Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Saturday, October 3, 2009

Ayoko na ng Class Suspension

 1 week na rin ang nakalilipas noong manalasa ang bagyong Ondoy dito sa Pilipinas.

Nagising ako nang maaga noong Sabado, September 26,  dahil ang alam ko, may pasok ako sa Masters. Mahina lang naman ang ulan noong umaga, wala talagang nag- akala na mangyayari ang mga nangyari. Kumain pa ako ng almusal. Walang pasok si Romel dahil restday niya rin noong araw na 'yun. Si Cookie, may pasok daw siya ng ala una ng hapon.

Tuloy- tuloy na ang ulan Biyernes pa lang ng gabi, pero hindi naman ganoon kalakas. Umuulan pero pabugso- bugso lang. Titigil, hihinto, ganoon lang ang drama ng ulan na 'yun.

Mga alas otso nang umaga, nagsimulang bumalong ang tubig sa bahay namin. Medyo sanay na kami rito kasi dati na namang bumabalong ang tubig sa sahig namin, pero kaunti lang 'yun, mataas na ang 1 and a half inches na tubig sa sahig. Kaya ganoon na lang ang gulat namin noong pataas na nang pataas ang tubig. Parang kahit anong punas namin sa sahig at lampaso ang gawin namin, hindi talaga natutuyo. Sobrang bilis ng pagtaas ng maruming tubig.  Kinabahan na kami, lalo na ang Mama ko. Itinaas na namin 'yung ibang mga gamit, nilagay namin sa higaan ko at sa higaan ni Cookie (mabuti na lang at may double- deck kami). Sa isang iglap, abot na sa baywang namin ang tubig sa loob ng bahay. Sumisigaw na si Mama, nasa trabaho pa naman si Daddy, na- stranded din daw siya kaya hindi rin makauwi. Tsk.tsk.tsk. Hindi sapat 'yung mga kamay namin para isalba ang ilang gamit, nalubog na sa tubig ang karamihan. Sabi ni Romel, lumabas na muna kami. Iwan na raw muna namin 'yung bahay at i- lock na lang, kasi wala na kaming magagawa kahit manatili pa kami doon. 


Kaya ayun nga, nag- stay na muna kami sa labas. Doon kami sa tindahan ni Ate Edith. Tinulungan na rin namin 'yung iba naming kapitbahay na mag- angat ng gamit nila.Hindi ko alam pero ginutom daw ng sobra si Mama, kaya nagluto siya ng hotdog at itlog. 'yun na lang ang kinain namin habang basang- basa ang mga katawan namin ng tubig ulan.

Ilang segundo, minuto, oras ang lumipas. Lagi naming sinasabi sa bawat isa na, "...parang humihina ang ulan, parang bumababa na ang tubig." Bakit? Kasi kailangan naming maging positibo, kailangan naming may panghawakang pag- asa... kahit mukhang delubyo na ang nangyayari.

Gabi na nang humina din ang ulan. Bumalik na kami sa bahay namin para tingnan kung ano pa ang maaari pang pakinabangan. Dumating na rin ang Daddy ko. Sinimulan na naming tabuin lahat ng tubig at ilabas ng bahay. Matagal. Inabot yata kami ng tatlong oras sa pagtatanggal lang ng tubig. Hindi pa doon natapos, ang mga basurang naiwan, mga gamit na nasira at mga damit
na nabasa ay kailangan pa naming harapin at ayusin.

Natural sa tao ang mainis. Human nature ika nga ng nakararami na kapag may nangyaring hindi maganda ay maaasar ka... at maghahanap ka ng sisisihin. Galit na galit ako kasi binaha kami, hindi naman kami binabaha dati (well, hindi ganoon kalalim). Pikon na pikon ako kasi maghapon akong basa at nasa labas. Asar na asar ako kasi ngayon pa naisipang magbungkal ng kalsada nang mga pulitiko (ginagawa ang kalye malapit sa amin) para "ayusin", eh tag- ulan na.

Binuksan namin 'yung TV ng medyo matapos na kami sa ginagawa namin, o mas tama yatang sabihing noong napagod na kami.Pahinga muna. Noong mga oras na 'yun, nakita namin na mas maraming tao pala ang mas nahirapan. Maraming tao pala ang nanatili sa labas ng bahay nila, sa bubong. Hindi na nila kinaya ang tubig kahit pa may second o third floor pa ang tinitirhan nila. Maraming hindi nakakain. Maraming umiiyak at humihingi ng tulong. Akala ko kami lang. Akala ko kami lang ang nahirapan at sa amin lang nangyari ang ganoong kamalasan.Marami palang naging "biktima", hindi lang kami. At higit na mahirap ang nangyari sa kanila, maswerte pa kami.


1 week na ang nakalilipas pero hindi pa rin masyadong maayos ang bahay namin. Hmmmm. May bagong bagyong paparating kaya itinaas na namin ulit 'yung ibang mga gamit. Sana, kung uulan man, 'wag nang masyadong malakas. 'Wag na sanang maulit ang baha, nakakatakot. Alam kong imposibleng mangyari, pero sana 'wag ng bumagyo ulit. Hindi na ko hihiling na sana walang pasok. Kahit magtrabaho na lang ako araw- araw. Kung tulad ulit ni Ondoy ang kapalit? Ayoko na ng class suspension.   

No comments: