Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Wednesday, August 19, 2009

Sa Pagpitas Ko ng Yellowbell: mula sa blogger na si "Sadista"



Ilang araw ko nang napapansin na nagkalat na sa paligid ang mga tumutubong mga dilaw na bulaklak. Hindi ko alam kung sanhi ba ito ng radikal na pagpapalit ng klima o sadyang napapadalas lang talaga ang pagkatulala ko sa kawalan nitong mga nakaraang araw. Basta ang alam ko, kinagigiliwan ko na ang pagmamasid sa mga bulaklak na ito bawat umaga. Kahit papano ay naliligayahan ako sa bawat pagsulyap ko sa mga ito.

Nakakatawang isipin na matagal-tagal din bago ko natuklasan na Yellowbell ang tawag sa mga bulaklak na iyon. Lahat yata ng tao alam na ganoon ang itsura ng Yellowbell, pero dahil lahat ng bulaklak para sa akin ay magkakahawig maliban sa mga rosas ay wala talaga akong malay na yun pala ang tawag sa kinahuhumalingan kong bulaklak. Mula noon ay lalo ko tuloy nagustuhan ang pagtanaw sa mga ito.

Noong una ay nakikita ko lamang ang mga kinagigiliwan kong Yellowbell habang nakasakay sa service papuntang eskwelahan. Lagi ko kasing binubuksan ang bintana sa may gawi ko dahil nakagagamot ang matamis na simoy ng hangin sa umaga. Mula sa dungawan na iyon ay nasisilayan ko ang mundo habang mabilis nito akong dinadaanan. Pero masaya pa rin ako kahit na sa maikling sandali lang na nilalaan sakin ng pagkakataong masilayan ang mga matitingkad na Yellowbell sa tabi ng kalsada. Napapangiti ako ng mga ito gayong ang layo ko para man lang mamalas ang kagandahan nila nang malapitan.

Hindi nagtagal ay mas madalas na akong makakita ng mga Yellowbell. Natuklasan kong mas maganda pala talaga ang mga bulaklak na iyon sa totoong mundo kumpara sa mga larawan sa mga librong nakita ko noong ikalawang taon ko sa mataas na paaralan. Napagtanto kong may Yellowbell pala sa may pasukan ng subdivision namin, sa isang bakuran sa may intersection sa Masinag, sa bahay ng lola ko at kahit sa mismong paaralang pinapasukan ko limang beses sa isang linggo. Kahit papano talaga ay naiibsan ang pagkalumbay ko sa araw-araw.

Pero hindi riyan nagtatapos ang nakaaantok kong kwento tungkol sa Yellowbell. Nagkataon kasing yung pinagtaniman ng mga bulaklak na ito sa loob ng eskwelahan ko ay dun pa talaga sa araw-araw kong dinadaanan. Hindi tulad noon na hindi naman ako pwedeng bumaba sa sasakyan para kumuha ng isang Yellowbell mula sa hardin ng kung kaninong bahay, dumating sa punto na hayan na ang mga Yellowbell at pwedeng-pwede na akong pumitas.

Tatlong beses rin akong pumitas ng Yellowbell. Tuwang-tuwa talaga ako lalo na pag tamang-tama ang laki ng Yellowbell para ipanglagay sa kaliwa kong tainga. Mula sa pinagpitasan ko dito sa harap ng THE Room hanggang sa silid-aralan ay naglalakad akong may Yellowbell sa ulo. Natutuwa at natatawa rin naman sakin ang mga nakakakita, pero ang sakin lang ay masaya ako dahil may Yellowbell na nakatanim sa lakarang dinadaanan ko bawat umaga.

Pero sandali lang nagtagal ang kasiyahang dinulot ng pagpitas ko ng Yellowbell. Hindi ko rin naman kasi pwedeng panatilihin ito sa aking tainga dahil katutuwaan ako ng aking mga guro at baka padiretsuhin pa sa mga madre oras na malaman nilang sa tapat ng THE Room ko ito nakuha. Pag-upo ko sa aking pwesto bawat umaga, matapos ang sandaling paglalakad at pagpanhik sa hagdan, ay huhubarin ko na ang bulaklak at maingat na ilalagay sa ilalim ng aking upuan. Nung unang beses ay naiwan ko yun doon at hindi na nakuha nung kinahapunan. Pero nung pangalawa, napagtanto kong hindi tulad ng mga larawan sa mga librong nabasa ko noong ako’y nasa ikalawang taon sa mataas na paaralan, nalalanta ang mga tunay na bulaklak. Hindi na mukhang Yellowbell ang pinitas kong Yellowbell nung uwian, at dito ako napa-isip kung ano ba talaga ang papel ng Yellowbell sa buhay ko.

Ang Yellowbell at ikaw ay iisa. Ikaw ang dahilan ng gana kong pumasok sa araw-araw. Ikaw ang dahilan ng mga ngiti, ng kaligayahan, ng katuwaan. Pero tulad ng isang Yellowbell, kailangan kitang panatilihing buhay sa pamamagitan ng pagmamasid sayo sa malayo. Malalanta ka lang sa piling ko. Mawawalan ka lang ng buhay pag pinitas kita at sinama sa paglalakad ko. Gaya ng isang Yellowbell, dapat lang kitang daanan araw-araw at makuntento sa pagkakataong mayroon ako para mahalin ka, hindi man kita pwedeng angkinin. Isa kang Yellowbell na hindi ko dapat pitasin, dahil iyon ang batas ng mundo para manatili ang kagandahan mo.

Hindi ko alam kung maibabalik ko pa ang kagiliwan ko sa Yellowbell. Ngayon, pag nakakakita ako ng Yellowbell ay ikaw na ang naaalala ko. Imbis tuloy na mapangiti ay may tumutulo nang luha sa mga mata kong tila nais diligan ang mga bulaklak na iyon. Nalulungkot na ako pag nakakikita ako ng mga Yellowbell, dahil pinaaalala nito sa akin ang taong kinailangan kong pakawalan para mahalin; ang taong kinailangan kong ipagpaubaya sa hardin niya dahil hindi siya magiging masaya sa akin.

Hinding-hindi na ako pipitas ng Yellowbell mula ngayon. Sa susunod na mga araw maaaring madiligan ko sila ng mga luhang kailangan ko pa munang iiyak, pero hindi ko na nanakawin pa sa daigdig ang hindi para sa akin.

Araw-araw pa rin akong dadaan sa may tapat ng THE Room para sa mga Yellowbell. Sana sa bawat pagdaan ko ay marinig ng mga bulaklak na ito ang mga salitang hindi ko maaaring sabihin, ang mga salitang siyang dahilan kung bakit pinili kong hindi na lang pumitas ng Yellowbell.


No comments: