Gumising ako nang alas singko ng umaga kanina dahil mayroon kaming seminar sa PUP na ang speaker sana ay 'yung bagong commissioner ng KWF o ng Komisyon ng Wikang Filipino. Mainit pero basa ang daan. Sa ibang kalye ng Maynila, may baha pa. Malakas daw kasi ang ulan kagabi.
Sumakay ako sa LRT2 sa Anonas. Nagtaka ako kasi maraming tao, eh Sabado ngayon. Kaya sobrang siksikan na naman sa loob. Bumaba ako sa V. Mapa Station at sumakay ako ng jeep papuntang Stop and Shop. Maayos naman sa simula, napeste lang noong lumiko na 'yung jeep papasok sa kalye na maraming Motel. Biglang hindi na kami umusad. Ang bagal talaga. Sumilip ako sa bintana at nakita ko na may baha kahit tirik na tirik ang araw. Hmmmm.
Sa wakas nakababa na ako ng jeep at nasa Teresa St. na. Medyo nagtaka ako kasi ang daming estudyanteng nasa labas. Hindi muna ako dumiretso sa school kasi hinihintay ako ni Ate G2 (classmate ko siya sa masteral) sa Jollibee. Kaming dalawa ang naka- assign sa pagbili ng pagkain ng mga participants sa seminar. Biglang nagtext si Jomar (President ng Master of Arts in Filipino Society), sabi niya,hintayin daw namin siya sa gate kasi baka hindi kami papasukin ng guard. Weird.
Nakita ko agad si Ate G2 na nakaupo sa isa sa mga tables sa loob ng Jollibee. Pag- upo ko, sinabi na niya agad sa akin na WALA NANG PASOK. Kanselado raw ang klase dahil sa baha. Kaya naman, kanselado na rin ang seminar. Tandaan, tirik na tirik ang araw, saksakan ng init.
Dahil sa ayaw ko namang maglupasay sa gitna ng kalye, minabuti ko na lang na samahan si Jenilou (classmate ko noong college, na classmate ko rin sa masteral at isa sa mga pinaka- close friends ko) na mamili sa Quiapo ng mga gagamitin niyang giveaways para sa Buwan ng Wika sa school nila.
Ang daming pera ni Jen. Marami kaming napamiling kung anu- anong abubot na tig- Php100 lang at mas mura pa. Nilusob namin 'yung baha sa Quiapo, hindi na naman kasi masyadong mataas eh. Nakatatlong malalaking plasticbags din si Jen, ganoon karami.
Naghiwalay kami mga pasado ala-1 na. Hinatid ko muna siya sa LRIT1 Carriedo Station at saka ako naglakad papuntang LRT2 Recto Station.
Tinext ko si Jomar, kinumusta ko kung nandoon pa siya sa school. Sabi niya, nasa bahay na rin siya. 'Yung seminar naman daw iuurong na lang sa Sept. 5. Sana naman, wala nang bagyo, ipu-ipo, delublyo o kahit anong kalamidad ang mangyari sa araw na 'yun. Sana matuloy na 'yung seminar, sayang naman kasi eh.
No comments:
Post a Comment