Manileño. Pilipino. Taxpayer! Mga Tula, Kwento, Kalokohan at Pagmumuni- muni ni Placido Penitente
Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus
Tuesday, December 1, 2009
Ako ang Daigdig ni Alejandro Abadilla
Saturday, October 17, 2009
BIYERNES SANTO
ni Romano Borja Redublo
Mga Tauhan:
Manang Lydia- 60 Taong gulang
Angelica- 25 Taong gulang
Maririnig ng mga manonood ang tinig ng mga matatandang nagbabasa ng pasyon, unti- unti itong hihina habang lumiliwanag ang entablado.
O Diyos sa kalangitan
Hari ng Sangkalupaan
Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan.
Sa kwarto ng isang Home For The Aged, makikita sa entablado ang dalawang kama at isang mesa at kahon sa ibabaw nito. Sa kabilang bahagi ay may bintana at makikita sa entablado si Manang Lydia na nakaupo sa wheelchair na kababakasan ng kalungkutan at labis na pagkainip. Maririnig ang yabag ng mga paa at lalabas sa entablado ang nakangiti ngunit halatang pagod na si Angelica, may dalang bag, supot at nakalugay ang buhok. Hahawak ang dalaga sa wheelchair ng matanda.
MANANG LYDIA: Akala ko’y hindi ka na darating.
ANGELICA: (Nakangiti pa rin.) Pwede po ba namang mangyari ‘yun?
MANANG LYDIA: Tinanghali ka na yata, Biyernes Santo pa naman ngayon. Saan ka ba nanggaling? Parang hinihingal ka pa.
ANGELICA: (Bibitiw sa pagkakahawak sa wheelchair at ialapag ang dalang bag at supot sa mesa.) Wala ho ito Manang. Malakas pa ho ako sa kalabaw. Ideniliver ko lang po ‘yung mga order sa akin na leche flan doon kina Mrs. Enriquez, ‘yun pong naikwento ko sa inyo na may malaking bahay sa Sta. Ana. Biruin n’yo, kumuha ng dose piraso. Itatago n’ya raw sa ref nila at ihahanda sa Linggo ng Pagkabuhay. Sayang din naman ho, dagdag panggastos din sa bahay.
Biglang lilingon si Angelica kay Manang Lydia.
ANGELICA: Ay! May sasabihin nga pala po ako sa inyo. Natatandaan n’yo pa po ba ‘yung naikwento ko sa inyo noong isang buwan? ‘Yung tabaho sa Dubai...
MANANG LYDIA: Angelica, mano ba namang itali mo ‘yang buhok mo hija. Gamitan mo ng pamuyod.
ANGELICA: (Pupunta muli sa mesa at kukunin ang pamuyod sa bag at saka magtatali ng buhok.) ‘Yan mukha na po bang artista?
MANANG LYDIA: Naku hija, mas maganda ka pa kay Gloria Romero noong kabataan niya.
ANGELICA: (Muling hahawakan ang wheelchair at aktong ipapaling papalabas. ) Tayo na ho.
MANANG LYDIA: Saan?
ANGELICA: Hindi po ba’t may pabasa sa covered court, ayaw n’yo po bang pumunta?
MANANG LYDIA: (Bubuntong- hininga) Paano ba naman kasi si Marta, si Marta, ‘yung nandito...(Ituturo ang kama sa kaliwa.)
ANGELICA: O, kilala ko ho si Aling Marta. Ano naman po ang ginawa niya?
MANANG LYDIA: Ay, aywan ko ba. Nasabi ko lang naman na baka gusto niyang magligpit ng hinigaan niya tuwing umaga. Mano ba naming ayusin niya ‘yung kumot, ‘yung unan, akalain mo ba naming talikuran ako habang nagsasalita pa ako…(Malumanay) Santisima, parang walang pinagkatandaan, ako ngang nakaratay rito sa wheelchair eh nakukuhang mag- imis- imis, siya pa kayang nakakatayo pa.
ANGELICA: Hayaan n’yo na ho. May nagliligpit naman ng mga hinigaan, ako, si Monet…
MANANG LYDIA: Naku! Si Monet? Napakasuplada ng batang iyon. Madalang pa sa patak ng ulan kung ngumiti.
ANGELICA: Mabait ho ‘yun, mahiyain lang ho talaga. Tigann n’yo makakasundo n’yo rin ho siya. Masarap ‘yun magluto. Masabihan ngang dalhan kyo minsan dito.
MANANG LYDIA: Huwag na lang. Kung hindi lang din galing sa’yo, eh hindi na bale.
ANGELICA: (Bababa ang tinig.) Ayaw n’yo po ba talagang pumunta sa pabasa?
MANANG LYDIA: Hay naku, dito na lang ako. Tutal nakapagdasal na naman ako ng Santo Rosario.
Luluhod si Angelica at aayusin ang mga paa ng matanda na nawala na sa ayos ang pagkakalapat sa wheelchair.
MANANG LYDIA: Santo- santo na naman ano Ineng. Alam mo ba noon, noong bata pa ako, lagi akong isinasama ng nanay ko sa Visita Iglesia. Huwebes Santo pa lang ng madaling- araw, lumalakad na kami. Inuuna namin ‘yung simbahan ng San Isidro Labrador sa Lucban. Tapos, ‘yung parokya ng Sta. Catalina sa Lucena.
ANGELICA: Napakamadasalin naman ho ng pamilya n’yo. Gawain din ho naming ‘yan noong mga bata pa kami. Inuuna po naming ‘yung simbahang malapit sa amin, ‘yung San Antonio De Padua.
MANANG LYDIA: (Nakangiti. ) Siyanga?
ANGELICA: Kaso noon pa ho iyon. Bago pa ho ako mag- grade six. Bago pa ho mamatay ang Itay. Naaalala ko pa nga ho, kahit Mahal na Araw, hindi makapagpigil si Raymond, ‘yun ho bang sumunod sa akin, ang hilig magpabili ng kung ano- ano: lobo, sitsirya, trumpo…
MANANG LYDIA: Eh si ano? Si ano, ‘yung bunso.
ANGELICA: Si Michelle ho. Kpapanganak pa lang ho sa kanya ‘nun. Naku ngayon, nagdadalaga na rin. Binibiro ko nga ho, sabi ko baka pagbalik ko eh may asawa na siya, maunahan pa niya ako.
MANANG LYDIA: Pagbalik? Bakit saan ka ba pupunta? Magde- deliver ka na naman ban g leche flan? Magpahinga ka naman hija, magtika- tika. Maigi nga rito, kahit paano may pabasa pa. Aba sa ibang lugar, parang piyesta.
ANGELICA: Ewan ko nga ho eh. ‘Pag Domingo De Ramos, bukod sa palaspas, eh puro bakasyon na ang iniisip nang lahat: sa Boracay, sa Palawan, sa puerto Galera. At kung may- kaya- kaya ang pamilya, eh magho- Hong- Kong pa.
MANANG LYDIA: Amerika pa kamo. May kakilala nga akonoon eh, mula Lunes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay nandoon, nandoon sa Paoay. Doon sa malalaki ang mga alon.
ANGELICA: (Tatatayo at mapapangiti.) Hawaii ho, pabaritong bakasyunan ng mga mayayaman.
MANANG LYDIA: Ay kahit ano pa, pare- pareho naman ‘yung paliguan.
ANGELICA: (Titingin sa matanda at may maaalala.) Teka nga ho pala, may sorpresa po ako sa inyo.
MANANG LYDIA: Naku, ano naman ‘yun? Dinalhan mo ba ako ng leche flan ha?
Muling pupunta si Angelica sa mesa at kukunin ang supot. Bubukasan ito at ilalabas ang isang alampay. Mula sa likod ay isusuot ni Angelica ang alampay kay Manang Lydia.
ANGELICA: Heto ho. Nagustuhan n’yo ho ba ang kulay? Ako po ang pumili niyan, mabuti na nga lang ibinigay kanina ng tindera sa tawad ko.
MANG LYDIA: Ang bait mo talaga Ineng.Ibang- iba ko ‘dun sa mga anak ko. Ewan ko ba kung saan ako nagkamali sa pagpapalaki sa mga batang ‘yun. Por Diyos, Por Santo, dadalawa na nga lang sila. Si Clara, ‘yung panganay ko, sunod sa pangalan ni Santa Clara. Magandang bata, napakaganda. Si Rafael, ‘yung bunso ko, ipinangalan naman kay San Rafael. Patron ng nasira kong asawa na si Federico, tiga- Batangas kasi ang pamilya nila.
ANGELICA: (Marahang sasagot.) Ganoon ho ba?
MANANG LYDIA: Si Clara, nabaliw sa pag- ibig, ginamit ang puso hindi ang kukote. ‘Yan, wala tuloy maipagmalaki. Paano ba naman, hindi rin tapos ng kolehiyo ang asawa. Ayun, nagmamaneho lang ng pedicab. Nagsisiksikan silang paranfg sardinas doon sa dampa nila sa Baseco. Aba’y biruin mong magkaanak na ng pito! Isang bibig pa akong poproblemahin ‘pag doon ako tumira.
ANGELICA: (Pahihinahunin ang matanda.) Huwag ho kayong magsalita ng ganyan. Hindi naman ho nila ginustong maging miserable. Mahirap lang ho talaga ang buhay ngayon. Kung hindi ka maghihigpit ng sinturon, palagi kang kakapusin sa budget. Kaya nga ho naisip kong mas maganda pang pumunta ako...
Biglang iiyak si Manang Lydia.
MANANG LYDIA: (Humihikbi, lumuluha) Binigay ko naman lahat nang oras ko. Dinadala ko naman sila sa simbahan. Buhos ako sa pag- aasikaso sa kanila, halos kinalimutan ko na ang sarili ko. Ni hindi ko na ngang makuhang magkolorete pa sa mukha.
ANGELICA:Shhhh...tama na ho.
Pupunasan ni Manang Lydia ang luha, pipiliting ngumiti.
MANANG LYDIA: Bago ko nga pala makalimutan, may ipapakita ako sa’yo. Ayoko pa sanma kasi hindi pa tapos, pero nasasabik na akong makita ang reaksyon mo. Pakikuha mo ‘yung kahon sa ibabaw ng mesa.
Kukunin ni Angelica ang kahon sa ibabaw ng mesa at iaabot kay Manang Lydia.
ANGELICA: Heto po.
MANANG LYDIA: (Ilalabas ang gantsilyong ginagawa.) Ilang araw ko na rin itong ginagawa. Patungan ng flower vase, magandang ilagay sa ibabaw ng mesa. Ibibigay ko sa’yo.
ANGELICA: (Nakangiti.) Talaga si Manang o, nag- abala pa kayo. Salamat ho.
Matapos magpasalamat ni Angelica ay aayusin niya ang magulong kama ni Aling Marta.
MANANG LYDIA: Kita mo, ikaw tuloy ang gumagaw niyan.
ANGELICA: Manang, trabaho ko po ito. Dito, panay kumot at unan ang sinasalansan ko. Doon, pihado kong mananawa ako sa mga pinggan, kutasara, tinidor at baso.
MANANG LYDIA: Yanong hirap na kasing humanap ng maayos- ayos na trabaho ngayon .
ANGELICA: Sinabi n’yo pa. Buti na nga lang kahit hindi ko natapos ‘yung kurso kong nursing eh nakuha pa ako dito. Mahina na rin ho kasi ang tanggap ng tahiin ng Inay. Gusto ko hong makatapos ng kolehiyo ‘yung dalawa. Si Raymond, gustong maging engineer. Si Michelle, ang taas ng pangarap, gustong maging flight stewardess. Kaya kailangan ko ho talagang kumayod nang todo para makaipon ng malaki- laki.
MANANG LYDIA: Mabuti ka pa ganyan ang takbo ng isip mo, sana ganyan din si Rafael. Yanong batugan ng batang ‘yun. Tapos ‘yun ng kolehiyo pero ayaw maghanap ng matinong trabaho. Kesyo mahirap daw, kesyo magulo raw. Magtitiyaga na lang daw siya ‘dun sa talyer kasama ng asawa niyang di- mawarian ang ugali. May isa na rin akong apo ‘dun sa batang ‘yun. Tumira ako sa kanila noon. Minsan, sabi ko, huwag paliguan ang bata ‘pag may pilay. Sukat ba namang sigawan ako. Pati panlkaban sa usog na nilagay ko, pilit tinanggal. Noong misan ngang narinig ‘nung babae na pinapayuhan ko si Rafael na mangibang- bansa para umase- asenso ang buhay, ba’y binulyawan na naman ako. Ang sabi pa’y wala akong kwentang lola, inaalisan ko raw ng ama ang apo ko. Gusto ko lang naman silang umasenso. Pero namili na si Rafael. Mas ginusto pa niyang iwanan ang ina niya sa gate ng pesteng Hone for the Aged na ito, parang bagay na walang silbi.
