Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, November 3, 2013

IKUWENTO MO SA PAGONG

Pumunta ka sa gubat
Kausapin mo ang mga kulisap.
Maghanap ka ng mga salaginto’t salagubang
Sa kanila ka makipaghuntahan.
Habulin mo ang mga tutubi,
Manghuli ka ng mga tipaklong,
Magpaliwanag ka sa kanila.
Doon,
Doon ka maghabol ng mga insekto.
Kapag inabot ka ng dilim,
Magpasama ka sa mga alitaptap,
Baka sakaling maliwanagan ka.
Ilahad mo ang argumento mo
Sa mga kuwago.
Siguradong hindi ka nila tutulugan.
Kapag hindi pa rin umubra,
Pumunta ka sa may ilog
Pero huwag ka ng maghanap
Ng matabang isda,
Bubugnutin mo lang din naman sila.
Sa mga palaka ka maglitanya
Dahil mukhang wala naman kayong pinagkaiba.
Kapag lumundag sila nang mabilis
Huwag mo nang habulin,
Malamang nairita na rin ‘yon sa’yo.
Maghanap ka ng hayop
Na medyo mabagal- bagal
Sa kanila mo ikuwento
Ang mga bulaan mong istorya
Baka sakaling di nila agad makuha
At paniwalaan ka.
Sa pagong...
Sa pagong mo ikuwento
Ang mga kasinungalingan mo. 




Sunday, October 20, 2013

RESUREKSIYON

Mula sa kawalan
Galing sa kalawakan
Sa isang mahabang paglalakbay
Patungo sa kung saan
Naglakad ako sa mga ulap
Tumakbo- takbo ako sa purgatoryo
At pilit kong tinakasan ang impiyerno.
Sapagkat di lang isang beses akong namatay
Di lang miminsan akong pinagluksaan
Ng aking pamilya’t mga kaibigan
Ng mga taong di ko kilala
Di lang isang panahon silang lumuha
Dahil palagi nilang naririnig ang aking pagtangis
Ang aking paghingi ng tulong sa tuwina
Walang sigaw mula sa akin ang di nila naulinigan
Subalit wala naman silang nagawa
Sapagkat ako mismo ay paralisado
Ang isip, ang katawan at ang kaluluwa
Pinaslang ako ng taong minsa’y aking sininta
Mas ginusto niyang mamatay ako
Para mabuhay siya
Katawa- tawa.
Dahil ang bilis niyang nakalimot
Nawala sa kaniyang gunita
Na matagal naman na talaga akong patay
Inabutan na niya akong walang buhay.
Ginising niya lang akong muli
Binigyang- hininga lang ako ng kaniyang pag- ibig
Pinakilos ako ng kanyang pagmamahal.
Pero nalimot niya ‘yon.
Pinaglamayan ako.
Pinagsindihan ng kandila
At pinagdasalan.
Natapos ang pasiyam.
At ang apatnapung araw ng pagdadalamhati.
May bagong kamay akong nakikita sa liwanag.
At hawak- hawak niya ang aking puso.
Makinig ka,
Tulad ko rin 
Ikaw ay mamamatay
Subalit kahit walang katiyaka'y
Pipiliin mo pa ring muling mabuhay. 

LIBING

Hinukay ko na
Ang paglalagakan,
Ang pagtatapunan.
Malalim at malawak na
Ang butas na nagawa ko.
Singlalim ng ginawa mo noon.

Naipon ko ng lahat
Ang mga papel at plastik
Na regalo mo.
Plastik--
Na tulad mo,
Na  kahit ibaon nang pagkalalaim- lalim
At tabunan ng pagkarami- raming lupa
Ay di mabubulok at masisira.

Paulit- ulit
Mo akong pinatay,
Binuhay,
Pinatay...
At inilibing.
Hindi ako makagulapay
Sa sakit,
Sa kahihiyan.

Malas mo
May sa pusa ako.
At higit pa sa siyam na buhay,
Sa pinakamalakas na salamangka
Nakabangon akong muli
Para pagmultuhan ka.

Dala ko na ang pala.
Malapit ng magsimula ang seremonya,
Bago ko maihampas sa’yo ang lapida,
Ibabaon na kita.
Kasama ng ‘yong mga nasirang pangako ng pagsuyo,
Ng pagsinta,
Ng pag- ibig,
At ng paglimot.
Ililibing na kita,
Kasama ng ‘yong mga alaala.

Wednesday, September 25, 2013

BIRHEN

Isinalin ni Romano B. Redublo mula akdang "The Virgin" ni Kerima Polotan- Tuvera 

Pumunta siya kung saan nakaupo si Ms. Mijares. Isang matangkad at matipunong lalaking may magiliw na paggalaw. Isang lalaking nalalaman ang lebel ng kanyang itsura at pangangatawan at ginagamit niya ito nang husto. Naupo siya sa isang lumang silyang mapaghahalatang niluma na ng panahon at ng ilang umupo doon para mag- aplay ng trabaho. Ibinigay ni Ms. Mijares ang mga papel na kailangang sagutan ng lalaki, nag- abot na rin siya ng lapis. Habang sinasagutan ng lalaking nakaupo ang mga papeles na iniabot niya, napansin ni Ms. Mijares sa kanyang relo na alas diyes na ng umaga.

“Alas diyes na pala, babalik rin ako agad. May pupuntahan lang ako.” Gumamit siya ng Tagalog. Di niya kasi alam kung marunong mag- Ingles ang aplikante. Isa pa, alam niyang mas gusto at bihasa naman silang mag- Tagalog. Para kay Ms. Mijares, ang paggamit ng katutubong wika ay tanda ng kanyang pagmamalasakit. Ayaw niyang mapahiya pa ang aplikante.

“May pupuntahan lang ako. Hintayin mo ako.” Sabi pa ni Ms. Mijares.
Habang naglalakad siya paputa sa canteen, naisip ni Ms. Mijares na napakadali naman para sa kanyang sabihing,

“ Pakihintay mo ako ha.”, o kaya’y “May pupuntahan lang ako. Mahihintay mo ba ako?”. Subalit sa tagal na rin niya sa pagtatrabaho sa placement section ay tila napapagod na siya, nayayamot at nabubugnot. Dahil dito ay tila nabawasan na rin ang kanyang paggalang sa kapwa. Kahit di naman sinasadya ay nagsasalita siya nang mabilis, nakakalimutan na niyang gumamit ng ”po” at “opo”. Kahit di niya naman intensiyon, pakiramdam niya ay nababastos niya minsan ang kausap niya.

Sa tuwing kinakausap niya ang mga aplikante at tinatanong ang mga paulit-ulit na tanong niya tungkol sa paghahanap ng trabaho, nakikita niya ang kaba sa mga mukha nila: ang pagkapahiya, ang panunuyo ng mga labi, ang pagkuha nila ng panyo para punasan ang mga pawis at  ang panginginig ng kanilang mga kamay habang kinakausap siya. Sa di maipaliwanag na dahilan ay nakararamdam na siya ng pagkainip na di niya mawari kung saan nagmumula. Kahit ang simpleng, paglalagay ng aplikante ng markang “x” o kaya’y paglalapat ng thumbmark sa sinasagutan nilang papel ay ikinayayamot na niya. Ang ginagawa na lamang niya ay iniiwas ang kanyang tingin. Madalas niyang ibinabaling ang kanyang mga mata sa panyong nakalagay sa bulsa ng kanyang blusa. 

Nang makarating siya sa canteen ay naupo siya sa isang bakanteng mesa, mag- isa lamang siya noong mga oras na iyon. Wala sa itsura ni Ms. Mijares na 34 anyos na siya. Payat siya, medyo mabuto na nga, subalit mahusay siyang magdala ng damit. Alam niyang wala siyang pigurang kurbado at kahuhumalingan ng mga lalaki kaya natutuo siyang dayain ito. Ang mga pang- itaas niya ay palaging may mga ribbon, lace at ruffles para makagawa ng ilusyon sa mga tumitingin sa kanya, kunwari’y mayroon siyang maambok na balakang at dibdib. Ang mga kulay na pinipili niya ay pastel dahil higit itong nakakabata. Sa tagal na rin ay natuto na siyang mag- ayos ng sarili dahil iyon ang hinihigi ng kanyang trabaho.

Maganda rin ang pagkakaayos ng kilay ni Ms. Mijares, malamang ay inaahit o binubunutan pa niya ito. Tuwing gabi ay nilalagyan niya rin ng rollers ang kanyang buhok para paggising niya sa umaga ay mas maganda at masinsin ang pagkakulot nito. Manipis lang ang pisngi niya dahil nga payat naman siya. May maliit siyang baba at may prominenteng panga o jawline. Sa tuwing nakakaramdam siya ng disgusto sa isang bagay o sitwasyon ay bigla siyang ngumunguso nang malaki, kakaiba ito para sa isang taong may maliit na mukha.

Tama, hindi masama ang itsura ni Ms. Mijares subalit hindi rin naman siya ganoon kaganda. Napakaordinaryo ng kanyang itsura. Tipikal para sa mga babaeng may katulad niyang trabaho. Siya rin ‘yong tipong may mukhang laging pinag- aalaga ng mga makukulit na pamangkin.

Ganoonpaman, naiisip pa rin niya ang pag- ibig; mga panandalian at maiikli subalit madalas na pangarap at panaginip ng pagkakaroon ng kasintahan.  Halimbawa, nang minsang may makasay siyang isang lalake sa jeep, naramdaman niya ang katawan ng lalake dahil siksikan. Nagkadikit pa ang kanilang mga hita. Sa tuwing may hawak siyang bata, naiisip niya, paano kaya kung magkaanak na rin siya. Tuwing nanonood siya ng pelikulang romantiko, ng mga love stories, puro anino sa dilim ang nakikita niya. Lahat ng iyon ay may katabi at kapareha. Lalo pang nag- aalab ang kanyang lungkot kapag ipinakita na sa malaking screen ng sinehan ang paghahalikan ng bidang lalake at ng bidang babae.  Mapapahawak na lamang siya sa kanyang mga labi na kahit minsan ay di pa nahahalikan.

Noong medyo bata- bata pa siya, napakaraming bagay ang kinailangan niyang gawin—dapat siyang matapos sa kolehiyo, may pamangkin siyang dapat pag- aaralin at may nanay siyang kailangang alagaan.

Kinaya niya ang lahat ng iyon dahil na rin sa kanyang pagtitiyaga. Likas talaga siyang pasensiyosa. At saka isa pa, pakiramdam niya noon, ang pag- ibig, nasa paligid lang. Mas idealistic pa siya, ika nga ng iba. Ang sabi niya sa sarili, hindi siya dapat mangamba dahil hihintayin siya ng kanyang tunay na pag- ibig. Subalit, hindi man magandang sabihi’y natagalan sa pagkakaratay sa banig ng karamdaman ang kanyang ina. Matagal niya rin itong inalagaan. Matagal na pinahirapan ng sakit ang kanyang magulang at sa huli’y bumigay rin. At siya, naiwang mag- isa. Bukod sa labis na kalungkutan, pakiramdam niya noo’y nasayang ang lahat ng taon ng kanyang pag- aaruga, ni hindi man lang siya napasalamatan. Wala siyang kasama, walang magulang, kapatid, at lalong walang kasintahan. Siyam na taon ang lumipas, siyam na taon ang nawala. Tuwing mag- isa siya sa madilim na silid ay tinutulungan siya ng kanyang mga kamay sa paglalakbay, lalo siyang nalulungkot dahil ang mga kamay na iyon ay hindi pa nahahawakan ng kahit sinong lalake.

Pagkagaling sa canteen ay bumalik na sa opisina si Ms. Mijares. Nakita niyang nakatayo sa may bintana ang lalaking iniwan niya kanina. “Ito,” sabi ni Ms. Mijares habang papalapit,” nasagutan mo na rin ba ang mga ito?” “Opo.” Ang sagot ng lalaki na ngayon ay nakaharap na kanya.

Nakatayo pa rin ang lalake. Sa kanyang kamay ay hawak niya ang isang pabigat sa papel (paperweight) na ibon (hindi malaman kung Agila ba o Maya) na yari sa kahoy.  Iniregalo iyon kay Ms. Mijares. Luma na ang ornamentong iyon, matagal na sa kanyang mesa. Nang minsang nalaglag, tuluyan ng nasira ang isang pakpak.
Nagulat ang mga katrabaho ni Ms Mijares kung ano ang nahulog. Ang nasabi na lang niya dahil na rin sa labis na pagkabigla, “May bumaril yata!” Pagkatapos noon ay natawa na lamang siya.

Inayos ng lalake ang lumang paperweight. Iniikot ang maluwag na turnilyo sa pakpak at tinanggalan ng alikabok.  Ngayong nasa kamay na ng lalaki ang ibon ni Ms. Mijares, mukha na itong maamong kalapati.
Biglang kinuha ni Ms. Mijares ang ibon sa lalaki, ni hindi man lang nagpasalamat. Pinaupo niya ang lalaki. Saka binasa ni Ms. Mijares ang mga sinagutang papel.

Nakatapos lamang siya ng hayskul. Dati iyang karpintero
Di tulad ng iba, di naman siya mukhang naghihirap. Ang suot niyang damit, kahit luma, ay naplantsa nang maayos. Kumpleto rin ang butones ng kanyang damit. Maganda ang lapat ng manggas ng kanyang polo sa kanyang malalaking braso.

“Ang sabi po ng kaibigan ko, nangangailangan kayo ng trabahador sa pier.” ang sabi ng lalaki habang nakatingala kay Ms. Mijares. “Hindi pa naman ako nagugutom.”, sabay ngumiti. “May naipon pa naman po ako mula sa dati kong trabaho. Ang nangyari lang po eh nagkahiwa- hiwalay kami ng mga kasama ko. Alam n’yo naman mahirap magkarpintero nang mag- isa. Mula sa pagpaplano, sa paglalagare, pagpapako, hindi ‘yon kaya ng isang tao lang, kailangan po isang team talaga. “

Malamang ay di naman sinasadya ng lalake, kaya lamang, naisip ni Ms. Mijares na para sa isang naghahanap pa lamang ng trabaho, napakakampante at makwento ng lalake, ang daming sinasabi. Mga ilang minuto niya rin iyong ikinainis.

Kumuha ng kapirasong papel si Ms. Mijares at sinabing, “ Since you are not starving yet,” sa Ingles na niya ngayon kinakausap ang lalake, para malaman nito ang dapat niyang kalagyan,”you will not mind working in our woodcraft section, three times a week at two- fifty to four a day, depending on your skill and the foreman’s discretion, for two or three months after which there might be a call from outside we may hold for you.”
“Maraming salamat, Ma’am.” ang sabi ng lalaki.

Di pangkaraniwan ang araw ng pasok ng lalake, dahil tatlong beses isang linggo nga lang, tuwing Martes, Huwebes at Linggo lang siya pumapasok. Madalas bumisita doon si Ms. Mijares para kausapin si Ato, ang foreman sa woodcraft section. Pinag- uusapan nila kung sinong trabahador ang matatapos na ang kontrata. Palagian kasi ang pagpapalit ng trabahante, tatlong buwan lang ang pinakamatagal na pamamalagi ayon sa kasunduan.

“’Yong bago,” ang sabi ni Ato ”Maayos naman ang trabaho.” Itinuro niya ang mga natapos ng mga cabinet na magiging lalagyan ng mga libro.

Noong Miyerkules, tinanong ni Ms. Mijares si Ato, “Magkano ang nakukuha niya bawat araw?” “Tres.” Sagot naman ni Ato.

Tinignan ni Ms. Mijares ang kanyang listahan, pinaraanan ng lapis. “Pero ‘yong posisyon niya, dapat kwatro ang bayad ah. Halika rito.” Tinawag ni Ms. Mijares si Ato papalapit pa. “Dagdagan mo ang sahod niya, gawin mo ng kwatro.” “Kalahati lang, Ma’am, gawin nating thee- fifty.” ang tila nabugnot na sagot ni Ato.
“Sabi ni Ato dapat daw po akong magpasalamat sa inyo.” ang sabi ng lalaki habang pinipigilan sa paglalakad si Ms. Mijares sa bakuran ng pinagtatrabahuhan niya.

Tanghaling tapat, ang pinakamainit na oras ng araw na kung saan pakiramdam ni Ms. Mijares lalo siyang nagmumukhang matanda at pagod na pagod dahil nararamdaman niyang hinahaplos na ng mainit na sinag ng araw ang manipis niyang mukha. Nagsisimula na naman siyang mainis subalit pinigilan niya ito. Ngumiti na lamang siya at nagsabing,  “ Kalahati lang naman ang idinagdag sa sahod mo, ibibigay rin naman talaga ‘yon sa ‘yo ni Ato pagkatapos ng ilang linggo”.

“Oo nga po, pero kayo po ang nagsabi kay Ato.” Lalong lumalapit ang matipunong katawan ng lalaki.

“Salamat ulit, kahit hindi ko masyadong kailangan, di tulad ng ibang trabahador dito. Wala pa naman kasi akong asawa—sa ngayon.”

Tinignan ni Ms. Mijares nang matalim ang lalaiki dahil naramdaman niya ang malisya sa boses nito. “Gagawin ko ‘yon sa kahit na sino!” tumalikod na siya at nagpatuloy na sa paglakad. Galit na galit siya dahil pakiramdam niya ay pinahiya siya ng lalaki kahit dalawa lang naman silang nakarinig ng kanilang pag- uusap.

Nang sumunod na linggo, may nangyari sa kanya: naligaw siya sa biyahe pauwi sa kanyang bahay na tinutuluyan.
Sigurado si Ms. Mijares na tama ang nasakyan niyang jeep. Pero dahil na rin gustong umiwas sa matinding trapik ng tsuper ay lumiko ito sa mga maliliit na eskinita. Nang makitang papaubos na ang gasolina, humanap na naman ang drayber ng ibang shortcut para makapagpakarga agad. Pagkatapos noon, hindi na alam ni Ms. Mijares kung saang lupalop na siya napadpad.

Madilim ang lugar na kanyang napuntahan, mabababa ang mga bahay at tila nakasimangot ang lahat ng mga tao. Ang tsuper na kanina ay magiliw at makwento, ngayon ay parang isang malupit na estranghero. Nilakasan na lang niya ang kanyang loob. Bigla niyang naalalang nangyari na ito sa kanyang panaginip. Paulit- ulit, sa kanyang panaginip, na sa tuwing uuwi siya, tila may pwersang pumipigil sa kanya at gumugulo sa kanyang daan.
Hindi rin naman nagtagal ang pagkakaligaw niya. Nang huminto ulit ang drayber sa isang pamilyar na lugar ay bumaba na siya. Alanganin nga lang ang kanyang binabaan. Nakatayo na siya sa isang street island para mag- abang ng panibagong sasakyan. Sari- saring ilaw na ang kanyang nakikita, hapong- hapo na siya sa maghapong pagtatrabaho, lukot- lukot na ang kaninang maganda niyang damit. Pagod na siya.   

Ang lalakeng kapapasok pa lamang sa trabaho at nabigyan agad ng umento sa sweldo ay lumiban ng isang linggo. Hinintay siya ni Ms. Mijares noong Martes subalit hindi siya dumating. Isang mahalagang tagubilin sa kanilang kompanya, maging sa iba pa, na kung liliban ay dapat magpasabi agad. Bumabagal ang produksyon sa tuwing nababawasan ng isang trabahador.  Dahil lamang sa isang pagkakamali, ang pagkalimot sa pagbibigay ng abiso, maaaring mawalan ng trabaho ang lalaki.

“Umuwi po ako ng probinsiya, Ma’am.” ang agad na sinabi ng lalaki kay Ms. Mijares.
“Bakit hindi ka man lang nagpasabi nang mas maaga?” ang sagot ni Ms.Mijares.
“Emergency lang po, Ma’am. Namatay po kasi ‘yong anak kong lalaki.”
“May anak ka? Paanong...?”

Isang mabagal subalit matinding inis ang unti- unting gumapang sa loob ni Ms. Mijares. “Pero ang sabi mo binata ka pa?”
“Hindi po, Ma’am”, sinabi niya habang may pagmumwestra pa ng kamay.
“May asawa ka ba?”
“Wala po, Ma’am.”
“Pero ikinasal ka—may anak nga kayo!”

“Hindi po ako ikinasal sa nanay ng anak ko.”, ang sabi ng lalaki, may kasama pang kakatwang pagngisi, at sa unang pagkakataon ay napansin ni Ms. Mijares na malayo pala ang pagitan ng dalawang ngipin sa harap ng lalake. Tila kinabahan din naman ang lalaki dahil naramdaman niyang pumipitik- pitik ang mga ugat niya sa kanyang sentido.

Umiwas na lamang ng tingin si Ms. Mijares para pigilin ang labis na galit.
“Dapat sinabi mo sa amin lahat”, nagpipigil pa rin siya ng yamot.
“Hindi ko po kasi naisip na mahalaga pa ‘yon” , sagot ng lalaki.

“Parte ng negosyong ito ang buhay niyo!” ang sigaw ni Ms. Mijares sa lalake.
Umulan nang pagkalakas- lakas noong hapong iyon, sunod- sunod din ang kulog at kidlat. Tila nakikiayon ang panahon sa nararamdaman ni Ms. Mijares.

Pasado alas sais na ng hapon nang lumabas siya ng opisina. Mabilis na kumalat ang dilim at patuloy pa rin ang matinding buhos ng ulan. Ganoonpaman, pinanatili niya ang tapang sa sarili at sinabing hindi siya dapat maligaw sa gabing iyon. Nang pumara siya ng jeep at sumakay, may isang tao ang biglang sumunod sa kanya. Pag- upo ay napansin niyang ang lalakeng karpintero pala ang sumunod sa kanya. Tumungo siya pero dagli ring umiwas ng tingin.

Ang kanyang takot sa kanyang panaginip ay unti- unti na namang bumabalik sa kanyang isipan habang bumibiyahe. Hindi pa man nakakalayo ay lumiko ulit ang drayber para maghanap ng shortcut. Sa ibang eskinita naman ngayon. Subalit ganoon pa rin, alam niyang maliligaw pa rin siya maya- maya lamang. Pinipilit pa rin niyang aninagin sa bintana ang tanawin kahit matindi pa rin ang buhos ng ulan sa labas. Dinarasal niyang sana’y nasa pamilyar na lugar pa rin sila ng mga panahong ‘yon.

“Hanggang dito na lang po tayo” sabi ng tsuper. “malapit naman na po ‘yong main road eh, sa kabila na lang.”

“Pero ang lakas ho ng ulan.” protesta ng isang pasahero.

“Pasensiya na po. Kapag naipit po ako ngayon sa trapik, baka abutin tayo ng susunod na taon bago makaalis. Sorry po.”

Isa- isa ng bumaba ang mga pasehero. Mabilis silang naglakad palayo patungo sa madilim na daan.
Bumaba si Ms.  Mijares sa isang mataong tindahan sa isang eskinita. Nagsisimula na namang lumakas ang hangin, naririnig pa niya ang tunog ng malakas na ihip nito.

“Ma’am,” narinig ni Ms. Mijares ang boses ng lalake na nasa kanyang likuran. “pasensiya na po kayo pero hindi po talaga ako nagsinungaling, hindi ko lang nasabing may anak na ako.”
Iminuwestra ni Ms. Mijares ang kanyang kamay na tila pinatatawad na ang lalaki. Hindi muna siya nagsalita.
Inilibot ni Ms. Mijares ang kanyang mga mata sa lugar na kanilang kinalalagyan. Basang- basa ang paligid. Sa isang iglap, tila naglaho ang lahat at ngayo’y sila na lamang ang tao doon-- sa oras na iyon, habang umuulan at madilim. 


Sa kaibuturan ng kanyang puso, ang mga pangarap niya ay muli na namang nabubuhay. Sa oras na iyon, sa piling ng isang matipunong lalaki, bumubulusok papalapit sa kanya ang kanyang mga pangarap, bumubulusok sa gitna ng ulan subalit wala siyang pakialam. Dapat na akong umalis, ang sabi niya sa sarili. Subalit lumapit na ang lalaki sa kanya at hinawakan na siya nito. Sa paglapat ng kamay ng lalaki sa katawan niya’y tila lumundag ang buo niyang pagkatao. Nagbalik sa kanyang alaala ang unang pagkakataong nakita niya ang kamay ng lalaki sa ibabaw ng kanyang mesa at ang pagkakahawak niya sa ibong yari sa kahoy (na nagmukhang isang magandang kalapati). Sa oras na iyon, sa gitna ng ulan, sa ilalim ng dilim ng kalangitan, kahit na basang- basa na siya, siya ay nagpaubaya na. Nagpaubaya na siya.

Thursday, August 22, 2013

Yeso/ Chalk/ Tsok

“Kunin mo ang yeso sa ibabaw ng mesa para makapagsulat ang guro sa pisara.”

Ganito ang inaasahan sa akin lagi ng mga estudyante ko. Lagi nilang iniisip na kapag pumasok na ang guro nila sa Filipino laging parang tumutula. Akala nila ang guro nila ay purong- puro talaga kung magsalita—dalisay, matimyas, malalim at ubod sigla sa pananagalog o sa pamimilipino. Iyong para bang apo sa tuhod ni Balagtas o kaya pamangkin ni Jose Corazon de Jesus kung umasta.

Hindi ako ganoon.  

Akala ko dati, bilang guro sa Filipino ay kailangan kong magpursige at magsikap sa paggamit ng ating sariling wika sa lahat ng oras habang itinuturo ko ang aking asignatura. Ibig sabihin noon, dapat maging puristang Tagalog ako sa pananalita. Ginawa ko naman ‘yon nang buong puso, sa simula. Natuwa ang mga mag- aaral at ang mga katrabaho ko, natuwa silang lahat dahil matatas daw akong mag- Tagalog (‘yon talaga ang tawag nila). Natuwa sila...ako lang ang hindi. Dahil hindi nga ako ganoon.

Pinilit ko pa ang sarili kong gumamit ng “tuwid” na Filipino sa klase ng mga ilang taon pa. At ang resulta noon ay naging mahigpit din ako sa aking mga mag- aaral. Marapat lamang na ako na kanilang guro, na gumagamit ng Pambansang Wika ay obligahin din ang aking mga estudyanteng kausapin ako at tumugon din sa purong Filipino. Nagagalit ako sa kaunting Ingles na salitang aking naririnig mula sa kanila. Hindi nila mabuo ang isang pangungusap kung hindi sila maglalagay ng kahit isa lang na salitang Ingles. Nais kong sabihing ang mga batang ito ay nasa kolehiyo na. Ordinaryo sa kanila ang mga salitang, “subject”, “assignment”, “project”, “report” at ang mga salitang “asignatura”, “takdang- aralin”, “proyekto” , “ulat” ay parang mga salitang nagmula sa ibang planeta. Nakatutuwang pakinggan sa simula ang aking kahusayan sa pamimilipino subalit naging nakaiilang at nakaiinis na ito kalaunan para sa aking mga mag- aaral. May kung anong pader na akong nilikha sa pagitan ko at sa pagitan nila. Bumagal ang pagtalakay sa mga aralin at naging napakahirap ng paghingi ng maayos na tugon.

Isang araw, naisip kong baguhin ang aking paraan ng pagtuturo. Sinadya kong haluan ng Ingles ang pagsasalita ko sa klase. Tawagin mang Taglish, Enggalog o Code- switching ang ginawa ko ay binalewala ko na. Sinimulan ko sa pakonti- konti. Kung noon ang sinasabi ko,“Magandang umaga sa inyong lahat. Ano nga ulit ang tinalakay natin noong nakaraang araw?”, pinalitan ko ng “Good morning, san na nga tayo ulit last meeting?”.Kahit ako nanibago sa sarili ko. Para kasing mali. Hindi kasi ito ang nakasanayan ko noong bagong guro pa lang ako. Hindi rin ganito ang turo sa unibersidad na aking pinanggalingan. Ang sabi ng mga dati kong propesor, kaming mga guro sa Filipino raw ang tutulong panatilihin ang kulturang Filipino. Dapat kaming manguna sa paggamit ng pambansang wika. Subalit bakit noon, panay- panay ang gamit nila ng salitang “ballpen”, “bag”, “notebook”; bakit hindi nila ginamit ang mga salitang “pluma (ink)”, “tampipi o sisidlan” o “kwaderno” man lang? Kaya naisip ko, hindi rin sila purong mag- Filipino.  Ano ba kasi ang purong Wikang Filipino? Mayroon pa bang ganoon?

Ang Pinakbet at Chopsuey ay parehong masarap na ulam, parehong malasa, parehong malinamnam, at parehong binubuo ng halo- halong mga gulay. Kinakain natin lagi kasi masarap. Parang ganito ang ating wika. Sa dami ba naman ng sumakop sa atin, mula sa Espanyol, Hapon, Amerikano; idagdag mo pa ang mga impluwensiyang Arabe, Malay at Tsino, imposibleng maging puro ito. Halimbawa sa pahayag na, “ipatong mo sa mesa ang bag” ay makikita ang mga salitang Ingles na “bag” at salitang Espanyol na “mesa”.Sabihin mo, malabo ba? Mabilis namang makukuha ang ibig sabihin. Mali ba ang estudyante kapag nagtanong siya ng, “Sir, may assignment ba tayo?”. Dapat ko ba siyang pagalitan at sabihing mali siya? Na ang mas tama ay “Ginoo, may takdang- aralin po ba tayo?”. Hindi na ganitong magsalita ang mga mag- aaral. Pare- pareho kayong mahihirapan. Wikang Filipino ‘yan, may halo man o wala.

Laging iniisip ng ibang mga guro na kapag Filipino ang asignatura ay nakatuon ito sa gamit ng Pangngalan, Panghalip, Pang- uri, Pangatnig, Pang- abay, Pandiwa, Pantukoy at iba pang bahagi ng pananalita (Parts of Speech). Kasama rin dapat sa pinag- aaralan ang Wastong gamit ng salita, Ayos at Kayarian ng Pangungusap at Paggmit ng bantas. Huwag ding kalimutan ang mga tula, maikling kwento, dula at nobelang Pilipino. Pero para saan ba ito? Bilang guro sa kolehiyo, dapat ko pa bang balikan ang mga aralin sa Pandiwa at Pang- uri? Anong gamit nito sa kanilang pagtatrabaho? Ito ba talaga ang gamit ng ating wika?

Hindi dapat ganito. Higit sa wastong gamit ng mga salita at pag- aaral ng pagiging puristang Filipino sa pagsulat at pananalita, dapat pagtuunan nating lahat ng pansin kung sa paanong paraan magagamit ang ating wika sa pagtuturo ng mga pangunahing asignatura. Halimbawa, pagtuturo sa Filipino ng Math at Science. Nasimulan na ito sa ibang mga paaralan at dahil na rin sa K+12 na gagamit ng First language o Mother Tongue Based Multi Linugal Education, mas magiging malawakan na ito. Maging positibo sana ang resulta.

Higit pa, kailangan ding pagtuunan na ng pansin kung paanong magagamit ang wikang Filipino sa sangay ng media, negosyo at komersiyo, siyensiya at medisina,  lalong- lalo na sa pulitika. Matrabaho ito kung iisipin dahil kailangan ng matinding pag- aaral at malalim na kasanayan sa pagsasaling- wika at panghihiram ng salita. Maraming oras at malaking pondo rin ang kailangang igugol dito.

Ang mga ito talaga ang gamit ng wika. Hindi ito basta minememorya lang-- inaaral ang mga konsepto at balangkas, pagkatapos ay tapos na.

Sabi ng karamihan, Ingles daw ang wolrd lingua franca o ang wika ng daigdig. Paano tayo makikipagsabayan kung hindi tayo marunong man lang mag- Ingles?

Mahalaga naman talaga ang Ingles. Hindi na ito dapat pagtalunan. Nais ko lamang ipaalala na ang mga mayayamang bansa gaya ng Japan, Germany, France, China, Spain, Korea, kahit ang Malaysia ay hindi naman mga English Speaking Countries, bakit sila maunlad? Maunlad sila kasi nagkakaintindihan sila. Maayos ang kanilang sistema ng edukasyon. Naituturo ang mga asignatura sa wikang kinamulatan ng bata, na nagbubunga ng mas matalino at kapaki- pakinabang na mamamayan ng bansa nila.  

Hindi na dapat isyu kung anong klase o barayti (variety) ng Wikang Filipino ang  dapat gamiting wikang panturo. Kahit purong Filipino, Filipinong tunog Espanyol man; Filipinong tunong Ingles; kahit pa Filipinong may halong Ingles, Espanyol, at katutubong wika pa, iisa lang naman ‘yon—Filipino pa rin. Ang mahalaga ay maintindihan ng mga- aaral at maging masigla ang talakayan sa klase. Sa lakas ng impluwensiya ng kulturang popular at ng internet bumibilis talaga ang pagbabago ng wika. Minsan pang napatunayang dinamiko ito, mas matulin nga lang ang takbo ngayon. Kailangan nating makipagsabayan sa bumibilis na pagbabago ng ating wika. Subalit kailangan din nating maalala na may mas malawak na gamit ito. Malaki ang potensiyal ng ating wika, sa negosyo, agham, sa pulitika at sa media.  Kailangan lang nating gamitin at pagkatiwalaan.

Sabihin mo, mali ba ako kapag sinabi ko sa estudyanteng,

“Kunin mo ang tsok sa ibabaw ng teybol para makapagsulat ang titser sa blakbord”

kung naintindihan naman niya?

Saturday, July 20, 2013

WALA PA/ NA

Di ba wala na?
Sabi mo eh
Walang patutunguhan
Walang pupuntahan
Noon, di ba
Paulit- ulit kang
Wala akong mararating
Wala tayong mararating
Binalewala mo eh
Ang lahat- lahat
Wala akong itinira
Para sa sarili ko
Para sa ibang tao
Wala akong ibang inisip
Di mo man lang ba naisip 'yon?
Wala kang pakialam
Gusto mo lang
'Yong...gusto mo lang talaga
Wala eh
Sabi mo pa nga na,
Wala kang sinabing umasa ako
Dahil wala naman akong mapapala
Muntik ko ng di kayanin
Ang mga sinabi mo
Akala ko mawawala ako sa sarili
Naramdaman kong
Wala na talaga
Akong ibang pwede pang gawin
Nagwala ako nang nagwala
Hanggang sa napagod ako
Alam mo, di natapos doon
Napagod pa rin ako nang napagod
Araw- araw 'yon
Wala akong ibang ginagawa
Pero parang lagi akong hapong- hapo
Wala ka na talaga.
Akala ko
Wala ka na.
Bakit ka bumabalaik?
Bakit ka muling nagpapakita?
Sabi mo pa ngayon
Wala kang hindi gagawin
Nakaluhod ka
Umiiyak ka pa
Wala kang ibang bukambibig
Kundi panay paumanhin
Tumahan ka na
Hihingi na rin ako ng pasensiya
Tigilan mo na
Dahil talagang wala pa/ na.

Tuesday, June 11, 2013

Catz' Random Thoughts

Ang payo ni Romeo kay Marlit ukol sa paghahanap ng jowa: 


"Nagparamdam ka kasi agad eh, dapat nag- establish ka muna ng friendship." 



"Walang mangyayari kung lulunurin natin ang mga sarili natin sa sentimyento."

Romeo Catuday