Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, May 19, 2013

ALIPIN

Hindi na sana ako gumawa pa ng ganitong tula.
Mahirap din kasi ang may kaaway.
:l

Ikaw na isang alipin
Nahihibang ka na ba?
Tila sinaniban ka ng masamang espirito. 
Napakalas ng loob mo. 
Lumalakad ka nang nakataas ang noo
Tinatapakan mo ang kahit sino. 
Nilalabanan mo ang lahat
Na para bang isa kang Mandirigma.
Hindi ka na talaga nahiya.

Nagmamando ka
At inuutusan mo ang kapwa mo mga alipin
Ang ulo mo ba’y napupuno na ng hangin?
Alipin,
Nagpapanggap kang magaling
Nililinlang mo ang lahat ng mabulaklak mong dila
Nilalansi mo sila ng mababangong salita.
Ipinamamarali mong ikaw ay edukado.
Ipinaaalala ko sa’yo
Hindi ganap ang karapatan mo
May katapat na halaga ang kalayaan
Salaping kailanma’y di mo mababayaran
Hindi ka isang Timawa
Alipin ka.

Nais mo bang akin pang ulitin?
Kahit maligo at maghugas ka, alipin ka pa rin.
Kahit magpagupit ka at magsuklay, alipin ka pa rin.
Kahit makakain ka ng tatlong beses sa isang araw o higit pa,
Mananali ka pa ring alipin.
Magbihis ka man nang magara,
Malalaman at mababatid pa rin nilang alipin ka.
Pagurin mo man ang sarili mo sa pagtatrabaho sa umaga’t sa gabi,
Walang magbabago, alipin ka pa rin sa ‘yong paggising.
Nagkaroon ka lang ng kaunting kaalaman sa sining, agham at mga batas,
Iniisip mo ng mahusay ka?
Huwag kang magpantasya
Alipin ka.

Alipin, huwag mong ipagmalaking mas magaling ka sa kanila.
Ihinto mo ang pag- astang May kaya.
Huwag mong ipagyabang na natatangi ka.
Hindi mo kayang iligtas ang mga kapwa mo alipin sa kanilang kaalipinan
Habang tinutuya at tinatapakan mo rin sila.
Wala kang karapatang mamuno sa kapwa mo
Kung ang asal at kilos mo'y masahol pa sa aso.
Hindi ka pinagpala, tulad ka lang ng iba
Utusan at alila.
Alipin ka.

Itigil mo ang ilusyong
Ang lahat ng uod ay nagiging magandang paruparo.
Di ito isang panaginip
Tigilan mo ang pangangarap
Hindi ka isang Maharlika.
Maging Sagigilid o Namamahay ka pa
Wala namang pinagkaiba
Alipin ka.
Alipin ka!

No comments: