Hindi ko man sabihi'y, mababatid mo rin
Ang poot para sa'yo, na mula sa akin
Ikaw!
Oo ikaw nga! Huwag kang mainip.
Hangin ng kamalasa'y sa iyo iihip.
Ito'y ituring mong iyong unang regalo.
Mula sa isang taong tinawag mong bobo.
Unti- unti, dahan- dahan,
Ika'y lalapitan.
Dali!
At subukin mong, ako ay unahan.
Tinuran ng iba'y 'wag kang patulan.
Subalit kabuktuta'y umabot na sa sukdulan.
Kamalian ay sadya mong gagawin,
At sa huli'y kunwang hihingi ng paumanhin.
Di ko nais tawaran, ang iyong kahusayan.
Batid kong magaling ka, sa napiling larangan.
Ngunit walang sinuman, ang may karapatan
Mag- andukha ng kapwa, kahit kailanman.
Bilisan mo "Kaibigan"!
Tumakbo ka na!
Nariyan, parating na
Ang masamang karma.
Ang pisi ng pasensya ko ay pinatid mo.
Kaya ngayon katoto, kapwa tawad tayo.
O kay sarap sambitin, mga ganitong salita.
Ngunit ang saktan ka'y di ko magagawa.
Hindi ko dudungisan ang aking mga kamay.
Nang dugong mula sa taong, tila isang anay.
Ako ay iiwas,
Sandaling hihikbi.
Pipiliting buuin, ang nasirang pisi.
Diyos na ang bahala sa gagawin sa'yo.
Tanging dalangin ko, ikaw ay magbago.
No comments:
Post a Comment