Sa ikalawang pagkakataon ay mapapaiyak ang matanda. Lalapit si Angelica at muli siyang pahihinahunin.
ANGELICA: Tama na ho Manang. Gusto po ba ninyong mahiga muna?
MANANG LYDIA: Anong mahiga? Hindi ako inaantok! Puro sama ng loob ang dinulot nila. Wala naming masama sa pagpunta sa ibang bansa a! Walang masama sa pagtulong sa pamilya.
ANGELICA: (Lluluhod at ngingiti.) Wala ho, walang masama sa pagtulong. (Hahawakan sa kamay si Manang Lydia) Di ba nga ho, ako mismo pupunta ako sa Dubai. Manang, sa Lunes na ho ang alis ko.
MANANG LYDIA: (Magugulat pero mahinahon pa rin. ) Saan kamo? Saan ka pupunta?
ANGELICA: (Tatayo at masaya.) Sa Dubai ho, sa Middle East. Natanggap na ho akong waitress ‘dun. Abot- abot nga ho ang pasasalamat ko’t mabilis naayos ang mga papeles. Ipagdasal n’yo po ako ha Manang, medyo natatakot po kasi akong sumakay ng eroplano.
MANANG LYDIA: Bakit? Para saan?
ANGELICA: Di ba mahirap nga po ang buhay. Matutulungan ko na po ang pamilya ko. Mapapalitan na po namin ‘yung mga lumang gamit, mapapaayos na naimn ‘yung bahay, mapapa...
Mapuputol sa pagsasalita si Angelica.
MANANG LYDIA.: (Mababa ang tinig.) Hindi pwede.
ANGELICA: (Saglit na matitigilan.) Ano ho?
MANANG LYDIA: Hindi ka pwedeng umalis.
ANGELICA: Bakit po?
ANGELICA: Si Manang naman o, syempre may papalit sa akin. Si Monet, o kaya baka may bago. Mas maganda, mas mabait...(Muling hahawakan ang kamay ni Manang Lydia.) Papayag ba naman akong walang mag- aalaga sa inyo?
MANANG LYDIA: (Aalisin ang kamay ni Angelica. Tumataas ang boses) Ayoko ng iba! Di ba sinabi ko sa’yong hindi ko gusto ang ugali ‘nun ni Monet!
ANGELICA: Manang, iyan pa ho ba ang gusto ninyong ipabaon sa akin, sama ng loob? Huwag naman hong ganyan.
MANANG LYDIA: (Pasigaw.) Eh di huwag kang umalis!
ANGELICA: Hindi naman ho iyon pwede.
MANANG LYDIA: Bakit hindi pwede?
ANGELICA: May pamilya po ako di ba? Panganay pa ko. Ako po ang inaasahan nila, ‘pag hindi po ako kumilos, kawawa ang pamilya ko.
MANANG LYDIA: Kawawa sila, pero ako!? Paano ako!? Paano naman ako!? Ineng, hindi mo na ko inisp!
ANGELICA: Manang huwag naman hong ganyan. Tama na ho.
MANANG LYDIA: Katulad ka rin nila. Katulad ka rin ni Clara, ni Rafael! Iiwan mo rin ako!
ANGELICA: Hindi po totoo ‘yan.
MANANG LYDIA: Nagsinungaling ka eh. Kaya mo ba ako binigyan nito? (Ituturo ang alampay.)
ANGELICA: Hindi po. At saka magtatrabaho po ako. Hindi po ako magpapakasarap doon. Akala ko ho ba walang masama sa pagtulong? Sa pag- alis?
MANANG LYDIA: (Ibabato ang ginagantsilyo.) Oo, pero hindi ikaw! Hindi ka pwedeng umalis!
ANGELICA: Gusto ko pong makaipon.
MANANG LYDIA: (Umiiyak.) Huwag ka ng umalis. Heto...(Huhubarin ang wedding ring at pilit ibibigay kay Angelica.) kunin mo ‘to. Pwede ‘to, makakatulong ito sa’yo. Sa’ yo na ‘to. Huwag ka ng umalis. Huwag ka ng umalis…
ANGELICA: Manang, please.
MANANG LYDIA: Huwag ka ng umalis.
ANGELICA: Manang.
MANANG LYDIA: Anak.
Yayakap si Angelica kay Manang Lydia. Habang dumidilim ang entablado ay maririnig ang papahinang hikbi ng matanda. Kasabay nito ay ang pagsasabi ni Angelica ng “Babalik po ako. Babalikan ko kayo.” Kasunod nito ay ang sabay- sabay na tinig ng mga matatandang nagbabasa ng pasyon.
O Diyos sa kalangitan
Hari ng Sangkalupaan
Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan.
TELON
Saturday, October 3, 2009
Ayoko na ng Class Suspension
na nabasa ay kailangan pa naming harapin at ayusin.
Sunday, September 20, 2009
Kung Paano ang Manghuli ng Isda sa Mababaw na Bahagi ng Dagat
Wala akong bangka, mahal kung rerenta pa. Sa mababaw na bahagi ng dagat, malapit sa dalampasigan at batuhan ako mangingisda. Kinakabahan din kasi akong pumalaot pa. Mayroon lamang akong maliit na lambat, nagdala na rin ako ng pamingwit at pain. Wala naman kasi akong balak mangisda ng marami, gusto ko lang talagang makakain ng isdang huli ko.
Gala
Friday, September 18, 2009
Long Weekend
Sana laging may long weekend.
Anong meron?
Holiday ulit eh.
Basta.
Friday, September 11, 2009
SABAW
sa gabing malamig at maginaw.
Umuulan.
Masarap pakinggan ang tikatik
sa bubungan.
Nilaga? Sinigang? Pochero? Tinola?
Kahit ano basta mainitan ang sikmura ko.
Sabaw....
Lumulutang,
ang mga rekado.
Pechay? Kangkong? Saba? Papaya?
Kahit ano basta may manguya ako.
Sabaw...
Lumulutang ang isip ko,
sa alapaap.
Tula? Dula? Gala? Himala?
Kahit ano basta may magawa ako.
Sabaw...
Umuusok.
Usok na sumasama sa hangin,
nawawala na parang bula.
Usok.
Naglalaho ka sa isang iglap,
nawawala at di mahagilap,
nagtatago at ayaw magpahanap.
Sbawa...
Saabw...
Swbaa...
Nasasabaw.
From Confused to Confucius
"Everything has its beauty but not everyone sees it."
Muli, tulad ng ibang taong "sarado- katoliko", "propesyunal" at "idealistic", hinanapan at hinahanapan ko ng dahilan ang lahat ng mga nangyari at nangyayari sa buhay ko- maganda man ito o hindi.Walang masama sa minsang pagkonsulta sa mga self help books o sa pagbabasa ng mga akdang "makakatulong" daw sa pagbangon mo mula sa mga problema.(Kung makakatulong sa'yo, bakit hindi?) Ang mahalaga, hindi tayo magpapatali sa pagbabasa lamang ng mga "aral" o "positive quotations". Kailangang maisapuso natin ito at kumilos tayo para magkaroon ng kaganapan ang lahat ng ating mga nabasa. Dapat tayong mag- move- on. Rock n' roll!
Monday, September 7, 2009
UMID
Muli kong uulitin
at ibubulong sa hangin,
halaman, ilog, sa buong papawirin,
ang laman ng damdaming
labis na naninimdim-
na ang hiling lamang,
ang ika’y makapiling.
Muli’ y maririnig
ang tinig kong sawi.
Hindi na papipigil,
abutin man ng dilim.
Lalakbayin nito
kalangita’t karagatan,
iikutin rin, buong kalawakan.
Tanging dalangin giliw, sa pagkakataong ito,
ang ibinubulong ko...sana’y marinig mo.
GUSTO KO PANG MANOOD NG WOWOWEE
Inihain ni Nanay ang adobong kangkong,
Kasabay ng sinaing na puno ng tutong.
Tuwang- tuwa si Johnny, makakakain na siya
Sampu pa ng labing-isang mga kapatid niya.
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim...
Sakto sa anim na maliliit na subo, ang kanyang nakain.
Sarap na sarap siya at humahalakhak pa,
Habang ninanamnam ang handa ng pamilya.
Nang matapos si Johnny, tumalilis siya agad.
Pinggan at baso niya, sa lababo tinambak.
Pumunta kina Sam, ang kalaro niyang may TV.
Sumilip sa bintana, nakinood ng Wowowee.
Tuwang- tuwa ang bata, sa mga babaeng nagsasayaw.
Pilit pang ginagaya ang mga indak at galaw.
Ayan na si Pokwang, napakaganda niya,
ang dami niyang burloloy, mukha siyang maykaya.
Sa pag- HEPHEP- HURRAY, napapatalon si Johnny,
naguguluhan siya kung kanino kakampi.
Kung sa lolang umiiyak at sa mamang sorbetero,
O sa banyagang naglalaro, may puti at negro.
Si Willie! Si Willie! Ang gwapo- gwapo niya!
May dala siyang pera, dali lumapit ka!
Kaunting sayaw lang at kaunting birit,
Maliwanag limang libo, ang agad na kapalit.
“Sasali ako dyan!” , ang sigaw ni Johnny.
Sabay turo ng bata sa black and white na TV.
“Kaya kong sumayaw, tumula at kumanta…
kahit anong ipagawa niya, basta magkapera.”
Jackpot round na, mas tumindi ang eksena.
Isang milyon ang premyo, may bahay at lupa pa.
Alin ang pipiliin sa mga bayong na ito?
Saan ko matatagpuan mabuting kapalaran ko?
“Sigurado ka na ba?”, ang tanong ni Kuya Willie.
Malakas na “Opo!”, ang sagot ni Johnny.
Umusal, bumulong ng isang maikling dasal,
Na ang paghihirap ay di na magtagal.
“Bokya!Bokya!” ang laman ng bayong,
Wala na ang bahay, pati isang milyon.
Ang masayang kalahok, biglang nalungkot.
Sampung libo na lamang ang kanyang nahakot.
“Ayos lang ‘yun!”, ang sabi ni Johnny.
“Isang bike na rin ‘yun at maraming kendi.
May damit pa ako, bag at sapatos.
Basta, titipirin ko na lang ang aking paggastos.”
Tapos na ang palabas, umuwi muna ang bata.
Isinara na rin ni Sam ang kanilang bintana.
Nakita ni Johnny, mga pinggang hugasin,
na iniwan kanina’t di pinansin.
Isang buong araw, ang muling nagdaan,
Natulog na ang bata sa kanyang higaan.
Kinabukasan sa kanyang paggising,
Ang sabi ni Nanay, wala silang kakanin.
Sumapit ang alas dose, nakatingala pa rin sila.
Animo’y naghihintay ng mahuhulog na grasya.
Nang biglang napangiti ang Nanay ni Johnny,
“Tara mga anak, nood tayo ng Wowowee!”.
Sunday, September 6, 2009
Hindi Nag- inarte si Shane :)
Tinatamad akong umalis kaninang umaga kasi malakas ang ulan, may bagyo kasi eh. Wala na talaga akong balak pumunta sa dedication ni Aminah Shane Cañas (anak ng friend kong si Claire at husband niyang si Rommel), dahil medyo nakakatamad nga at medyo kulang din ako sa budget. Pero pumunta na rin ako kasi nakakahiya doon sa mag- asawang nag- abala pang imbitahin ako. At saka isa pa, natatakot kasi ako, baka magkatotoo 'yung sinasabi ng mga matatanda na 'pag hindi ka pumunta sa binyag ng aanakin mo (tama, isa po ako sa mga Ninong ng "masuwerteng" bagets), ay mamalasin siya sa future. Kaya ayun, pumunta na ako kahit na sobrang putik ng daan.
Ayos lang naman, nakita ko 'yung mga dati kong mga katrabaho at kaibigan.
May isang tao lang akong hinanap.
Pero gaya ng inaasahan ko...
hindi siya dumating.
Salamat Lord sa isang magandang sign.
Thursday, September 3, 2009
Midterms
Midterm examination na ng mga students ko. Gustong- gusto ko talaga 'pag may exam kasi nakaka- petix ako nang sobra. Walang lesson, walang assignment, wala lahat- papasok lang ako para bantayan ang mga estudyanteng gustong magkopyahan. Saya talaga.
Isa lang ang problema, departmentalized 'yung exam namin sa AdU. Iniisip ko pa ngayon kung papaano ko ia- adjust 'yung exams bukas. Sana 'wag magwala 'yung mga bata.
Zzzzzzz. Petix. :)
Tuesday, September 1, 2009
BLANKO
ALMUSAL:
May nakahain ng ___________.
Magtimpla ka na ng kape,
lagyan mo ng ___________.
'Wag mong masyadong damihan
ng asukal-
paubos na kasi.
PAGLIGO:
May mainit na tubig ka na.
Simulan mo ng lagyan ng ___________
ang buhok mo.
Magsabon ka na rin.
Magpahid ka ng ___________
pagkatapos mo.
SA PAGPASOK:
May paparating ng jeep,
dumukot ka na ng ___________
para pamasahe mo.
Punuan.Mainit.
Punasan mo ng ___________
ang pawis mo.
SA ESKWELA:
Nandiyan na si Sir,
ilabas mo na ang ___________ mo,
malamang marami na naman
kayong isusulat.
Tasahan mo na rin ang ___________ ha,
at makinig ka nang mabuti
sa mga leksyon.
TANGHALIAN/ RECESS:
Kainin mo na ang baon mong ___________,
uminom ka ng tubig pagkatapos.
Ang sasarap ng ulam ng mga kaklase mo 'no?
Di bale, mayroon
ka namang panghimagas na ___________.
KLASE ULIT:
Nasaan na 'yung project mong ___________?
Hinahanap na ni Ma'am mo eh.
Ilagay mo sa ___________,
para hindi malukot
at mas presentable.
UWIAN NA:
Susuduin ka ng ___________.
Hapon na pero mainit pa rin.
Masarap 'yung kendi!
May ___________ ka pa ba?
Ang bagal.
PAGDATING SA ___________:
Hapunan na.
Lugaw ang uwi ni Nanay.
Anong oras darating si ___________ mo?
Magtira ka ha.
PAGTULOG:
Humiga ka na sa ___________.
Ilapat mo na ang ulo mo
sa unan.
Mag___________ ka na rin,
medyo maginaw.
Pumikit ka na.
Sunday, August 30, 2009
'Syano
Tulad ng ibang mga ordinaryong araw, bumangon si Gani mula sa kanyang anim na oras na pagkakahimbing. Magtimpla ka na ng kape. Ay teka, wala na palang asukal. Hayaan mo na, ang mahalaga lang naman, mainitan ang sikmura mo. Maligo ka na rin pagkatapos at baka mahuli ka na naman sa trabaho. Pagkatapos maligo ni Gani ay agad na siyang nagbihis ng puting kamiseta, maong na pantalon at saka nagsuot ng sapatos na goma. Maglalagay ka pa ba ng gel sa buhok? Parang hindi na naman kailangan, wala ka namang popormahan doon. Suklayin mo na lang. Pero magsipilyo ka ha. Nakakahiya 'pag naamoy ng iba na mabaho ang hininga mo. Tapos, lumarga ka na.
Dalawampu't apat na taong gulang na si Gani. Walang katangi- tangi sa kanyang itsura. Lalaking may katamtamang taas, kayumanggi ang kulay ng balat at may maayos namang pangangatawan. Mabuto at makanto ang kanyang mukha. Malalim ang kanyang mga mata at maikli ang medyo kulot niyang buhok.
Nagtapos ng kursong BS Mechanical Engineering si Gani sa isang kolehiyo sa kanilang bayan sa Pangasinan. Mahusay siyang mag- aaral noon. Masipag siyang gumawa ng mag takdang - aralin at palagi siyang nakikinig sa mga leksyon. Mas madalas pa siyang tumambay sa silid- aklatan kaysa lumabas at sumama sa kanyang mga kaibigan. Naipasa niyang lahat ang kanyang mga asignatura at naitawid ang limang taong pag- aaral ng pagkainhinyero.
Matutupad na ang lahat ng mga pangarap mo. Makakatulong ka na rin sa Tatay mong naglulukad at sa Nanay mong nagtatrabaho sa pagawaan ng bagoong. Sa wakas, mabibilhan mo na rin si Rissa ng bagong bestida at kapag sinuwerte, ikaw na rin ang magpapaaral sa bunso ninyong si Gilbert. Pagluwas mo sa Maynila bukas, malamang hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong makapamasyal dahil magsisimula ka na agad sa trabaho. Matulog ka na at baka maiwan ka ng bus.
"Isagani Flores!", ang malakas na sigaw ni Mr. Mando. Ang bisor sa pinapasukang factory ni Gani. Salubong na naman ang kilay ng tagapamahalang bigotilyo na may kalakihan ang pangangatawan. "Late ka na naman! Probi ka pa lang ah. Ang lakas na ng loob mong magpa- late!"
"Sorry po Sir, may nagkabanggan po kasi sa Recto. Halos isang oras hindi gumalaw 'yung sinakyan kong jeep. Pasensya na po Sir.", ang sabi ng nakatungong si Gani habang nagkakamot ng ulo.
"Pumunta ka na sa pwesto mo! Late ka kaya mababawasan ang sahod mo. Alam mo namang bawat minutong naaatrasado ang empleyado, nababawasan ang sweldo. Hala sige!"
"Opo Sir. " Bagamat sinabihang magmadali ay tila bingi si Gani at marahan pa rin siyang naglakad papunta sa kanyang pwesto.
Kunin mo na muna ang mga gamit mo bago ka pumunta sa pwesto mo. Alam mo na ba kung saan? Sa Pressing ka ngayon. May nasirang makina doon kahapon kaya doon ka sa araw na 'to. Di ba natapos mo na 'yung makina sa Coloring? Maayos na 'yun di ba? Siguraduhin mo lang, kundi mapuputukan ka na naman ni "Taba". Alam mo namang kayong dalawa lang ni Dindo ang mekaniko rito. Kadikit ni Dindo si "Taba", kaya ikaw at tanging ikaw lang ang masasabon 'pag nagkataon. Dali, kilos!
Sa isang lokal na pagawaan ng pantalon na pag- aari ng isang mayamang Tsinoy nagtatrabaho si Gani. Sa totoo lang, purong Tsino at wala naman talagang dugong Pilipino ang nagmamay- ari ng factory pero pinalabas na lang na Tsinoy siya para raw huwag masyadong higpitan ng Gobyerno ang mga negosyo niya at mas madaling maibenta ang mga produkto niya rito sa bansa natin. Marami siyang empleyado, malalaki at marami rin kasi siyang negosyo. Isa lang ang pagawaan ng pantalon na pinagtatrabahuhan ni Gani.
"Parang mali 'yan Brod. ah. Mali 'yang kabit mo. Dapat itong mga ito ang idinugtong mo, hinangin mo na lang.", ang sabi ni Dindo habang minumwestra kay Gani ang dapat daw niyang ginawa sa makina sa Pressing Department. "Hindi iinit 'yan. Hindi rin mauunat 'yung mga pantalon. Tsk.Tsk.Tsk. Ano ka ba Brod.?"
"Pero baka pumutok eh. Ang alam ko kasi..." , si Gani.
"...na ano? Hindi 'yan, maniwala ka.", ang sagot ni Dindo na puno ng kumpiyansa sa sarili.
"Ah ganoon ba? Sige, tignan ko ulit 'Tol.", si Gani habang nagkakamot ng ulo.
Parang mali kasi eh. Iba ang itinuro sa' yo dati sa Pangasinan di ba?Pero malamang tama si Dindo. Hmmmm. Hindi, talagang tama si Dindo. Graduate siya sa malaking unibersidad dito sa Maynila eh. Mas marami siyang alam kaysa sa'yo dahil mas maganda ang turo rito kumpara sa mga paaralan sa probinsya. Pakinggan mo siya Gani, alam niya ang sinasabi niya, baguhin mo na.
Alas- dose kwarenta y singko na ng makabili ng pagkain para sa pananghalian si Gani. Nahuli na siya sa kantina kaya wala na masyadong tao. Ang ilang natira ay nagkukwentuhan na lang dahil tapos na silang kumain. Ang ibang wala na doon ay lumabas para manigarilyo, magkendi o bumili ng kung ano, ala una impunto kasi ang balik sa tarabaho.
"Gani, nahuli ka yata.". si Minda, ang may edad pero magiliw na katrabaho ni Gani sa factory. "May pansit pa naman akong dala, isang bilao 'yun, birthday ko kasi ngayon...pero may natira pa yata. Ay ayun, nasa mesa nina bisor at Dindo 'yung bilao. Sila siguro ang huling destinasyon. Hahaha."
Lumapit sina Minda at Gani sa mesa nina Dindo at ng kanilang bisor. Parang busog na busog na ang dalawa dahil tawa na sila nang tawa. Natuwa si Minda dahil may natira pang pansit. Kukunin na sana ito ng babae at ibibigay kay Gani nang biglang nagsalita ang bisor, "Ay akala ko wala nang kakain. Iuuwi ko na sana sa Misis ko eh. Mahilig din kasi 'yun sa pansit".
"Brod. para pala sa Misis ni Bossing eh. Minsan lang naman di ba? Bigay mo na, at saka konti na lang naman, pabalot na natin. Di ba Minda?", ang sabi naman ng nakangiting si Dindo habang hinihimas- himas ang kanyang tiyan.
Kalahating order ng ginisang ampalaya at isang tasang kanin ang tanghalian mo Gani. Nakalagay ito sa isang plastik na plato na may partisyon. Sukat na sukat ang dami ng ulam at ng kanin. Walang kulang at imposibleng may lumabis. Maraming bawang at sibuyas ang gisadong gulay. Itlog lang ang lahok nito at malamang tinambakan ng vetsin para magkalasa. Mukhang sunog na hilaw ang kanin mo Gani. Kalahating order ng ginisang ampalaya at isang tasang kanin Gani- 'yun lang, walang pansit.
Malalim na ang gabi, pero kararating pa lang ni Gani galing sa trabaho. Gusto sana niyang maligo para maginhawahan pero natatakot siyang mapasma. Bukod kasi sa makina sa Pressing ay may dalawang malalaking de- motor na gamit pa siyang inayos sa factory. Overtime- pero walang overtime pay. Kasama raw kasi talaga 'yun sa trabaho niya sabi nina "Taba" at ni Dindo, kailangan talaga ng kaunting sakripisyo. Kung bibilangin raw kasi lahat ng gawain, hindi siya uunlad- wala siyang mararating. Pero bakit siya lang? Bakit si Dindo umuuwi ng alas singko impunto? Minsan nga mas maaga pa ng kinse minutos.
Bilisan mo na Gani, kilos na. Masisigawan ka na naman ni "Taba". Suklayin mo na 'yang buhok mo. 'Wag ka na ring magkape kasi ubos na rin eh. Dumiretso ka na sa trabaho, doon ka na lang umutang ng kape sa canteen.
Sumakay ka na ng jeep. Tsk. Tsk, punuan na naman. 'Pag diyes minutos na at di ka pa rin nakakasakay, sumabit ka na. 'Wag ka ng maarte, sumabit ka na. Malamang wala namang mangyayari sa'yong masama, sasabit ka lang naman eh.
Naghintay nga ng jeep si Gani. Naiinip at tagaktak na ang pawis ng binata, idagdag pa ang paglanghap niya ng ibinubugang usok ng mga sasakyang nagdaraan, kaya naman medyo dinadapuan na siya ng inis at pagkabugnot. Ilang sandali pa ay isang matandang babae ang tumayo sa kanyang tabi na tila nag- aabang din ng jeep. Mababakas sa mukha ng matandang babae ang pagkainip habang namamaypay ng kanyang abanikong yari sa anahaw. Ilang minuto pa ay may natanaw ng jeep si Gani, mukhang puno na rin, pero nakahanda naman siyang sumabit dahil ayaw niya talagang ma- late sa pagpasok sa pabrika. Halos sabay na itinaas ni Gani at ng matandang babae ang kanilang mga kamay para pahintuin ang paparating na jeep, umaasang mailululan pa sila. Si Gani, ginamit ang kanyang matinpunong kanang braso at ang matanda naman ay ang kulubot niyang kaliwang kamay na may abanikong anahaw pa. Huminto ang jeep sa harap ng dalawa. “Apat pa! Apat pa! “, ang sigaw ng kundoktor. Nauna si Gani maglakad papunta sa humintong sasakyan para tignan kung apat na tao pa nga talaga ang kasya sa loob. Pero hindi na siya nabigla nang makitang parang sardinas nang nagsisiksikan ang mga pasahero, halos magkapalitan na nga ng mukha.
“Lintik ka! Uunahan mo pa ang matanda ha!” Nagulat na lamang si Gani nang bigla siyang sinigawan ng matanda sabay hampas ng abaniko, nasa likod na pala niya.
“’Tol, paunahin mo ‘yung matanda ha, kawawa naman si Lola.”, ang kundoktor.
“Oo nga, ikaw uunahan mo pa ‘yung matanda.”, babaeng pasahero.
“Ang kapal mo naman Brod! Nakikipag- agawan ka pa, eh Lola mo na ‘yan”, lalaking pasahero.
“Walanghiya talaga! Uunahan pa ako!” , ang matanda ulit.
“Sumabit ka na lang ‘tol para makaalis na tayo, pasakayin mo na si Lola”, ang driver.
Bumaba mula sa kanyang pagkakasabit sa sinakyang jeep si Gani. Huli na naman siya. Usad pagong na naman kasi ang daloy ng trapiko kahit wala namang nagbanggang mga sasakyan. Kailangan pa niyang maglakad nang kaunti dahil sa kanto lang dumadaan ang jeep at ang factory ay nasa loob pa ng isang kalyeng kinatatayuan ng mga maliliit na bahay at establisimiyento sa paligid.
Kaiba sa mga ordinaryong araw, sa kanto pa lang ay marami nang tao. Magulo. Maingay. May maiitim na usok, may malalaking apoy. Sunog! Nasusunog ang pagawaan ng pantalon! Nasusunog ang factory na pinapasukan ni Gani mula pa raw kaninang madaling araw. Sunog!
Ilang sandal ring hindi nakagalaw si Gani. Tinititigan lamang niya ang malaking apoy na nagmumula sa gusali. Mabaho ang nilalabas na amoy nito. Mainit. Nagkakagulo ang mga tao sa paligid pero nananatiling nakatayo at nakamasid lamang si Gani. Kahit nagbabaga ang paligid ay para siyang pusang binuhusan ng malamig na tubig. Ang tingin niya sa mga tao ay langgam…mga magugulong langgam- mga langgam na tila wala sa sarili.
"Gani nasusunog ang factory! Nasusunog ang factory!", si Minda habang nakahawak sa braso ni Gani."Nasa loob daw sina Bisor, si Dindo at dalawa pa galing sa admin. Hindi raw sila umuwi kagabi at diyan na nag- inuman. "
"Ha? Di ba maagang umuwi si Dindo kasi may aasikasuhin daw siya sa kanila? Pasado alas nuwebe na ako umuwi dahil may inayos pa ako eh. Ako at ang gwardiya lang ang tao noong oras na 'yun.", si Gani habang nagkakamot ng ulo at tila takang- taka.
"Naku, nandoon lang daw sila sa may opisina, hindi sila umuwi. Doon sila nag- inuman dahil may air- con daw doon, mas malamig, mas masarap daw magpainit. Hanggang sa malasing sila, nakatulog yata. Ayun, mga bandang alas tres ng madalaing araw, may sumabog daw na makina sa Pressing Department sabi ng gwardiya. Ang lakas daw, pero hindi nagsing sina Bisor sa loob."
"Anong nangyari kina Bisor?", tanong ni Gani.
"Ano sa palagay mo!? Naiwan nga sa loob eh. Malamang naabo na 'yung mga 'yun. Kawawa naman. Kawawa 'yung pamilya nila." , ang sabi ni Minda habang pinpunasan ang pawis na tumutulo sa kanyang noo dulot pa rin ng labis na init ng kapaligiran.
Nagkasunog Gani, nagsimula sa Pressing. Naiwan sina "Taba" at Dindo sa loob. Hindi pala umuwi si Dindo nang maaga dahil may aasikasuhin siya. Ikaw lang ang gumawa ng dalawa pang de- motor na gamit kagabi, wala kang kasama. Inabot ka na ng uhaw, ng gutom- wala man lang nagmagandang- loob na bigyan ka ng inumin o pagkain. Inabot ka ng siyam- siyam Gani, akalain mo ‘yun. Sininghalan ka ni "Taba" nang minsang magsindi ka ng isang sigarilyo sa tapat ng gate ng factory, bawal daw ang bisyo doon. Isang stick lang naman ah, isang stick lang ‘yun tapos kung punahin ka niya ganun- ganun na lang . Pero tignan mo, sa loob pa sila ng opisina nag- inuman. Bawal daw ang kalokohan sa loob ng pagawaan ng pantalon. Nasunog ang factory Gani, nagsimula sa Pressing Department. Sino kayang may kasalanan?
Pinag- uusapan pa rin ng mga ilang empleyadong nawalan ng trabaho ang nangyari sa pinapasukan nilang factory. Nasa isang maliit na bahay- kainan sila ng mga oras na iyon, kasama si Gani, Minda at anim pang trabahante . Um- order na lang sila ng isang bandehadong pansit para paghati- hatian, kailangan na raw kasi nilang lalong magtipid ngayong wala na silang mapapasukan. Tubig na lang ang panulak.
Pumunta sa banyo si Minda at ang anim pang nasa mesa, maghuhugas daw sila ng kamay bago kumain. Puno ng kung ano- anong dumi ang mga kamay nila mula sa pagtulong sa pag- apula ng apoy sa nasunog na pabrika. Naiwan si Gani na tila malalim pa rin ang iniisip- lutang pa rin ang binata, nang biglang dumating ang in- order nilang pansit. Umuusok- usok pa ito. Halatang mumurahing pansit lang pero maaari ng pagtiyagaan ng sikmurang kumakalam. Tinignan niya muna ang pansit, pagkatapos ay luminga- linga sa paligid. Napako muli ang mga mata niya sa mainit na pansit. Inamoy niya ang mabangong usok nito. Kumuha siya ng tinidor. Tumikim. At tumikim pa ulit, at tumikim pa...
'Wag ka nang magtira Gani, ubusin mo na 'yan. Sila nga walang pakialam sa'yo eh. Lantakan mo na 'yang pansit.
Sunday, August 23, 2009
Bente- singko
Natatawa at naiilang na lang ako 'pag kinakantyawan ako ng pamilya at ng ibang mga kaibigan ko na manlibre, kasi akala nila marami akong pera. Lagi nilang sinasabi na siguro, ang dami ko ng naipon at naipundar dahil dalawa ang eskwelahan na pinapasukan ko. Akala nila kahit anong oras ko gustuhin, mayroon akong panggimik o panggala. Akala lang nila 'yun.
Pinag- aral ako ng Nanay at Tatay ko sa NFWC School (National Federation of Women's Clubs of the Philippines) noong limang taon pa lang ako. Tipikal na prep- school pero co-ed. Para lang 'yung bahay na nilagyan ng mga mesa, upuan at ng blackboard para magmukhang school. Para mas lalong magmukhang pambata, nilagyan ng mga kung ano- anong mga charts sa dingding: different parts of the body, different kinds of fruits, different kinds of animals at marami pa. Mayroon ding ABC... at 123... na nakalagay sa itaas ng blackboard.
Malapit lang sa bahay namin 'yung school kaya nilalakad ko na lang, hinahatid ako lagi ng Nanay ko siyempre. Wala pa yatang kinse minutos, nandoon na kami. Magsisimula ang klase sa isang dasal na pamumunuan ng isang estudyante. Ang estudyante na rin na 'yun ang magsasabi ng, "Today is Monday, yesterday is Sunday..." .
Wala naman masyadong kakaibang nangyari noong Prep ako. Hmmm. Isa lang ang naaalala ko. Tinamaan sa ulo si Ma'am Racho ('yung teacher ko) ng papel na nilamukos ko. Kaya ang nangyari, pinatawag ang Nanay ko sa office. Ang depensa lang ng batang si RR, hindi naman talaga si Ma'am ang binabato niya, 'yung classmate niyang si Agatha. :)
Nasa Grade 5 ako noong nagsampung taon ako. Maaga kasi akong nag- Grade 1, anim na taon pa lang elementary na ako. Nag- aral ako sa isang public school sa Proj, 4. , Quezon City. Dahil nasa intermediate level na, mas- mature na ang pag- iisip ko (kalokohan) .
Tulad ng isang ordinaryong araw, maingay na naman ang V- Topaz (Precious Stones kasi ang pangalan ng mga sections doon) , recess na kasi. Dumating na naman 'yung tray na puno ng "masustansyang" pagkain. Dumating na rin ang soup (sopas ngayon, kahapon champorado) at juice na in- order sa canteen. Hindi ako bumibili sa tray kasi may baon naman ako palagi, kanin at tinimplang juice ng Nanay ko.
Maayos akong kumakain nang biglang mang- asar 'yung classmate ko na si Ara- Arabella Solis. Nakalimutan ko na kung ano 'yung eksaktong sinabi niya pero napikon talaga ako. Ang naaalala ko na lang, sa sobrang pagkaasar ko, ibinuhos ko sa kanya 'yung juice na baon ko. Sinuwerte ako kasi hindi na pinatawag sa office 'yung Nanay ko. Tsk,tsk, sayang 'yung juice.
Fourth year highschool na ako noong mag- kinse anyos. Sa public school pa rin ako pumasok. Sa may Proj. 4, Quezon City pa rin, hindi na ako lumayo. Mas maayos noong high school kaysa noong elementary kasi medyo mas masipag na akong mag- aral. Wala nga lang akong social life dahil hindi ko masyadong napagtuunan ng pansin at saka hindi ko rin masyadong gusto kasi namahiyain din ako noon (hindi lang halata) .
IV- Marangal ang section ko (mga katangiang Pilipino ang pangalan ng mga sections doon, ex. marangal, mabait, masipag, etc. ) . Mahigit 40 estudyante kami sa loob ng classroom.
Katatapos lang ng eleksyon ng mga officers para sa SY 1999- 2000. Nagsalita isa- isa 'yung mga nanalo. Inabangan nang lahat na magsalita 'yung nanalong escort kasi siya 'yung pinakamay- itsura at nakakatawa sa section namin. Sobra na ang ingay ng klase bago siya magsalita, puro kantiyaw at hiyaw ang naririnig. Nang tumayo siya at nagsalita, ang bukod- tangi niyang sinabi, "I'm speechless. "
Nasa ikaapat at huling taon na ako sa college sa isang state university noong nag-20 ako. Dapat sana ga- graduate na ako noong 19 pa lang, nag- shift kasi ako ng kurso. Mula Computer Science, lumipat ako sa AB Filipinology (Filipinology talaga 'yun) . Maayos naman ang mga grades ko sa una kong course pero mayroon lang akong naramdamang di tama. Parang mayroon akong hinahanap na hindi ko talaga makikita kung mananatili ako doon.
Disyembre, 2005 nakatakda sana ang caroling na inorganisa ng samahan namin para makalikom ng pondo. Sa hindi malamang dahilan, ang gabi na dapat sana ay mapupuno ng musika at mga pamaskong awitin ay napuno ng maboboteng- usapan.Tama, nag- inuman kami...sa loob ng campus. Iyon ang una't huling beses na ginawa kong makipag- inuman sa loob ng school, medyo natakot din kasi akong mahuli ng guard.
Halos isang linggo na rin ang nakararaan nang ipinagdiwang ko ang ika- 25 kong kaarawan. Hindi na ako naghanda, kulang sa budget eh. Parang wala pa rin namang nagbago sa akin, nadagdagan lang ang edad ko. Ako pa rin 'yung makulit pero mahiyain, suplado pero friendly, masipag na minsan tamad at weirdo na RR. Ang iniisip ko lang, hanggang kailan kaya ganito?
Nitong mga huling araw pagkatapos ng birthday ko, marami- rami na rin akong naiisip na pwedeng gawin. Kailangang may gawin ako para mas maging mahusay na teacher at mabuting tao. Kailangan, hindi ako maging masyadong kampante sa kinalalagyan ko ngayon, sa kung anong mayroon at sa kung ano ang nandiyan. Kung pwede pang pagandahin, ayusin, pagbutihin- gagawin ko talaga.
Mahaba pa ang landas na tatahakin ko. Maraming taon pa ang magdadadaan. Marami pang taong makikilala. Alam ko na hindi ko na maibabalik pa ang mga nangyari noon. Hindi ko na rin maitutuwid ang mga nagawa kong kamalian (mayron naman akong natutunan eh). Ang mahalaga, bukas ang isip ko sa kung ano pa ang mga maaaring magyari at handa ako sa mga pagbabagong magaganap.