman. Sinuklay ng mga maliliit na daliri ang magulo at nagdidikit- dikit niyang buhok. Kinuha niya ang tabong yari sa lumang lata ng gatas, sumalok ng tubig sa timba. Binasa ang mukha para lalong magising at mawala ang antok. Nagwisik- wisik.

“Tarantado ka talagang bata ka eh ‘no! Anong oras na?” Tanghali na ah!” Isang matandang lalaki mula sa labas na ngayon ay nakatayo na sa pinto ng barong- barong ang biglang sumigaw para kunin ang atensyon ni Emman- si Lolo Peping.

“Paalis na po. Ginabi lang ako kasi nananalo ako sa Bingo-han. Nakatama po ako ng limang daan nung simula, sa unang laro. “ Depensa ng batang si Emman.

Biglang lumiwanang ang kanina’y madilim na mukha ng matanda. “Aba, eh na’san na ang pera?” Nakalahad ang mga palad. Nakangiti. “Dali, para maipambili ko ng pandesal at saka kape.”

“Ah eh…wala na ho eh.” Kumamot sa ulo si Emman.

“Ano? Eh na’san na?” Si Lolo Peping na parang takang- taka.

“Di ba nga po nung umpisa ako nananalo, eh di bumili pa ako nang bumili ng mga bingo card para maglaro hanggang sa blackout. Baka kasi manalo pa ko ng mas malaki. Pero…”

Nawala na ulit ang ngiting panandaliang dumapo sa bibig ng matanda kanina. Busangot na ulit, tila alam na kung ano ang kasunod na sasabihin ng batang apo.

“…naubos po eh. Kakabili ng cards. Akala ko mananalo ako nang malaki. Inalat nung mga huling bola. Tapos, tumaya din ako dun sa color- color…wala rin po eh. Nanalo ako ng Chippy, ‘yung maliit.” Medyo mahina ang boses ng bata. Tila alam na rin niya ang mangyayari pagkatapos niyang sabihin ang katangahang ginawa. Nag- abot siya ng singkwenta pesos sa matanda. “Eto ho ang natira.” Sabay kamot ulit sa ulo.

Tahimik lang ang matanda pero busangot. Nakapamewang habang nakatayo na parang gwardiya sa may pintuan.

“Alis na ho ako. “ Nagpaalam na ang bata at kinuha ang kamay ng kanyang lolo para magmano.

Bago tuluyang makalabas ng kanilang munting barong- barong si Emman, isang malakas na dagok ang pinakawalan ng kanyang lolo para sa kanya. Sapat para madapa ang bata. Mabuti na lamang at naitukod niya ang kanyang mga kamay at braso sa maruming lupa kaya hindi siya tuluyang sumubasob.

First year high school na si Emman. Sa edad niyang dose, ay hindi aakalaing high school na siya. Mukha siyang elementary. Payat na bata at hindi rin katangkaran. Laging nakasuot ng mga malalaking damit, ‘yung mga tipong sa unang tingin ay malalaman na hindi talaga siya ang may- ari, baka binigay lang o nakuha sa kung saan. Mas gusto niyang tinatawag siyang Emman kaysa sa tunay niyang pangalan na Emmanuel, mas “cool” daw kasi. Mas magandang pakinggan. Tipikal bata na ayaw papatawag ng kanyang makalumang pangalan. Parang pangalang pangmatanda ang “Emmanuel” aniya kaya mas gusto niyang marinig ang “Emman” na binibigkas ng mga kaklase, kaibigan at kahit ng mga guro niya. Ang Lolo Peping niya lang ang tumatawag sa kanya ng Emmanuel sa kanya. At kadalasan, ang bawat pagbigkas ng kanyang lolo sa kanyang pangalan ay pasigaw, pasinghal.

Grade 1 pa lang si Emman ay laman na siya ng kalye. Walang araw yata na napirmi siya sa bahay. Makukulong lang siya sa munti nilang barong- barong kung may bagyo. Kahit kasi umuulan, kung papatak- patak lang naman, lalabas pa rin siya. Mahilig lumabas- labas si Emman hindi para maglaro o maglakwatsa. Gumagala si Emman dahil kailangan niyang kumita ng pera. Kundi nangangalakal ng basura sa may malapit na tambakan, sumasama siya sa mga kaibigan para mangolekta ng mga bote, diyaryo, bakal at mga plastic. Nasusuyod nilang magkakaibigan ang halos kabuuan ng Quezon City sa buong umaga. Sa hapon, pumapasok naman siya sa paaralan hanggang gabi. Pagkatapos ng klase at kung may enerhiya pa siya, dun lang siya makakapaglaro, o tatambay na lang sa tindahan ni Aling Miling, o sa may tabing creek, o sa may covered court malapit sa paaralang pinapasukan kasama ang mga kaibigan. Magkukwentuhan sila ng kung ano- ano hanggang sa mapagod.

“Emman, kunin mo ‘yung bote  ng C2! Ayun o!” Si Mark na kaibigan ni Emman habang itinuturo ang plastic na bote ng inuming tsaa na nakalapag sa semento katabi ng basurahan.

“Hehehe. Marami- rami na ‘to ah.” Masaya si Emman dahil mukhang maaga yata silang makakatapos ni Mark sa pangongolekta ng plastic.

“Oo nga. Ibenta na natin para may pambaon tayo mamaya. Gusto kong bumili ng malaking Mr. Chips eh. Gusto ko ‘yun ang baon ko mamaya. “ Nakangiti rin si Mark habang iniisip ang malaking chichirya na uubusin niya mamaya sa recess. Hihingi ang mga kaklase niya, magdadamot siya sa simula. Pero magbibigay rin naman nang kaunti sa kalaunan. Puntos ‘yun para maging popular sa mga kamag- aral.

“Bakit malaking Mr. Chips pa ‘yung bibilhin mo? Maliit na lang. Mauubos mo ba ‘yung ganun karami?” Si Emman habang binibilang ang mga plastic sa sako niya.

“Ah basta. Gusto ko ng malaking Mr. Chips!” Si Mark habang nagbibilang din ng plastic sa sako niya.   

“Magagalit sa akin si Lolo ‘pag bumili ako ng malaking chichirya. Sasabihin nun timawa ako. Sisigaw na naman.” Lumungkot na naman ang mukha ni Emman.

“Ang sungit ng Lolo mo na ‘yun’no? Kaya siguro umalis na si Ate Milet sa inyo. ‘Sungit ng lolo n’yo eh.” Si Mark na parang nagtataka.

“Ewan. Bigla na nga lang lumayas si Ate. Lalo tuloy nagalit si Lolo. Lalo siyang naging masungit lagi nung umalis si Ate. Ewan ko ba dun. “ Si Emman.

“Si Ging- ging? Buti hindi siya sinusingitan ni Lolo Peping? ‘Kulit kaya nun.”Si Mark.

“Hindi ‘no!? Anak kaya ng Diyos ‘yung si Ging- ging. Mahal na mahal ‘yun ni Lolo. Lagi silang magkasama. Laging ipinapasyal ‘yun ni lolo maski noon pa. Laging may chichirya ‘yun at saka biskwit.” Buong pagmamalaking kwento ni Emman.

“Akalain mo’yun. May kabaitan pala si tanda eh ‘no.” si Mark.

Si Lolo Peping ay dating nangangalakal din ng basura. Tatay siya ng tatay ng magkakapatid na Milet, Emman at Ging- ging. Sa kanya na naiwan ang mga bata magmula nang maulia sila. Nagkahiwalay sila ng kanyang asawa noon pa mang unang bahagi ng dekada ’90. Mula noon, tila buhay- binata na ulit si Lolo Peping.  Sa edad niya ngayon na Singkwenta y Otso, malakas pa siya. Kumikita siya sa pagtitinda- tinda ng sigarilyo sa labas ng isang shopping mall, sa ibaba ng foot bridge sa kahabaan ng Edsa.  Pero huminto na rin siya sa pangngalakal ng basura dahil sa paminsan- minsang sumpong ng rayuma. Ayaw na niya  ng mahabaang paglalakad.

“Bibilhan kita ng bagong damit, at saka kakain tayo ng cheeseburger ha. Gusto mo ba ‘yun? “ Malambing na tanong ni Lolo Peping kay Ging- ging habang nakakandong sa kanya ang bata.   

Ito ang bumungad kay Emman nang dumating siya sa barong- barong, alas dose ng tanghali. Nakaupo sa may hapag si Lolo Peping, nakakandong sa kanya si Ging- ging. Nasa mesa pa ang pinagkainan ng tanghalian, kumain na ang matanda at ang kanyang kapatid. Isa lang ang plato, malamang ay sinubuan na lang ulit si Ging- ging.

“O, maaga ka yata?” Gulat na tanong ni Lolo Peping nang Makita ang kanyang apong si Emman na nasa may pintuan. Ibinaba niya si Ging- ging sa isa pang upunan.

“Ala una po ang pasok ko.Kailangan ko pang maghanda.” Si Emman. Kumuha siya ng isang baso ng tubig at lumagok nang tuloy- tuloy.

“Eh wala nang ulam. Pa’ano ba ‘yan? “ Si Lolo Peping.

“Ayos lang, ‘lo. Mamaya na lang ako kakain ng alas tres y media. Sa recess na lang, sabay tanghalian at meryenda. ‘Bili na lang ako ng tinapay. “ Mahina ang boses ni Emman.

“Bahala ka.” Si Lolo Peping.

Hindi na ito bago kay Emman. Hindi naman ngayon lang siya naubusan ng ulam. Hindi naman ngayon lang siya nabalewala sa bahay nila. Madalas, siya na lang ang dumidiskarte para sa kanyang sarili. Magkaganunpaman, hindi nagtatanim ng sama ng loob si Emman sa Lolo niya. Ang iniisip niya na lang, ganun naman talaga ang lahat ng matatanda- masungit, bugnutin, mainitin ang ulo. At saka kung wala naman na talagang ulam, baka wala na talagang pambili. Naubos kasi kaunti lang, sapat lang para sa kanilang dalawa ni Ging- ging. Kahit minsa’y napapatanong na lang siya sa kanyang sarili kung bakit hindi siya masyadong mahal ng kanyang Lolo Peping, hindin pa rin siya masyadong nagdaramdam. Ang mahalaga para sa kanya, mahal ni Lolo Peping si Ging- ging. Marahil dahil sa isang taon lang ang pagitan nilang dalawa, kaya sobrang malapit si Emman sa kapatid na babae. Kung pwede nga lang ay siya na ang mag- aruga sa kapatid. Inaalagaan ng lolo niya si Ging- ging kaya nakakapag- aral siya at nakakaraket pa kahit pa’no. ‘Yun na lang ang mahalaga para sa kanya. Pasalamat na siya roon.

“Class, may babayaran kayo bukas. Kailangan n’yong bumili ng ticket. 100 ‘yun lahat. Ang hindi magbayad, walang project ha. “ Ang adviser ni Emman. Sinasabihan na ang buong klase na maghada ng Isandaang piso para pambayad ng ticket bukas.

Alumpihit si Emman. Saan siya kukuha ng Isandaang piso? Ang pambaon niya nga para sa pagpasok niya sa hapon, binubuno pa niya sa umaga. Saang kamay ng Diyos niya kukunin ang 100 piso pambayad ng tiket para sa cake raffle ni Ma’am?

Pagdating niya sa barong- barong, walang tao. Mag-a alas otso na ng gabi. Tahimik. Iginala ni Emman ang mga mata niya sa kabuuan ng kanilang munting dampa. Kahabag- habag ang itsura ng bahay, kung bahay ngang matatawag ‘yun. Biglang bumukas ang pinto ng banyo. Lumabas si Lolo Peping at si si Ging- ging. Nakabalot ng tuwalya ang bata at basa ang buhok.

“Bakit hindi ka man lang kumakatok, lintik ka!” Ang sigaw ni Lolo Peping sa apong kararating lang.

“Hindi naman po talaga ako kumakatok ‘pag pumapasok dito sa bahay ah.” Sagot ni Emman.

 “Sumasagot ka pang bwisit ka! ‘Kita mong pinaliliguan ko ‘yung kapatid mo. Tarantadong ‘to!” Galit pa rin ang matanda.

“Gabi na ho ah, bakit n’yo pa po pinaliguan si Ging-ging?” Tanong ni Emman na may halong pagtataka.

 “Walang kang pakialam! Init na init nga ‘yung, kapatid mo! Gago ka talaga!” Padabog na inilagay ng matanda ang tabo sa lababo.

Hindi na lang pinansin ni Emman ang galit ng lolo niya. Huminga siya nang malalim. Bumuwelo para sa isang tila masinsinang laban.

“Lolo, pwede mo ba akong bigyan ng 100. Ibabayad ko lang sa tiket bukas. Project ko po kasi ‘yun eh. “ Buong hinahong pagkakasabi ni Emman.  

“Wala akong pera!” Galit pa rin ang matanda.

“Pero, ‘lo. Kailangang- kailangan ko po talaga. Baka bumagsak po ako. Sayang naman po ‘yung pag- aaral ko, ‘lo.  Please po. 100 lang, lo. “ Pagmamakaawa ng bata.

“Wala nga akong! Bwisit na ‘to!” Ang matandang sumisigaw pa rin.

“Lolo,please po…” Hinihigit na ni Emman ang damit ng lolo niya. Para lang makumbinisi.

Hindi pa man natatapos makapagsalita ang bata ay isang malakas na sampal ang pinakawalan ng kanang kamay ng lolo niya. Tumama ang palad ng matanda sa kaliwang pisngi ng bata. Pero sa sobrang lakas nito ay parang naalog ang buong ulo ni Emman, ang buo niyang katawan, ang buo niyang pagkatao.  Napaupo sa sakit si Emman. Hawak-hawak niya ang kanyang mukha habang tuloy- tuloy na umaagos ang luha sa kanyang mapupulang mata. Panay- panay rin ang tulo ng uhog at pagtagaktak ng pawis ng bata dahil sa di maampat na pag- iyak.

“Tumigil ka! Hindi ka ba titigil!? Tumigil ka!” Ang matandang pinatatahan ang apo.

Lumabas ng bahay ang matanda, pero bago niya itapak ang kanyang kanang paa sa kabilang bahagi ng pintuan. Hinagis niya muna kay Emman ang plastic na lalagyan ng shampoo at sabon.

“Ligpitin mo nga ‘yan. Pati ‘yan nadala ko dito sa labas. Leche ka!” Utos ng matanda habang papalabas ang matanda.

Tahimik lang si Ging- ging habang pinagmamasdan ang Kuya niya na umiiyak. Nakatapis pa rin siya ng tuwalya. Wala ring masabi si Ging- ging, hindi niya rin kasi siguro alam ang sasabihin.   


Kinabukasan, maagang umalis si Emman para mangalakal ng plastic. Iniisip niya na baka kung mas aagahan niya ang paglakad, baka mabuo niya rin ang kailangan niyang halaga para sa project niyang cake raffle ticket ni Ma’am. Hindi na niya inisip ang nangyari kagabi. Masakit pa ang mukha niya pero hindi na niya ‘yun ininda. Hindi na niya isinama si Mark, aniya mas mabuti kung siya lang muna mag- isa ang lalakad para wala munang kaagaw sa kalakal.

Mabilis na lumipas ang  bawat segundo, minuto at oras. Sinikatan, sinungitan at siguradong lulubugan na naman ng haring araw si Emman sa kalye. Kahit masakto niya lang ang isandaang piso, kahit wala nang sumobra. Bitbit na ni Emman ang kanyang backpack sa pangongolekta ng mga plastic. Inisip niyang hindi na siya uuwi sa kanila bago pumasok. Nasa loob na rin ng backpack ang uniporme niyang gagamitin. Makikigamit na lang siya ng kubeta sa kung saan para makibihis.

Alas dose y media na, nasa junkshop na si Emman para ibenta na ang mga nakolekta niyang plastic. Sa kasamaang palad, sitenta y singko pesos (75) lang ang napagbentahan ng lahat ng naipon niyang basura. Alalang- alala na siya. Hindi na niya malaman kung paano ang gagawin. Pa’no na lang siya makakabili ng tiket ni Ma’am? Project ‘yun, baka bumagsak siya.

“Magkano pa ba ang kailangan mo? “ Si Manong Joey. Ang may- ari ng junkshop.

“Bente singko pa ho sana. ‘sandaan po kasi ang babayaran kong tiket.”

“Siya. Pauutangin na muna kita. Diyan ka lang naman nakatira. Basta bayaran mo bago matapos ang buwang ‘to ha. O, eto.” Iniabot ni Manong Joey ang bente singko pesos kay Emman.

Hindi mapagsidlan ang tuwang naramdaman ni Emman sa mga oras na iyon. Hindi niya lubos maisip na may mga tao, kahit hindi naman niya kamag- anak na handang tumulong. Walang gaanong tanong at kwestityon, basta tutulong. Makakabayad na siya, hindi na siya babagsak kay Ma’am. Napakasaya ni Emman.
Inabot na ng alas diyes ng gabi sa labas si Emman nang araw na iyon. Nagtuloy- tuloy ang saya ng bata. Napakwento siya sa ang kaibigan sa may tabing creek. Habang naghuhuntahan ay panay ang tawa ni Emman. Nanlibre pa ang isa nilang kasama ng chichiryang tigpi- piso at saka Ding Dong. Bumili rin ng  malaking RC na pinalagay nila nang pantay- pantay sa plastic na lalagyan. May pambara at panulak na sila sa isang masayang kwentuhan. Napakasaya ni Emman.

Pagdating ni Emman sa kanilang dampa ay nakasarado ito. Malamang ay inisip ng kanyang Lolo Peping na baka nakitulog na siya sa isa sa kanyang mga kaibigan o sa kung saan mang lupalop kaya pinagsarhan na siya ng bahay. Hindi naman na ito bago sa kanya. Napagsarhan na siya ng pinto noon. Ang hindi alam ng kanyang lolo, alam niya kung pa’no makapasok. Mayroon na siyang paraan, susungkitin lang naman ang alambreng nagsisilbing kawit na pangsara ng pinto.  Hindi na kumatok o sumigaw si Emman dahil ayaw na niyang makabulahaw pa sa mga natutulog. Kaya ang ginawa niya na lang ay kumuha ng isang stick. Sinipat ang siwang ng pinto at hinanap ang alambreng nagsisilbing kawit na pangsara. Nang makita niya ito ay dahan- dahan niya itong sinugkit. Parang may gising pa. Parang hindi pa natutulog ang mga tao sa loob ng bahay, gabing- gabi na.  

Nang mabuksan ni Emman ang pinto ay hinanap niya agad si Ging- ging. Wala doon ang kapatid. Ang nakita niya lang ay ang kanyang Lolo Peping na nakadapa, natatakpan ng kumot. Hindi. Nandoon pala si Ging- ging. Nandoon din pala ang kapatid niya, may kung anong nginunguya sa bibig, bubble gum yata. Tahimik lang. Hindi nagsasalita. Baka kasi hindi naman alam ni Ging- ging ang sasabihin.

Mabilis na kinuha ni Emman ang kutsilyo sa may lababo. Hindi na siya nag- isip. Mabilis. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito…basta maraming beses. Akala niya hindi kaya. Akala niya hindi niya magagawa. Para kay Ging- ging. Para sa kanya. Hindi niya tinantanan. Hindi niya tinigilan.

Napatayo na lang si Ging- ging. Tawa siya nang tawa sa mga nangyayari. May dumaang pusa. Tawa siya nang tawa habang nakatingin sa pusang- gala na naligaw sa labas ng munti nilang barong- barong. Nilalaro ng pusa ang balat ng bubble gum na itipon niya kanina. Nasa loob lang ng bahay si Ging- ging, nakapamintana habang ngumangata ng bubble gum. Nakatingin siya sa pusa at tawa nang tawa.  

Basang- basa ng dugo ang damit at ang buong katawan ni Emman. Ang tangi niya lang nasabi sa kapatid, “Ok na. Ok ka lang ba, Ging- ging?”.   

Biglang huminto sa pagtawa ang kapatid na babae. Walang imik. Tahimik lang. Hindi nagsasalita. Hindi kasi talaga alam ni Ging- ging ang sasabihin. Tahimik lang siya, pero lumuluha na.
  
          

Thursday, May 12, 2011

Ang Laban nina Mando at Lino: Isang Masusing Pagtingin sa Estetikong Porma at Temang Mapanghimagsik ng Dalawang Maikling Kwento ni Rogelio Ordoñez (Dugo ni Juan Lazaro at Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya)


Hindi maitatangging ang maikling kwento ang isa sa pinkapopular na anyo ng panitikan. Bagaman ang nobela ang pinakamasaklaw at ang tula naman raw ang pinakaimandayog, taglay ng maikling kwento ang halinang panandaliang pumupukaw sa imahinasyon at guni- guni ng mga mambabasa, subalit nag- iiwan ng kakintalan. Mula pa lamang sa mga sinaunang kwentong bayan, alamat, mga pasingaw at dagli- na mga ugat ng modernong maikling kwentong nababasa natin sa kasalukuyan, mababakas na ang kaibahan ng porma nito sa mga tula (na malalim din naman ang pinag- ugatan).  Lumilikha rin ang maikling kwento ng isang panoramikong dimensiyon, di tulad ng sinabi ng ilan na nobela lamang ang nakagagawa.  Tinatawag itong “pagtakas” ng iba o “escapism” (sa katotohanan at realidad ng buhay), subalit hindi lahat ng maikling kwento ay iyon ang inihahain .Nagpipinta ang maikling kwento ( o ang panitikan mismo) ng iba’t ibang larawan at anyo ng buhay at pantasya. Mga kawil ng pangyayaring nangyari sa’yo, sa kanya o sa akin-  na kung saan maaari mong sang- ayunan o di paniwalaan.  Samakatwid, kung babasahin at iitindihing mabuti, hindi lang basta “pagtakas” ang dulot ng maikling kwento. Tumutulong ito sa atin upang mag- isip, makapagpasya at sa  kalaunan ay makisangkot.

Ang katotohang nabanggit sa itaas ang isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi sapat ang isang malapanatikong panununton sa isa lamang pamamaraan upang mabigyan ng epektibong panunuri ang isang maikling kwento. Sa panahon kung kalian laganap na ang mga iba’t ibang supplementary materials sa araling Filipino lalo na sa sekondarya , napakahirap itong ipaliwanag sa ilang mga gurong nagtuturo ng panitikan (na halos dumidepende na lang sa mga prototype teaching tools), lalo ng mahirap ituro sa mga mag- aaral na hanggang ngayon ay tila naguguluhan pa rin at pinipilig matulog na lang sa tuwing mababanggit ang lektura sa pagbasa ng mga akda. Subalit, hindi na saklaw ng sanaysay na ito ang pagtuturo ng maikling kwento at ng iba pang anyo ng panitikan. Kunsabagay, ang Marxistang pananaw na siyang pinakagamitin  sa mga dulog pampanitikan, ay isang mabisang paraan upang maipakita at mailahad ang ideolohikong implikasyon ng akda. Nga lamang, ang tuon nito ay sa materyal na aspekto lamang. Para matalakay ang malalim na mensahe ng akda at ng kinalaman nito sa buhay, ay kinakailangan ng higit pang mainam na pamamaraan upang higit na maunawaan ng mga mambabasa ang nilalaman nito.

Hindi rin mainam ang sumampalataya sa Pormalismong dulog lamang. Sa paraan kasing ito, inihihiwalay ng mambabasa ang akda sa may – akda at iba pang elementong nakaimpluwensiya sa paglikha nito. Sinusuri lamang ang porma (anyo) ng akda at ang wikang ginamit. Nakikita ang ganda at estetikong halaga nito (sa paimbabaw o pisikal) subalit may panganib na maihiwalay sa totoong buhay. Hindi ito maaaring mangyari sapagkat ang panitikan ay hindi isang malamig na piraso ng sining na naisapapel subalit isang sining na sumasalamin sa buhay.

Bago dumako sa pagbasa ng dalawang maikling kwento, sulyapan muna natin ang buhay ng 
may- akda bilang paghahanda.

Si Ka Roger at ang Kanyang Playground: Pagkilala sa Manunulat , ang Kanyang mga Katha, ang Kapaligiran at Iba pang Konsiderasyon

Kahit na ipinanganak si Ka Roger sa Imus, Cavite (Seyembre 24, 1940) ay dito siya Maynila nagkolehiyo. Nagtapos siya sa Mapua Institute of Technology at sa Manuel L. Quezon University ng kursong BS Civil Engineering .

Bagamat nagkaroon na ng diploma sa tersiyarya, hindi pa rin natakasan ni Ka Roger ang tawag ng pagsusulat. Hindi naman ito kataka- taka sapagkat nasa high school pa lamang siya noong lumabas ang kanyang unang maikling kwento sa magasing Liwayway.

Kasama ang kanyang mga ka- kontemporaryo: sina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Sikat at Edgardo Reyes ay lumikha sila ng mga maiikling kwento na tumatalakay sa “tunay” na larawan ng buhay nang mga panahog iyon. Kailangang mabatid na ang mga panahon ng kanilang kasiglahan sa kabataan at kasibulan sa pagsusulat ay panahon din ng Batas Militar. Sa katunayan, sa mga aklat pampanitikan makikita ang kanilang mga pangalan na kabilang sa mga MANUNULAT SA PANAHON NG AKTIBISMO, PANAHON NG BATAS MILITAR hanggang sa PANAHON NG LAKAS BAYAN. Sa panahon kung kalian halos lahat ay bawal, at talamak ang opresyon, supresyon at pang- aabsuo ay nagmistulang pipi at bingi ang mga pahayagan at telebisyon. Nawalan ng ngipin ang midya, dahilan para makapang- abuso ang mga nakatataas sa pamahalaan. Sa gitna nito, walang takot na sumulat ang pangkat ni Ka Roger para kahit pa’no ay maimulat ang ilan sa ating mga kababayan. Naging mahirap ito para sa kanila sapagkat nagkalat ang mga sundalo at kahit anong oras ay maaari silang hulihin.  Ngunit gaya ng isang matikas na cactus sa gitna ng disyerto, patuloy na umagos ang talim ng kanilang panulat.

Ang Dugo ni Juan Lazaro at Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya ay dalawa lamang sa mga akda ni Ka Roger na tumatalakay sa iba’t ibang kaapihan ng isang karaniwang mamamayan at trabahanteng Pilipino sa kamay ng kanyang kapwa Pilipino at sa palad ng mga dayuhan. Ang pang- aagaw ng mga lupain at di patas na pagbibigay ng sahod ay ilan lang sa mga isyu na tinalakay ni Ka Roger.

Sa kasalukuyan ay nagtuturo sa kolehiyo si Ka Roger- patuloy pa rin siya sa pagsusulat. Marami- rami siyang natanggap na mga parangal sa laragan ng panitik sa mula sa iba’t ibang institusyon.

Nilalaman, Estruktura at Pamamaraan

Nabasa ng inyong lingkod ang akdang Dugo ni Juan Lazaro sa isang aklat pang- high school. Hindi ko inakala na maaari palang ituro sa mga teenager ang isang kwentong tumatalakay sa paksang aakalaing maiintindihan lamang ng mga taong bahagi ng pwersang manggagawa ng bansa.  Ang Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya naman ay mula sa blog ni Ka Roger. Sa pagpapatuloy ng saaysay na ito, tutukuyin ang Dugo ni Juan Lazaro na DJL at ang Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buawaya bilang IBTB.

Nagsimula ang DJL sa isang paglalarawan. Isang matayutay na naratibo kung saan binanggit agad ng may- akda ang pangalan ng pangunahing tauhan- si Mando. Sa isang pabrika ng tela kung saan napalilibutan si Mando ng mga makina at ng mga ka- manggagawa.  Ito ang unang talata sa akda:

Waring nakalulunos na mga daing sa pandinig ni Mando ang malakas at hindi magkamayaw na hugong ng mga makina sa pabrikang iyon ng tela. May ibinubulong ang mga iyon , may ibinabadya, katulad ng sunod- sunod at nagmamadaling tibok ng kanyang puso, ng butil –butil na pawis na nagsisimulang maglandas sa malapad niyang noo, ng init na unti- unting sumasangkap sa daloy ng kanyang dugo. At maging ang malaking orasan, waring madilat na mata na nakamasid sa bawat bahagi ng bilangguang iyon ng mga makina ay may kakaibang ipinahihiwatig sa kanya.  

Binigyan tayo ng may- akda ng senaryo ng isang pabrika ng tela sa isang tipikal na araw. Maingay.Tuloy- tuloy ang trabaho. Ang malakas na hugong ng mga makina, at ang pawisan at tila pagod na pagod ng trabahador ay isang ordinaryong tanawin sa isang pabrika.  Tinawag ng may- akda ang pagawaan ng tela na “bilangguan ng makina”. Kahit noon pa man, hindi na maganda ang konotasyon ng isang bilangguan para sa mga mambabasang Pilipino. Malungkot at nakaktakot- ‘yan ang persepsyon natin sa isang bilngguan.Sa pagbibigay sa atin ng may- akda ng ganoong metapora, dinulutan niya tayo ng pahiwatig na kung ano man ang mayroon sa loob ng pabrika- ‘yon ay di maganda.

Kaiba naman sa DJL, ang IBTB ay isang maikling kwentong nahahati sa tatlong bahagi: 1)LUPA 2)MAKINA 3) UOD.  Isang kwento lamang ito na binigyan lang ng kakaibang istilo ng may- akda (kaiba sa karaniwan niyang ginagawa). Tila ginawan ng balangkas o outline ang kwento upang higit na magkaroon ng diin o emphasis ang bawat bahagi. Di rin tulad sa DJL na ang lungsod ang ginamit na tagpuan o setting, ang IBTB ay kwento ng mga tao mula sa lalawigan- ng kanilang pagsisikap, pagpupunyagi, paglaban, pakikibaka at pagsuko. Tignan natin ang unang talata:   
1.     
LUPA       MAAGANG TUMAKAS ang ulan sa mga ulap at ang nakangangang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakalay unti- unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag- araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungo sa mga pinitak. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag- utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukirin ay naging luntian. 

Buhay- rural ang isinalaysay ng may- akda. Kumpleto ang iba’t ibang elemento para matawag na probinsya ang isang lugar: ang bukirin, ang kalabaw at mga kuhol sa pilapil. Wala nga lang mga puno dahil na rin sa ang lupain ay para sa taniman ng mga palay. Nabanggit na ang lalawigan ay matatagpuan makalabas lamang ng lungsod. Ang inspirasyon marahil ay napulot ng may- akda sa sarili niyang probinsiya ng Cavite, ilang oras o minuto lamang mula sa Maynila.  Ang pagdating ng ulan ang nagdulot ng pag- asa sa mga mamamayan sa akda. Makikita sa talatang ito ang pagkapatid ng uhaw ng buong nayon sa pagbuhos ng ulan. Isang larawang tila papunta sa kasaganahan ang ibinungad sa atin ng kwentong IBTB. Nagkaroon ng palitan ng pag- uusap o dialogue sa mga susunod na bahagi ng parehong akda. Tignan natin:

DJL: “Mga‘Adre…malapit na!” saglit na nangingibabaw sa hugong ng mga makina ang tinig na iyo.
“Nakahanda na kami.” maraming sumigaw.
“Walang kakabila?” makapangyarihang tanong ng isa.
“Wala! Waring isang tinig ang nakipagpaligsahan sa hugong ng mga makina.

Sa palitan ng usapan sa itaas sa kwentong DJL, makikita ang pagsasakatuparan ng isang plano. Isang pagkilos. Ipinapakita sa palitan ng mga salita na matibay ang kanilang paninindigan upang ituloy ang kung anumang kanilang dapat gawin. Simple ang ginamit na pananalita ng may- akda. Ang paggamit ng kolokyal na “’Adre” na pinaikling Kumpadre ay patunay lamang na sinikap ng sumulat na maging matapat sa kanyang paglalarawan sa mga karaniwang manggagawang Pilipino. Pero nasaan si Mando?Nasaan ang ating bida? Makikitang hindi binanggit ang pangalan ng pangunahing tauhan sa palitan ng usapan.

IBTB: “H’wag na kayong mag- araro pa,” sabi nito (ang katiwala ng mayamang may- ari ng lupa) “H’wag na kayong magtanim ngayon.”
“Ba’t po, Kabesa?Nakapagpunla na kami.” (mga magsasaka)
“Wala tayong magagawa pinlalayas na kayo rito ng may- ari.”
“Ba’t po, Kabesa?Ba’t po? “
“Namahal na raw ang lupa rito at gusto na niyang ipagbili.”
“Pero, Kabesa, nakapagpunla na kami. Naararo na naming ang ilang sangkal. Aka matagal na naming sinasaka ‘to. “
“Anong magagawa natin?Di naman inyo ang lupang ito, di rin naman akin. “

Iprinisenta ng may- akda ang kahabag- habag na katotohanan na kahit napakatagal nang panahon ang iginugol ng isang obrero sa kanyang lupaing sinasaka, walang kasiguraduhan kung hanggang kalian siya mananatili rito. Sa panahong maisipan ng may- ari na paalisin ang magsasaka sa lupaing “pag- aari” niya, pwedeng- pwede niya itong gawin. Dahil ang lahat sa bansang ito ay nakasalalay lamang sa isang titulo. ‘Pag sinabi ng piraso ng papel na ‘yun na ikaw ang may- ari ng lupa, sa iyo ang lupa at walang karapatan ang iba.
Sa DJL, iniwan na ng kaniyang mga kasamahan si Mando sa loob ng pabrika. Patuloy siya sa kanyang ginagawa habang ang iba’y nagtungo na sa labas, sa may gate ng pagawaan ng tela para magpiket. Ito ay para iprotesta ang kaapihang natatamo nila mula sa may- ari ng kumpanya. Naiwan si Mando sa loob, kasama ang kanyang makina. 

DJL” ‘Adre, matigas ang ulo mo! “ si Kadyo ang sumisigaw na siyang puno ng aklasang iyon na matagal na nilang balak na isagawa.
“Ikaw ang bahala, ‘Adre… ayaw mong makisama.”

Si Kadyo na pinuno ng welgang nagaganap sa labas ng pabrika ay tila nagbabanta kay Mando na sa halip na makisama sa ipinaglalaban ng nakararami ay mas piniling magpaiwan upang mipagpatuloy ang kanyang trabaho. Para sa kanya higit na magiging mahirap kung mawawalan siya ng trabaho. Naisip niya na ang lahat nang kasali sa aklasan ay hindi pasasahurin at may posibilidad na mawalan pa ng trabaho. Ayaw ni Mandong isugal ang kung anumang kakarampot na mayroon siya sa kasalukuyan.

DJL : “Hindi ka sumama sa kanila?” sabi ng tagapamahala (ng pabrika)
“Gugutumin ko ho lamang ang aking pamilya.”
“Magtatrabaho ka pa?”
“Di ho ako p’ wedeng di magtrabaho, “ tumikhim si Mando. “Ako ho lamang ang inaasahanng aking pamilya.”
Tumangu- tango ang tagapamahala. Batid ni Mando ang kahalagahan niya ngayon sa pabrikang iyonb. Kung walang makinang magpapatuloy sa pag- andar sa paghabi ng tela, mahihinto ang gawain ng buong pabrika.  

Inaasahan ng tagapamahala ng pabrika na ang lahat ng manggagawa ay sasali sa welga, subalit nasorpresa siya nang Makita si Mando sa kanyang pwesto. Tulad ng nabanggit sa itaas, ayaw makihalo ni Mando sa “gulo” sa labas sapagkat para sa kanya ang lahat ay walang patutunguhan, gugutuimin lang niya ang kanyang pamilya, at ayaw niyang mangyari iyon.
Sa bahaging ito ng kwento ay binigyan tayo ng may- akda ng kakatwang karakter(asal) ng isang pangunahing tauhan. Oo, tama na manindigan siya para sa kanyang pamilya, subalit aanhin mo ito kung ang kapalit naman ay ang buo mong pagkatao at kaluluwa. Halos hubarin na ng tauhang si Mando ang kanyang kahihiyan sa harap ng matapang at palabang si Kadyo. Halos lunukin niya ang sarili niyang amor- propio sa harap ng tagapamahala ng pabrika. Sinira ng may- akda ang ideyal na anyo ng mga mambabasa sa isang bidang lalaki bilang simpatiko, makisig, matapang at may paninindigan. Inilihis ni Ka Roger ang katauhan ni Mando sa palabang imahe ni Andres Bonifacio, sa imaheng inaasahan natin sa isang pangunahing tauhan ng isang mapanghimagsik na akda.

Sa akdang IBTB, bagaman sinabihan na ang mga magsasaka na ‘wag nang magtanim sa lupang sakahan sapagkat malapit  nanga iyonkunin ng may- ari para ipagbili, pinilit pa rin ng mga obrero na sakahin ang lupa. Parang isang ordinaryong panahon ng pagtatanim ang nangyari. Matapos iyon ay insahan nilang sa di kalaunan ay magbubunga na ang kanilang mga pinaghirapan. Di nila inalintana ang banta ng pagkawasak na maaaring dumating sa kanila at sa kanilang lupain. Kasabay rin nito, tila may kung anong espirito ang sumanib sa mga magsasaka na nagbigay ng tapang sa kanila. Dumating pa sa puntong makikipagpatayan sila ‘pag pinaalis sila sa lupang iyon.

IBTB: “Kapag nagkamaling magpunta rito ang anak ng putang me- ari ng lupang ‘to o ng sinumang demonyong nakabili nito, “ ang sabi naman ng isang matandang mga animnapungtaong gulang na, “di ako mangingiming ibaon siya sa pinitak. Araw- araw kong inihahasa ang aking itak!”
“Ang dugo naman niya ang ipatataba ko sa palay!”
“Subukan lang nilang palayasin tayo rito. Subukan kang nila! Pagpuputulan ko sila ng bayag!”
“Basta’t huwag tayong umalis ke matapos man ang anihang ito! “

Ang tapang na nadama sa mga puso ng mga magsasaka ay panadalian lamang. Ang pakiramdam na animo’y kaya nilang lupigin ang lahat ng magtatangkang umagaw sa kanilang lupain ay di rin nagtagal. Sa ikalawang bahagi ng kwento, ang Makina. Ipinakita kung paanong sa isang iglap ay gumuho ang pangarap at paninindigan ng mga magsasaka.

IBTB: 2) MAKINA … Nasa hinog na mga butyl ng palay ang mumunting mga pangarap, ngunit naroon din ang aali- aligid na mga pangamba, hanggang isang umaga, nang malapit na nilang anihin ang mga palay, biglang- bigla, parang umaatungal na mga dambuhalang baling na sumalakay sa bukid na iyon ang ilang buldoser, kasama ang ilang sundalo ng gobyerno. Kinagat nang kinagat ng matalim na ngipin ng mga buldoser ang mga puno ng palay, nilamon nang nilamon ang mga uhay, at sa harap ng kanilang mga dampa, ang mga magsasaka ay parang mga itinayong mga bangkay, mahigpit lamang nilang hawak ang mga nagkikislapang mga itak, nakatiim ang kanilang mga bagang, ang mga mata’y nakapako sa kawalan habang sa tabi nila, ang mga babae ay nagpapanangisan samantalang ang mga bata ay nakatingin lamang sa dambuhalang makinangiyon na patuloy sa pag- usad at pag- atungal.

Isang grapikong pagsasalaysay ng isang kalunos- lunos na pangyayari ang ipinakita sa atin ng may- akda. Sumisimbolo ang pagdating ng mga buldoser sa pagkawasak ng kanilang pangarap at kinabukasan. Ipinakita ng manunulat na sa panahon kung kalian napakalaki ng tulong ng mga makina sa tao, at halos dumidepende na sila rito, isa itong marahas at mapangwasak na imbensyon na tao rin ang may likha. Ang kawalan ng lakas ng mga magsasaka na bunga na rin ng kanilang pagkamangha sa mga dambuhalang makina ay isang patunay ng kanilang kahinaan sa mga sandaling iyon. Nawalan ng saysay ang kanilang paghahandang ginawa para labanan ang noo’y nakaamba pa lang na panganib. Nagawa pa ng may- akda na “sumundot” ng puna sa pamahalaan ng banggitin niyang sa pagdating ng mga buldoser ay may kasama pa itong ilang sundalo ng gobyerno. Isang pahayag na nagsasabi sa pananaw ng may- akda sa pulitika at pamamahala sa bansa- na nasa panig ng may pera ang kapangyarihan at ang batas.

Balikan natin ang DJL, bilang “pabuya” kay Mando ng tagapamahala ng pabrika. (sapagkat wala roon ang may- aring nagngangalang Chua) ay bibigyan siya ng umento sa sahod, siya lamang at wala nang iba pa. Ito raw ay dahil sa pagiging tapat niya sa kumpanya.

DJL: “Basta magpatuloy ka lang sa pagtatrabaho, daragdagan ko ng limampung piso ang sahod mo, “ sabi ng tagapamahala. At kahit matapos ang welga, mananatiling gayon ang iyong sahod.”

Musika sa tainga ang mga salitang binitiwan ng tagapamahala ng pabrika ng tela para kay Mando. Ang hinihingi ng kanyang mga kasamahan ay naibigay sa kanya. At hindi sa panandaliang panahon, hanggang matapos ang aklasan ay ganoon na ang sahod niya. Magkaganunpaman, may kaba sa dibdib si Mando. Takot na takot siyang lumabas- lumabas at harapin si Kadyo at ang iba pang mga kasamahan niyang nagwewelga laban sa administrasyon ng pabrika. Labis- labis ang pangamba ni Mando sapagkat alam niyang hindi siya sasantuhin ng mga galit nag alit na kasamahan. Masdan sa dayalog sa ibaba kung gaano ang pagpupuyos ng damdamin ng ilang manggagawa ng pabrika:

DJL: 
“Agrab’yado tayo, “  sabi ni Kadyo isang hapong lumalabas silang trabahador ng pabrikang iyon ng tela. “Basta’t maraming pumipildo, kahit Linggo, pinagtatrabaho tayo. Kalimitan, lampas na sa oras, ayaw pa tayong pauwiin…kakarampot naman ang inuumento sa sahod natin. “
“Anong magagawa natin?” sabad ng isang trabahador.“Alam mo namang mahirap humanap ng trabaho…aba!”
Dumahak si Kadyo.
“Aba…e habang panahon ba naming paloloko tayo? Sobra- sobra na nga ang tinutubo nila, “ muling dumahak si Kadyo. “Tayo n’ng bumubuhay sa kanila…pero, ano’ng buhay natin…kumain- dili!”

Ang nangyaring welga sa akda ay maipapalagay na kulminasyon na ng lahat ng mga nauna pang pangyayaring di naging maganda at mga usapang di naging maayos sa pagitan ng mga manggagawa at ng mga tagapamahala at may- ari ng pabrika. Maaari ring ipalagay na noon pa ma’y marami ng kahilingang di naibigay sa mga manggagawa kaya sa isang pag- aaklas humantong ang lahat. Subalit, ipinakikita sa palitan ng usapan na si Kadyo pa rin ang may pinakamatatag sa kanila. Siya lang tila may matigas na paninindigan upang lumaban sa mga tagapamuno ng pabrika. Nang bitiwan ng isang trabahante (na di naman si Mando) ang mga linyang , “…mahirap humanap ng trabaho.”, makikitang hindi lang pala si Mando ang nag- alangang sumama sa welga. May ilan ding nagdalawang isip na makilahok sapagkat tunay naman na napakahirap na humanap ng trabaho sa bansang ito. Hindi sapat ang diploma at eksperyensiya- madalas kailangan pa ng koneksyon para lang makapasok sa isang maayos- ayos na hanapbuhay.

Bago matapos ang akdang DJL, ay ibinagay na ng may- akda ang paninindigan ni Mando. Hindi siya maaaring manatili sa loob ng pabrika. Hindi pwedeng doon siya matulog at magpalipas ng magdamag, lalo siyang magmumukhang katawa- tawa sa mata ng kanyang kasamahan.

DJL: Lumabas si Mando. Malayo pa siya sa pinto ng pabrika natanaw na niya ang mga nagsipag- aklas. May mga tangan nang karatula ang mga ito, nakapako ang mga tingin sa kanya, at waring siya ang inaabangan.

Subalit ang lahat ay hindi magiging madali para kay Mando. Alam niyang may nakaambang panagnib sa tarangkahan ng pabrika. Sinikap ng may- akda na lumikha ng isang kapana- panabik na serye sa tagpong ito ng akda. Bagaman, ito na ang huling bahagi ng kwento (kung saan matatagpuan ang kasukdulan) ginawa ng manunulat na napakalayo ng distansya ni Mando sa gate ng pabrika ng tela. Ang paglalakbay niyang iyon ang isa sa pinakamahaba at pinakamahirap sa kanyang buhay. Dahil na rin sa sari- saring emosyon na nadarama niya sa tagpong iyon, na pinangingibabawan ng takot at kaba.

DJL: (Sa paglabas ni Mando)
“ ‘Adre, pinaalalahanan na kita kangina, “ sabi ni Kadyo, “nagtigas- tigasan ka pa rin! Sipsip kang talaga kay Chua… ibig mo’y ikaw na lang ang mapabuti!”
Tinitigan ni Mando si Kadyo.
“Karapatan n’yo ang magwelga…karapatan ko naman na ‘wag sumama sa inyo!” Matapang ang tinig ni Mando.
“A, gayon!” nang- uuyam ang tinig ni Kadyo. “Matigas ka, ha!”
Hindi pa napapawi ang alingawngaw ng tinig ni Kadyo, tila hayok na asong dinaluhong ng mga trabahadorsi Mando. At naramdaman niya ang matinding palo, suntok, dagok, kadyot.

Sa huling bahagi ng kwento, matapang na si Mando. O, nagpakita na lamang siya pagiging matapang  sa harap ng mga kasamahan. Tama ang salitang ginamit ni Kadyo, “tigas- tigasan”. Gaya sa nabanggit sa mga unang bahagi, hindi na siya maaaring umatras pa. Mayroon na siyang piniling landas na tahakin. Kung magso- sorry siya at hihingi ng paumanhin sa harap ng mga kasamahan ay lalong matatapakan ang durog na niyang “ego”. Ipinakita ng may- akda na mahalaga pa rin ang ganitong katangian sa isang lalaking karakter. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob ni Mando na mangatwiran kay Kadyo kahit alam niyang mas lalo niya itong ikapapahamak, ay maaari ring ituring na katapangan. Nga lamang, sa isang lipunan kung saan mahalaga ang bilang at numero, wala siyang nagawa nang kuyugin na siya ng mga kasamahan at bugbugin, wala siyang nagawa dahil mag- isa lang siya. Ni hindi siya tinulungan ng tagapamahala na nangako ng umento sa kanyang sahod kani- kanina lang. Wala rin doon para sumaklolo ang Intsik na may- ari ng pabrika na si Chua. Walang nagawa si Mando kundi magpatangay sa daloy ng mga pangyayari, dahil mag- isa lang siya.

Sa ikatlo at huling bahagi naman ng kwentong IBTB, ang Uod. Ipinakilala na ng may- akda si Lino Fajardo. Siya ay isang magsasakang hindi umalis sa baryo matapos sirain ng mga buldoser ang kanilang palayan. Naisakatuparan ang unang plano: naipagbili ng may- ari ang lupang dati’y sinasaka ng mga tagabaryo, naging subdibisyong marangya ang kabilang bahagi at ang dating malawak na bukirin ay naging isang pabrika.  Isang kakatwang pangyayari ang naganap rito, ang mga dating magsasaka na galit na galit sa may- ari ng pabrika (na isang Amerikano) ay sila ngayong nagtatrabaho doon. Kabilang nga sa kanila si Lino. Magkaganunpama’y marami pa rin ang di kuntento sa pamamalakad ng ‘Kanong may- ari at ng Pilipinong katiwala (si Mr. Cruz). Akala ng mga dating magsasaka ay magandang magpasahod ang mga Amerikano, iyon pala’y higit pang hirap ang sasapitin nila. Isa lamang si Lino sa mga dating obrerong nagtitiis sa ganitong pambubusabos. Masdan ang dayalog sa ibaba:

IBTB:  
“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nilang kapwa trabahador isang hapong magkakasabay silang lumalabas sila sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man tayo inuumentuhan. Alam niya namang pambili lang ng pandesal ang sweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrika.”
“Tagahimod kasi ng pundilyo ng me- ari ang putang ‘nang Whitena ‘yon!”
“At ‘ala ring konsensiya ang me- ari.At ubod pa ng s’wapang.”
…”…Magtayo tayo ng unyon!”
“Di pinatalsik tayo ng mga agad ng puta? Aba!”

Tulad sa DJL, makikita ang disgusto ng mga trabahador sa kwentong IBTB. Ang kanilang galit at hinanakit sa mga may- ari at tagapamahala ng pabrika ay bakas na bakas sa kanilang mga pananalita. Muli, sinikap ng may- akda na maging tapat sa paglalarawan ng mga karaniwang manggagawa. Ang pagpapaikli ng mga salitang kolokyal at pagmumura sa kanilang usapan bilang ekspresyon ng kanilang nadaramanang pang- aapi ay isang natural na reaksyon ng isang karaniwang manggagawa. Naging bukas ang may- akda sa paggamit ng mga bulgar na salita upang maipahayag niya at ng kaniyang mga karakter sa kanyang kwento ang nais nilang sabihin.

Balikan naman natin si Lino Fajardo. Siya ay isang karakter sa IBTB na ayaw umalis sa trabaho sa pabrika sa kabila ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman. Natatakot siyang magutom ang kanyang pamilya at mawalan ng trabahong babalikan kung sakaling lumiban. Kaya naman, hanggang sa katapusan ng akda ipinaglalaban ng mahinang si Lino kay Mr. Cruz na manatili siya kesehodang magmistula siyang uod na gumagapang na sa lupa sa pagmamakaawa huwag lamang siyang tanggalin sa pabrika.

IBTB:
“Talagang mahina ka na, Fajardo. Talagang di mo na kayang magtrabaho.”
Malinaw na malinaw sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ni Mr. Cruz at parang matalim na itak iyong sumugat sa buo niyang katawan at kaluluwa. Nabanaagan niyang papalayo ang mga paa ni Mr. Cruz at gumagapang, gumagapang na pilit niyang sinundan ang mga pang iyon.”
“Hintay, Mister Cruz! Malakas pa ho ako! Malakas pa ho ako! Sabihin n’yo kay Mr. White, malakas pa ho ako!”
Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.

Ang huling bahaging ito ng IBTB ay isang madramang tagpo sa pagitan ni Lino at ni Mr. Cruz. Kahabag- habag ang imaheng ito kung sakaling makakakita ng ganitong larawan sa totoong buhay. Muli’y naging matagumpay si Ka Roger sa pagbibigay sa mga mambabasa ng isang napakagandang eksena nang hindi kinalilimutan ang mensaheng nais niyang ipahayag. Ang kaapihan ng mga uring mangagagawa.

Kung tutuusin, sa pamagat pa lamang ay makikita na ang tonong mapanghimagsik ng dalawang akdang ito ni Ka Roger. Ang ANG DUGO NI JUAN LAZARO ay kinuha mula sa bibliya. Magkaganunman, ang salitang “Dugo” sa isang parirala ay nagbubunsod ng di magandang pangitain. Iisipin ng kahit sino mang mababasa na “baka may pagkamarahas” ang akda kung hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataong basahin ito.  Mula sa aklat ni Juan berso 12, ang kwento ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Lazaro. Muling binuhay ni Hesus ang kaibigan niyang Lazaro , binigyang muli ng hininga at ibinalik sa mudong ito. Kung lilimiin, payak ang simbolismo ng pamagat. Si Mando ay si Lazaro na kailangang buhayin ng mga Hesus- sa katauhan nina Kadyo at ng iba pang manggagawa. Para sa may- akda si Mando ay isang patay na nilalang na maaaring buhayin sa pamamagitan lamang ng isang matinding hagutpit at panggulat. “Patay” ang kanyang paninindigan sa mga bagay na dapat na ipaglaban. Para sa may- akda, ito ang kailangang “buhayin” kay Mando.  Wala siyang magagawa kung siya lang mag-nisa at hindi siya makikiisa. Makikita rin ito sa pamosong linyang inilagay ng may- akda sa simula ng kwento: “BAWAT NILALANG AY HINDI ISANG PULO SA KANYANG SARILI. NARARAPAT LAMANG NA MAKILALA NIYA ANG KANYANG PANANAGUTAN SA KAPWA.” Salin ito ng diktum na, “No man is an island.”.

Ganundin ang ginawa ni Ka Roger sa INUUOD NA BISIG SA TIYAN NG BUWAYA. Kailanma’y hindi magiging kaaya- aya sa paningin ang larawan ng isang brasong inuuod- lalo’t higit ang isang brasong inuuod sa tiyan ng buwaya. Gumawa ng isang tawag- pansing pamagat ang may- akada para pukawin agad ang atensyon ng mga mambabasa. Ang “Bisig”ay palit- saklaw sa mga mangagagawa sa pabrika. Ang pagkakaroon ng “Uod” nito ay pakahulugang wala silang napapala sa kanilang pagpapagal kundi hirap at pasakit. Sa huli, sila mismo ay magmumukha ng uod dahil na rin sa pagmamakaawa sa mga pinapanginoon nilang may- ari ng pabrika (tulad ng nangyari kay Lino). At ang “Buwaya” ay ang mga sakim na tagapamahala at ang ‘Kanong may- ari ng bahay- pagawaan.  Nasa tiyan ng “Buwaya” ang mga “Inuuod na Bisig” sapagkat kinakain at sinasamsam lamang ng “Buwaya” ang kung anumang pinagpapaguran ng mga manggagawa. 

Temang Mapanghimagsik

Walang duda na mapanghimagsik ang tema ng dalawang binasang maikling kwento. Gaya ng nasabi na sa unang bahagi ng sanaysay na ito, sinulat ang mga akdang ito sa panahon ng Aktibismo at Batas Militar- panahon kung kalian laganap ang mga suliraning panlipunan at pampulitika na nagpapahirap sa kalagayan ng bansa. Ang dalawang maikling kwentog ito ni Ka Roger samakatwid ay maikling kwento ng paghihimagsik at pagtutol.

Parehong uminog sa kaapihan ng mangagawa ang dalawang maikling kwento. Sina Mando at Lino ay dalawang mukha ng manggagawang handang magpaalipin para lang sa kakarampot na halaga. Wala na sa kanila kung mawalan man sila ng dangal at delicadeza- ‘wag lamang magutom ang kanilang pamilya.

Ayon nga sa nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes:

Sila’y isang batalyon ng mga alipin… Alipin sila ng kanilang pangangailangan, kaya’t luluhod sila sa isa pang kaalipinan upang matugunan ang hinihingi ng unag kaalipinan. Iaalay nila ang kanilang buong puhunan kapalit ng karampot na limos. Sa pagpapaalipin, sila’y naduduguan, at ito’y natatanggap nila katulad ng pagtanggap ng isang takot manganak sa kanyang panganganak.

Binigyang diin din sa mga akda ang kabalintunaang naabuso ang isang manggagawang Pilipino ng mga dayuhang amo. Sina Chua at Mr. White ay representasyon ng parami nang paraming dayuhang namumuhunan dito sa ating bayan na siyang yumayaman at kumakamkam ng ating mga piso at sentimo.Nagpapakapagod ang mga uring mangagagawang Pinoy para lang sa mga dayong “kumkandili” at “sumasagip” daw sa naghihingalo nating bansa.

Nabigyang pansin din ang isyu sa pagkamkam ng lupa na magpasahanggang ngayon ay laganap pa rin sa bansang ito. Ang pagsasawalang bahala ng mga mayayamang namumuhunan sa pinsalang maaaaring maidulot sa buhay at kabuhayan ng mga taal na nainirahan sa mga lalawigan. Ang pagtatayo ng mga pabrika sa mga ilang na parang at kagubatan, gayundin ang pagsira sa mga palayan at bukirin para gawing subdivision ay tanda raw ng “pag- unlad” ng bansa.

Nakakatawang isipin na ang pagitan ng pagkakalikha ng dalawang maikling kwentong sinuri at ng sanaysay na ito ay bibilang na halos ng tatlong dekada o marahil ay higit pa. Nakakatawang sa tinagal- tagal ng panahon ay pareho pa rin ang mga isyu at problemang kinakaharap ng bansa. Nakakatawang ang dami ngayong call centers na pag- aari ng mga ‘Kano dito at halos lahat ng mga kabataang kagagaling lang sa kolehiyo ay nais magtrabaho doon. Nakakatawang ‘pag pumupunta ang inyong lingkod sa Divisoria at Quiapo ay puro mga Koreano at Intsik ang mga may tindahan doon at mga  Pilipinang kadalasan ay mula sa mga probinsya ang mga tindera nila. Nakakatawang isipin na kahit wala na ang mga prayle at hindi na uso ang sistemang hacienda at encomienda ay laganap pa rin ang pang- aagaaw ng lupa. Kahit mga sakahan, koprahan o tubuhan man ay pag- aari pa rin ng mga makapangyarihan- kung hindi pulitiko mga mayayamang negosyante. Binibigyan lamang ng hindi tataas sa 10% kita ang mga magsasaka at sakadang nagtatanim at walang sawang nag- aalaga upang maging mabiyaya ang lupa. Nakakatawang sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang Labor Groups at Labor Sectors na nagbabantay at nangangalaga sa kapakanan ng mga uring mangagawa ay laganap pa rin ang di pagkakapantay- pantay at maling pagtrato. Nakakatawang kung kalian daw marami ang trabaho, marami pa rin ang mga OFW at laganap pa rin ang contractualization sa halos lahat ng kumpanya. Nakakatawang ginagawa pa nating holiday ang May 1 taon- taon kung hindi rin naman natin alam ang esensiya nito.

Bilang paglilinaw lamang sa naipahiwatig nang paninindigan sa panimula, ang inyong lingkod ay hindi tagatangkilik ng isang pamamaraan o dulog pampanitikan lamang. Sinikap na mailapat ang dulog Bayograpikal, Pormalistiko, Sosyolohikal at Realismo sa munting pagsusuring ito. Kung ang lahat nang nasa itaas ay makatutulong upang higit na makita nang malinaw ng mga mambabasa ang mensahe ng dalawang akda, naniniwala ang sumulat ng sanaysay na ito na naisakatuparan ang layunin ng pag- aaral na ito. 


Si Ka Roger. :)