Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Saturday, October 16, 2010

Dahil Wala Namang Obligasyon ang Universe na Protektahan Ka


Hindi ka naman pinilit,
Walang pumewersa sa’yo.
Ni hindi nagkaraoon ng pagkakataong makapagsalita
Ang kabilang panig.
Hindi ka na kinailangang kumbinsihin pa-
Dahil kusa mo namang ibinigay, di ba?


Hindi ka naman bago sa ganitong laro.
Marapat pa nga na mas maalam ka na ngayon.
Kabisado mo na dapat ang mga alituntunin at batas,
Dapat wala nang tanong- tanong .


Hindi ka naman umaangal kapag masaya kayo.
Wala kang reklamo ‘pag siya ang kasama mo.
Masyado kang lutang sa tuwing kausap mo siya,
Kahit wala naman siyang ibang maisagot kundi , “Bahala na.”.


Pero tulad ng iba, ang gulo mo ring kausap.
Hindi mawarian kung ano ba talaga ang hanap.
Isang bakol ang mukha mo, ‘pag di ka pinansin.
Nagngangalit ka, di ka lang sabayan sa pagkain.
Nagngangalaiti ka ‘pag di ka naalala,
‘Pag tuluyang napikon,
Magwawala ka pa


Ikaw ang may gusto, walang namilit sa’yo.
Di ba ikaw ang humiling ng isang himala?
May padasal- dasal ka pa nga sa mga tala.
Kaya wala kang karapatang umatungal,
‘Wag kang manisi ng kung sino- sino.
‘Wag kang magmaktol at mag- alburoto.
Dahil simula’t sapul ‘yan na ang pinangarap mo.


Walang obligasyon ang Universe at ang mga buntalang protektahan ka-
Sa mga hapdi, sakit at pagdurusa.
‘Wag mong ibunton sa eclipse ang mga pangyayari.
Dahil ordinaryo ka lang at di ka katangi- tangi.
Hindi ka espesyal, tulad ka lang din ng iba.
Magpasalamat ka na lang dahil kahit paano,
Naranasan mong
Magmahal, maghintay, mabaliw at magpaloko.

Tuesday, September 28, 2010

MABANGIS NA LUNGSOD ni Efren R. Abueg

Sadyang may mga taong malupit at mapang-api. Kung sino pa ang mahina at aba, siya pang kinakaya-kaya.
       Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki't maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong lunas na walang bias. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
     Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi'y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
     Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi'y mailaw at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
        Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. As sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
       Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan.Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kanyang mga bisig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kanyang katawan.
"Mama... Ale, palimos na po."
      Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng pagmamadali ng pag-iwas.
"Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!"
       Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. "Pinaghahanapbuhay 'yan ng mga magulang para maisugal." madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
      At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghindi sa kanya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
     "May reklamo?" ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito'y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
    At ang mga kamayy ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kanyang bituka.
"Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!"
   Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao'y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.
    Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kanyang kinaroroonan.
   "Malapit nang dumating si Bruno..." ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa'y para sa lahat na maaring makarinig.
    Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapantindig sa kanyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga taon malamig, walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang gutom at pangamba. Kungng ilang araw na niyang nadara iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa't waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
   Ilang barya ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis, dali-daling inilagay ni Adong ang mga barya sa kanyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kanyang palad. At sa kaabalahan niya'y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan, makita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling pag-iwas.
   "Adong... ayun na si Bruno" narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
   Tinanaw ni Adong ang iniguso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya sa kangina pa ay mamamatay. Mahigpig niyang kinulong sa kanyang palad ang mga baryang napagpalimusan.
"Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis niyang sinabi sa matanda.
"Ano? naloloko ka na ba. Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!"
   Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatulog pa rin sa paglalakad, sa simula'y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahad ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya'y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
  Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula't pa'y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.
"Adong!" Sinunsan iyon ng papalapit na mga yabag.
  Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimadsik laban sa gutom, sa pangamba at kabangisan.
"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" Naisigaw na lamang ni Adong.
  Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

Thursday, September 23, 2010

ANG KWENTO NI MABUTI ni Genoveva Edroza-Matute


Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan ng sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya't nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan. Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako'y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay… Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya. Siya'y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya'y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang mga pumalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraangalirip, iyon ay nagging salaminan ng uri ng paniniwala sa buhay. "Mabuti," ang sasabihin niya,"… ngayo'y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama't umabot tayo nsa bahaging to… Mabuti…Mabuti!" Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kung di lamang nahuli niya akonginsangt lumuluha nang hapong iyon'y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin Noo'y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu=bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan,pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan. "Mabuti't may tao pala rito," wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. "Tila may suliranin mabuti sana kung makakatulong ako." Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan, ay ibinilang kong kahihiyan at kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan. "Hindi ko alam na may tao rito"…..naparito ako upang umiyak din." Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa'y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo'y siyang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo'y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit siya'y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya'y tunay na matapat. Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nng bigla kong makaalala. "Siyanga pala, Ma'am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta niyo sa sulok na iyon na…iniiyakan ko?" Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; "ang sulok na iyon na . . . iniiyakan natin. . . nating dalawa." Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig:"sanay'y masabi ko sa iyo, ngunit…ang suliranin. .kailanman. Ang ibig kong sabihin ay . . maging higit na mabuti sana sa iyo ang. . .buhay." Si Mabuti'y nagging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglkalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. "Iniiyakan natin," ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo'y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kuing nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong. . .aming dalawa…. At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang mga sinsabi. Ngunit, sa tuwina, kasyahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno nya ng maririkit na guni-guni an gaming isipan at ng mga tunog ang aming mga pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay nagging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako'y humanga. Wala iyon bdoon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi nagging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan. Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na kiaraniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan. Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buonmg panahon ng pag-aaral naming sa kanya, Ngunit bumabanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak.. .nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya'y hindi balo. Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki ng mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon niyang baka siya ay hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang sa mga bagay na "pinagtitiisang" pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit niyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa man ay nabubuo na sa akingt isipan ang isang hinala. Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya'y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon niya'y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: "Gaya ng kanyang ama!" Narinig n gaming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya'y nagsalita. "Oo, gaya ng kanyang ama," ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi. Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Matitiyak ko noong may isang bagau ngang mali siya sa buhay niya. Mali siya nang ganoon na lamang.n At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang pusoko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang tao man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, "Oo, gaya ng kanyang ama," habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha. Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimtan kailanman. Tiningnan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang pagngionig ng mga labi at sinabi ang ganito: "Mabuti.. mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalkungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahn. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…" Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mgan lihim na kalungkutan ay nakakilala ng mga lihim na kaligayahan. At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng mukha niya,muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang kariktan ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng mbatang iyon marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat. 

Monday, July 26, 2010

Ang Awitin ng Puso ni Ploning

Para sa isang pinakamamahal na kaibigan. Ang inyong lingkod ay laging may iisipin, laging may aalalahanin at laging may hahanaping isang mahalagang tao na naging malaking bahagi ng buhay ko.
Mahihirapan ako ngayong wala ka na Kapatid, ayaw ko pa rin maniwala.Tulungan mo sana ako at ang iba pang mga taong malapit sa'yo na tanggapin ang katotohanang dapat naming ipagpatuloy ang buhay namin na hindi ka na kasama. Maraming,maraming salamat sa lahat ng tiwala,suporta at pagmamahal.


Ang Awitin ng Puso ni Ploning


Hindi namin naramdaman
ang kawalan ng ulan.
Sa mga panahong sinusunog
ni Haring Araw ang buong kalupaan.
Natuyo ang ilog at nalagas ang mga dahon,
pero tinulungan mo kaming ngitian ang mga hamon.

Hindi namin naramadaman ang
hagupit ng bagyo,
kahit pa naglalawa na ang mundo.
'Sanlaksang kulog at kidlat ang dumating,
ngunit sabi mo'y 'wag kaming dumaing.

Nalimot namin ang lupit ng pag- iisa,
pinawi mo ang pakiramdam ng kawalang pag- asa.
Dinala at pinakilala sa iba pang daigdig,
tinulungang buksan ang nakapinid na isip.
Isang malakas na tulak ang ilalahad sa aming pag- atras,
at sa bawat magandang gawa'y isang tapik sa balikat.

Isang matatag na punong masaganang namunga;
Isang ilog na dumaloy at bumuhay sa balana;
Isang munting oasis sa isang malawak na disyerto;
Isang bulaklak na sumibol sa gitna ng delubyo;
Isang kamag- anak na labis ang pag- alala;
Isang tunay na kapusong higit pa sa kapamilya;
Isang gurong nagturo kung pa'nong magmahal at lumaban,
At isang kaibigang kailanma'y di nang- iwan.

Naririnig namin ang 'yong tinig,
tinatangay ng marahang ihip ng hangin.
Kay hirap pagmasdan ang iyong paglayo,
kay bigat sa loob ang 'yong pagsuko.

Nakangiti ka...alam namin.
Masaya ka at maligaya,
sa isang bagong pakikipagsapalaran.
Sana'y baunin mo ang aming pag- ibig.
Dalhin mo ang aming walang hanggang pasasalamat.
Dalangin namin ang 'yong mapayapang paglalakbay.
Isang munting pangako ang hinding- hindi namin babaliin-
ito'y ang laging alalahanin,
ang awitin ng puso mo "Ploning". 



Thursday, June 10, 2010

Idlip

Kaytagal kong hinintay,
ang pagpatak ng ulan.
Ang muling paghalumigmig
ng natigang na lupa.
Nagbalik na rin ang hamog,
at lamig sa madaling- araw.
Napawi na sa wakas,
matagal na pagkauhaw.
Umaawit na muli
ang ibong pipit.
Makulay ang paruparong
sa aki'y lumalapit.
Bagaman wala nang bango
ang mga Dama de Noche,
marami pang gumamela't
santan sa tabi.
Dumadaloy na muli
ang tubig sa batis.
Namunga na rin ang
punong minsa'y nagtampo.
Muli'y naging luntian
ang mga damo sa parang.
Muli'y kasama ka
sa larong taguan.
Bawat minuto at segundo'y
aking susulitin,
dahil matatapos ang lahat
sa aking paggising.

Wednesday, April 28, 2010

Chubibo

Matagal akong nanabik,
Sa pagsakay sa 'yo.
Matagal kong pinangarap,
na maangkin ka.
Nag- ipon ako nang todo...
ng lakas ng loob.
Pakiramdam ko kasi noon
Di ko talaga kaya.
Ang lakas kasi ng dating mo.
Sa malayo pa lang, natutunaw na ko-
napapalunok, pinagpapawisan...
sinisinok pa nga, nanginginig,
kinikilabutan.
Parang tangang di alam kung lalaban ba
o babawi dahil sa sobrang kaba-
nandiyan na, aatras pa.
Nakakasilaw ang liwanag mo.
Nakakahilo ang bawat ikot mo.
Lalo tuloy akong nalilito.
Gustong- gusto ko naman talaga,
ang maiduyan mo.
Ang mahawakan ang mga ulap,
makipaglaro sa mga maya kasama ka.
Ang mahalikan sa pisngi
ng malamig na simoy ng hangin.
Gustong- gusto ko talaga,
kaya susubukin ko na.
Suntok ito sa buwan,
parang pagtalon na rin sa bangin.
Pero bahala na,
Kakapit na lang ako nang mahigpit sa'yo.

Tuesday, April 27, 2010

Oksimoronik


Sino ang kumuha ng perlas?
Mabuti at nakita ng bulag ang lahat.
Nagkwento ang pipi,may aksyon pang kasama.
Pinakinggan ng binging pulis ang mga nangyari.
Itinuro ng lalaking kulang ang daliri kung saan tumakbo,
Pero ang pilantod pa rin ang humabol sa magnanakaw.

Nasaan ang asawa mo?
Hayaan mo na, maliwanag pa naman ang gabi.
'Wag ka ng maghintay ng kalaro sa soltario.
Kainin mo na lang ang malamig na bulalo.
Maniwala kang nasa kapangitan ang kagandahan.
Maaalala ka rin ng makalilimutin mong Mister.

Tapos na ang klase?
Umalis agad ang pagong na guro,
Dinalian ang pagtuturo ng Pisika.
Nabingi yata sa katahimikan ng mga mag- aaral niya,
Napagod sa pananatili sa mesa.
Lumayas, pabulong na sumigaw at nagmura.

Wala ka pa ring trabaho?
Matagal ka nang natapos, noong nakaraang buwan.
Maraming bakanteng posisyon sa pabrika.
Maaari ka ring maging bantay- salakay na guwardiya.
Magsilbi ka na lang kaya sa mga dayong tigarito.
'Pag wala talaga, maghalo ka na lang ng malambot na simento.

Bakit ang dami nilang anak?
Epektibo naman daw ang lumang metodo.
Ngayon, siksikan sila sa malaking barong- barong.
Pero masustansya naman ang ulam nilang talong.
Mabitamina ang kapeng iniinom ng mga bata.
Malusog din naman ang payat nilang katawan.

Saan galing ang mga kalat na 'to?
Malilinis na basura lang naman ang itinatapon ko-
papel, bulok na gulay, mga tira- tirang pagkain at tunaw na plastik lang.
Sana dumaloy na ulit ang baradong estero.
Dahil ayaw kong lumangoy sa munting dagat ng basura,
At malunod sa mababaw na lawa ng grasa.

Siya pa rin ba?.
Pilitin mong 'wag isipin ang init ng kanyang panlalamig.
Dayain mo ang oras at mga panahong wala siya.
'Wag mong pansinin ang napakarami niyang pagkukulang.
Kung talagang mahal mo pa, pagtiisan mo ang kagandahan niya.
Pero kung hindi na, lagi mong alalahaning kinalilimutan mo na siya.

Thursday, April 22, 2010

Sipnayan

Lagi mong hinahanap kung ano ang problema.

Kailangan mo pa ng krokis ng pagpaparami,
kahit simpleng- simple lang naman ang solusyon.

Dagdagan mo ang mga panahon na kasama ako,
Magtanong ka kung anong kailangan ko.
Iwasan mo ring paiyakin ako, dahil nakakasira talaga ng ulo.

Bawasan mo ang pagiging pikunin.
Sikapin mong kahit minsa'y maging masunurin.
'Wag ka ring hihingi ng tawad kung hindi ka naman sinsero,
Nang hindi ka manghiram ng mukha sa aso.

Ayoko ng may kahati sa oras mo,
Sawa na akong maglaro nang tatlo tayo.
'Wag mo ng balakin pang
Muling manloko
Di na ko mangingiming kalabitin ang gatilyo.

Hindi mo kailangan analisahang mabuti,
Wala namang hinihinging pormula.
Mananatiling apat ang sulok ng parisukat,
At hindi ko na rin hihingin pa ang pariugat.

Hindi ko alam kung ano ang kalagamitan,
pero handa pa rin akong sumugal.
Maniniwalang tuwid na ang landas mo, aasa sa'yong pagbabago.

Magbibigay pa rin ako
Ng 'sandaang porsyento,

'Wag lang maging guning bilang sa buhay mo.

Friday, April 16, 2010

Oratio Imperata


Ubos na po ang load ng cellphone ko.
Wala ng kakainin ang aso.
Ga- patak ang tulo sa gripo.
Didiskarte pa ng pambayad sa Meralco.
Bakit hindi pa rin po ako nananalo?
Araw- araw naman akong tumataya sa lotto.
Butas na po ang medyas,
Manipis na rin po ang tsinelas.
'Yung paboritong t- shirt ko po kupas na.
'Yung sinangla ko malapit nang maremata.
Said na po ang mantikang pamprito.
Katiting na ang asin na pino.
Tulog pa ang kapitbahay.
Nainom na po ang huling tagay.
Natunaw ang ice cream ng di ko namalayan.
Lumisan siya nang di man lang nagpaalam.
Natuyo ang ilog, nabitak ang lupa.
Ngunit bakit po biglang bumaha?
Sumabog po ang bulkan, nasira ang daan.
Masamang pangitain-
May eclipse na naman.
Umuuha ang bata,
Subalit wala nang luha.
Nakikiusap po ako, nagmamakaawa
Na sana'y maambunan pa
Ng kahit kaunting pagpapala.

Thursday, April 15, 2010

Balisawsawin

Aalis sana tayo ng eight para maaga.
Naging alas diyes kasi tinaghali ka.
Three pm na nang makaligo ka
Kaya alas sais na kita nakita.

Green ang inisip mong isuot kanina.
Pero napako ang mga mata sa pula.
Yellow ang t-shirt na kinuha,
Pero dumating kang naka- lila.

Nahalinang kumain ng adobo,
Natakam ka rin sa menudo.
Naglaway sa sabaw ng pochero
Pero itinuro kay "Ate" ang mechado.

Pinanghawakan ang mga salitang "Pag-iisipan ko"
Nagalak nang sabihin mong "Oo."
Kinabahan sa pagsabi ng "Teka!"
Naglupasay sa sagot mong "Hindi na."

Pwedeng pagpasensiyahan, kayang pagtiyagaan
Ugali mong pabago- bago ng isipan.
Sadya nga lang mahirap ispelengin,
Ang pag- ibig mong...balisawsawin.

Monday, April 12, 2010

Inspirado/ Desperado


Kumukuha ka na naman ng papel.        Kumukuha ako ng papel.
Bakas ang ngiti sa 'yong mga labi.        Naririnig ko ang mga kuliglig sa daa.
Marami kang gustong isulat.                 Kanina ko pa gustong magsulat
Parang ang saya n'yo kasi kanina.         Sandali lang kasi kaming nagsama.

Hinintay mo siya.                                   Matagal akong naghintay.
Masarap ang fishball ni Manong.          Inabot ako ng gutom.
Mahangin din sa labas.                         Nalanghap ko usok ng buong Maynila..
Tahimik.                                                Nakaiinip.

Nang dumating siya,                             Sa wakas dumating din
Ang saya mo.                                        Wala man lang beso.
Ngumiti siya, nagpasalamat.                 May pera pa ba ako?
Sabay kayong...                                    Sabay kami...
Naglakad.                                             Pero may pagitan.

Nag- usap.                                           Nagkwentuhan.
Malamyos ang tinig, pabulong.           Ngunit di nagkaintindihan.
Tanong mo, sagot niya.                       Oo, hindi,tama, mali, siguro, baka, yata...ewan.
Masaya.                                               Maligaya?

Nagpaalam na siya sa'yo.                     Tinapik niya ako sabay talikod.
Pinagmasdan mo siya papalayo.          Naiwan akong  mag- isa.
Pero nakangiti ka pa rin.                       Napaisip tuloy ako.
Ang nasabi mo na lang,                        Bumuntong- hininga, sabay sabing,
"Salamat".                                            "Bahala na".

Tuesday, March 9, 2010

Pagtatapat isinulat ni Roberto Ofanda Umil

Hindi ka ngayon lamang
Makakarinig ng aking pagtatapat.
Ikaw na ang kalapating
Kasama kong nabasbasan
Mula sa puting kampana
Sa taas ng cake,
Ay ikinasal
Sa aking mga pangarap.

Hindi ka ngayon lamang
Nakahawak-kamay sa pamamasyal.
Ikaw na hindi nagdamot
Ng panahon at bagwis
Mula sa Kristyanong pagbibigkis
Sa gitna ng pagkawalay,
Ay kasalo
Sa mga tagumpay na nakakamit.

Hindi ka ngayon lamang
Naiyakan sa balikat.
Ikaw na insprasyon
Sa pagplano't pagtupad
Mula sa hamon ng syudad
Sa pagunlad ng makina,
Ay lakas
Sa aking mga panghihina.

Ikaw na nagpasuso
Sa ating mga anak
Mula sa dignidad ng tradisyon
Sa tangi ng pagbati,
Ay nagtiwala
Sa aking pagtango.

Kumukuha ka na naman ng panyo
Para ang 'yong pisngi ay matuyo.

Ngayon mo lamang
Narinig ang aking pagtatapat-

Na sa iyo ay di ako naging tapat.