Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, September 20, 2009

Kung Paano ang Manghuli ng Isda sa Mababaw na Bahagi ng Dagat


Paluwas na ako sa Maynila. Babalik na muli sa normal ang buhay ko- sa trabaho, sa pamilya at sa ingay na pansamantalang kinalimutan.Babalikan ang mga tao at  bagay na tunay na bahagi ng aking buhay. Palabas na sa nayon ang bus na sinasakyan ko, malapit na kami sa kabayanan.


Kagabi, nakatuwaan kong manghuli ng isda sa unang pagkakataon, sa mababaw na bahagi ng dagat. Bigla ko na lamang naramdaman na parang gusto kong kumain ng sariwang isda- 'yung ako misno ang humuli. Parang naglilihi? Marahil, isa ito sa mga panahong mayroon akong gustong- gustong kainin at kailangang makuha ko iyon. Minsan matamis na tsokolate, maalat na chichiriya, mainit na sabaw- ngayon gusto ko ng sariwang isda.        

Wala akong bangka, mahal kung rerenta pa. Sa mababaw na bahagi ng dagat, malapit sa dalampasigan at batuhan ako mangingisda. Kinakabahan din kasi akong pumalaot pa.  Mayroon lamang akong maliit na lambat, nagdala na rin ako ng pamingwit at pain. Wala naman kasi akong balak mangisda ng marami, gusto ko lang talagang makakain ng isdang huli ko.


Hindi sumilip ang buwan kagabi. Wala rin ang mga talang nakasanayan ko ng pagmasdan habang nagmumuni-muni.Sa kabila nito'y alam kong may mahuhuli ako, may dala rin kasi akong lampara. Bukod pa roon, pinakiramdaman kong mabuti ang mga alon, banayad at tahimik. Paulit- ulit ko ring itinaas ang aking mga braso upang damhin ang hangin, hindi ito mahalumigmig, ibig sabihin walang ulang paparating. Tamang- tama lamang ang bawat ihip, sapat upang paginhawahin ang aking pakiramdam at alisin ang kaba sa aking dibdib. Maganda ang panahon. Walang buwan.


Naglakad na ako sa dalampasigan, hinubad ko na ang suot kong tsinelas. Handa na ako. Kahit hindi ako masyadong marunong lumangoy at ito ang unang pagkakataon na maghuhuli ako ng isda.Unti- unti, dahan- dahan, tumataas na ang tubig- alat. Malamig. Mula sa aking talampakan, bukong- bukong, binti, alak- alakan, tuhod, hita...ang tubig ay umaangat habang marahan akong naglalakad at nakikiramdam. Huminto ako nang umabot na sa kalahati ng aking mga hita ang tubig. Sa isang malaking bato, ipinatong ko ang dala kong lampara . Ito na 'yun. Buong- giliw ko nang ginamit ang pamingwit at pain.Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim na minuto ang lumipas, walang gumagalaw sa ilalim ng tubig- walang isda. Mabilis akong nainip. Naglakad akong muli. Pinagmasdan ko ang kalawakan ng dagat. Tigil, sa may batuhan ulit. Kailangan kong huminto sa may batuhan para may patungan ako ng dala kong lampara, at saka isa pa, pakiramdam ko mas maraming isda ang nagkukuta malapit sa mga bato. Hinagis kong muli ang dulo ng pamingwit. Nagsindi na rin ako ng sigarilyo gamit ang apoy sa lampara. Oo, nagdala ako ng libangan. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim- anim na sticks na ng sigarilyo ang naubos ko, wala pa rin kahit isang ayungin man lang o sapsap.

Nang sumapit ang madaling- araw, ang aking naramdamang pananabik at kaunting kaba bago ako nagsimulang mangisda ay unti- unting napalitan ng pagkainip at yamot. Imposibleng mawalan ng isda sa dagat, napakalawak nito.Imposibleng wala akong mahuhuli, kumpleto ako sa mga dalang gamit. Ipagkakait ba sa akin ni Inang Kalikasan ang isang pirasong alagad ng tubig? Lakad. Hinto. Lakad. Masid. Sigarilyo. Hinto. Lakad. Sigarilyo. Hinto...Bigla akong natigilan.Ayan! Mukhang may gumagalaw na! Mayroon ng isdang kumagat sa pain! Iaangat ko na!!!Ayan na! Tang-*** ! Nakawala pa!

Huli na ito, 'pag wala pa rin dito ay uuwi na talaga ako. Huling baraha, ginamit ko na ang maliit lambat. Hinagis ko na sa tubig, bahala na. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim... tatlumpung minuto,.hinila ko na pabalik sa akin ang lambat. Wala na akong inaasahan. Kung wala, ganoon talaga; kung mayroon, salamat. Madilim. Bubulumbunin ko na sana ang lambat, nang biglang may nahawakan ako sa loob nito...katamtaman ang laki. Kumakawag- kawag. Buhay pa. Tinitigan ko itong mabuti. Isda!Isda nga! 

Halos isang dangkal din ang laki ng kaisa- isang isdang nahuli ko, medyo maliit pero malaman.Inamoy- amoy ko ito, sa unang pagkakataon ay nahalina ako sa amoy ng isda, parang walang lansa. Malalaki ang malinaw nitong mga mata at pulang- pula ang hasang. Sariwa talaga.Ang saya ko! Hindi ko alam kung anong pangalan ng isdang 'yun o kung ano bang tawag doon ng mga taganayon. Napakasarap ng sariwang isda. Lalong nakapagpasarap nito ay ang isiping ako mismo ang humuli gamit lamang ang aking mga kamay.

Malapit na ako sa Maynila, malapit na akong bumaba ng bus, pero parang naiwan sa balat ko ang tubig- dagat na natuyo at naging mga butil- butil na asin. Parang nalalasahan ko pa sa bibig ko ang isdang hinuli, niluto at kinain ko. Sinabi ko sa aking sarili, kakain ulit ako ng sariwang isda, manghuhuli ulit ako... pero matatagalan pa.

No comments: