PANGUNGUSAP- Isang sambitlang may panapos na himig sa dulo. Ang panapos na himig na ito ang nagsasaad na nasabi na ng nagsasalita ang nais niyang sabihin.
Mga ayos ng pangungusap
May dalawang ayos ang pangungusap: karaniwan at di-karaniwan. Kung panaguri ay nauuna kaysa simuno, ang pangungusap ay nasa karaniwang ayos; at kung ang simuno naman ang nauuna kaysa sa panaguri, ang pangungusap ay nasa di-karaniwan ayos. Ang panandang "ay" ay kadalasang makikita sa mga pangungusap na nasa di karaniwang ayos.
- Karaniwan - Nagsisimula sa Panaguri at Nagtatapos sa simuno.
Halimbawa: Bumili ng bagong sasakyan si Elsie.
- Di- Karaniwan - Nagsisimula sa Simuno at Nagtatapos sa Panaguri.
Halimbawa: Si Elsie ay bumili ng bagong sasakyan.Uri ng mga pangungusap
Ayon sa pangungusap na walang paksa
- Mga pangungusap na eksistensyal - nagpapahayag ng pagkamayroon ng isa o higit pang tao, atbp. Pinangungunahan ito ng may o mayroon. Halimbawa: Mayroon daw ganito roon.
- Mga pangungusap na pahanga – nagpapahayag ng damdaming paghanga. Halimbawa: Kayganda ng babaing iyun!
- Mga sambitlang – tumutukoy sa mga iisahin o dadalawahing pantig na nagpapahayag ng matinding damdamin. Halimbawa: Aray!
- Mga pangungusap na pamanahon – nagsasaad ng oras o uri ng panahon. Halimbawa: Maaga pa.
- Mga pormularyong panlipunan – mga pagbati, pagbibigay-galang, atbp. na nakagawian na sa lipunang Pilipino. Halimbawa: Magandang umaga po.
Ayon sa kayarian
Ang pangungusap ay may apat na kayarian: payak, tambalan, hugnay at langkapan.
Ang payak na pangungusap ay nagpapahayag ng iisang kaisipan. Maaaring nagtataglay ng payak o tambalang simuno at panaguri. May apat itong kayarian: payak na simuno at payak na panaguri; payak na simuno at tambalang panaguri; tambalang simuno at payak na panaguri; at tambalang simuno at tambalang panaguri.
Mga halimbawa:
- Ang pamahalaan ay masigasig sa mabilisang pagsugpo ng kriminalidad sa bansa.
- Ang mga lalaki at babae ay naghahanda ng palatuntunan para sa darating na pista.
- Ang aming pangkat ay naglinis ng mga kalye at nagpinta ng mga pader sa paaralan.
- Ang mga guro at mag-aaral ay aawit at sasayaw para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Ang tambalang pangungusap ay binubuo ng dalawa o higit pang sugnay na makapag-iisa:
Halimbawa:
- Nagtatag ng isang samahan sina Arnel at agad silang umisip ng magandang proyekto para sa mga kabataan ng kanilang pook.
- Maraming balak silang gawin sa Linggo: magpapamigay sila ng pagkain sa mga batang lansangan, magpapadala sila nga mga damit sa mga batang ulila saka maghahandog sila ng palatuntunan para sa mga maysakit sa gabi.
Ang hugnayang pangungusap ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa at isa o dalawang sugnay na di-makapag-iisa.
Halimbawa:
- Gaganda ang iyong buhay kung susunod ka sa mga pangaral ng inyong magulang.
- Ang batang putol ang mga kamay ay mahusay gumuhit.
Ang langkapang pangungusap ay binubuo ng dalawa o mahigit pang sugnay na makapag-iisa at isa o mahigit pang sugnay na di-makapag-iisa.
Halimbawa:
- Ang buhay sa mundo ay pansamantala lamang kaya't dapat na tayo ay magpakabuti upang makamit ang kaligayahan sa kabilang buhay.
- Nahuli na ang mga masasamang-loob kaya't payapa na kaming nakatutulog sa gabi, kasi sila lamang ang gumugulo sa amin.
- Ang mga bayani natin ay namuhunan ng dugo upang makamtan ang kalayaan nang ang bayan ay matahimik at lumigaya.
Iba pa
Maiuuri rin ang pangungusap bilang pasalaysay o paturol, patanong, pautos at padamdam:
- Pasalaysay o Paturol: Ito ay nagsasalaysay ng katotohanan o pangyayari. Lagi itong nagtatapos sa TULDOK(.)
- Patanong: Ito ay nag-uusisa tungkol sa isang katotohanan o pangyayari, at tandang pananong(?) ang bantas sa hulihan nito.
- Pautos: Ito uri ng pangungusap kung saan ay nakikiusap o nag uutos ito.
- Padamdam: Ito ay nagsasabi ng matinding damdamin gaya ng tuwa, lungkot, pagkagulat, paghanga, panghihinayang at iba pa.
No comments:
Post a Comment