Hindi lang miminsang nabaggit na ang bansang Pilipinas ay may kanser. Paulit- ulit na natin itong naririnig simula pa lamang sa unang nobela ng ating pambansang bayani. Paulit- ulit itong ipinamumukha sa ating lahat upang ating maalala na tayo ay unti- unting nilulupig ng sakit na ito. Paulit- ulit...pero walang nangyayari.
Ang mga mamamayang Pilipino ay kilala sa buong daigdig sa pagkakaroon natin ng positibong disposisyon sa buhay. Lagi raw tayong masaya. Hindi raw natin iniinda ang mga problemang dumarating. Ni hindi raw tayo natitinag ng mga pagsubok. Kakayanin daw ng isang Pinoy na gumawa ng isang oasis sa gitna ng isang malawak na disyerto. Gagawing enselada o atsara ang cactus para lang may makain. Makikipagkaibigan sa mga kamelyo para may makakwentuhan at malabanan ang pagkabagot. Ganyan daw tayo, masayahin at marunong makuntento.
Ang pagigigng kuntento sa mga bagay na nasa paligid ay senyales ng malawak na pag- iisip. Totoo ito kung ang halos lahat ng mga mabubuti at maaayos na bagay ay nasa iyo na, at hindi ka na naghahangad ng iba pa.Hindi ka nagnanakaw, hindi ka nagsisinungaling at hindi ka nanlalamang- isa kang magandang halimbawa. Subalit, iba na ang usapan kung ipinanganak kang mahirap, nakatira ka sa barung- barong , wala kang trabaho at sumasala ka sa pagkain subalit... kunteto ka sa sitwasyon mo. Senyales na ito ng labis na katamaran. Katamarang matagal nang nagbabalatkayo at nagtatago sa imahe ng pagiging kuntento.
Napaka- hospitable raw nating mga Pilipino. Tuwang- tuwa ang mga dayuhan sa pagdalaw sa ating bayan dahil na rin sa husay nating tumanggap ng mga bisita. Buong- giliw natin silang pinatutuloy rito sa ating lupain at ibinibigay ang lahat ng kanilang mga pangangailangan. Walang alinlangan nating binubuksan ang ating mga tainga,isip at puso para sa kanilang mga ideya at suwestiyon.
Ilang bansa na ba ang sumubok na sakupin ang sa Pilipinas? Ilang bansa na ba ang nagtagumpay sa layunin nilang ito? Ang Espanya, Hapon at Amerika ay ilan lamang sa mga bansang nagtangka at nagtagumpay na gawing kolonya ang Pilipinas. Pumasok sila sa ating teritoryo at hindi na lumabas. Kampante silang nananahan sa ating lupa at inuubos ang ating likas na yaman. Naniniwala tayong magpasahanggang ngayon, ang mga dayuhan at ang kanilang mga dolyar lamang ang makapagsasalba sa atin. Nagdiriwang tayo ng Araw ng Kasarinlan tuwing ika- 12 ng Hunyo subalit ang katotohana'y ni hindi tayo makatayo sa sarili nating mga paa. Lagi tayong nangangailangan ng tulong ng ibang nasyon, lagi tayong humahanap ng alyansa, ng mauutangan para magamit na pondo ng bayan. Ang totoo, nagbago lang ng istilo, pero patuloy pa rin nila tayong niloloko.
Mahalagang mabatid nating lahat na tayo ay bahagi ng bansang matagal nang pinahihirapan ng isang malubhang karamdaman. Bawat isa sa atin ay naglalagay ng asin sa nagnanaknak na sugat. Hinahampas natin hanggang sa magkapasa ang nanlulupaypay na kalamnan. Pinalalanghap at pinupuno natin ng maitim na usok ang bagang malapit nang bumigay. Binabali pa natin ang marupok nang buto. Ang KATAMARAN, KAWALANG PAGKUKUSA at KASINUNGALINGANG ginagawa ng bawat isa sa atin ay lasong lalong nagpapahina at pumapatay sa bayang nakalubog na ang isang paa sa hukay.
Ang pamimigay ng salapi, pagkain at kung anu- ano pang pansamatalang tulong ay nagbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, di nito lubos na inaatake ang mga bakteryang nagdudulot ng sakit. Hindi kayang gamutin ng simpleng tableta ang kanser.
Palasak na mga kataga, marapat na magsimula sa ating mga sarili ang pagbabago. Ang PAGKILOS, PAKIKIISA at PAGSASABI NG KATOTOHAN ay ilan lamang sa mga maliliit na bagay na maari nating gawin upang tuluyang maibsan ang hapding nadarama ng bansa. Dapat nating paunlarin ang ating mga sarili, sapagkat ang maunlad na mga mamamayan ang siyang bubuo ng isang maunlad na bayan.
No comments:
Post a Comment