Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, August 21, 2009

Sa Gitna ng Ulan


Nagsisimula na namang pumatak ang ulan. Ganito na lang lagi tuwing hapon, umaambon tapos sinusundan ng malakas na ulan. Mag- uumpisa 'yan sa tikatik pero asahang kasunod nito ang ga- mais na buhos maya- maya lang.Kaya kung nasa labas ka, mabuting sumilong ka muna. Sandaling titila. Magdudumali ka sa paglalakad pero hindi ka pa nakalalayo ay nandyan na namang muli ang ulan. Kapag minamalas kang talaga, matatalsikan ka pa ng putik na mula sa mga dumadaang sasakyan. Katulad din ng iba pang mga mag- aaral, empleyado at iba pang Juan at Juana dela Cruz na nag- aabang. 

Kampante si Marco dahil mayroon naman siyang payong. Sa isip niya, hindi naman siya mababasa ng ulan dahil may panangga naman siya rito. Medyo mahal ang payong ni Marco. Hindi ito iyong mga nabibiling tigsisingkwenta pesos  sa bangketa o sa tiangge- may tatak, may panagalan. Kaya ganoon na lamang ang lakas ng kanyang loob na sumugod at prenteng maglakad sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

Kasama ni Marco si Tony sa lahat ng kalokohan. Magkaklase na ang dalawa mula pa noong unang taon nila sa kolehiyo. At ngayong nasa ikaapat at huling taon na sila, napakahirap nang paghiwalayin ng dalawa. Hindi mo mayayayang lumabas ang isa, kung hindi sasama 'yung isa. Sabay silang lagi kumain, ng tanghalian pati ng meryenda. Hindi matatapos ang isang buong araw na hindi sila nag- uusap. Pati sa pag- auwi ay lagi silang sabay kahit pa umuulan, lagi silang naghihitayan. Kaya naman, ang isa't isa rin ang naging hingaan nila ng sama ng loob sa tuwing may kinakaharap na problema.

Pangulo ng isang organisasyon sa kanilang kolehiyo si Tony kaya lagi siyang inaabot ng gabi dahil na rin sa mga pagpupulong. Matiyaga naman siyang hinihintay ni Marco.  Nagte- text na lamang ang binata, nakikinig ng musika o di kaya nama'y nagbabasa sa labas ng silid habang hinihintay ang paglabas ng kaibigan.Kapag sinusuwerte at nakakita ng kakilala, yayayain niya ito para makipagkwentuhan muna para malabanan na rin ang pagkainip. Halos apat hanggang limang beses sa isang linggo kung mangyari ang ganito, pero ayos lang naman iyon kay Marco.

Mabilis na tumakbo ang mga araw pero patuloy pa rin ang pag- ulan. Sa hindi malamang kadahilanan ni Inang Kalikasan ay patuloy pa rin ang ganitong panahon kahit buwan na ng Marso. Sa huling linggo magaganap ang Araw ng Pagtatapos. Ang lahat nang mga mag- aaral na nasa ikaapat na taon ay masaya dahil nalalapit na ang matagal na nilang inaasam. Makukuha na nila ang diplomang apat na taon nilang pinagtrabahuhan at pinagsunugan ng kilay. Masaya ang lahat...maliban kay Marco. 

Mababakas ang ngiti sa mga labi ni Marco habang inilalahad ang kanyang mga plano para sa darating na bakasyon. Gagawa siya ng resume, magpapakuha ng maraming litratong 2x2 , gagawa ng mga liham at saka siya  maghahanap ng trabaho. Buong kumpiyansa niyang sinabi kay Tony na madali siyang makahahanap ng papasukang paaralan para makapagturo dahil mahusay naman siyang titser. Sinabi ni Marco na sabay silang magpakuha ng litrato ni Tony; na sabay silang pumunta sa computer shop para gumawa ng mga sulat, sabay rin silang gagawa ng resume at sabay nilang gagalugarin ang buong ka-Maynilaan para maghanap ng trabaho.

 "Mag-a- abroad ako eh.", ito ang nakangiting tugon ni Tony kay Marco. Sa wakas, matutupad na raw niya ang kaniyang mga pangarap. Biglang naalala ni Marco na minsan ay nabanggit pala nilang dalawa sa isang kwentuhan na nais nilang mangibang- bayan,  at sabay rin nilang gagawin ito. Sabay silang lalabas ng bansa at aalis ng Pilipinas. Subalit, nagtataka siya ngayon. Nagtatanong. Ano ang nagyayari?Bakit ganito? Hindi pa dapat. 

Natigilan si Marco na kanina'y buong giliw na iniisa- isa ang kaniyang mga balak. Sa dahilang noong mga oras na iyon lang  niya nalaman na sa susunod na buwan ay nakatakda na palang lumipad si Tony papuntang Dubai. Hindi ito binabanggit noon sa kanya ng kaibigan dahil isa raw itong sorpresa.  Nasabi na rin ni Tony kay Marco na maayos na ang lahat ng papeles. Hinihintay na lang talaga ang araw ng pagtatapos nila. Sorpresa. 

Makulimlim na naman ang langit. Nagbabanta na naman ang isang malakas na ulan. Pero parang may kakaiba sa hapong ito. Higit na matalim ang kidlat, at higit na nakabibingi ang mga kulog. Ang pagtama ng hangin sa mukha ni Marco ay tila isang malakas na pagsampal mula sa kung sino. Nahuhulog na ang mga tubig mula sa langit. Subalit di tulad ng dati, hindi naramdaman ni Marco ang pag- ambon. Malalaking patak na kaagad ang tumama sa kanyang katawan. Kaya naman bago pa tuluyang mabasa ay nagbukas na siya ng payong. Pero siya ay namangha, dahil ang payong na matibay ay dagling nasira.   

 

No comments: