Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, May 12, 2013

Ang Sabi ng Nanay ko

Huwag daw akong maging palasagot na bata
Hindi naman daw kasi ako abogado. 

Ang dami- dami ko raw laging sinasabi 
Madalas, wala naman sa katwiran. 

Salita lang daw ako nang salita
Pero kulang naman ako sa gawa.

Di raw bagay sa akin ang maging maarte
Di naman kasi kami mayaman.

Huwag daw akong masyadong pihikan sa pagkain
Matuto raw akong kainin kung ano lang ang nakahain.

Sabi niya, walang mararating ang taong tamad.
Tulungan ko raw ang aking sarili.

Huwag maging masyadong palaasa sa kapwa
Matutong kumilos at magsimula.

Magandang maging isang mabuting tagasunod
Subalit higit na mainam kung pagsikapan kong
Maging isang makataong tagapamuno.

Bilin niya, matuto raw akong makinig
Ihanda ko raw ang aking mga tainga sa suhestiyon ng iba.
Pero siguraduhin ko raw na dapat pakinggan din nila ako
Dapat marinig nila ang aking tinig
Sa magalang na paraan, dapat nilang malamang may opinyon din ako.

Maging mabait daw ako
Subalit huwag na huwag maging uto- uto
Sinabi niyang napakalaki ng pagkakaiba ng dalawa
Pwede kong gawin ang una at balewalain ang pangalawa.
Dapat lang na maging mabuti akong tao
Subalit di ko raw dapat laging sundin ang utos ng kapwa ko.

Matuto raw akong magpatawad
Hindi magandang mabuhay na puno ng sama ng loob
Hindi ginawa ng Diyos ang bawat umaga
Para lang magreklmo, mainis at magalit ako
Mabigat sa dibdib ang may kinikimkim na galit
Wala raw natutulong ang labis na pag- iisip.

Sabi ng Nanay ko, sikapin ko raw na ugaliing magpasalamat.
Sa Diyos, sa pamilya, sa kaibigan...sa lahat.
Sabi niya, ipagpasalamat ko rin kahit na ang pagkabigo
Dahil nabigyan pa rin naman daw ako ng pagkakataon
At di ako sumuko

Higit sa pagtuturo ng kabutihan,
Ng kabaitan,
At ng pagiging masunurin--
Ang kalakasan,
Katatagan ng loob
At pagkakaroon ng tiwala sa sarili
Ang labis kong ipinagpapasalamat.

Sabi ng Nanay ko, napakaswerte niya dahil naging anak niya kami.
Sabi ko, oo naman, walang duda.

Pero mas pinagpala kami dahil siya ang Nanay namin.
Sobra. 

No comments: