Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, May 6, 2011

MINSA'Y MAY ISANG BIYAHE

Tuloy- tuloy ang biyahe ng sasakyang lulan
Papalit- palit at sari- sari ang tanawin sa daan
Animoy larawang buhay, nilikha ng mga mapagpalang kamay. 
Tahimik ang mga nakangiting labi
Habang di na mabilang ang mga matang naniningkit
Sa luntiang parang at bughaw na langit.
Nakasusunog man ang sikat ng araw
Nakasisilaw man ang liwanag nito
Walang alinlangang tumingala at di ininda ang hapdi
Nakisayaw sa hangin, sa ibabaw ng buhangin. 
Tila may kakaiba sa mga bagay sa paligid:
Bagaman higit na matingkad ang pagkarosas ng Rosas
At kahit pa ang mga dahon nito'y puspos ang pagkaberde
Nakapagtataka, walang bangong taglay ang mga Dama de Noche.
May paanyayang hatid ang mga alon sa dagat
Sa bawat yakap sa batuhan , at halik sa dalampasigan
Nakamamanghang tignan ang kanilang pagniniig
Subalit ang aking kastilyo'y sinira nang paulit- ulit.
Halos abot- kamay ang gintong araw sa dapithapon.
Parang isang pukol lang mula sa kinatatayuan.
Maaaring marating, sa pagtapak- pagtawid sa ibabaw ng tubig. 
Sa katotohanan, isang milyong milya ang pagitan; malaking kalokohan. 
Kahit pa nasa harap ko na ang isang "perpektong mundo"
'Singganda man nito ang hardin ng Eden
Ihain man sa akin ang lahat ng yaman ng kalikasan 
Mapuno man ang sisidlan ko ng pilak at ginto
Kung papipiliin- mas nais pa rin kitang makasama
Manatili at mamalagi na lamang sa 'yong tabi. 
Maglakbay sa iba pang dako nang hindi nililisan ang kinalalagyan.  
Ang maglakad, tumakbo at tumuklas ng bagong mundo
Nang hindi umaalis sa piling mo.

SIRANG PLAKA, SIRANG PLAKA


Nais kong pakinggan
Ang matatamis na hagikhik
ng mga batang paslit
Na abala sa patintero,
taguan at luksong tinik.
Taya!
Taya! 
Ang halakhak ni Manong
Ang mga tawa ni Ate 
Pumapailanlang sa ere- 
Hahahaha.
Hahahaha.
Tuloy- tuloy, walang patlang.
Ayaw paawat, at di mapigilan.

Musika sa aking tainga
ang huntahan at kwentuhan-
ang ingay ng kalsada.
Hoy!
Hoy! 
Kanya- kanyang "bida"
Kanya- kanyang "dala".
Di ako magrereklamo
Wala akong karapatan
Dahil minsan ako rin
ay bahagi ng kasalanan. 

Kaysarap sa pandinig 
ng isang magandang awit.
Lalalala.
Lalalala.
Panandaliang paglimot ang dulot. 
ilang segundo ng pag- asa
tatlong minuto ng pagtakas at saya. 
kaunting panahon ng pagngiti at ligaya. 

Gusto kong marinig
ang malamyos mong tinig 
nang paulit- ulit
nang paulit- ulit.
Ang bawat alingawngaw
sa aking pagsigaw
ng iyong pangalan 
ay di pagsasawaan
di pagsasawaan. 

Kay lapit lang ng pagitan
Ni hindi mo kailagang gumamit ng largabista
Hayan ang mga batang 
Panay ang bungisngis
Nariyan sina Manong at Ate. 
Pakinggan mo ang tsismisan sa daan
Malakas na ang tunog
ng masiglang awitin.
Pagod at pagal  na
ang aking katawan at kaluluwa
sa paghiyaw
sa paghiyaw.

Paulit- ulit ako.
Paulit- ulit sila.
Paulit-ulit kami.
Paulit- ulit ka.
Paulit- ulit ka! 
Di mo ba talaga marinig ang aming tinig?
O, baka sadyang di ka lang marunong makinig?  

HILO

Gusto mo ba talaga ng snow?
Magkaroon ng punong namumunga ng pera?
Maging bata habambuhay at magkaroon ng eternal na ganda?

Himala.
Pagpapala.

Paano kung magkatotoo ang lahat ng mga hiling mo?

Kakayanin mo kaya ang palagiang pag- ubo?
Di ka naman sanay sa malamig na klima.

Handa ka bang pagkaguluhan ng madla ang "money tree" mo?
Lagi kang iistorbohin, hihingi lang ng balato.

Paano kung ang lahat ng mahal mo ay kulubot, mahina at uugod- ugod na?
Pero ikaw: sariwa, masigla at mahalina pa.
Maaatim mo ba?

Himala?
Pagpapala?

Sanay na sanay kang humiling, magsumamo at manalangin
para sa mga bagay na nais maangkin.

Subalit 'pag nandiyan na't nakahain...
para kang isang "baliw" na di alam ang gagawin.

Himala...
Pagpapala!
Sumpa.


Kahit Salasalabat Man

Kung parang lasing mang
susuray- suray sa daan-
na malabo ang paningin at wala sa katinuan; 
Sumisirko- sirko man ang paligid: mga tahanan at halaman-
at sabay- sabay na tumakas at magmadaling lumisan; 
Sakaling kumiwal- kiwal ang dating tuwid na landas;
Sakaling ang moog ay masira't mabutas;
Umalon- alon man ang payapang dagat-
kasabay ng lindol na pupuksa sa lahat;
Mabiyak man ang lupa't
Guhuin man ang pangarap; 
Giliw isa lamang ang pakatandaan-
sa lahat ng ito'y
wala kang kinalaman. 

Kung tumigil man sa pag- awit ang Adarna;
Kung mapagod man sa paglangoy ang mga Nimpa;
Kung sakaling malanta man ang mga rosas sa hardin; 
Sakaling maluma na ang paboritong tugtugin; 
Daigdig ma'y mawasak, maluoy, magunaw
Pag- asa ma'y matuyo, maubos, malusaw
Pag- ibig ma'y mawala, maglaho, mamusyaw
'Wag kang mangamba't 
Lagi mong isipin
Na sa tuwina mahal-
wala kang aalalahanin. 

Kahit salasalabat man, mga salita't pahayag;
Magpaikot- ikot man, mga parirala't pangungusap; 
Magkabuhol- buhol man, mga numero at letra;
Magkahalo- halo pa ang kuwit ( , ), tuldok ( .) at linya ( __________ );
Di ikaw ang dahilan.
Wala kang kasalanan.
Sadya lang mahirap iwasan-
ang bulong ng 'yong damdamin at
sigaw ng isipan.
Marahil, ngayon ay malas lang-
'Pagkat di ako ang nabigyan ng mabuting kapalaran. 

Sapagkat Kailangan Kong Ipaalala sa Aking Sarili na Mahal Kita

Hindi ka na naman nagpaalam.
Mabuti na lang mayroon kang itinirang ulam.
Hindi ka pa naghugas ng pinagkainan.
Pininaw mo na pala ang mga damit sa sampayan.
Wala na palang kanin.
May tinapay pa.
May butas na ang bubong, baka tumulo ‘pag umulan.
Maayos na ang baradong lababo.
Napakahirap bang gawain ang magwalis?
Napunasan at natanggalan na ng alikabok ang mga pigurin.
Parang may mga batang nagpasirko- sirko sa kama!
Napalitan na ang pundidong ilaw.
Mag- isa akong manonood ng telenobela.
Malamang siopao ang uwi mong pasalubong.
Mag- isa na naman akong iiyak, tatawa, iiyak, tatawa… na parang baliw.
Sabay tayong iinom ng maligamgam na gatas para mabilis makatulog.
Mag- isa akong nakaupo sa sofa habang nakataas ang paa.
Mamasahihin ko ang mga nanakit mong kasu- kasuan at kalamnan.
Magsindi kaya ako ng sigarilyo? Kahit isang stick lang.
 Lotion kaya o powder?
Samahan ko na rin kaya ng beer, o kaya sa- shot na lang ako…mag- isa.
Maligo kaya ako ulit para maging mabango sa pagdating mo?
Kanina pa kita hinihintay.
Hihintayin kita kahit umagahin ka pa.
Wala naman sa usapan nating gwardiya pala ang papel ko- laging nag- aabang.
 Kahit hindi ako obligado, gusto ko pa ring gawin.
Dapat tayong dalawa, bakit parang ako lang?
Magkaiba pa rin tayo- iba ka at iba ako. 
Haaaaaaaaaaaaaaaaaaay…
Hmmmmmmmmmmmmmmmmmm…
Magpasalamat ka kasi…
Pero sa kabila ng lahat…
Mahal kita.
Mahal kita.


Sampu Lang ang Daliri ng Isang Tao


Sampu lang naman ang mga daliri ng isang tao.
Tig- iisa bawat kamay na kakabit ng braso.
Walang lumalabis at imposibleng magkulang.
Pare- pareho lang naman, kahit ano pang gulang.

Sampu lang ang daliri ng isang tao.
Nagkakatalo lang sa tuwing nagbibilang nang mano- mano.
Magsisimula ka ba sa unahan o mas pipiliin mo ang dulo?
Hinlalaki, hintuturo, hinlalato, palasingsingan at hinliliit - kanan
Hinlalaki, hintuturo, hinlalato, palasingsingan at hinliliit- kaliwa
Sampu lang naman talaga, di ba?

Subalit bakit nahihirapang magbilang ng kanyang yaman si Kroko?
Sinimulan sa mamera, singko, diyes, beinte singko, singkwenta hanggang maging piso.
Pero naguguluhan pa rin ang loko
Gayong sampu lang naman ang daliri ng tao.
Marahil ito na rin ang kanyang kaparusahan.,
Sa kanyang kapalaluhan at kasakiman.
Unti-unting inubos ang ating yaman ,
hinamig at sinimot ang kaban ng bayan.

Ang isa kapag dinagdagan ng isa
Ang sagot dapat ay dalawa.
Kung tutuusin nama’y napakasimple ng pormula.
Kayang- kayang bilangin ng mga sampung daliri.di ba?
Hindi na kailangan pang maglimi at magsuri.
Kaya lamang si Mando ay hindi makuntento.
Paiba- iba ang kasama mula Lunes hanggang Linggo.
Lumalabis na sa bilang ang kanyang mga “kaibigan”
Mga mahahaba niyang daliri tiyak na magkukulang.

Mga daliri ni Goryo ang kanyang katuwang,
Ginagamit araw- araw at kinakasangkapan.
Nagpapaltos, nagkakalyo , sa tindi ng trabaho
Punong- puno ng lupa ang mahahabang kuko.
Subalit kanyang sweldo, di husto ang bilang.
Tila kanyang amo’y labis na nahirapan,
ang tanging nasambit ng pobreng nilalang,
“Panginoon, panginoon, daliri n’yo po ba’ y kulang? “]

Sampu ang mga daliri ng isang tao.
Tayo lamang naman ang may kasalanan
Kung bakit nagiging komplikado.
Simple lang naman sana ang pagbibilang,
Kung ito ay tama, wasto at walang lamangan  

Hindi Laging sa Asotea Nagsisimula ang Lahat

Hindi laging sa asotea nagsisimula ang lahat.
Romantiko subalit humahagibis ang mga pagkilos na naganap.
Pumapagaspas ang lawin, rumaragasa ang ilog.
Bagaman maningning ang mga tala nang gabing yaon,
At may kalamigan ang ihip ng hanging amihan,
Mapupusyaw pa rin ang mga rosas sa paligid. 
Nagkulay dugo ang malawak na karagatan,
Mga ungol at halinghing
Na lamang ng mga batang tigre ang maririnig,
Mga tuko at kuliglig…
Katahimikan.

Lumipas ang mga araw
At bumalik sa normal ang lahat-
Akala lang nila iyon.
Hanggang sa umikot- ikot ang sikmura ng unang hayop.
Umikot- ikot naman ang ulo ng isa pa.
Para silang mga hilong talilong na hindi alam ang gagawin.
Para silang trumpong nakatakdang umikot nang habambuhay.
Panay panaghoy nila at ng iba pang mga hayop ang maririnig.
Hindi man nagkulay dugo ang karagatan…
Napuno naman ng ulap ang kalangitan.
Katahimikan.

Masinsin ang pagkakahabi
ng kanyang traje de boda.
Punong- puno ng mga ohales at iba pang adorno-
Gawa sa kombinasyon ng telang pinya at seda.
Nakapusod at banat na banat
ang kanyang mahabang buhok.
May kamison pa siyang suot bilang panloob.
Naglalakad na siya sa ibabaw ng alpombra.
Naiilang pa rin siya sa mga matang nakamasid.
Ang dapat sanay paglalakad sa ibabaw ng mga talulot ng dalia,
Ay parang pagmamartsa nang nakayapak sa sementong may bubog at tinik
Napakahaba ng kanyang belo.
Maaaring matapakan nang kahit na sino.
Maraming matang nakatingin…maraming hayop ang nakalabas ang ngipin.
Pero ang tanging maririnig sa paligid-
Katahimikan.

Naghihintay ang isa sa altar,
Pigil na pigil at paputol- putol ang kanyang hinga.
Butil- butil na pawis ang lumlabas sa kanyang buong katawan.
Bagaman plantsado dahil sa pomada ang kanyang buhok
Gusot- gusot na ang Barong Tagalog niyang suot.
Nakakuyom ang palad habang nakapamulsa.
Lunok nang lunok kahit di naman kumakain,
Kailangan din ng tubig dahil kanina pa nahihirinan.
Nangangatog ang tuhod sa kaiisip kung ano mangyayari kinabukasan.
Ang sandaling kaligayahan ba’y magdudulot ng habambuhay na kapahamakan?
Tanging hiling niya sa mga sandaling ito’y –
Katahimikan.

Perpetwal at hindi maampat ang pagluha ni Inang Maria.
Mahinahon subalit halatang may tampo si San Jose.
Pihong lalong titindi pa ang paghihirap ni Hesukristo sa pagkakapako Niya sa krus.
Magpasalamat na lang at kahit pa’no,
Hindi na kailangan pang mag- alay ng itlog at panalangin kay Sta. Clara sa Obando.
Gusot- gusot na ang Barong Tagalog ng lalake.
Masinsin ang pagkakahabi ng traje de boda ng babae.
Punong- puno ng mga ohales at iba pang adorno-
Gawa sa kombinasyon ng telang pinya at seda-
Pero hindi puti ang kulay nito kundi pula.