At nakaupo ako sa isang sulok
Tila nagmumukmok at nakatalungko lang sa isang tabi
Inaantabayanan ko ang paglabas mo sa munting silid
Bagaman madilim sa aking kinalalagyan
At ang bawat pasilyo ay parang walang patutunguhan
Higit ‘sang libo’t isang pangitain ang tumatakbo sa aking isipan:
Hinihintay kita
Habang tumutugtog ang piyano at biyulin
Habang lumalakad ka nang marahan
Sa saliw ng musikang pandalawahan
Kahit lumilipad na ang isip ko
Sa bawat minuto at segundong paglapit mo
Ito ang simula ng isang kwento
Batid kong higit pa ito sa isang panaginip
Dahil ito ang katuparan ng isang pangarap.
Hinihintay kita habang
Pawis na pawis ako
Hindi matapos- tapos ang atras- abanteng paglakad
Binabalot ng kaba ang buo kong katawan sa pag- aalala
Hindi magkamayaw sa pag- uunahan ang tibok ng puso ko
Nawawala ako sa ulirat
Dahil alam kong pati ikaw ay matagal nang nanabik.
Matagal natin siyang pinagdasal
Hinihintay kita sa paglabas mo, hinihintay ko kayo.
Hinhintay kita
Sa trabaho para sabay na tayong umuwi.
Malamang nasa bahay na rin ang mga bata
Kailangan na tayong magmadali.
Mahirap ang mabuhay at bumuhay
Ang punan ang mga pangangailangan ng bawat isa
Subalit sigurado naman akong hanggang sa pagtanda’y di ko ito haharaping
nag- iisa.
Di ako natatakot kahit maging mabagal at makupad na ako
Sapagkat alam kong ako naman ang hihintayin mo.
Di ako natatakot kahit maging mabagal at makupad na ako
Sapagkat alam kong ako naman ang hihintayin mo.
Giliw, batid kong mahaba pa ang ating lalakbayin
Ang bawat larawan sa isipan ay kailangang pagsikapan
Ang bawat larawan sa isipan ay kailangang pagsikapan
Upang magkaroon ng katotohanan
Napakasarap ang managinip at mangarap
Subalit dapat ay sabayan at samahan mo rin ako
Hindi naman masamang lunurin ang sarili sa mga masasayang pangitain
Ang busugin ang isipan ng maliligayang mithiin
Ang mahalaga lamang ay gawin natin ito habang pareho tayong gising.
Ang mahalaga lamang ay gawin natin ito habang pareho tayong gising.
No comments:
Post a Comment