Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, August 30, 2009

'Syano

'Wag ka nang magtira Gani, ubusin mo na 'yan. Sila nga walang pakialam sa'yo eh. Lantakan mo na 'yang pansit.

Tulad ng ibang mga ordinaryong araw, bumangon si Gani mula sa kanyang anim na oras na pagkakahimbing. Magtimpla ka na ng kape. Ay teka, wala na palang asukal. Hayaan mo na, ang mahalaga lang naman, mainitan ang sikmura mo. Maligo ka na rin pagkatapos at baka mahuli ka na naman sa trabaho. Pagkatapos maligo ni Gani ay agad na siyang nagbihis ng puting kamiseta, maong na pantalon at saka nagsuot ng sapatos na goma. Maglalagay ka pa ba ng gel sa buhok? Parang hindi na naman kailangan, wala ka namang popormahan doon. Suklayin mo na lang. Pero magsipilyo ka ha. Nakakahiya 'pag naamoy ng iba na mabaho ang hininga mo. Tapos, lumarga ka na.

Dalawampu't apat na taong gulang na si Gani. Walang katangi- tangi sa kanyang itsura. Lalaking may katamtamang taas, kayumanggi ang kulay ng balat at may maayos namang pangangatawan. Mabuto at makanto ang kanyang mukha. Malalim ang kanyang mga mata at maikli ang medyo kulot niyang buhok.

Nagtapos ng kursong BS Mechanical Engineering si Gani sa isang kolehiyo sa kanilang bayan sa Pangasinan. Mahusay siyang mag- aaral noon. Masipag siyang gumawa ng mag takdang - aralin at palagi siyang nakikinig sa mga leksyon. Mas madalas pa siyang tumambay sa silid- aklatan kaysa lumabas at sumama sa kanyang mga kaibigan. Naipasa niyang lahat ang kanyang mga asignatura at naitawid ang limang taong pag- aaral ng pagkainhinyero.

Matutupad na ang lahat ng mga pangarap mo. Makakatulong ka na rin sa Tatay mong naglulukad at sa Nanay mong nagtatrabaho sa pagawaan ng bagoong. Sa wakas, mabibilhan mo na rin si Rissa ng bagong bestida at kapag sinuwerte, ikaw na rin ang magpapaaral sa bunso ninyong si Gilbert. Pagluwas mo sa Maynila bukas, malamang hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong makapamasyal dahil magsisimula ka na agad sa trabaho. Matulog ka na at baka maiwan ka ng bus.

"Isagani Flores!", ang malakas na sigaw ni Mr. Mando. Ang bisor sa pinapasukang factory ni Gani. Salubong na naman ang kilay ng tagapamahalang bigotilyo na may kalakihan ang pangangatawan. "Late ka na naman! Probi ka pa lang ah. Ang lakas na ng loob mong magpa- late!"

"Sorry po Sir, may nagkabanggan po kasi sa Recto. Halos isang oras hindi gumalaw 'yung sinakyan kong jeep. Pasensya na po Sir.", ang sabi ng nakatungong si Gani habang nagkakamot ng ulo.

"Pumunta ka na sa pwesto mo! Late ka kaya mababawasan ang sahod mo. Alam mo namang bawat minutong naaatrasado ang empleyado, nababawasan ang sweldo. Hala sige!"

"Opo Sir. " Bagamat sinabihang magmadali ay tila bingi si Gani at marahan pa rin siyang naglakad papunta sa kanyang pwesto.

Kunin mo na muna ang mga gamit mo bago ka pumunta sa pwesto mo. Alam mo na ba kung saan? Sa Pressing ka ngayon. May nasirang makina doon kahapon kaya doon ka sa araw na 'to. Di ba natapos mo na 'yung makina sa Coloring? Maayos na 'yun di ba? Siguraduhin mo lang, kundi mapuputukan ka na naman ni "Taba". Alam mo namang kayong dalawa lang ni Dindo ang mekaniko rito. Kadikit ni Dindo si "Taba", kaya ikaw at tanging ikaw lang ang masasabon 'pag nagkataon. Dali, kilos!

Sa isang lokal na pagawaan ng pantalon na pag- aari ng isang mayamang Tsinoy nagtatrabaho si Gani. Sa totoo lang, purong Tsino at wala naman talagang dugong Pilipino ang nagmamay- ari ng factory pero pinalabas na lang na Tsinoy siya para raw huwag masyadong higpitan ng Gobyerno ang mga negosyo niya at mas madaling maibenta ang mga produkto niya rito sa bansa natin. Marami siyang empleyado, malalaki at marami rin kasi siyang negosyo. Isa lang ang pagawaan ng pantalon na pinagtatrabahuhan ni Gani.

"Parang mali 'yan Brod. ah. Mali 'yang kabit mo. Dapat itong mga ito ang idinugtong mo, hinangin mo na lang.", ang sabi ni Dindo habang minumwestra kay Gani ang dapat daw niyang ginawa sa makina sa Pressing Department. "Hindi iinit 'yan. Hindi rin mauunat 'yung mga pantalon. Tsk.Tsk.Tsk. Ano ka ba Brod.?"

"Pero baka pumutok eh. Ang alam ko kasi..." , si Gani.

"...na ano? Hindi 'yan, maniwala ka.", ang sagot ni Dindo na puno ng kumpiyansa sa sarili.

"Ah ganoon ba? Sige, tignan ko ulit 'Tol.", si Gani habang nagkakamot ng ulo.

Parang mali kasi eh. Iba ang itinuro sa' yo dati sa Pangasinan di ba?Pero malamang tama si Dindo. Hmmmm. Hindi, talagang tama si Dindo. Graduate siya sa malaking unibersidad dito sa Maynila eh. Mas marami siyang alam kaysa sa'yo dahil mas maganda ang turo rito kumpara sa mga paaralan sa probinsya. Pakinggan mo siya Gani, alam niya ang sinasabi niya, baguhin mo na.

Alas- dose kwarenta y singko na ng makabili ng pagkain para sa pananghalian si Gani. Nahuli na siya sa kantina kaya wala na masyadong tao. Ang ilang natira ay nagkukwentuhan na lang dahil tapos na silang kumain. Ang ibang wala na doon ay lumabas para manigarilyo, magkendi o bumili ng kung ano, ala una impunto kasi ang balik sa tarabaho.

"Gani, nahuli ka yata.". si Minda, ang may edad pero magiliw na katrabaho ni Gani sa factory. "May pansit pa naman akong dala, isang bilao 'yun, birthday ko kasi ngayon...pero may natira pa yata. Ay ayun, nasa mesa nina bisor at Dindo 'yung bilao. Sila siguro ang huling destinasyon. Hahaha."
Lumapit sina Minda at Gani sa mesa nina Dindo at ng kanilang bisor. Parang busog na busog na ang dalawa dahil tawa na sila nang tawa. Natuwa si Minda dahil may natira pang pansit. Kukunin na sana ito ng babae at ibibigay kay Gani nang biglang nagsalita ang bisor, "Ay akala ko wala nang kakain. Iuuwi ko na sana sa Misis ko eh. Mahilig din kasi 'yun sa pansit".

"Brod. para pala sa Misis ni Bossing eh. Minsan lang naman di ba? Bigay mo na, at saka konti na lang naman, pabalot na natin. Di ba Minda?", ang sabi naman ng nakangiting si Dindo habang hinihimas- himas ang kanyang tiyan.

Kalahating order ng ginisang ampalaya at isang tasang kanin ang tanghalian mo Gani. Nakalagay ito sa isang plastik na plato na may partisyon. Sukat na sukat ang dami ng ulam at ng kanin. Walang kulang at imposibleng may lumabis. Maraming bawang at sibuyas ang gisadong gulay. Itlog lang ang lahok nito at malamang tinambakan ng vetsin para magkalasa. Mukhang sunog na hilaw ang kanin mo Gani. Kalahating order ng ginisang ampalaya at isang tasang kanin Gani- 'yun lang, walang pansit.

Malalim na ang gabi, pero kararating pa lang ni Gani galing sa trabaho. Gusto sana niyang maligo para maginhawahan pero natatakot siyang mapasma. Bukod kasi sa makina sa Pressing ay may dalawang malalaking de- motor na gamit pa siyang inayos sa factory. Overtime- pero walang overtime pay. Kasama raw kasi talaga 'yun sa trabaho niya sabi nina "Taba" at ni Dindo, kailangan talaga ng kaunting sakripisyo. Kung bibilangin raw kasi lahat ng gawain, hindi siya uunlad- wala siyang mararating. Pero bakit siya lang? Bakit si Dindo umuuwi ng alas singko impunto? Minsan nga mas maaga pa ng kinse minutos.

Bilisan mo na Gani, kilos na. Masisigawan ka na naman ni "Taba". Suklayin mo na 'yang buhok mo. 'Wag ka na ring magkape kasi ubos na rin eh. Dumiretso ka na sa trabaho, doon ka na lang umutang ng kape sa canteen.

Sumakay ka na ng jeep. Tsk. Tsk, punuan na naman. 'Pag diyes minutos na at di ka pa rin nakakasakay, sumabit ka na. 'Wag ka ng maarte, sumabit ka na. Malamang wala namang mangyayari sa'yong masama, sasabit ka lang naman eh.

Naghintay nga ng jeep si Gani. Naiinip at tagaktak na ang pawis ng binata, idagdag pa ang paglanghap niya ng ibinubugang usok ng mga sasakyang nagdaraan, kaya naman medyo dinadapuan na siya ng inis at pagkabugnot. Ilang sandali pa ay isang matandang babae ang tumayo sa kanyang tabi na tila nag- aabang din ng jeep. Mababakas sa mukha ng matandang babae ang pagkainip habang namamaypay ng kanyang abanikong yari sa anahaw. Ilang minuto pa ay may natanaw ng jeep si Gani, mukhang puno na rin, pero nakahanda naman siyang sumabit dahil ayaw niya talagang ma- late sa pagpasok sa pabrika. Halos sabay na itinaas ni Gani at ng matandang babae ang kanilang mga kamay para pahintuin ang paparating na jeep, umaasang mailululan pa sila. Si Gani, ginamit ang kanyang matinpunong kanang braso at ang matanda naman ay ang kulubot niyang kaliwang kamay na may abanikong anahaw pa. Huminto ang jeep sa harap ng dalawa. “Apat pa! Apat pa! “, ang sigaw ng kundoktor. Nauna si Gani maglakad papunta sa humintong sasakyan para tignan kung apat na tao pa nga talaga ang kasya sa loob. Pero hindi na siya nabigla nang makitang parang sardinas nang nagsisiksikan ang mga pasahero, halos magkapalitan na nga ng mukha.
“Lintik ka! Uunahan mo pa ang matanda ha!” Nagulat na lamang si Gani nang bigla siyang sinigawan ng matanda sabay hampas ng abaniko, nasa likod na pala niya.
“’Tol, paunahin mo ‘yung matanda ha, kawawa naman si Lola.”, ang kundoktor.
“Oo nga, ikaw uunahan mo pa ‘yung matanda.”, babaeng pasahero.
“Ang kapal mo naman Brod! Nakikipag- agawan ka pa, eh Lola mo na ‘yan”, lalaking pasahero.
“Walanghiya talaga! Uunahan pa ako!” , ang matanda ulit.
“Sumabit ka na lang ‘tol para makaalis na tayo, pasakayin mo na si Lola”, ang driver.

Bumaba mula sa kanyang pagkakasabit sa sinakyang jeep si Gani. Huli na naman siya. Usad pagong na naman kasi ang daloy ng trapiko kahit wala namang nagbanggang mga sasakyan. Kailangan pa niyang maglakad nang kaunti dahil sa kanto lang dumadaan ang jeep at ang factory ay nasa loob pa ng isang kalyeng kinatatayuan ng mga maliliit na bahay at establisimiyento sa paligid.

Kaiba sa mga ordinaryong araw, sa kanto pa lang ay marami nang tao. Magulo. Maingay. May maiitim na usok, may malalaking apoy. Sunog! Nasusunog ang pagawaan ng pantalon! Nasusunog ang factory na pinapasukan ni Gani mula pa raw kaninang madaling araw. Sunog!
Ilang sandal ring hindi nakagalaw si Gani. Tinititigan lamang niya ang malaking apoy na nagmumula sa gusali. Mabaho ang nilalabas na amoy nito. Mainit. Nagkakagulo ang mga tao sa paligid pero nananatiling nakatayo at nakamasid lamang si Gani. Kahit nagbabaga ang paligid ay para siyang pusang binuhusan ng malamig na tubig. Ang tingin niya sa mga tao ay langgam…mga magugulong langgam- mga langgam na tila wala sa sarili.

"Gani nasusunog ang factory! Nasusunog ang factory!", si Minda habang nakahawak sa braso ni Gani."Nasa loob daw sina Bisor, si Dindo at dalawa pa galing sa admin. Hindi raw sila umuwi kagabi at diyan na nag- inuman. "

"Ha? Di ba maagang umuwi si Dindo kasi may aasikasuhin daw siya sa kanila? Pasado alas nuwebe na ako umuwi dahil may inayos pa ako eh. Ako at ang gwardiya lang ang tao noong oras na 'yun.", si Gani habang nagkakamot ng ulo at tila takang- taka.

"Naku, nandoon lang daw sila sa may opisina, hindi sila umuwi. Doon sila nag- inuman dahil may air- con daw doon, mas malamig, mas masarap daw magpainit. Hanggang sa malasing sila, nakatulog yata. Ayun, mga bandang alas tres ng madalaing araw, may sumabog daw na makina sa Pressing Department sabi ng gwardiya. Ang lakas daw, pero hindi nagsing sina Bisor sa loob."

"Anong nangyari kina Bisor?", tanong ni Gani.

"Ano sa palagay mo!? Naiwan nga sa loob eh. Malamang naabo na 'yung mga 'yun. Kawawa naman. Kawawa 'yung pamilya nila." , ang sabi ni Minda habang pinpunasan ang pawis na tumutulo sa kanyang noo dulot pa rin ng labis na init ng kapaligiran.

Nagkasunog Gani, nagsimula sa Pressing. Naiwan sina "Taba" at Dindo sa loob. Hindi pala umuwi si Dindo nang maaga dahil may aasikasuhin siya. Ikaw lang ang gumawa ng dalawa pang de- motor na gamit kagabi, wala kang kasama. Inabot ka na ng uhaw, ng gutom- wala man lang nagmagandang- loob na bigyan ka ng inumin o pagkain. Inabot ka ng siyam- siyam Gani, akalain mo ‘yun. Sininghalan ka ni "Taba" nang minsang magsindi ka ng isang sigarilyo sa tapat ng gate ng factory, bawal daw ang bisyo doon. Isang stick lang naman ah, isang stick lang ‘yun tapos kung punahin ka niya ganun- ganun na lang . Pero tignan mo, sa loob pa sila ng opisina nag- inuman. Bawal daw ang kalokohan sa loob ng pagawaan ng pantalon. Nasunog ang factory Gani, nagsimula sa Pressing Department. Sino kayang may kasalanan?

Pinag- uusapan pa rin ng mga ilang empleyadong nawalan ng trabaho ang nangyari sa pinapasukan nilang factory. Nasa isang maliit na bahay- kainan sila ng mga oras na iyon, kasama si Gani, Minda at anim pang trabahante . Um- order na lang sila ng isang bandehadong pansit para paghati- hatian, kailangan na raw kasi nilang lalong magtipid ngayong wala na silang mapapasukan. Tubig na lang ang panulak.

Pumunta sa banyo si Minda at ang anim pang nasa mesa, maghuhugas daw sila ng kamay bago kumain. Puno ng kung ano- anong dumi ang mga kamay nila mula sa pagtulong sa pag- apula ng apoy sa nasunog na pabrika. Naiwan si Gani na tila malalim pa rin ang iniisip- lutang pa rin ang binata, nang biglang dumating ang in- order nilang pansit. Umuusok- usok pa ito. Halatang mumurahing pansit lang pero maaari ng pagtiyagaan ng sikmurang kumakalam. Tinignan niya muna ang pansit, pagkatapos ay luminga- linga sa paligid. Napako muli ang mga mata niya sa mainit na pansit. Inamoy niya ang mabangong usok nito. Kumuha siya ng tinidor. Tumikim. At tumikim pa ulit, at tumikim pa...

'Wag ka nang magtira Gani, ubusin mo na 'yan. Sila nga walang pakialam sa'yo eh. Lantakan mo na 'yang pansit.

Sunday, August 23, 2009

Bente- singko


Natatawa at naiilang na lang ako 'pag kinakantyawan ako ng pamilya at ng ibang mga kaibigan ko na manlibre, kasi akala nila marami akong pera. Lagi nilang sinasabi na siguro, ang dami ko ng naipon at naipundar dahil dalawa ang eskwelahan na pinapasukan ko. Akala nila kahit anong oras ko gustuhin, mayroon akong panggimik o panggala. Akala lang nila 'yun. 

Pinag- aral ako ng Nanay at Tatay ko sa NFWC  School (National Federation of Women's Clubs of the Philippines) noong limang taon pa lang ako. Tipikal na prep- school pero co-ed. Para lang 'yung bahay na nilagyan ng mga mesa, upuan at ng blackboard para magmukhang school. Para mas lalong magmukhang pambata, nilagyan ng mga kung ano- anong mga charts sa dingding: different parts of the body, different kinds of fruits, different kinds of animals at marami pa. Mayroon ding ABC... at 123... na nakalagay sa itaas ng blackboard.

Malapit lang sa bahay namin 'yung school kaya nilalakad ko na lang, hinahatid ako lagi ng Nanay ko siyempre. Wala pa yatang kinse minutos, nandoon na kami. Magsisimula ang klase sa isang dasal na pamumunuan ng isang estudyante. Ang estudyante na rin na 'yun ang magsasabi ng,  "Today is Monday, yesterday is Sunday..."  .

Wala naman masyadong kakaibang nangyari noong Prep ako. Hmmm. Isa lang ang naaalala ko. Tinamaan sa ulo si Ma'am Racho ('yung teacher ko) ng papel na nilamukos ko. Kaya ang nangyari, pinatawag ang Nanay ko sa office. Ang depensa lang ng batang si RR, hindi naman talaga si Ma'am ang binabato niya, 'yung classmate niyang si Agatha. :)

Nasa Grade 5 ako noong nagsampung taon ako. Maaga kasi akong nag- Grade 1, anim na taon pa lang elementary na ako. Nag- aral ako sa isang public school sa Proj, 4. , Quezon City. Dahil nasa intermediate level na, mas- mature na ang pag- iisip ko (kalokohan) .

Tulad ng isang ordinaryong araw, maingay na naman ang V- Topaz (Precious Stones kasi ang pangalan ng mga sections doon) , recess na kasi. Dumating na naman 'yung tray na puno ng "masustansyang" pagkain. Dumating na rin ang soup (sopas ngayon, kahapon champorado) at juice na in- order sa canteen. Hindi ako bumibili sa tray kasi may baon naman ako palagi, kanin at tinimplang juice ng Nanay ko.

Maayos akong kumakain nang biglang  mang- asar 'yung classmate ko na si Ara- Arabella Solis. Nakalimutan ko na kung ano 'yung eksaktong sinabi niya pero napikon talaga ako. Ang naaalala ko na lang, sa sobrang pagkaasar ko, ibinuhos ko sa kanya 'yung juice na baon ko. Sinuwerte ako kasi hindi na pinatawag sa office 'yung Nanay ko. Tsk,tsk, sayang 'yung juice.

Fourth year highschool na ako noong mag- kinse anyos. Sa public school pa rin ako pumasok. Sa may Proj. 4, Quezon City pa rin, hindi na ako lumayo. Mas maayos noong high school kaysa noong elementary kasi medyo mas masipag na akong mag- aral. Wala nga lang akong social life dahil hindi ko masyadong napagtuunan ng pansin at saka hindi ko rin masyadong gusto kasi namahiyain din ako noon (hindi lang halata) .

IV- Marangal ang section ko (mga katangiang Pilipino ang pangalan ng mga sections doon, ex. marangal, mabait, masipag, etc. ) . Mahigit 40 estudyante kami sa loob ng classroom.

Katatapos lang ng eleksyon ng mga officers para sa SY 1999- 2000. Nagsalita isa- isa 'yung mga nanalo. Inabangan nang lahat na magsalita 'yung nanalong escort kasi siya 'yung pinakamay- itsura at nakakatawa sa section namin. Sobra na ang ingay ng klase bago siya magsalita, puro kantiyaw at hiyaw ang naririnig. Nang tumayo siya at nagsalita, ang bukod- tangi niyang sinabi, "I'm speechless. "

Nasa ikaapat at huling taon na ako sa college sa isang state university noong nag-20  ako. Dapat sana ga- graduate na ako noong 19 pa lang, nag- shift kasi ako ng kurso. Mula Computer Science, lumipat ako sa AB Filipinology (Filipinology talaga 'yun) . Maayos naman ang mga grades ko sa una kong course pero mayroon lang akong naramdamang di tama. Parang mayroon akong hinahanap na hindi ko talaga makikita kung mananatili ako doon.

Disyembre, 2005 nakatakda sana ang caroling na inorganisa ng samahan namin para makalikom ng pondo. Sa hindi malamang dahilan, ang gabi na dapat sana ay mapupuno ng musika at mga pamaskong awitin ay napuno ng maboboteng- usapan.Tama, nag- inuman kami...sa loob ng campus. Iyon ang una't huling beses na ginawa kong makipag- inuman sa loob ng school, medyo natakot din kasi akong mahuli ng guard.

Halos isang linggo na rin ang nakararaan nang ipinagdiwang ko ang ika- 25 kong kaarawan. Hindi na ako naghanda, kulang sa budget eh. Parang wala pa rin namang nagbago sa akin, nadagdagan lang ang edad ko. Ako pa rin 'yung makulit pero mahiyain, suplado pero friendly, masipag na minsan tamad at weirdo na RR. Ang iniisip ko lang, hanggang kailan kaya ganito?

Nitong mga huling araw pagkatapos ng birthday ko, marami- rami na rin akong naiisip na pwedeng gawin. Kailangang may gawin ako para mas maging mahusay na teacher at mabuting tao. Kailangan, hindi ako maging masyadong kampante sa kinalalagyan ko ngayon, sa kung anong mayroon at sa kung ano ang nandiyan. Kung pwede pang pagandahin, ayusin, pagbutihin-  gagawin ko talaga.

Mahaba pa ang landas na tatahakin ko. Maraming taon pa ang magdadadaan. Marami pang taong makikilala. Alam ko na hindi ko na maibabalik pa ang mga nangyari noon. Hindi ko na rin maitutuwid ang mga nagawa kong kamalian (mayron naman akong natutunan eh). Ang mahalaga, bukas ang isip ko sa kung ano pa ang mga maaaring magyari at handa ako sa mga pagbabagong magaganap. 

Saturday, August 22, 2009

Kanser


Hindi lang miminsang nabaggit na ang bansang Pilipinas ay may kanser. Paulit- ulit na natin itong naririnig simula pa lamang sa unang nobela ng ating pambansang bayani. Paulit- ulit itong ipinamumukha sa ating lahat upang ating maalala na tayo ay unti- unting nilulupig ng sakit na ito. Paulit- ulit...pero walang nangyayari.

Ang mga mamamayang Pilipino ay kilala sa buong daigdig sa pagkakaroon natin ng positibong disposisyon sa buhay. Lagi raw tayong masaya. Hindi raw natin iniinda ang mga problemang dumarating. Ni hindi raw tayo natitinag ng mga pagsubok. Kakayanin daw ng isang Pinoy na gumawa ng isang oasis sa gitna ng isang malawak na disyerto. Gagawing enselada o atsara ang cactus para lang may makain. Makikipagkaibigan sa mga kamelyo para may makakwentuhan at malabanan ang pagkabagot. Ganyan daw tayo, masayahin at marunong makuntento.

Ang pagigigng kuntento sa mga bagay na nasa paligid ay senyales ng malawak na pag- iisip. Totoo ito kung ang halos lahat ng mga mabubuti at maaayos na bagay ay nasa iyo na, at hindi ka na naghahangad ng iba pa.Hindi ka nagnanakaw, hindi ka nagsisinungaling at hindi ka nanlalamang- isa kang magandang halimbawa. Subalit, iba na ang usapan kung ipinanganak kang mahirap, nakatira ka sa barung- barong , wala kang trabaho at sumasala ka sa pagkain subalit... kunteto ka sa sitwasyon mo. Senyales na ito ng labis na katamaran. Katamarang matagal nang nagbabalatkayo at nagtatago sa imahe ng pagiging kuntento.

Napaka- hospitable raw nating mga Pilipino. Tuwang- tuwa ang mga dayuhan sa pagdalaw sa ating bayan dahil na rin sa husay nating tumanggap ng mga bisita. Buong- giliw natin silang pinatutuloy rito sa ating lupain at ibinibigay ang lahat ng kanilang mga pangangailangan. Walang alinlangan nating binubuksan ang ating mga tainga,isip at puso para sa  kanilang mga ideya at suwestiyon.

Ilang bansa na ba ang sumubok na sakupin ang sa Pilipinas? Ilang bansa na ba ang nagtagumpay sa layunin nilang ito? Ang Espanya, Hapon at Amerika ay ilan lamang sa mga bansang nagtangka at nagtagumpay na gawing kolonya ang Pilipinas. Pumasok sila sa ating teritoryo at hindi na lumabas. Kampante silang nananahan sa ating lupa at inuubos ang ating likas na yaman. Naniniwala tayong magpasahanggang ngayon, ang mga dayuhan at ang kanilang mga dolyar lamang ang makapagsasalba sa atin. Nagdiriwang tayo ng Araw ng Kasarinlan tuwing ika- 12 ng Hunyo subalit ang katotohana'y ni hindi tayo makatayo sa sarili nating mga paa. Lagi tayong nangangailangan ng tulong ng ibang nasyon, lagi tayong humahanap ng alyansa, ng mauutangan para magamit na pondo ng bayan. Ang totoo, nagbago lang ng istilo, pero patuloy pa rin nila tayong niloloko.

Mahalagang mabatid nating lahat na tayo ay bahagi ng bansang matagal nang pinahihirapan ng isang malubhang karamdaman.  Bawat isa sa atin ay naglalagay ng asin sa nagnanaknak na sugat. Hinahampas natin hanggang sa magkapasa ang nanlulupaypay na kalamnan. Pinalalanghap at pinupuno natin ng maitim na usok ang bagang malapit nang bumigay. Binabali pa natin ang marupok nang buto. Ang KATAMARAN, KAWALANG PAGKUKUSA at KASINUNGALINGANG ginagawa ng bawat isa sa atin ay lasong lalong nagpapahina at pumapatay sa bayang nakalubog na ang isang paa sa hukay.

Ang pamimigay ng salapi, pagkain at kung anu- ano pang pansamatalang tulong ay nagbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, di nito lubos na inaatake ang mga bakteryang nagdudulot ng sakit. Hindi kayang gamutin ng simpleng tableta ang kanser.         

Palasak na mga kataga, marapat na magsimula sa ating mga sarili ang pagbabago. Ang PAGKILOS, PAKIKIISA at PAGSASABI NG KATOTOHAN ay ilan lamang sa mga maliliit na bagay na maari nating gawin upang tuluyang maibsan ang hapding nadarama ng bansa. Dapat nating paunlarin ang ating mga sarili, sapagkat ang maunlad na mga mamamayan ang siyang bubuo ng isang maunlad na bayan.

Bakit May Baha?


Gumising ako nang alas singko ng umaga kanina dahil mayroon kaming seminar sa PUP na ang speaker sana ay 'yung bagong commissioner ng KWF o ng Komisyon ng Wikang Filipino. Mainit pero basa ang daan. Sa ibang kalye ng Maynila, may baha pa. Malakas daw kasi ang ulan kagabi.

Sumakay ako sa LRT2 sa Anonas. Nagtaka ako kasi maraming tao, eh Sabado ngayon. Kaya sobrang siksikan na naman sa loob. Bumaba ako sa V. Mapa Station at sumakay ako ng jeep papuntang Stop and Shop. Maayos naman sa simula, napeste lang noong lumiko na 'yung jeep papasok sa kalye na maraming Motel. Biglang hindi na kami umusad. Ang bagal talaga. Sumilip ako sa bintana at nakita ko na may baha kahit tirik na tirik ang araw. Hmmmm.

Sa wakas nakababa na ako ng jeep at nasa Teresa St. na. Medyo nagtaka ako kasi ang daming estudyanteng nasa labas. Hindi muna ako dumiretso sa school kasi hinihintay ako ni Ate G2 (classmate ko siya sa masteral) sa Jollibee. Kaming dalawa ang naka- assign sa pagbili ng pagkain ng mga participants sa seminar. Biglang nagtext si Jomar (President ng Master of Arts in Filipino Society), sabi niya,hintayin daw namin siya sa gate kasi baka hindi kami papasukin ng guard. Weird.

Nakita ko agad si Ate G2 na nakaupo sa isa sa mga tables sa loob ng Jollibee. Pag- upo ko, sinabi na niya agad sa akin na WALA NANG PASOK. Kanselado raw ang klase dahil sa baha. Kaya naman, kanselado na rin ang seminar. Tandaan, tirik na tirik ang araw, saksakan ng init.

Dahil sa ayaw ko namang maglupasay sa gitna ng kalye, minabuti ko na lang na samahan si Jenilou (classmate ko noong college, na classmate ko rin sa masteral at isa sa mga pinaka- close friends ko) na mamili sa Quiapo ng mga gagamitin niyang giveaways para sa Buwan ng Wika sa school nila. 

Ang daming pera ni Jen. Marami kaming napamiling kung anu- anong abubot na tig- Php100 lang at mas mura pa. Nilusob namin 'yung baha sa Quiapo, hindi na naman kasi masyadong mataas eh. Nakatatlong malalaking plasticbags din si Jen, ganoon karami.

Naghiwalay kami mga pasado ala-1 na. Hinatid ko muna siya sa LRIT1 Carriedo Station at saka ako naglakad papuntang LRT2  Recto Station. 

Tinext ko si Jomar, kinumusta ko kung nandoon pa siya sa school. Sabi niya, nasa bahay na rin siya. 'Yung seminar naman daw iuurong na lang sa Sept. 5. Sana naman, wala nang bagyo, ipu-ipo, delublyo o kahit anong kalamidad ang mangyari sa araw na 'yun. Sana matuloy na 'yung seminar, sayang naman kasi eh. 

       

Friday, August 21, 2009

Sa Gitna ng Ulan


Nagsisimula na namang pumatak ang ulan. Ganito na lang lagi tuwing hapon, umaambon tapos sinusundan ng malakas na ulan. Mag- uumpisa 'yan sa tikatik pero asahang kasunod nito ang ga- mais na buhos maya- maya lang.Kaya kung nasa labas ka, mabuting sumilong ka muna. Sandaling titila. Magdudumali ka sa paglalakad pero hindi ka pa nakalalayo ay nandyan na namang muli ang ulan. Kapag minamalas kang talaga, matatalsikan ka pa ng putik na mula sa mga dumadaang sasakyan. Katulad din ng iba pang mga mag- aaral, empleyado at iba pang Juan at Juana dela Cruz na nag- aabang. 

Kampante si Marco dahil mayroon naman siyang payong. Sa isip niya, hindi naman siya mababasa ng ulan dahil may panangga naman siya rito. Medyo mahal ang payong ni Marco. Hindi ito iyong mga nabibiling tigsisingkwenta pesos  sa bangketa o sa tiangge- may tatak, may panagalan. Kaya ganoon na lamang ang lakas ng kanyang loob na sumugod at prenteng maglakad sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

Kasama ni Marco si Tony sa lahat ng kalokohan. Magkaklase na ang dalawa mula pa noong unang taon nila sa kolehiyo. At ngayong nasa ikaapat at huling taon na sila, napakahirap nang paghiwalayin ng dalawa. Hindi mo mayayayang lumabas ang isa, kung hindi sasama 'yung isa. Sabay silang lagi kumain, ng tanghalian pati ng meryenda. Hindi matatapos ang isang buong araw na hindi sila nag- uusap. Pati sa pag- auwi ay lagi silang sabay kahit pa umuulan, lagi silang naghihitayan. Kaya naman, ang isa't isa rin ang naging hingaan nila ng sama ng loob sa tuwing may kinakaharap na problema.

Pangulo ng isang organisasyon sa kanilang kolehiyo si Tony kaya lagi siyang inaabot ng gabi dahil na rin sa mga pagpupulong. Matiyaga naman siyang hinihintay ni Marco.  Nagte- text na lamang ang binata, nakikinig ng musika o di kaya nama'y nagbabasa sa labas ng silid habang hinihintay ang paglabas ng kaibigan.Kapag sinusuwerte at nakakita ng kakilala, yayayain niya ito para makipagkwentuhan muna para malabanan na rin ang pagkainip. Halos apat hanggang limang beses sa isang linggo kung mangyari ang ganito, pero ayos lang naman iyon kay Marco.

Mabilis na tumakbo ang mga araw pero patuloy pa rin ang pag- ulan. Sa hindi malamang kadahilanan ni Inang Kalikasan ay patuloy pa rin ang ganitong panahon kahit buwan na ng Marso. Sa huling linggo magaganap ang Araw ng Pagtatapos. Ang lahat nang mga mag- aaral na nasa ikaapat na taon ay masaya dahil nalalapit na ang matagal na nilang inaasam. Makukuha na nila ang diplomang apat na taon nilang pinagtrabahuhan at pinagsunugan ng kilay. Masaya ang lahat...maliban kay Marco. 

Mababakas ang ngiti sa mga labi ni Marco habang inilalahad ang kanyang mga plano para sa darating na bakasyon. Gagawa siya ng resume, magpapakuha ng maraming litratong 2x2 , gagawa ng mga liham at saka siya  maghahanap ng trabaho. Buong kumpiyansa niyang sinabi kay Tony na madali siyang makahahanap ng papasukang paaralan para makapagturo dahil mahusay naman siyang titser. Sinabi ni Marco na sabay silang magpakuha ng litrato ni Tony; na sabay silang pumunta sa computer shop para gumawa ng mga sulat, sabay rin silang gagawa ng resume at sabay nilang gagalugarin ang buong ka-Maynilaan para maghanap ng trabaho.

 "Mag-a- abroad ako eh.", ito ang nakangiting tugon ni Tony kay Marco. Sa wakas, matutupad na raw niya ang kaniyang mga pangarap. Biglang naalala ni Marco na minsan ay nabanggit pala nilang dalawa sa isang kwentuhan na nais nilang mangibang- bayan,  at sabay rin nilang gagawin ito. Sabay silang lalabas ng bansa at aalis ng Pilipinas. Subalit, nagtataka siya ngayon. Nagtatanong. Ano ang nagyayari?Bakit ganito? Hindi pa dapat. 

Natigilan si Marco na kanina'y buong giliw na iniisa- isa ang kaniyang mga balak. Sa dahilang noong mga oras na iyon lang  niya nalaman na sa susunod na buwan ay nakatakda na palang lumipad si Tony papuntang Dubai. Hindi ito binabanggit noon sa kanya ng kaibigan dahil isa raw itong sorpresa.  Nasabi na rin ni Tony kay Marco na maayos na ang lahat ng papeles. Hinihintay na lang talaga ang araw ng pagtatapos nila. Sorpresa. 

Makulimlim na naman ang langit. Nagbabanta na naman ang isang malakas na ulan. Pero parang may kakaiba sa hapong ito. Higit na matalim ang kidlat, at higit na nakabibingi ang mga kulog. Ang pagtama ng hangin sa mukha ni Marco ay tila isang malakas na pagsampal mula sa kung sino. Nahuhulog na ang mga tubig mula sa langit. Subalit di tulad ng dati, hindi naramdaman ni Marco ang pag- ambon. Malalaking patak na kaagad ang tumama sa kanyang katawan. Kaya naman bago pa tuluyang mabasa ay nagbukas na siya ng payong. Pero siya ay namangha, dahil ang payong na matibay ay dagling nasira.   

 

Thursday, August 20, 2009

Hindi Ko na Matandaan Kung Kailan Ako Huling Kumanta sa Videoke


Mahilig akong kumanta- sa banyo, sa sala, sa kusina, sa pasilyo, kahit saan...basta kanta lang ako nang kanta. Maganda ang boses ko (alam ko 'yun), pero hindi naman 'yung pamplaka o pang- recording artist, tamang pangkulit o pang- jamming lang. Kahit anong genre ng kanta ang ipakanta sa akin ayos lang, basta naaabot ko 'yung tono, walang problema.Pero ang pinakapatok...Videoke!

Videoke ang madalas naming libangan at pangtanggal pagod o stress ng mga katrabaho ko noon. Halos dalawa o tatlong beses sa isang linggo yata eh nag- iingay kami sa boarding house/karinderya/tambayan na pag- aari ni "Mommy". Halos isang taon akong araw- araw kumakain dun pero hindi ko man lang natanong ang pangalan niya. Basta "Mommy" ang tawag naming lahat sa kanya. Nag- iingay at nambubulahaw kami dun kahit alam naman namin na puro INC (Iglesia ni Cristo) ang mga nakatira sa bahay, pati na rin ang mga kapitbahay.

Mura lang ang bayad sa videoke machine dun. Limang piso lang eh solve na at maibibirit  na namin 'yung favorite naming  lovesong. Minsan nga, kahit lista eh ok lang. Php150 ang pinakamataas kong naibayad sa pagkanta lang sa videoke. Adik ako noh? Halos bali- baligtarin ko na 'yung songbook noon makahanap lang ng kantang talagang bagay (o feeling ko eh bagay) sa akin. Pero ayos lang, kasi masaya naman talaga. Idagdag mo pa 'yung ispirito ng Gran Matador at chaser na Icedtea na pumasok na sa mga utak namin. 

Ang videoke machine na 'yun ang nagsisilbi ring TV sa boarding house/karinderya/tambayan ni "Mommy". Nakakapanood kami ng Eat Bulaga sa tangahalian at dramarama sa hapon (channel 7 lang ang malinaw doon) kapag meryenda dahil sa TV/ videoke machine na 'yun...ang galing noh?

Naging saksi ito sa walang- patumanggang kwentuhan, tawanan, tuksuhan, kantiyawan at hingaan ng sama ng mga loob na dulot ng "progresibong" paaralan na dati naming pinagtatrabahuahan bilang mga guro. Paulit- ulit lang ang mga kwento at mga problemang hinihingi ng payo: maling pamamalakad ng admin,  mababang sweldo at maging tsismis na ginagawa ng ibang mga katrabaho. Pero sa hindi malamang kadahilanan, nagawa naming pagtiisan ang lahat ng iyon sa loob ng isang taon.     

Minsan, kasama rin namin 'yung mga estudyante namin sa pagkanta sa videoke. Ang galing, kasi maganda 'yung samahan ng mga teacher at estudyante, madalang 'yun. Todo- bigay ang mga bata sa paghataw kahit alam nila na kinabukasan, makikita nila kami sa harap nila na nagtuturo at sinusuway sila. 'Yun na lang ang konsuwelo namin noon, mababait talaga ang mga bata sa mula "progresibong" paaralan. 

Wala na ako sa dati kong trabaho, pati ang mga ka-guro kong kasama  ko sa pagkanta eh wala na rin doon. Matagal- tagal na rin nang huli kong nakausap o naka- text ang iba sa kanila.Pero magkaganoon man, masaya naman ako kasi maganda ang pinuntahan naming lahat. Umahon kami mula sa "putik" na kinasadlakan namin. 

Hindi ko alam kung sino na ngayon ang kumakanta at nambubulahaw kina "Mommy". Hindi ko na rin alam kung sino na ang mga bagong gurong nagtitiyagang magtrabaho sa paaralang pinatatakbo ng mga taong hindi alam ang kahulugan ng "katotohanan" ,  "pagkakapantay- pantay" at "lohika". Wala na rin akong ideya kung ano na ang lagay ng mga paborito kong estudyante. Pero nakaka- miss at nakakalungkot...hindi ko na kasi matandaan kung kailan ako huling kumanta sa videoke.     

WISHLIST


Nais kong tumakbo,
Malayung- malayo sa’yo.

Nais ko ng bumitiw,
At limutin na ang aliw- iw.

Nais ko ng ipinid ang pinto,
At tuluyan nang sumuko.

Nais na ng isip kong humanap ng iba,
Ngunit ang puso’y tila bingi pa.

Nais kong maging abala,
Nang di ka maalala.

Nais ko ng sumakay,
At mag-isang maglakbay.

Nais kong maabot ang mga bituin,
Aking mga pangarap, isa- isang tuparin.

Subalit alam mo ba kung ano totoo?
Sana pagbalik ko...
Ako pa ri’y salubngin mo. 

Sana.


Sabayang Pag-petix!


Kailan ba ko huling nagturo sa mga estudyante kung paano mag- Sabayang- Pagbigkas? Hindi ko na matandaan. Tsk.Tsk.Tsk. Ngayon, para akong nagtuturo ng mga elementary students (Pwede pa ngang i- consider na Kinder eh :) ) sa sobrang hirap turaan nung mga estudyante ko. Ang daming dahilan, ang daming mga reklamo. Ayun, sabi ko sa kanila, ayusin na nila dahil kailangan nila 'yun para makapasa sa midterm- as in kailangang- kailangan nila talaga.

Mula sana sa 3 pahinang piyesa ni Dionisio Salazar na "Isang Bansa, Isang Diwa", nauwi kami sa kaputol/ kapiranggot na bahagi (3 saknong na lang) ng tulang isinulat ni Iñigo Ed Regalado, 'yung "Gumising Ka, Aking Bayan!"...na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila kabisado.

'Yung klase ko ng 1-2:30, naturuan ko na ng mga kilos at drama para madagdagan at mapaganda naman kahit pa'no 'yung gagawin nila. Ang iisipin ko na lang eh 'yung sa klase ko mamayang 3:30- 5(nag- iisip ako ng mga styles sa pagbigkas nila habang tina- type ko ito.hehe).

Sana, may maipresinta naman na maayos 'yung mga bata. Sana, magkaroon naman sila ng pagkukusa. Kasi, kung wala talaga, baka magkatotoo 'yung sinabi ng head ko kanina- na baka sumabog ang lahat nang ito sa mga mukha namin.'Wag naman sana.

Tula para sa mga plastik


May Plastik ang Mundo
Oddie Cruz Lacsamana


Matagal na, Juan.
Matagal nang ipokrito ang laro mong ito,
Matagal nang ika’y may trono sa impiyerno
At nilulumot na ang kapwa mo tao.

Sa iyo, lumang tugtugin na ang pag-ibig sa Diyos;
Patay na si “bigayan,” itsura ni “damayan”
Ang takot ay wala na’t nilamon ng siglo,
Ang ginto mong pader, malaya kay Kristo.

Natutuwa ka sa iyong panalo.
Ang bahay mo’y pito; ang kotse ay walo
Sa bahay-ampunan, sa “Mental Hospital,”
Kaharap-harap mo, kamera’t potograpo.

Nagaglit kang madaya ng iba;
Napopoot kang madaig sa kita,
Bago ang maskara’y suut-suot mo na
At ang simbaha’y ginawa mong bangketa.

Paluhod-luhod ka kung Linggo’t Huwebes Santo.
Tapos duduraan mo ang pulubi sa kanto
Magmumura ka’t manloloko sa tao
Nasisikmura mo ang ganitong sebisyo?

Juan, o Juan!
Bakit? O Bakit ba?
Ang magandang larawa’y ginawa mong dikdikan.
Dapat bang isigaw at ipagbulgarang…
Binalot mo ng Plastik… ang mundo, ang mundo!

Wednesday, August 19, 2009

Sa Pagpitas Ko ng Yellowbell: mula sa blogger na si "Sadista"



Ilang araw ko nang napapansin na nagkalat na sa paligid ang mga tumutubong mga dilaw na bulaklak. Hindi ko alam kung sanhi ba ito ng radikal na pagpapalit ng klima o sadyang napapadalas lang talaga ang pagkatulala ko sa kawalan nitong mga nakaraang araw. Basta ang alam ko, kinagigiliwan ko na ang pagmamasid sa mga bulaklak na ito bawat umaga. Kahit papano ay naliligayahan ako sa bawat pagsulyap ko sa mga ito.

Nakakatawang isipin na matagal-tagal din bago ko natuklasan na Yellowbell ang tawag sa mga bulaklak na iyon. Lahat yata ng tao alam na ganoon ang itsura ng Yellowbell, pero dahil lahat ng bulaklak para sa akin ay magkakahawig maliban sa mga rosas ay wala talaga akong malay na yun pala ang tawag sa kinahuhumalingan kong bulaklak. Mula noon ay lalo ko tuloy nagustuhan ang pagtanaw sa mga ito.

Noong una ay nakikita ko lamang ang mga kinagigiliwan kong Yellowbell habang nakasakay sa service papuntang eskwelahan. Lagi ko kasing binubuksan ang bintana sa may gawi ko dahil nakagagamot ang matamis na simoy ng hangin sa umaga. Mula sa dungawan na iyon ay nasisilayan ko ang mundo habang mabilis nito akong dinadaanan. Pero masaya pa rin ako kahit na sa maikling sandali lang na nilalaan sakin ng pagkakataong masilayan ang mga matitingkad na Yellowbell sa tabi ng kalsada. Napapangiti ako ng mga ito gayong ang layo ko para man lang mamalas ang kagandahan nila nang malapitan.

Hindi nagtagal ay mas madalas na akong makakita ng mga Yellowbell. Natuklasan kong mas maganda pala talaga ang mga bulaklak na iyon sa totoong mundo kumpara sa mga larawan sa mga librong nakita ko noong ikalawang taon ko sa mataas na paaralan. Napagtanto kong may Yellowbell pala sa may pasukan ng subdivision namin, sa isang bakuran sa may intersection sa Masinag, sa bahay ng lola ko at kahit sa mismong paaralang pinapasukan ko limang beses sa isang linggo. Kahit papano talaga ay naiibsan ang pagkalumbay ko sa araw-araw.

Pero hindi riyan nagtatapos ang nakaaantok kong kwento tungkol sa Yellowbell. Nagkataon kasing yung pinagtaniman ng mga bulaklak na ito sa loob ng eskwelahan ko ay dun pa talaga sa araw-araw kong dinadaanan. Hindi tulad noon na hindi naman ako pwedeng bumaba sa sasakyan para kumuha ng isang Yellowbell mula sa hardin ng kung kaninong bahay, dumating sa punto na hayan na ang mga Yellowbell at pwedeng-pwede na akong pumitas.

Tatlong beses rin akong pumitas ng Yellowbell. Tuwang-tuwa talaga ako lalo na pag tamang-tama ang laki ng Yellowbell para ipanglagay sa kaliwa kong tainga. Mula sa pinagpitasan ko dito sa harap ng THE Room hanggang sa silid-aralan ay naglalakad akong may Yellowbell sa ulo. Natutuwa at natatawa rin naman sakin ang mga nakakakita, pero ang sakin lang ay masaya ako dahil may Yellowbell na nakatanim sa lakarang dinadaanan ko bawat umaga.

Pero sandali lang nagtagal ang kasiyahang dinulot ng pagpitas ko ng Yellowbell. Hindi ko rin naman kasi pwedeng panatilihin ito sa aking tainga dahil katutuwaan ako ng aking mga guro at baka padiretsuhin pa sa mga madre oras na malaman nilang sa tapat ng THE Room ko ito nakuha. Pag-upo ko sa aking pwesto bawat umaga, matapos ang sandaling paglalakad at pagpanhik sa hagdan, ay huhubarin ko na ang bulaklak at maingat na ilalagay sa ilalim ng aking upuan. Nung unang beses ay naiwan ko yun doon at hindi na nakuha nung kinahapunan. Pero nung pangalawa, napagtanto kong hindi tulad ng mga larawan sa mga librong nabasa ko noong ako’y nasa ikalawang taon sa mataas na paaralan, nalalanta ang mga tunay na bulaklak. Hindi na mukhang Yellowbell ang pinitas kong Yellowbell nung uwian, at dito ako napa-isip kung ano ba talaga ang papel ng Yellowbell sa buhay ko.

Ang Yellowbell at ikaw ay iisa. Ikaw ang dahilan ng gana kong pumasok sa araw-araw. Ikaw ang dahilan ng mga ngiti, ng kaligayahan, ng katuwaan. Pero tulad ng isang Yellowbell, kailangan kitang panatilihing buhay sa pamamagitan ng pagmamasid sayo sa malayo. Malalanta ka lang sa piling ko. Mawawalan ka lang ng buhay pag pinitas kita at sinama sa paglalakad ko. Gaya ng isang Yellowbell, dapat lang kitang daanan araw-araw at makuntento sa pagkakataong mayroon ako para mahalin ka, hindi man kita pwedeng angkinin. Isa kang Yellowbell na hindi ko dapat pitasin, dahil iyon ang batas ng mundo para manatili ang kagandahan mo.

Hindi ko alam kung maibabalik ko pa ang kagiliwan ko sa Yellowbell. Ngayon, pag nakakakita ako ng Yellowbell ay ikaw na ang naaalala ko. Imbis tuloy na mapangiti ay may tumutulo nang luha sa mga mata kong tila nais diligan ang mga bulaklak na iyon. Nalulungkot na ako pag nakakikita ako ng mga Yellowbell, dahil pinaaalala nito sa akin ang taong kinailangan kong pakawalan para mahalin; ang taong kinailangan kong ipagpaubaya sa hardin niya dahil hindi siya magiging masaya sa akin.

Hinding-hindi na ako pipitas ng Yellowbell mula ngayon. Sa susunod na mga araw maaaring madiligan ko sila ng mga luhang kailangan ko pa munang iiyak, pero hindi ko na nanakawin pa sa daigdig ang hindi para sa akin.

Araw-araw pa rin akong dadaan sa may tapat ng THE Room para sa mga Yellowbell. Sana sa bawat pagdaan ko ay marinig ng mga bulaklak na ito ang mga salitang hindi ko maaaring sabihin, ang mga salitang siyang dahilan kung bakit pinili kong hindi na lang pumitas ng Yellowbell.


KUMPISAL



Alam mo bang may gustong sabihin

'tong tula ko para sa'yo?

Isipin ko pa lang ang magiging reksyon mo,

Kinakabahan na ko.

('Wag mo kong sasapakin ha.)




Alam mo bang natutuwa ako sa mga kulay

ng mga isinusuot mong polo?

Dahil wala kang pakialam

kahit sabihing di mukhang pang- macho.

(Pastel colored kasi lahat.)




Alam mo bang hindi ko masyadong gusto

si Christian Bautista noon?

Pero paulit- ulit ko nang pinakikinggan

sa MP3 player ko ang mga kanta niya ngayon.

(Hindi ako mahilig sa Senti dati.)




Alam mo bang kahit madaldal ka at madalas sumingit

sa usapan,

natutuwa pa rin ako sa'yo?

Dahil nasasabi mong lahat ang nasa loob mo.

(Oo, madaldal ka!)




Alam mo bang dati, hindi talaga ako fan

ni John Lloyd Cruz?

Ngayon, 22 beses ko nang napanood ang

"A Very Special Love".

(Kamukha mo talaga siya, Sir Armando.)




Alam mo bang alam ko, na minsan,

naiinis ka na sa akin 'pag sinasabi kong hindi ka

nagtuturo?

Ang totoo...humahanap lang ako ng dahilan

para makausap ka. Pasensiya na.

(Isa pang katotohanan, gusto ka ng mga bata.

Mahusay kang teacher.)




Alam mo bang isa ka sa mga dahilan

ng gana kong pumasok sa bawat araw?

Gumagaan ang mga problemang nasa loob

at nakapaligid sa "progresibong" paaralan

'pag nadyan ka.

At bawat araw na wala ka...parusa.

(Madalas ka pa namang um- absent.)




Alam mo namg kahit mahirap kang singilin

ng bayad sa tubig eh ayos lang?

Kasi marunong ka namang makisama

sa lahat ng uri nang tao.

(Hindi ka nagmumukmok sa rooftop. :) )




Alam mo bang mahirap magpanggap

na wala akong pakialam sa'yo?

Kinakabahan ako sa mga desisyong ginagawa mo.

Mahirap hulaan kung ano ang susunod mong hakbang.

(Pabagu- bago ka kasi ng isip.)




Alam mo bang masaya ako

na nakilala kita?

Dahil mabuti kang tao

At masaya kang kasama.

(Nahihiya lang talaga ako 'pag nang- aasar na

'yung F4 at si Shan Cai.)




Alam mo bang alam ko na tatawanan mo lang

'tong pinaggagagawa ko?

At pagkapos tatanungin mo sa akin kung

ano bang masamang ispirito ang pumasok sa utak ko.

(Ewan, dahil yata sa neozep at bioflu.)




Alam mo bang nahihirapan na naman

akong tapusin 'tong tula ko?

Natatakot ako...kung papaano...

Pagdating sa dulo...

(Galit ka ba?)




Nasabi ko na ba 'yung gusto kong sabihin?

Nahihirapan ka bang intindihin?

Kailangan ko pa bang ulitin?




Hindi na siguro.

Dahil alam ko...




Alam mo.

PISI


Hindi ko man sabihi'y, mababatid mo rin

Ang poot para sa'yo, na mula sa akin

Ikaw!

Oo ikaw nga! Huwag kang mainip.

Hangin ng kamalasa'y sa iyo iihip.

Ito'y ituring mong iyong unang regalo.

Mula sa isang taong tinawag mong bobo.

Unti- unti, dahan- dahan, 

Ika'y lalapitan.

Dali!

At subukin mong, ako ay unahan.

Tinuran ng iba'y 'wag kang patulan.

Subalit kabuktuta'y umabot na sa sukdulan.

Kamalian ay sadya mong gagawin,

At sa huli'y kunwang hihingi ng paumanhin.

Di ko nais tawaran, ang iyong kahusayan.

Batid kong magaling ka, sa napiling larangan.

Ngunit walang sinuman, ang may karapatan

Mag- andukha ng kapwa, kahit kailanman.

Bilisan mo "Kaibigan"!

Tumakbo ka na!

Nariyan, parating na

Ang masamang karma.

Ang pisi ng pasensya ko ay pinatid mo.

Kaya ngayon katoto, kapwa tawad tayo.

O kay sarap sambitin, mga ganitong salita.

Ngunit ang saktan ka'y di ko magagawa.

Hindi ko dudungisan ang aking mga kamay.

Nang dugong mula sa taong, tila isang anay.

Ako ay iiwas,

Sandaling hihikbi.

Pipiliting buuin, ang nasirang pisi.

Diyos na ang bahala sa gagawin sa'yo.

Tanging dalangin ko, ikaw ay magbago.

Bored and Jaded


Ewan ko, pero nitong mga huling araw eh parang napapagod ako nang sobra sa pagtuturo. Gusto ko naman 'yung ginagawa ko pero hindi ko maintindihan kung bakit. Sa biyahe nga lang ba (Mahirap pala talagang pagsabayin ang dalawang schools na pinagtuturuan, lalo na kung nasa magkabilang parte ng daigdig.), o talagang nananawa na ako?

Pumapasok ako sa AdU nang alas nuwebe ng umaga tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes. Alas siyete y medya naman tuwing Martes at Huwebes.Diretso na agad ako sa klasrum, kasi wala naman akong mesa sa faculty room.Naaasar nga ako sa isang oras kong break (10:00- 11:00 am) kasi wala naman akong tatambayan. Ang ending, pumupunta pa ako tuloy sa SM Manila, kaya hindi ko mapigilan minsan mapagastos nang malaki sa pagkain pa lang.Tapos, maglalakad ako ulit pabalik sa napakataas na CS Building kaya parang nawala rin agad 'yung kinain ko.

Pagkatapos ng klase, umuuwi na ako agad. Minsan, 'pag sinisipag ako, bumababa ako sa Carriedo Station ng LRT line 1 para magsimba sa Quiapo Church.   Kaso, nitong huli hindi na masyado kasi ang haba ng nilalakad tapos ang init- init pa.

Halos ang kabuuan ng araw ng Martes at Huwebes ko ay nauubos sa Colegio de San Lorenzo. Medyo mahirap dun. hehehe. Walang problema sa mga pasilidad, sa mga katrabaho, ang problema...mga estudyante- lahat nang estudyante. Mabibilang lang siguro sa daliri ko kung ilan lang 'yung matitino (semi- matino pa 'yun ha, hindi 100%). Wala sigurong araw na hindi ako sumigaw o nagalit sa mga bata dun. Haaaay.

Mayroon pang halos isa't kalahating buwan bago matapos ang semester na 'to. May panahon pa akong mag- isip- isip ng mas magandang plano para sa susunod na sem. Kasi, kung walang mangyayaring maganda, kakaiba at exciting sa buhay ko, baka matulad na lang ako sa iba...nakukuntento na lang sa pwede na. :( 

Paglalaro sa Paraiso


Sa Bagong Paraiso
Ni Efren R. Abueg

Sinasabing masarap ang bawal. Kung alin ang bawal ang siyang nagugustuhan nating Gawin. ‘At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi. Sa lahat ng punungkahoy, halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapwa’t sa kahoy na pagkakilala nang mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyan ay walang pagsalang mamamatay ka.’

Genesis 3: 16-17

Sa simula’y mga bata silang walong taong gulang – isang lalaki at isang babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak na loobang kinatitirikan ng dalawang tabla’t yerong bahay, na ang isa’y nasa Silangan at isa’y nasa Kanluran; at sa pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan.

Ang malawak na looban ay mapuno at mahalaman, maibon at makulisap at ang kanilang mga magulang ay walang sigalutan- ang mga ito’y makaDiyos at walang araw ng Linggo o araw ng pangolin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng nayon. Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga palad at may usal ng dalangin sa mga labi.

At silang dalawa- ang batang lalaki at batang babae ay nagsisipag-aral kasama ng ibang bata sa maliit na gusaling may tatlong silid, sa gusaling nasa dakong timog ng nayon. Sila’y may mga pangarap, na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng baying iyon at ng lalawigang kinaroroonan niyon.

II

Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong bayabas, marurupok na sanga ng sinigwelas, sa maligasgas at malulutong na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang kanilang mga siko, nagagalusan ang kanilang mga mukha at kung minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung nahuhulog-ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda; patuloy sila sa paglalaro.

Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran at kung sila’y hinihingal na’y hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sa langit ang kanilang mukha.

‘Loko mo…makikita mo ba ang mukha mo sa langit?’ minsan ay sabi ng babae sa lalaki.

‘Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin…ang sabi ng tatay ko,’ sagot naman ng batang lalaki.

Ang batang babae ay makikisilip din sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling paningin ang sabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang matagal-sila’y lalagumin ng katahimikan-ang kanilang katawan ay nakalatag na parang kumot, hanggang sa sila’y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay.

Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising: kung minsan naman ang batang babae. Ngunit sinuman sa kanila ang unang magising, kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin sa tainga ang natutulog. At ang natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarining sa siya’y pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangingiliti ay mapapaurong naman at anyong tatakbo at sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapaikot-ikot hanggang ang isa’y mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkakadantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang katawan.

Kung sila’y nagsasawa na sa loobang iyon, sila’y magtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibe. Nilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kanyang putot na pantaloon at ang napupulot niyang kabibe at ang nadarampot naman ng batang babae ay inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot nitong damit. Kung hindi naman kabibe ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin o kaya nanunugis ng mga kulukoy na kung hindi makapangubli sa malalim na lungga ay lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin.

Ngunit hindi lamang iyon ang kanilang ginagawa: nagtutudyuan din sila, naghahabulan at kapag nahahapo na, mahihiga rin sila sa buhanginan tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi nagkakatinginan sila. Minsan ay itinanong ng batang lalaki sa batang babae:

‘Naririning mo ba…..may tumutunog sa aking dibdib?’

Ang batang babae ay nagtakaa. Bumangon ito ay tumingin sa nakatihayang kalaro. 

‘Pakinggan ko nga,’ anang batang babae.

Inilapit ng batang babae ang kaniyang tainga sa dibdib ng batang lalaki, dumadaigdig ang katawan niya sa katawan ng kalaro at nalalanghap naman ang nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok.

‘Ang bango mo pala!’ Ang batang lalaki ay nakangiti.

‘Aba…hindi naman ako nagpapabango,’ anang batang babae na lumupasay sa tabi ng nakahigang kalaro. ‘Paglaki ko raw ay saka na ako magpapabango, sabi ng nanay ko.’

‘Teka nga pala, narinig mo ba ang tunog sa dibdib ko?’ usisa ng batang lalaki.

’Oo...ano kaya ang ibig sabihin niyon?’

Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. ’Malay ko...tena na nga.’

Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang buhanging dumikit sa kanyang bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang lumakad. Sinabayan siya ng batang babae at habang isinasalisod nila ang kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa papalubog na araw.

’Ang ganda, ano? Bakit kaya kulay-dugo ang araw kapag palubog na?’ sagot naman ng batang babae.

Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw ito sa mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran.

III

Puring-puri ang dalawang bata ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kanayon. At kinaiingitan naman sila ng ibang batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila.

’Siguro, paglaki ng mga batang ’yan...silang dalawa ang magkakapangasawaan.’

Maririnig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila’y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga kaklase sa silang dalawa’y parang tuko – magkakapit.

At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na pauwi na sila ay humarang sa kanilang dinaraanan at sila’y tinudyo ng tinudyo.

’Kapit-Tuko!’

Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang lalaki. Ibinalibag nito sa paanan na nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang mga kalaban. Nagpagulong-gulong sila sa matigas na lupa, nagkadugu-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at sila’y inawat at sila’y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa magkatabing desk at tumanggap ng tatlong matinding palo sa puwit.

Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila’y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa kanilang kawalang-malay.

IV

Namumulaklak ang mga mangga, namunga, nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang namamakyaw at sa loob ng ilang araw lamang nagsanib ang bunga ng mga sanga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak iyon at dumaan ang mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at kanilang naging tagpuan ay ang dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung bakit kulay dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila’y naasiman at idinalangin nila ang maagang pag-ulan-sapagkat sabi ng kanilang lola’y madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Sila’y naniniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon sa kalagitnaan ng nayon, silang dalawa’y nagpugay, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang tuyong damo, na waring bankay ng siang panahong hinahalinhinan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki’y umakyat sa puno at ang batang babae naman ay naghanap ng sungkit.

At ang pamumulaklak, pamumunga at pamumulaklak at pamumunga ng mangga, santol at sinigwelas at ng iba pang punungkahoy, halaman sa bagong supling; ang araw ay lumubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyong kung dapithapon.

Ang paaralan sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan’ ang mga magulang ay walang pinaguusapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga anak.

V

Nang dumating ang pasukan, ang batang lalaki at ang batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon sila mag-aaral ng haiskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki ay hindi na nakapantalong maikli-putot; siya’y nakalargo na at pantay na ang hati ng buhok na nangingintab sa pahid ng pomada. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok na nakatirintas at ang kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi makikita ng batang lalaki ang alak-alakan nito.

Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi nila mapigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan. Sa paghawak na kanilang daigdig, ang batang lalaki’y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro-siya’y kahalubilo na rin ng maraming batang lalaking pumapasok sa magagapok na gusaling iyon ng paaralan. Nakikipagharutan siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan-at higit sa laht nakikituklas ng lihim ng isa’t isa. Isang araw, sa likod ng paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki ang nasa loob niyon at may pinakikita sa kasamahan. Nakisiksik din siya sa mga batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na hindi niya alam na kailangang mangyari sa kanya.

Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Umupo siya sa baitang ng kanilang hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kaniyang ama.

Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon.

Nagtawa ang kanyan ama. Tinapik siya nito sa balikat.

’Kailangan niyon upang ikaw ay maging isang ganap na lalaki,’ sagot ng kaniyang ama.

Natingala lamang niya ito at ang pamimilog ng kanyang mga mata’y naghiwatig ng pagkakaroon ng lamat sa kanyang kawalang-malay.

’Hayaan mo...’ dugtong ng kaniyang ama. Isang araw isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lang sana...’

Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niy kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang niya nadama iyon. Kaya’t kahit patuloy pa rin silang naglalaro sa damuhan o kaya’y nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki.

At isa ngang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kaniyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siya’y itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog.

’Ang damuho...pagkalaki-laki’y parang hindi lalakit.’

Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kaniyang isip at patuloy na nagpalaki sa lamat ng kaniyang kawalang-malay.

VI

Kasunod ng panyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo. Hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung ito’y nakahiga sa damuhan o dalampasigan. Hanggang isang araw ay napansin niyang namumula ang mata ng batang babae nang dumating ito isang dapithapon sa tabing-dagat.

’Bakit?’ usisa niya. ’Wa-wala...wala!’

Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang-sigla niya sa pakikipaglaro niya rito ang dahilan. Tinudyo niya ang batang baba, kiniliti, napahabol dito hanggang sa mahawa ito at sila’y naghabulan na sa buhanginan, sumsisigaw sila sa katuwaan hanggang sa manigas ang kanilang mga binti at kinakailangang humiga na naman sila sa buhanginan. Humagikgik pa sila ng mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at madama niyang lalong malakas ang pintig doon.

‘Tingnan mo...pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko,’ anyaya ng batang lalaki.

Ngunit hindi kumilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas na mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunguhan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito.

’Bakit?’

Saka lamang tumingin ang batang babae sa batang lalaki at ito’y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi’y pinahid nitong palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay pinaniktikan ng buhangin.

’Hindi na pala tayo maaaring maglaro...tulad ng dati,’ anang batang babae sa basag na tinig.

VII

Hindi nga sila mga bata. Siya’y dalagita na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkikita pa rin sila sa looban ngunit hindi nga lamang tulad ng dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Nayon, parang laging may nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal-sa looban, ang kanilang mga magulang ; sa paaralan, ang kanilang mga guro. Ang kanilang tawa tuloy ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uuusap ay hindi na Malaya at pumipili na sila ng salitang kanilang gagamitin.

At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kaniyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kaniyang ina, palihim niyang lalabhan iyon sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang likod-bahay.

Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at sinabi nito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa labhan iyan..

VIII

Natapos ng haiskul. Nagkamay sila pagkaraang maibaot sa kanila ang kanilang diploma. At nang nagsayawan ng gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok ng kanilang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng kanilang mga labi’y tikom at kung gumalaw man ay upang pawiin ang kanilang panunyo o paglalamat niyon. At hindi nila alam na ang tibok ng pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat sa kanilang kawalang-malay.

IX

Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluong sa kanyang kalooban.

’Pero, Inya...kaibigan ko si Ariel!’ May himagsik sa kanyang tinig.

’Kahit na...kayo’y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin,’ may langkap na tigas ang sagot na iyon.

Alam niya ang kahulugan niyon: masama. Parang pait iyong umukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng kaniyang ama.

’Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo muna ang lalaki!’

At ang pait na may inuukit sa kanyang isip ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog na pagpukpok ay nag-aalingawngaw ng Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid.

Iyon lamang at minsang dalawin siya ng binata sa dormitoryo ay natuklasan nila sa isa’t sia na mataa na ang dingding sa kanilang pagitan. Matatag iyon at makapal at waring hindi nila maibubuwal.

’Huwag muna tayong magkita, Ariel,’ sabi niya sa binata.

Napatitig sa kanya si Ariel at nakita niya ang pamamantal sa noo nito-at pagtataka, sa damdaming unti-unting nasasaktan.

’Ba-bakit...dati naman tayong...’

’Ayaw nila...ng Inay, ng Itay…masama raw,’ at ang mga labi niya’y nangatal kasabay ng luhang umahon sa kanyang mga mata.

Masama! Masama !

At si Ariel, ang kanyang kababata, ay lumisang larawan ng isang bilanggong hindi makaigpaw sa isang mataas na pader. 

X

Minsan ang binata ay umalis sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon ng kanyang ama.

“Bakit?”

“Ayaw nang makipagkita sa akin ni Cleofe”

Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin.

“Walang kwenta iyon. Makita mo, kapag tapos na si Cleofe ay magkakalapit kayong muli. Hindi mo baa lam… na gusting- gusto ka ng mga magulang niya na maging doktora siya?”

Pasigaw ang alingawngaw ng kanyang tinig sa kanyang isip.

“At habang nagdodoktora siya ay masamang kami’y magkita?”

“Tama ka,” maaagap na pakli ng kanyang ama. “ Hindi mo ba
alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso?”

“ Tukso! Tukso! Parang matalim na kutsilyong isinaksak sa kanyang utak ang mga katagang iyon. Mahapdi. Makirot. Parang binibiyak ang kanyang ulo.

Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan sa looban, ang malamig na buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng araw na parang dugo.

XI

 At ang dalawa’y hindi na nagkita, gayong hindi na sa lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng masasalubing na kakilala. Mangyari’y iniiwasan nila ang magkita, mangyari’y sinikil nila ang paglago ng halaman sa kanilang katauhan na pinapag- ugat at pinag- pausbong ng mga araw sa luntiang damuhansa looban at malamig na buhanginan sa dalampasigan kung dapithapon.

 Hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila’y magiging masama, tukso. At sa kanilang daigdig ng mga aklat, ng matataas na gusali, ng malalayang kabataan sa kapaligiran, ang isiping iyon ay parang batak na nakabitin sa tabak ng kanilang ulo o kaya’y tulad din ng isang mansanas, pulang mansanas na bibitin- bitin sa nakayungyong na sanga ng punungkahoy.

 Hindi sila nagkita sa loob ng mahaba ring panahon, mga buwan at sana’y mga taon kung nakatiis sila…kung tuluyang nasikil nila ang halamang patuloy sa paglago sa kanilang katauhan.

XII

 Hindi nga sila nakatiis…isang araw na hindi sinasadya’y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila napahinto sa paglakad at nagbabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay hindi parin sila makakilos. Ang binata ang unang naglakas- loob at binati niya ang dalaga.

 Hindi makasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restawran ay anapasunod lamang siya , napatangay sa agos ng kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang hinihinging pagkain, sila’y nagkatitigan at sila’y nakalimot at akala nila’y sa luntiang damuhan sila sa looban ng lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa’t isa.

 At pagkaraan ng maraming sandali ng pagdidilidili, ng pagsusuri sa sarili, ng pagtantiya sa pandama, hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae, pinisil at hinalikan at saka sa tinig na nababasag ang pananabik at pangungulila ay sinabi : Ibig kong magkita tayo, kahit saan, kahit saan!

 At ang babae ay hindi sumagot at tumango lamang at lalong ipinaubaya sa lalaki ang kanyang palad.

 At sila’y nagkita sa Luneta, hindi lang minsan, kundi maraming pagkikita….maraming- marami at ang kanilang sikil na damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwang pagkakalayosila’y lumigaya.

 Ngunti ang inihasik na binhi ng pagkakakilala sa masama ta sa mabuti sa kanilang isip sy sumibol at nagpaunawa sa kanilang ang ginagawa nilang iyon ay masama. Ngunit sila’y uhaw sa gunita ng kanilang kamusmusan at sila’y naghihimagsik.

XIII

 Malinaw ang sinabi ang sinabi sa sulat: sa pook pa naming iyon, sa lahat ng pook na dapat pagkaiwasan …doon kayo nakita. Hindi sana malubha kung nakita lamang kayo, ngunit nakita kayong magkahawak kamay… sa karamihan ng tao sa paligid. Hindi na kayo nahiya!

 Hindi na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa ng liham. Nababanta ang mga sumusunod na talata: luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan.

 Ang binata ay hindi makatulog. Nalukot na ang suot niyang damit ay hindi parin niya hinuhubad. Ibig niyang lumabas ng bahay- paupahang iyon, maglakad sa lansangan at sa labas paabot ng umaga.

…ipinaaabot ditto ng mga magulang ni Cleofe ang ginawa ninyo. Hiyang hiya kami ng iyong ama. Ibig naming makatapos ka … at ibig ipaalaala mula sa iyo na ang babae at tukso…tukso!

XIV

 Sinabi ng dalaga : hindi ngayon tayo maaaring magkita. Sinabi ng binata: magkikita tayo, magtatago tayo…ililihim natin sa kanila ang lahat.

 At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan , ngnit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik, ng takot na matupto[ at ng pangangailangan.

 Sa mga pook na iyon pinilit nilang iginupo ang dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay nila, sila ay nagtatagumpay. Naaalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak, nagsusumiksik at nanunumbat ang alingawngaw ng pagbabawal, lumalarawan ang mga nananalim na tingin masama…tukso.

XV

 At ngayon ang kanilang paraiso ay hindi na malawak na looban.o kaya ang dalampasigang malamig kung ang dapithapon ang silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang daigdig nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit lagging hinahamig ng init ng kanilang lumayang katawan.

XIV 

 Maligaya sila sa kanilang daigdig. Maligaya sila sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan at nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamayamaya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin.

 Ang dalaga ay dumungaw sa bintana- masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakakatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas at itapon. At iyon ay waring umaakyat sa kanyang lalamunan.

 Humawak siya sa palalabahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyng maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakiya niyangnililinis ng tubig ang bangketa. At kasabay ng kanyang pagtungo,parang may isinakad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya’y napanganga at siya’y napapikit at siya’y napaluha at paghigpit ng kanyang paghawak sa palababahanng bintana ay naduwal siya…at ang lumabas pagkaraa’y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nalikhang mumunting agos sa gilid ng daan.

 At ang dalaga’y napabulalas ng iyak.