Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Thursday, August 20, 2009

Hindi Ko na Matandaan Kung Kailan Ako Huling Kumanta sa Videoke


Mahilig akong kumanta- sa banyo, sa sala, sa kusina, sa pasilyo, kahit saan...basta kanta lang ako nang kanta. Maganda ang boses ko (alam ko 'yun), pero hindi naman 'yung pamplaka o pang- recording artist, tamang pangkulit o pang- jamming lang. Kahit anong genre ng kanta ang ipakanta sa akin ayos lang, basta naaabot ko 'yung tono, walang problema.Pero ang pinakapatok...Videoke!

Videoke ang madalas naming libangan at pangtanggal pagod o stress ng mga katrabaho ko noon. Halos dalawa o tatlong beses sa isang linggo yata eh nag- iingay kami sa boarding house/karinderya/tambayan na pag- aari ni "Mommy". Halos isang taon akong araw- araw kumakain dun pero hindi ko man lang natanong ang pangalan niya. Basta "Mommy" ang tawag naming lahat sa kanya. Nag- iingay at nambubulahaw kami dun kahit alam naman namin na puro INC (Iglesia ni Cristo) ang mga nakatira sa bahay, pati na rin ang mga kapitbahay.

Mura lang ang bayad sa videoke machine dun. Limang piso lang eh solve na at maibibirit  na namin 'yung favorite naming  lovesong. Minsan nga, kahit lista eh ok lang. Php150 ang pinakamataas kong naibayad sa pagkanta lang sa videoke. Adik ako noh? Halos bali- baligtarin ko na 'yung songbook noon makahanap lang ng kantang talagang bagay (o feeling ko eh bagay) sa akin. Pero ayos lang, kasi masaya naman talaga. Idagdag mo pa 'yung ispirito ng Gran Matador at chaser na Icedtea na pumasok na sa mga utak namin. 

Ang videoke machine na 'yun ang nagsisilbi ring TV sa boarding house/karinderya/tambayan ni "Mommy". Nakakapanood kami ng Eat Bulaga sa tangahalian at dramarama sa hapon (channel 7 lang ang malinaw doon) kapag meryenda dahil sa TV/ videoke machine na 'yun...ang galing noh?

Naging saksi ito sa walang- patumanggang kwentuhan, tawanan, tuksuhan, kantiyawan at hingaan ng sama ng mga loob na dulot ng "progresibong" paaralan na dati naming pinagtatrabahuahan bilang mga guro. Paulit- ulit lang ang mga kwento at mga problemang hinihingi ng payo: maling pamamalakad ng admin,  mababang sweldo at maging tsismis na ginagawa ng ibang mga katrabaho. Pero sa hindi malamang kadahilanan, nagawa naming pagtiisan ang lahat ng iyon sa loob ng isang taon.     

Minsan, kasama rin namin 'yung mga estudyante namin sa pagkanta sa videoke. Ang galing, kasi maganda 'yung samahan ng mga teacher at estudyante, madalang 'yun. Todo- bigay ang mga bata sa paghataw kahit alam nila na kinabukasan, makikita nila kami sa harap nila na nagtuturo at sinusuway sila. 'Yun na lang ang konsuwelo namin noon, mababait talaga ang mga bata sa mula "progresibong" paaralan. 

Wala na ako sa dati kong trabaho, pati ang mga ka-guro kong kasama  ko sa pagkanta eh wala na rin doon. Matagal- tagal na rin nang huli kong nakausap o naka- text ang iba sa kanila.Pero magkaganoon man, masaya naman ako kasi maganda ang pinuntahan naming lahat. Umahon kami mula sa "putik" na kinasadlakan namin. 

Hindi ko alam kung sino na ngayon ang kumakanta at nambubulahaw kina "Mommy". Hindi ko na rin alam kung sino na ang mga bagong gurong nagtitiyagang magtrabaho sa paaralang pinatatakbo ng mga taong hindi alam ang kahulugan ng "katotohanan" ,  "pagkakapantay- pantay" at "lohika". Wala na rin akong ideya kung ano na ang lagay ng mga paborito kong estudyante. Pero nakaka- miss at nakakalungkot...hindi ko na kasi matandaan kung kailan ako huling kumanta sa videoke.     

No comments: