Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Thursday, May 12, 2011

Ang Laban nina Mando at Lino: Isang Masusing Pagtingin sa Estetikong Porma at Temang Mapanghimagsik ng Dalawang Maikling Kwento ni Rogelio Ordoñez (Dugo ni Juan Lazaro at Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya)


Hindi maitatangging ang maikling kwento ang isa sa pinkapopular na anyo ng panitikan. Bagaman ang nobela ang pinakamasaklaw at ang tula naman raw ang pinakaimandayog, taglay ng maikling kwento ang halinang panandaliang pumupukaw sa imahinasyon at guni- guni ng mga mambabasa, subalit nag- iiwan ng kakintalan. Mula pa lamang sa mga sinaunang kwentong bayan, alamat, mga pasingaw at dagli- na mga ugat ng modernong maikling kwentong nababasa natin sa kasalukuyan, mababakas na ang kaibahan ng porma nito sa mga tula (na malalim din naman ang pinag- ugatan).  Lumilikha rin ang maikling kwento ng isang panoramikong dimensiyon, di tulad ng sinabi ng ilan na nobela lamang ang nakagagawa.  Tinatawag itong “pagtakas” ng iba o “escapism” (sa katotohanan at realidad ng buhay), subalit hindi lahat ng maikling kwento ay iyon ang inihahain .Nagpipinta ang maikling kwento ( o ang panitikan mismo) ng iba’t ibang larawan at anyo ng buhay at pantasya. Mga kawil ng pangyayaring nangyari sa’yo, sa kanya o sa akin-  na kung saan maaari mong sang- ayunan o di paniwalaan.  Samakatwid, kung babasahin at iitindihing mabuti, hindi lang basta “pagtakas” ang dulot ng maikling kwento. Tumutulong ito sa atin upang mag- isip, makapagpasya at sa  kalaunan ay makisangkot.

Ang katotohang nabanggit sa itaas ang isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi sapat ang isang malapanatikong panununton sa isa lamang pamamaraan upang mabigyan ng epektibong panunuri ang isang maikling kwento. Sa panahon kung kalian laganap na ang mga iba’t ibang supplementary materials sa araling Filipino lalo na sa sekondarya , napakahirap itong ipaliwanag sa ilang mga gurong nagtuturo ng panitikan (na halos dumidepende na lang sa mga prototype teaching tools), lalo ng mahirap ituro sa mga mag- aaral na hanggang ngayon ay tila naguguluhan pa rin at pinipilig matulog na lang sa tuwing mababanggit ang lektura sa pagbasa ng mga akda. Subalit, hindi na saklaw ng sanaysay na ito ang pagtuturo ng maikling kwento at ng iba pang anyo ng panitikan. Kunsabagay, ang Marxistang pananaw na siyang pinakagamitin  sa mga dulog pampanitikan, ay isang mabisang paraan upang maipakita at mailahad ang ideolohikong implikasyon ng akda. Nga lamang, ang tuon nito ay sa materyal na aspekto lamang. Para matalakay ang malalim na mensahe ng akda at ng kinalaman nito sa buhay, ay kinakailangan ng higit pang mainam na pamamaraan upang higit na maunawaan ng mga mambabasa ang nilalaman nito.

Hindi rin mainam ang sumampalataya sa Pormalismong dulog lamang. Sa paraan kasing ito, inihihiwalay ng mambabasa ang akda sa may – akda at iba pang elementong nakaimpluwensiya sa paglikha nito. Sinusuri lamang ang porma (anyo) ng akda at ang wikang ginamit. Nakikita ang ganda at estetikong halaga nito (sa paimbabaw o pisikal) subalit may panganib na maihiwalay sa totoong buhay. Hindi ito maaaring mangyari sapagkat ang panitikan ay hindi isang malamig na piraso ng sining na naisapapel subalit isang sining na sumasalamin sa buhay.

Bago dumako sa pagbasa ng dalawang maikling kwento, sulyapan muna natin ang buhay ng 
may- akda bilang paghahanda.

Si Ka Roger at ang Kanyang Playground: Pagkilala sa Manunulat , ang Kanyang mga Katha, ang Kapaligiran at Iba pang Konsiderasyon

Kahit na ipinanganak si Ka Roger sa Imus, Cavite (Seyembre 24, 1940) ay dito siya Maynila nagkolehiyo. Nagtapos siya sa Mapua Institute of Technology at sa Manuel L. Quezon University ng kursong BS Civil Engineering .

Bagamat nagkaroon na ng diploma sa tersiyarya, hindi pa rin natakasan ni Ka Roger ang tawag ng pagsusulat. Hindi naman ito kataka- taka sapagkat nasa high school pa lamang siya noong lumabas ang kanyang unang maikling kwento sa magasing Liwayway.

Kasama ang kanyang mga ka- kontemporaryo: sina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Sikat at Edgardo Reyes ay lumikha sila ng mga maiikling kwento na tumatalakay sa “tunay” na larawan ng buhay nang mga panahog iyon. Kailangang mabatid na ang mga panahon ng kanilang kasiglahan sa kabataan at kasibulan sa pagsusulat ay panahon din ng Batas Militar. Sa katunayan, sa mga aklat pampanitikan makikita ang kanilang mga pangalan na kabilang sa mga MANUNULAT SA PANAHON NG AKTIBISMO, PANAHON NG BATAS MILITAR hanggang sa PANAHON NG LAKAS BAYAN. Sa panahon kung kalian halos lahat ay bawal, at talamak ang opresyon, supresyon at pang- aabsuo ay nagmistulang pipi at bingi ang mga pahayagan at telebisyon. Nawalan ng ngipin ang midya, dahilan para makapang- abuso ang mga nakatataas sa pamahalaan. Sa gitna nito, walang takot na sumulat ang pangkat ni Ka Roger para kahit pa’no ay maimulat ang ilan sa ating mga kababayan. Naging mahirap ito para sa kanila sapagkat nagkalat ang mga sundalo at kahit anong oras ay maaari silang hulihin.  Ngunit gaya ng isang matikas na cactus sa gitna ng disyerto, patuloy na umagos ang talim ng kanilang panulat.

Ang Dugo ni Juan Lazaro at Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya ay dalawa lamang sa mga akda ni Ka Roger na tumatalakay sa iba’t ibang kaapihan ng isang karaniwang mamamayan at trabahanteng Pilipino sa kamay ng kanyang kapwa Pilipino at sa palad ng mga dayuhan. Ang pang- aagaw ng mga lupain at di patas na pagbibigay ng sahod ay ilan lang sa mga isyu na tinalakay ni Ka Roger.

Sa kasalukuyan ay nagtuturo sa kolehiyo si Ka Roger- patuloy pa rin siya sa pagsusulat. Marami- rami siyang natanggap na mga parangal sa laragan ng panitik sa mula sa iba’t ibang institusyon.

Nilalaman, Estruktura at Pamamaraan

Nabasa ng inyong lingkod ang akdang Dugo ni Juan Lazaro sa isang aklat pang- high school. Hindi ko inakala na maaari palang ituro sa mga teenager ang isang kwentong tumatalakay sa paksang aakalaing maiintindihan lamang ng mga taong bahagi ng pwersang manggagawa ng bansa.  Ang Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya naman ay mula sa blog ni Ka Roger. Sa pagpapatuloy ng saaysay na ito, tutukuyin ang Dugo ni Juan Lazaro na DJL at ang Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buawaya bilang IBTB.

Nagsimula ang DJL sa isang paglalarawan. Isang matayutay na naratibo kung saan binanggit agad ng may- akda ang pangalan ng pangunahing tauhan- si Mando. Sa isang pabrika ng tela kung saan napalilibutan si Mando ng mga makina at ng mga ka- manggagawa.  Ito ang unang talata sa akda:

Waring nakalulunos na mga daing sa pandinig ni Mando ang malakas at hindi magkamayaw na hugong ng mga makina sa pabrikang iyon ng tela. May ibinubulong ang mga iyon , may ibinabadya, katulad ng sunod- sunod at nagmamadaling tibok ng kanyang puso, ng butil –butil na pawis na nagsisimulang maglandas sa malapad niyang noo, ng init na unti- unting sumasangkap sa daloy ng kanyang dugo. At maging ang malaking orasan, waring madilat na mata na nakamasid sa bawat bahagi ng bilangguang iyon ng mga makina ay may kakaibang ipinahihiwatig sa kanya.  

Binigyan tayo ng may- akda ng senaryo ng isang pabrika ng tela sa isang tipikal na araw. Maingay.Tuloy- tuloy ang trabaho. Ang malakas na hugong ng mga makina, at ang pawisan at tila pagod na pagod ng trabahador ay isang ordinaryong tanawin sa isang pabrika.  Tinawag ng may- akda ang pagawaan ng tela na “bilangguan ng makina”. Kahit noon pa man, hindi na maganda ang konotasyon ng isang bilangguan para sa mga mambabasang Pilipino. Malungkot at nakaktakot- ‘yan ang persepsyon natin sa isang bilngguan.Sa pagbibigay sa atin ng may- akda ng ganoong metapora, dinulutan niya tayo ng pahiwatig na kung ano man ang mayroon sa loob ng pabrika- ‘yon ay di maganda.

Kaiba naman sa DJL, ang IBTB ay isang maikling kwentong nahahati sa tatlong bahagi: 1)LUPA 2)MAKINA 3) UOD.  Isang kwento lamang ito na binigyan lang ng kakaibang istilo ng may- akda (kaiba sa karaniwan niyang ginagawa). Tila ginawan ng balangkas o outline ang kwento upang higit na magkaroon ng diin o emphasis ang bawat bahagi. Di rin tulad sa DJL na ang lungsod ang ginamit na tagpuan o setting, ang IBTB ay kwento ng mga tao mula sa lalawigan- ng kanilang pagsisikap, pagpupunyagi, paglaban, pakikibaka at pagsuko. Tignan natin ang unang talata:   
1.     
LUPA       MAAGANG TUMAKAS ang ulan sa mga ulap at ang nakangangang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakalay unti- unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag- araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungo sa mga pinitak. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag- utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukirin ay naging luntian. 

Buhay- rural ang isinalaysay ng may- akda. Kumpleto ang iba’t ibang elemento para matawag na probinsya ang isang lugar: ang bukirin, ang kalabaw at mga kuhol sa pilapil. Wala nga lang mga puno dahil na rin sa ang lupain ay para sa taniman ng mga palay. Nabanggit na ang lalawigan ay matatagpuan makalabas lamang ng lungsod. Ang inspirasyon marahil ay napulot ng may- akda sa sarili niyang probinsiya ng Cavite, ilang oras o minuto lamang mula sa Maynila.  Ang pagdating ng ulan ang nagdulot ng pag- asa sa mga mamamayan sa akda. Makikita sa talatang ito ang pagkapatid ng uhaw ng buong nayon sa pagbuhos ng ulan. Isang larawang tila papunta sa kasaganahan ang ibinungad sa atin ng kwentong IBTB. Nagkaroon ng palitan ng pag- uusap o dialogue sa mga susunod na bahagi ng parehong akda. Tignan natin:

DJL: “Mga‘Adre…malapit na!” saglit na nangingibabaw sa hugong ng mga makina ang tinig na iyo.
“Nakahanda na kami.” maraming sumigaw.
“Walang kakabila?” makapangyarihang tanong ng isa.
“Wala! Waring isang tinig ang nakipagpaligsahan sa hugong ng mga makina.

Sa palitan ng usapan sa itaas sa kwentong DJL, makikita ang pagsasakatuparan ng isang plano. Isang pagkilos. Ipinapakita sa palitan ng mga salita na matibay ang kanilang paninindigan upang ituloy ang kung anumang kanilang dapat gawin. Simple ang ginamit na pananalita ng may- akda. Ang paggamit ng kolokyal na “’Adre” na pinaikling Kumpadre ay patunay lamang na sinikap ng sumulat na maging matapat sa kanyang paglalarawan sa mga karaniwang manggagawang Pilipino. Pero nasaan si Mando?Nasaan ang ating bida? Makikitang hindi binanggit ang pangalan ng pangunahing tauhan sa palitan ng usapan.

IBTB: “H’wag na kayong mag- araro pa,” sabi nito (ang katiwala ng mayamang may- ari ng lupa) “H’wag na kayong magtanim ngayon.”
“Ba’t po, Kabesa?Nakapagpunla na kami.” (mga magsasaka)
“Wala tayong magagawa pinlalayas na kayo rito ng may- ari.”
“Ba’t po, Kabesa?Ba’t po? “
“Namahal na raw ang lupa rito at gusto na niyang ipagbili.”
“Pero, Kabesa, nakapagpunla na kami. Naararo na naming ang ilang sangkal. Aka matagal na naming sinasaka ‘to. “
“Anong magagawa natin?Di naman inyo ang lupang ito, di rin naman akin. “

Iprinisenta ng may- akda ang kahabag- habag na katotohanan na kahit napakatagal nang panahon ang iginugol ng isang obrero sa kanyang lupaing sinasaka, walang kasiguraduhan kung hanggang kalian siya mananatili rito. Sa panahong maisipan ng may- ari na paalisin ang magsasaka sa lupaing “pag- aari” niya, pwedeng- pwede niya itong gawin. Dahil ang lahat sa bansang ito ay nakasalalay lamang sa isang titulo. ‘Pag sinabi ng piraso ng papel na ‘yun na ikaw ang may- ari ng lupa, sa iyo ang lupa at walang karapatan ang iba.
Sa DJL, iniwan na ng kaniyang mga kasamahan si Mando sa loob ng pabrika. Patuloy siya sa kanyang ginagawa habang ang iba’y nagtungo na sa labas, sa may gate ng pagawaan ng tela para magpiket. Ito ay para iprotesta ang kaapihang natatamo nila mula sa may- ari ng kumpanya. Naiwan si Mando sa loob, kasama ang kanyang makina. 

DJL” ‘Adre, matigas ang ulo mo! “ si Kadyo ang sumisigaw na siyang puno ng aklasang iyon na matagal na nilang balak na isagawa.
“Ikaw ang bahala, ‘Adre… ayaw mong makisama.”

Si Kadyo na pinuno ng welgang nagaganap sa labas ng pabrika ay tila nagbabanta kay Mando na sa halip na makisama sa ipinaglalaban ng nakararami ay mas piniling magpaiwan upang mipagpatuloy ang kanyang trabaho. Para sa kanya higit na magiging mahirap kung mawawalan siya ng trabaho. Naisip niya na ang lahat nang kasali sa aklasan ay hindi pasasahurin at may posibilidad na mawalan pa ng trabaho. Ayaw ni Mandong isugal ang kung anumang kakarampot na mayroon siya sa kasalukuyan.

DJL : “Hindi ka sumama sa kanila?” sabi ng tagapamahala (ng pabrika)
“Gugutumin ko ho lamang ang aking pamilya.”
“Magtatrabaho ka pa?”
“Di ho ako p’ wedeng di magtrabaho, “ tumikhim si Mando. “Ako ho lamang ang inaasahanng aking pamilya.”
Tumangu- tango ang tagapamahala. Batid ni Mando ang kahalagahan niya ngayon sa pabrikang iyonb. Kung walang makinang magpapatuloy sa pag- andar sa paghabi ng tela, mahihinto ang gawain ng buong pabrika.  

Inaasahan ng tagapamahala ng pabrika na ang lahat ng manggagawa ay sasali sa welga, subalit nasorpresa siya nang Makita si Mando sa kanyang pwesto. Tulad ng nabanggit sa itaas, ayaw makihalo ni Mando sa “gulo” sa labas sapagkat para sa kanya ang lahat ay walang patutunguhan, gugutuimin lang niya ang kanyang pamilya, at ayaw niyang mangyari iyon.
Sa bahaging ito ng kwento ay binigyan tayo ng may- akda ng kakatwang karakter(asal) ng isang pangunahing tauhan. Oo, tama na manindigan siya para sa kanyang pamilya, subalit aanhin mo ito kung ang kapalit naman ay ang buo mong pagkatao at kaluluwa. Halos hubarin na ng tauhang si Mando ang kanyang kahihiyan sa harap ng matapang at palabang si Kadyo. Halos lunukin niya ang sarili niyang amor- propio sa harap ng tagapamahala ng pabrika. Sinira ng may- akda ang ideyal na anyo ng mga mambabasa sa isang bidang lalaki bilang simpatiko, makisig, matapang at may paninindigan. Inilihis ni Ka Roger ang katauhan ni Mando sa palabang imahe ni Andres Bonifacio, sa imaheng inaasahan natin sa isang pangunahing tauhan ng isang mapanghimagsik na akda.

Sa akdang IBTB, bagaman sinabihan na ang mga magsasaka na ‘wag nang magtanim sa lupang sakahan sapagkat malapit  nanga iyonkunin ng may- ari para ipagbili, pinilit pa rin ng mga obrero na sakahin ang lupa. Parang isang ordinaryong panahon ng pagtatanim ang nangyari. Matapos iyon ay insahan nilang sa di kalaunan ay magbubunga na ang kanilang mga pinaghirapan. Di nila inalintana ang banta ng pagkawasak na maaaring dumating sa kanila at sa kanilang lupain. Kasabay rin nito, tila may kung anong espirito ang sumanib sa mga magsasaka na nagbigay ng tapang sa kanila. Dumating pa sa puntong makikipagpatayan sila ‘pag pinaalis sila sa lupang iyon.

IBTB: “Kapag nagkamaling magpunta rito ang anak ng putang me- ari ng lupang ‘to o ng sinumang demonyong nakabili nito, “ ang sabi naman ng isang matandang mga animnapungtaong gulang na, “di ako mangingiming ibaon siya sa pinitak. Araw- araw kong inihahasa ang aking itak!”
“Ang dugo naman niya ang ipatataba ko sa palay!”
“Subukan lang nilang palayasin tayo rito. Subukan kang nila! Pagpuputulan ko sila ng bayag!”
“Basta’t huwag tayong umalis ke matapos man ang anihang ito! “

Ang tapang na nadama sa mga puso ng mga magsasaka ay panadalian lamang. Ang pakiramdam na animo’y kaya nilang lupigin ang lahat ng magtatangkang umagaw sa kanilang lupain ay di rin nagtagal. Sa ikalawang bahagi ng kwento, ang Makina. Ipinakita kung paanong sa isang iglap ay gumuho ang pangarap at paninindigan ng mga magsasaka.

IBTB: 2) MAKINA … Nasa hinog na mga butyl ng palay ang mumunting mga pangarap, ngunit naroon din ang aali- aligid na mga pangamba, hanggang isang umaga, nang malapit na nilang anihin ang mga palay, biglang- bigla, parang umaatungal na mga dambuhalang baling na sumalakay sa bukid na iyon ang ilang buldoser, kasama ang ilang sundalo ng gobyerno. Kinagat nang kinagat ng matalim na ngipin ng mga buldoser ang mga puno ng palay, nilamon nang nilamon ang mga uhay, at sa harap ng kanilang mga dampa, ang mga magsasaka ay parang mga itinayong mga bangkay, mahigpit lamang nilang hawak ang mga nagkikislapang mga itak, nakatiim ang kanilang mga bagang, ang mga mata’y nakapako sa kawalan habang sa tabi nila, ang mga babae ay nagpapanangisan samantalang ang mga bata ay nakatingin lamang sa dambuhalang makinangiyon na patuloy sa pag- usad at pag- atungal.

Isang grapikong pagsasalaysay ng isang kalunos- lunos na pangyayari ang ipinakita sa atin ng may- akda. Sumisimbolo ang pagdating ng mga buldoser sa pagkawasak ng kanilang pangarap at kinabukasan. Ipinakita ng manunulat na sa panahon kung kalian napakalaki ng tulong ng mga makina sa tao, at halos dumidepende na sila rito, isa itong marahas at mapangwasak na imbensyon na tao rin ang may likha. Ang kawalan ng lakas ng mga magsasaka na bunga na rin ng kanilang pagkamangha sa mga dambuhalang makina ay isang patunay ng kanilang kahinaan sa mga sandaling iyon. Nawalan ng saysay ang kanilang paghahandang ginawa para labanan ang noo’y nakaamba pa lang na panganib. Nagawa pa ng may- akda na “sumundot” ng puna sa pamahalaan ng banggitin niyang sa pagdating ng mga buldoser ay may kasama pa itong ilang sundalo ng gobyerno. Isang pahayag na nagsasabi sa pananaw ng may- akda sa pulitika at pamamahala sa bansa- na nasa panig ng may pera ang kapangyarihan at ang batas.

Balikan natin ang DJL, bilang “pabuya” kay Mando ng tagapamahala ng pabrika. (sapagkat wala roon ang may- aring nagngangalang Chua) ay bibigyan siya ng umento sa sahod, siya lamang at wala nang iba pa. Ito raw ay dahil sa pagiging tapat niya sa kumpanya.

DJL: “Basta magpatuloy ka lang sa pagtatrabaho, daragdagan ko ng limampung piso ang sahod mo, “ sabi ng tagapamahala. At kahit matapos ang welga, mananatiling gayon ang iyong sahod.”

Musika sa tainga ang mga salitang binitiwan ng tagapamahala ng pabrika ng tela para kay Mando. Ang hinihingi ng kanyang mga kasamahan ay naibigay sa kanya. At hindi sa panandaliang panahon, hanggang matapos ang aklasan ay ganoon na ang sahod niya. Magkaganunpaman, may kaba sa dibdib si Mando. Takot na takot siyang lumabas- lumabas at harapin si Kadyo at ang iba pang mga kasamahan niyang nagwewelga laban sa administrasyon ng pabrika. Labis- labis ang pangamba ni Mando sapagkat alam niyang hindi siya sasantuhin ng mga galit nag alit na kasamahan. Masdan sa dayalog sa ibaba kung gaano ang pagpupuyos ng damdamin ng ilang manggagawa ng pabrika:

DJL: 
“Agrab’yado tayo, “  sabi ni Kadyo isang hapong lumalabas silang trabahador ng pabrikang iyon ng tela. “Basta’t maraming pumipildo, kahit Linggo, pinagtatrabaho tayo. Kalimitan, lampas na sa oras, ayaw pa tayong pauwiin…kakarampot naman ang inuumento sa sahod natin. “
“Anong magagawa natin?” sabad ng isang trabahador.“Alam mo namang mahirap humanap ng trabaho…aba!”
Dumahak si Kadyo.
“Aba…e habang panahon ba naming paloloko tayo? Sobra- sobra na nga ang tinutubo nila, “ muling dumahak si Kadyo. “Tayo n’ng bumubuhay sa kanila…pero, ano’ng buhay natin…kumain- dili!”

Ang nangyaring welga sa akda ay maipapalagay na kulminasyon na ng lahat ng mga nauna pang pangyayaring di naging maganda at mga usapang di naging maayos sa pagitan ng mga manggagawa at ng mga tagapamahala at may- ari ng pabrika. Maaari ring ipalagay na noon pa ma’y marami ng kahilingang di naibigay sa mga manggagawa kaya sa isang pag- aaklas humantong ang lahat. Subalit, ipinakikita sa palitan ng usapan na si Kadyo pa rin ang may pinakamatatag sa kanila. Siya lang tila may matigas na paninindigan upang lumaban sa mga tagapamuno ng pabrika. Nang bitiwan ng isang trabahante (na di naman si Mando) ang mga linyang , “…mahirap humanap ng trabaho.”, makikitang hindi lang pala si Mando ang nag- alangang sumama sa welga. May ilan ding nagdalawang isip na makilahok sapagkat tunay naman na napakahirap na humanap ng trabaho sa bansang ito. Hindi sapat ang diploma at eksperyensiya- madalas kailangan pa ng koneksyon para lang makapasok sa isang maayos- ayos na hanapbuhay.

Bago matapos ang akdang DJL, ay ibinagay na ng may- akda ang paninindigan ni Mando. Hindi siya maaaring manatili sa loob ng pabrika. Hindi pwedeng doon siya matulog at magpalipas ng magdamag, lalo siyang magmumukhang katawa- tawa sa mata ng kanyang kasamahan.

DJL: Lumabas si Mando. Malayo pa siya sa pinto ng pabrika natanaw na niya ang mga nagsipag- aklas. May mga tangan nang karatula ang mga ito, nakapako ang mga tingin sa kanya, at waring siya ang inaabangan.

Subalit ang lahat ay hindi magiging madali para kay Mando. Alam niyang may nakaambang panagnib sa tarangkahan ng pabrika. Sinikap ng may- akda na lumikha ng isang kapana- panabik na serye sa tagpong ito ng akda. Bagaman, ito na ang huling bahagi ng kwento (kung saan matatagpuan ang kasukdulan) ginawa ng manunulat na napakalayo ng distansya ni Mando sa gate ng pabrika ng tela. Ang paglalakbay niyang iyon ang isa sa pinakamahaba at pinakamahirap sa kanyang buhay. Dahil na rin sa sari- saring emosyon na nadarama niya sa tagpong iyon, na pinangingibabawan ng takot at kaba.

DJL: (Sa paglabas ni Mando)
“ ‘Adre, pinaalalahanan na kita kangina, “ sabi ni Kadyo, “nagtigas- tigasan ka pa rin! Sipsip kang talaga kay Chua… ibig mo’y ikaw na lang ang mapabuti!”
Tinitigan ni Mando si Kadyo.
“Karapatan n’yo ang magwelga…karapatan ko naman na ‘wag sumama sa inyo!” Matapang ang tinig ni Mando.
“A, gayon!” nang- uuyam ang tinig ni Kadyo. “Matigas ka, ha!”
Hindi pa napapawi ang alingawngaw ng tinig ni Kadyo, tila hayok na asong dinaluhong ng mga trabahadorsi Mando. At naramdaman niya ang matinding palo, suntok, dagok, kadyot.

Sa huling bahagi ng kwento, matapang na si Mando. O, nagpakita na lamang siya pagiging matapang  sa harap ng mga kasamahan. Tama ang salitang ginamit ni Kadyo, “tigas- tigasan”. Gaya sa nabanggit sa mga unang bahagi, hindi na siya maaaring umatras pa. Mayroon na siyang piniling landas na tahakin. Kung magso- sorry siya at hihingi ng paumanhin sa harap ng mga kasamahan ay lalong matatapakan ang durog na niyang “ego”. Ipinakita ng may- akda na mahalaga pa rin ang ganitong katangian sa isang lalaking karakter. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob ni Mando na mangatwiran kay Kadyo kahit alam niyang mas lalo niya itong ikapapahamak, ay maaari ring ituring na katapangan. Nga lamang, sa isang lipunan kung saan mahalaga ang bilang at numero, wala siyang nagawa nang kuyugin na siya ng mga kasamahan at bugbugin, wala siyang nagawa dahil mag- isa lang siya. Ni hindi siya tinulungan ng tagapamahala na nangako ng umento sa kanyang sahod kani- kanina lang. Wala rin doon para sumaklolo ang Intsik na may- ari ng pabrika na si Chua. Walang nagawa si Mando kundi magpatangay sa daloy ng mga pangyayari, dahil mag- isa lang siya.

Sa ikatlo at huling bahagi naman ng kwentong IBTB, ang Uod. Ipinakilala na ng may- akda si Lino Fajardo. Siya ay isang magsasakang hindi umalis sa baryo matapos sirain ng mga buldoser ang kanilang palayan. Naisakatuparan ang unang plano: naipagbili ng may- ari ang lupang dati’y sinasaka ng mga tagabaryo, naging subdibisyong marangya ang kabilang bahagi at ang dating malawak na bukirin ay naging isang pabrika.  Isang kakatwang pangyayari ang naganap rito, ang mga dating magsasaka na galit na galit sa may- ari ng pabrika (na isang Amerikano) ay sila ngayong nagtatrabaho doon. Kabilang nga sa kanila si Lino. Magkaganunpama’y marami pa rin ang di kuntento sa pamamalakad ng ‘Kanong may- ari at ng Pilipinong katiwala (si Mr. Cruz). Akala ng mga dating magsasaka ay magandang magpasahod ang mga Amerikano, iyon pala’y higit pang hirap ang sasapitin nila. Isa lamang si Lino sa mga dating obrerong nagtitiis sa ganitong pambubusabos. Masdan ang dayalog sa ibaba:

IBTB:  
“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nilang kapwa trabahador isang hapong magkakasabay silang lumalabas sila sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man tayo inuumentuhan. Alam niya namang pambili lang ng pandesal ang sweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrika.”
“Tagahimod kasi ng pundilyo ng me- ari ang putang ‘nang Whitena ‘yon!”
“At ‘ala ring konsensiya ang me- ari.At ubod pa ng s’wapang.”
…”…Magtayo tayo ng unyon!”
“Di pinatalsik tayo ng mga agad ng puta? Aba!”

Tulad sa DJL, makikita ang disgusto ng mga trabahador sa kwentong IBTB. Ang kanilang galit at hinanakit sa mga may- ari at tagapamahala ng pabrika ay bakas na bakas sa kanilang mga pananalita. Muli, sinikap ng may- akda na maging tapat sa paglalarawan ng mga karaniwang manggagawa. Ang pagpapaikli ng mga salitang kolokyal at pagmumura sa kanilang usapan bilang ekspresyon ng kanilang nadaramanang pang- aapi ay isang natural na reaksyon ng isang karaniwang manggagawa. Naging bukas ang may- akda sa paggamit ng mga bulgar na salita upang maipahayag niya at ng kaniyang mga karakter sa kanyang kwento ang nais nilang sabihin.

Balikan naman natin si Lino Fajardo. Siya ay isang karakter sa IBTB na ayaw umalis sa trabaho sa pabrika sa kabila ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman. Natatakot siyang magutom ang kanyang pamilya at mawalan ng trabahong babalikan kung sakaling lumiban. Kaya naman, hanggang sa katapusan ng akda ipinaglalaban ng mahinang si Lino kay Mr. Cruz na manatili siya kesehodang magmistula siyang uod na gumagapang na sa lupa sa pagmamakaawa huwag lamang siyang tanggalin sa pabrika.

IBTB:
“Talagang mahina ka na, Fajardo. Talagang di mo na kayang magtrabaho.”
Malinaw na malinaw sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ni Mr. Cruz at parang matalim na itak iyong sumugat sa buo niyang katawan at kaluluwa. Nabanaagan niyang papalayo ang mga paa ni Mr. Cruz at gumagapang, gumagapang na pilit niyang sinundan ang mga pang iyon.”
“Hintay, Mister Cruz! Malakas pa ho ako! Malakas pa ho ako! Sabihin n’yo kay Mr. White, malakas pa ho ako!”
Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.

Ang huling bahaging ito ng IBTB ay isang madramang tagpo sa pagitan ni Lino at ni Mr. Cruz. Kahabag- habag ang imaheng ito kung sakaling makakakita ng ganitong larawan sa totoong buhay. Muli’y naging matagumpay si Ka Roger sa pagbibigay sa mga mambabasa ng isang napakagandang eksena nang hindi kinalilimutan ang mensaheng nais niyang ipahayag. Ang kaapihan ng mga uring mangagagawa.

Kung tutuusin, sa pamagat pa lamang ay makikita na ang tonong mapanghimagsik ng dalawang akdang ito ni Ka Roger. Ang ANG DUGO NI JUAN LAZARO ay kinuha mula sa bibliya. Magkaganunman, ang salitang “Dugo” sa isang parirala ay nagbubunsod ng di magandang pangitain. Iisipin ng kahit sino mang mababasa na “baka may pagkamarahas” ang akda kung hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataong basahin ito.  Mula sa aklat ni Juan berso 12, ang kwento ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Lazaro. Muling binuhay ni Hesus ang kaibigan niyang Lazaro , binigyang muli ng hininga at ibinalik sa mudong ito. Kung lilimiin, payak ang simbolismo ng pamagat. Si Mando ay si Lazaro na kailangang buhayin ng mga Hesus- sa katauhan nina Kadyo at ng iba pang manggagawa. Para sa may- akda si Mando ay isang patay na nilalang na maaaring buhayin sa pamamagitan lamang ng isang matinding hagutpit at panggulat. “Patay” ang kanyang paninindigan sa mga bagay na dapat na ipaglaban. Para sa may- akda, ito ang kailangang “buhayin” kay Mando.  Wala siyang magagawa kung siya lang mag-nisa at hindi siya makikiisa. Makikita rin ito sa pamosong linyang inilagay ng may- akda sa simula ng kwento: “BAWAT NILALANG AY HINDI ISANG PULO SA KANYANG SARILI. NARARAPAT LAMANG NA MAKILALA NIYA ANG KANYANG PANANAGUTAN SA KAPWA.” Salin ito ng diktum na, “No man is an island.”.

Ganundin ang ginawa ni Ka Roger sa INUUOD NA BISIG SA TIYAN NG BUWAYA. Kailanma’y hindi magiging kaaya- aya sa paningin ang larawan ng isang brasong inuuod- lalo’t higit ang isang brasong inuuod sa tiyan ng buwaya. Gumawa ng isang tawag- pansing pamagat ang may- akada para pukawin agad ang atensyon ng mga mambabasa. Ang “Bisig”ay palit- saklaw sa mga mangagagawa sa pabrika. Ang pagkakaroon ng “Uod” nito ay pakahulugang wala silang napapala sa kanilang pagpapagal kundi hirap at pasakit. Sa huli, sila mismo ay magmumukha ng uod dahil na rin sa pagmamakaawa sa mga pinapanginoon nilang may- ari ng pabrika (tulad ng nangyari kay Lino). At ang “Buwaya” ay ang mga sakim na tagapamahala at ang ‘Kanong may- ari ng bahay- pagawaan.  Nasa tiyan ng “Buwaya” ang mga “Inuuod na Bisig” sapagkat kinakain at sinasamsam lamang ng “Buwaya” ang kung anumang pinagpapaguran ng mga manggagawa. 

Temang Mapanghimagsik

Walang duda na mapanghimagsik ang tema ng dalawang binasang maikling kwento. Gaya ng nasabi na sa unang bahagi ng sanaysay na ito, sinulat ang mga akdang ito sa panahon ng Aktibismo at Batas Militar- panahon kung kalian laganap ang mga suliraning panlipunan at pampulitika na nagpapahirap sa kalagayan ng bansa. Ang dalawang maikling kwentog ito ni Ka Roger samakatwid ay maikling kwento ng paghihimagsik at pagtutol.

Parehong uminog sa kaapihan ng mangagawa ang dalawang maikling kwento. Sina Mando at Lino ay dalawang mukha ng manggagawang handang magpaalipin para lang sa kakarampot na halaga. Wala na sa kanila kung mawalan man sila ng dangal at delicadeza- ‘wag lamang magutom ang kanilang pamilya.

Ayon nga sa nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes:

Sila’y isang batalyon ng mga alipin… Alipin sila ng kanilang pangangailangan, kaya’t luluhod sila sa isa pang kaalipinan upang matugunan ang hinihingi ng unag kaalipinan. Iaalay nila ang kanilang buong puhunan kapalit ng karampot na limos. Sa pagpapaalipin, sila’y naduduguan, at ito’y natatanggap nila katulad ng pagtanggap ng isang takot manganak sa kanyang panganganak.

Binigyang diin din sa mga akda ang kabalintunaang naabuso ang isang manggagawang Pilipino ng mga dayuhang amo. Sina Chua at Mr. White ay representasyon ng parami nang paraming dayuhang namumuhunan dito sa ating bayan na siyang yumayaman at kumakamkam ng ating mga piso at sentimo.Nagpapakapagod ang mga uring mangagagawang Pinoy para lang sa mga dayong “kumkandili” at “sumasagip” daw sa naghihingalo nating bansa.

Nabigyang pansin din ang isyu sa pagkamkam ng lupa na magpasahanggang ngayon ay laganap pa rin sa bansang ito. Ang pagsasawalang bahala ng mga mayayamang namumuhunan sa pinsalang maaaaring maidulot sa buhay at kabuhayan ng mga taal na nainirahan sa mga lalawigan. Ang pagtatayo ng mga pabrika sa mga ilang na parang at kagubatan, gayundin ang pagsira sa mga palayan at bukirin para gawing subdivision ay tanda raw ng “pag- unlad” ng bansa.

Nakakatawang isipin na ang pagitan ng pagkakalikha ng dalawang maikling kwentong sinuri at ng sanaysay na ito ay bibilang na halos ng tatlong dekada o marahil ay higit pa. Nakakatawang sa tinagal- tagal ng panahon ay pareho pa rin ang mga isyu at problemang kinakaharap ng bansa. Nakakatawang ang dami ngayong call centers na pag- aari ng mga ‘Kano dito at halos lahat ng mga kabataang kagagaling lang sa kolehiyo ay nais magtrabaho doon. Nakakatawang ‘pag pumupunta ang inyong lingkod sa Divisoria at Quiapo ay puro mga Koreano at Intsik ang mga may tindahan doon at mga  Pilipinang kadalasan ay mula sa mga probinsya ang mga tindera nila. Nakakatawang isipin na kahit wala na ang mga prayle at hindi na uso ang sistemang hacienda at encomienda ay laganap pa rin ang pang- aagaaw ng lupa. Kahit mga sakahan, koprahan o tubuhan man ay pag- aari pa rin ng mga makapangyarihan- kung hindi pulitiko mga mayayamang negosyante. Binibigyan lamang ng hindi tataas sa 10% kita ang mga magsasaka at sakadang nagtatanim at walang sawang nag- aalaga upang maging mabiyaya ang lupa. Nakakatawang sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang Labor Groups at Labor Sectors na nagbabantay at nangangalaga sa kapakanan ng mga uring mangagawa ay laganap pa rin ang di pagkakapantay- pantay at maling pagtrato. Nakakatawang kung kalian daw marami ang trabaho, marami pa rin ang mga OFW at laganap pa rin ang contractualization sa halos lahat ng kumpanya. Nakakatawang ginagawa pa nating holiday ang May 1 taon- taon kung hindi rin naman natin alam ang esensiya nito.

Bilang paglilinaw lamang sa naipahiwatig nang paninindigan sa panimula, ang inyong lingkod ay hindi tagatangkilik ng isang pamamaraan o dulog pampanitikan lamang. Sinikap na mailapat ang dulog Bayograpikal, Pormalistiko, Sosyolohikal at Realismo sa munting pagsusuring ito. Kung ang lahat nang nasa itaas ay makatutulong upang higit na makita nang malinaw ng mga mambabasa ang mensahe ng dalawang akda, naniniwala ang sumulat ng sanaysay na ito na naisakatuparan ang layunin ng pag- aaral na ito. 


Si Ka Roger. :)







No comments: