Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Monday, February 25, 2013

Nambato ka na lang Sana


Di ‘yong iniwan mong magulo ang kama
Di ka man lang nagsalansan ng unan
Wala kang iniwang mainit na tubig para sa kape
Marumi ang banyo
Maagiw, makalat, maalikabok
Ilang araw ng di maayos ang bahay
Kahapon pa walang pagkain sa mesa
Kahapon pa kita hinihitay
Kahapon pa.

Pinabayaan mong nakatambak ang labada.
Natiis mong di na plantsahin ang mga damit ko.
Natuyo’t nabasa uit ang mga sinampay sa labas.
Wala nang nagwawalis sa mga dahong nalagas. 

Di ba sanay naman tayo sa palagiang pagtatalo?
Di na bago sa ‘tin ang madalas na away.
Akala ko isa lang ‘to sa maraming susunod pa?
Bakit parang sumuko ka na?
Ang bilis mong nagdesisyon
Parang di mo na nga pinag- isipan
Tuloy- tuloy kang naglakad palabas 
Para kang ipo- ipong dagling kumaripas.

Sana sinigawan mo na lang ako
Isinumbat mo na lang sana sa ‘kin ang lahat 
Ipinamukha mo na lang sana na ako ang mali
Pinuna mong wala akong ginagawang tama
Sana paulit- ulit mo na lang nilait ang buong pagkatao ko

Oo, malamang magbubulyawan tayo
Paniguradong maririnig na naman tayo ng mga kapitbahay
Higit pa sa tsismis ang aabutin natin. 
Pero di ba, wala naman tayong pakialam?
Sabi mo kasama na ‘yon sa sistema natin.
Pero bakit parang iba ang isang ito?

Ang tahimik mo.
Wala ka man lang sinabing kahit isang panlilibak. 
Ni hindi ka umimik nang nagtaas na ako ng boses. 
Tinanong naman kita kung may problema.
Ikaw nga itong di nagsalita.
Akala ko maayos na.
Nambato ka na lang sana
Di ‘yong iniwan mo akong nag- iisa.

No comments: