Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, August 30, 2009

'Syano

'Wag ka nang magtira Gani, ubusin mo na 'yan. Sila nga walang pakialam sa'yo eh. Lantakan mo na 'yang pansit.

Tulad ng ibang mga ordinaryong araw, bumangon si Gani mula sa kanyang anim na oras na pagkakahimbing. Magtimpla ka na ng kape. Ay teka, wala na palang asukal. Hayaan mo na, ang mahalaga lang naman, mainitan ang sikmura mo. Maligo ka na rin pagkatapos at baka mahuli ka na naman sa trabaho. Pagkatapos maligo ni Gani ay agad na siyang nagbihis ng puting kamiseta, maong na pantalon at saka nagsuot ng sapatos na goma. Maglalagay ka pa ba ng gel sa buhok? Parang hindi na naman kailangan, wala ka namang popormahan doon. Suklayin mo na lang. Pero magsipilyo ka ha. Nakakahiya 'pag naamoy ng iba na mabaho ang hininga mo. Tapos, lumarga ka na.

Dalawampu't apat na taong gulang na si Gani. Walang katangi- tangi sa kanyang itsura. Lalaking may katamtamang taas, kayumanggi ang kulay ng balat at may maayos namang pangangatawan. Mabuto at makanto ang kanyang mukha. Malalim ang kanyang mga mata at maikli ang medyo kulot niyang buhok.

Nagtapos ng kursong BS Mechanical Engineering si Gani sa isang kolehiyo sa kanilang bayan sa Pangasinan. Mahusay siyang mag- aaral noon. Masipag siyang gumawa ng mag takdang - aralin at palagi siyang nakikinig sa mga leksyon. Mas madalas pa siyang tumambay sa silid- aklatan kaysa lumabas at sumama sa kanyang mga kaibigan. Naipasa niyang lahat ang kanyang mga asignatura at naitawid ang limang taong pag- aaral ng pagkainhinyero.

Matutupad na ang lahat ng mga pangarap mo. Makakatulong ka na rin sa Tatay mong naglulukad at sa Nanay mong nagtatrabaho sa pagawaan ng bagoong. Sa wakas, mabibilhan mo na rin si Rissa ng bagong bestida at kapag sinuwerte, ikaw na rin ang magpapaaral sa bunso ninyong si Gilbert. Pagluwas mo sa Maynila bukas, malamang hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong makapamasyal dahil magsisimula ka na agad sa trabaho. Matulog ka na at baka maiwan ka ng bus.

"Isagani Flores!", ang malakas na sigaw ni Mr. Mando. Ang bisor sa pinapasukang factory ni Gani. Salubong na naman ang kilay ng tagapamahalang bigotilyo na may kalakihan ang pangangatawan. "Late ka na naman! Probi ka pa lang ah. Ang lakas na ng loob mong magpa- late!"

"Sorry po Sir, may nagkabanggan po kasi sa Recto. Halos isang oras hindi gumalaw 'yung sinakyan kong jeep. Pasensya na po Sir.", ang sabi ng nakatungong si Gani habang nagkakamot ng ulo.

"Pumunta ka na sa pwesto mo! Late ka kaya mababawasan ang sahod mo. Alam mo namang bawat minutong naaatrasado ang empleyado, nababawasan ang sweldo. Hala sige!"

"Opo Sir. " Bagamat sinabihang magmadali ay tila bingi si Gani at marahan pa rin siyang naglakad papunta sa kanyang pwesto.

Kunin mo na muna ang mga gamit mo bago ka pumunta sa pwesto mo. Alam mo na ba kung saan? Sa Pressing ka ngayon. May nasirang makina doon kahapon kaya doon ka sa araw na 'to. Di ba natapos mo na 'yung makina sa Coloring? Maayos na 'yun di ba? Siguraduhin mo lang, kundi mapuputukan ka na naman ni "Taba". Alam mo namang kayong dalawa lang ni Dindo ang mekaniko rito. Kadikit ni Dindo si "Taba", kaya ikaw at tanging ikaw lang ang masasabon 'pag nagkataon. Dali, kilos!

Sa isang lokal na pagawaan ng pantalon na pag- aari ng isang mayamang Tsinoy nagtatrabaho si Gani. Sa totoo lang, purong Tsino at wala naman talagang dugong Pilipino ang nagmamay- ari ng factory pero pinalabas na lang na Tsinoy siya para raw huwag masyadong higpitan ng Gobyerno ang mga negosyo niya at mas madaling maibenta ang mga produkto niya rito sa bansa natin. Marami siyang empleyado, malalaki at marami rin kasi siyang negosyo. Isa lang ang pagawaan ng pantalon na pinagtatrabahuhan ni Gani.

"Parang mali 'yan Brod. ah. Mali 'yang kabit mo. Dapat itong mga ito ang idinugtong mo, hinangin mo na lang.", ang sabi ni Dindo habang minumwestra kay Gani ang dapat daw niyang ginawa sa makina sa Pressing Department. "Hindi iinit 'yan. Hindi rin mauunat 'yung mga pantalon. Tsk.Tsk.Tsk. Ano ka ba Brod.?"

"Pero baka pumutok eh. Ang alam ko kasi..." , si Gani.

"...na ano? Hindi 'yan, maniwala ka.", ang sagot ni Dindo na puno ng kumpiyansa sa sarili.

"Ah ganoon ba? Sige, tignan ko ulit 'Tol.", si Gani habang nagkakamot ng ulo.

Parang mali kasi eh. Iba ang itinuro sa' yo dati sa Pangasinan di ba?Pero malamang tama si Dindo. Hmmmm. Hindi, talagang tama si Dindo. Graduate siya sa malaking unibersidad dito sa Maynila eh. Mas marami siyang alam kaysa sa'yo dahil mas maganda ang turo rito kumpara sa mga paaralan sa probinsya. Pakinggan mo siya Gani, alam niya ang sinasabi niya, baguhin mo na.

Alas- dose kwarenta y singko na ng makabili ng pagkain para sa pananghalian si Gani. Nahuli na siya sa kantina kaya wala na masyadong tao. Ang ilang natira ay nagkukwentuhan na lang dahil tapos na silang kumain. Ang ibang wala na doon ay lumabas para manigarilyo, magkendi o bumili ng kung ano, ala una impunto kasi ang balik sa tarabaho.

"Gani, nahuli ka yata.". si Minda, ang may edad pero magiliw na katrabaho ni Gani sa factory. "May pansit pa naman akong dala, isang bilao 'yun, birthday ko kasi ngayon...pero may natira pa yata. Ay ayun, nasa mesa nina bisor at Dindo 'yung bilao. Sila siguro ang huling destinasyon. Hahaha."
Lumapit sina Minda at Gani sa mesa nina Dindo at ng kanilang bisor. Parang busog na busog na ang dalawa dahil tawa na sila nang tawa. Natuwa si Minda dahil may natira pang pansit. Kukunin na sana ito ng babae at ibibigay kay Gani nang biglang nagsalita ang bisor, "Ay akala ko wala nang kakain. Iuuwi ko na sana sa Misis ko eh. Mahilig din kasi 'yun sa pansit".

"Brod. para pala sa Misis ni Bossing eh. Minsan lang naman di ba? Bigay mo na, at saka konti na lang naman, pabalot na natin. Di ba Minda?", ang sabi naman ng nakangiting si Dindo habang hinihimas- himas ang kanyang tiyan.

Kalahating order ng ginisang ampalaya at isang tasang kanin ang tanghalian mo Gani. Nakalagay ito sa isang plastik na plato na may partisyon. Sukat na sukat ang dami ng ulam at ng kanin. Walang kulang at imposibleng may lumabis. Maraming bawang at sibuyas ang gisadong gulay. Itlog lang ang lahok nito at malamang tinambakan ng vetsin para magkalasa. Mukhang sunog na hilaw ang kanin mo Gani. Kalahating order ng ginisang ampalaya at isang tasang kanin Gani- 'yun lang, walang pansit.

Malalim na ang gabi, pero kararating pa lang ni Gani galing sa trabaho. Gusto sana niyang maligo para maginhawahan pero natatakot siyang mapasma. Bukod kasi sa makina sa Pressing ay may dalawang malalaking de- motor na gamit pa siyang inayos sa factory. Overtime- pero walang overtime pay. Kasama raw kasi talaga 'yun sa trabaho niya sabi nina "Taba" at ni Dindo, kailangan talaga ng kaunting sakripisyo. Kung bibilangin raw kasi lahat ng gawain, hindi siya uunlad- wala siyang mararating. Pero bakit siya lang? Bakit si Dindo umuuwi ng alas singko impunto? Minsan nga mas maaga pa ng kinse minutos.

Bilisan mo na Gani, kilos na. Masisigawan ka na naman ni "Taba". Suklayin mo na 'yang buhok mo. 'Wag ka na ring magkape kasi ubos na rin eh. Dumiretso ka na sa trabaho, doon ka na lang umutang ng kape sa canteen.

Sumakay ka na ng jeep. Tsk. Tsk, punuan na naman. 'Pag diyes minutos na at di ka pa rin nakakasakay, sumabit ka na. 'Wag ka ng maarte, sumabit ka na. Malamang wala namang mangyayari sa'yong masama, sasabit ka lang naman eh.

Naghintay nga ng jeep si Gani. Naiinip at tagaktak na ang pawis ng binata, idagdag pa ang paglanghap niya ng ibinubugang usok ng mga sasakyang nagdaraan, kaya naman medyo dinadapuan na siya ng inis at pagkabugnot. Ilang sandali pa ay isang matandang babae ang tumayo sa kanyang tabi na tila nag- aabang din ng jeep. Mababakas sa mukha ng matandang babae ang pagkainip habang namamaypay ng kanyang abanikong yari sa anahaw. Ilang minuto pa ay may natanaw ng jeep si Gani, mukhang puno na rin, pero nakahanda naman siyang sumabit dahil ayaw niya talagang ma- late sa pagpasok sa pabrika. Halos sabay na itinaas ni Gani at ng matandang babae ang kanilang mga kamay para pahintuin ang paparating na jeep, umaasang mailululan pa sila. Si Gani, ginamit ang kanyang matinpunong kanang braso at ang matanda naman ay ang kulubot niyang kaliwang kamay na may abanikong anahaw pa. Huminto ang jeep sa harap ng dalawa. “Apat pa! Apat pa! “, ang sigaw ng kundoktor. Nauna si Gani maglakad papunta sa humintong sasakyan para tignan kung apat na tao pa nga talaga ang kasya sa loob. Pero hindi na siya nabigla nang makitang parang sardinas nang nagsisiksikan ang mga pasahero, halos magkapalitan na nga ng mukha.
“Lintik ka! Uunahan mo pa ang matanda ha!” Nagulat na lamang si Gani nang bigla siyang sinigawan ng matanda sabay hampas ng abaniko, nasa likod na pala niya.
“’Tol, paunahin mo ‘yung matanda ha, kawawa naman si Lola.”, ang kundoktor.
“Oo nga, ikaw uunahan mo pa ‘yung matanda.”, babaeng pasahero.
“Ang kapal mo naman Brod! Nakikipag- agawan ka pa, eh Lola mo na ‘yan”, lalaking pasahero.
“Walanghiya talaga! Uunahan pa ako!” , ang matanda ulit.
“Sumabit ka na lang ‘tol para makaalis na tayo, pasakayin mo na si Lola”, ang driver.

Bumaba mula sa kanyang pagkakasabit sa sinakyang jeep si Gani. Huli na naman siya. Usad pagong na naman kasi ang daloy ng trapiko kahit wala namang nagbanggang mga sasakyan. Kailangan pa niyang maglakad nang kaunti dahil sa kanto lang dumadaan ang jeep at ang factory ay nasa loob pa ng isang kalyeng kinatatayuan ng mga maliliit na bahay at establisimiyento sa paligid.

Kaiba sa mga ordinaryong araw, sa kanto pa lang ay marami nang tao. Magulo. Maingay. May maiitim na usok, may malalaking apoy. Sunog! Nasusunog ang pagawaan ng pantalon! Nasusunog ang factory na pinapasukan ni Gani mula pa raw kaninang madaling araw. Sunog!
Ilang sandal ring hindi nakagalaw si Gani. Tinititigan lamang niya ang malaking apoy na nagmumula sa gusali. Mabaho ang nilalabas na amoy nito. Mainit. Nagkakagulo ang mga tao sa paligid pero nananatiling nakatayo at nakamasid lamang si Gani. Kahit nagbabaga ang paligid ay para siyang pusang binuhusan ng malamig na tubig. Ang tingin niya sa mga tao ay langgam…mga magugulong langgam- mga langgam na tila wala sa sarili.

"Gani nasusunog ang factory! Nasusunog ang factory!", si Minda habang nakahawak sa braso ni Gani."Nasa loob daw sina Bisor, si Dindo at dalawa pa galing sa admin. Hindi raw sila umuwi kagabi at diyan na nag- inuman. "

"Ha? Di ba maagang umuwi si Dindo kasi may aasikasuhin daw siya sa kanila? Pasado alas nuwebe na ako umuwi dahil may inayos pa ako eh. Ako at ang gwardiya lang ang tao noong oras na 'yun.", si Gani habang nagkakamot ng ulo at tila takang- taka.

"Naku, nandoon lang daw sila sa may opisina, hindi sila umuwi. Doon sila nag- inuman dahil may air- con daw doon, mas malamig, mas masarap daw magpainit. Hanggang sa malasing sila, nakatulog yata. Ayun, mga bandang alas tres ng madalaing araw, may sumabog daw na makina sa Pressing Department sabi ng gwardiya. Ang lakas daw, pero hindi nagsing sina Bisor sa loob."

"Anong nangyari kina Bisor?", tanong ni Gani.

"Ano sa palagay mo!? Naiwan nga sa loob eh. Malamang naabo na 'yung mga 'yun. Kawawa naman. Kawawa 'yung pamilya nila." , ang sabi ni Minda habang pinpunasan ang pawis na tumutulo sa kanyang noo dulot pa rin ng labis na init ng kapaligiran.

Nagkasunog Gani, nagsimula sa Pressing. Naiwan sina "Taba" at Dindo sa loob. Hindi pala umuwi si Dindo nang maaga dahil may aasikasuhin siya. Ikaw lang ang gumawa ng dalawa pang de- motor na gamit kagabi, wala kang kasama. Inabot ka na ng uhaw, ng gutom- wala man lang nagmagandang- loob na bigyan ka ng inumin o pagkain. Inabot ka ng siyam- siyam Gani, akalain mo ‘yun. Sininghalan ka ni "Taba" nang minsang magsindi ka ng isang sigarilyo sa tapat ng gate ng factory, bawal daw ang bisyo doon. Isang stick lang naman ah, isang stick lang ‘yun tapos kung punahin ka niya ganun- ganun na lang . Pero tignan mo, sa loob pa sila ng opisina nag- inuman. Bawal daw ang kalokohan sa loob ng pagawaan ng pantalon. Nasunog ang factory Gani, nagsimula sa Pressing Department. Sino kayang may kasalanan?

Pinag- uusapan pa rin ng mga ilang empleyadong nawalan ng trabaho ang nangyari sa pinapasukan nilang factory. Nasa isang maliit na bahay- kainan sila ng mga oras na iyon, kasama si Gani, Minda at anim pang trabahante . Um- order na lang sila ng isang bandehadong pansit para paghati- hatian, kailangan na raw kasi nilang lalong magtipid ngayong wala na silang mapapasukan. Tubig na lang ang panulak.

Pumunta sa banyo si Minda at ang anim pang nasa mesa, maghuhugas daw sila ng kamay bago kumain. Puno ng kung ano- anong dumi ang mga kamay nila mula sa pagtulong sa pag- apula ng apoy sa nasunog na pabrika. Naiwan si Gani na tila malalim pa rin ang iniisip- lutang pa rin ang binata, nang biglang dumating ang in- order nilang pansit. Umuusok- usok pa ito. Halatang mumurahing pansit lang pero maaari ng pagtiyagaan ng sikmurang kumakalam. Tinignan niya muna ang pansit, pagkatapos ay luminga- linga sa paligid. Napako muli ang mga mata niya sa mainit na pansit. Inamoy niya ang mabangong usok nito. Kumuha siya ng tinidor. Tumikim. At tumikim pa ulit, at tumikim pa...

'Wag ka nang magtira Gani, ubusin mo na 'yan. Sila nga walang pakialam sa'yo eh. Lantakan mo na 'yang pansit.

No comments: