Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Saturday, December 29, 2012

Kung ang Tulad mo ay Isang Ipis

Malamang walang magtatangkang lumapit sa’yo
Ni ang tignan ka ay di nila magagawa
Sa layong sampung metro maririnig mo na ang mga hiyaw 
Ang yabag ng mga paang palayo
Ang mga tili na may halong pandididri
Lumilipad ka nga
Pero di mo naman alam kung saan ka ba talaga papunta.

Patuloy ka lang na dadapo sa mga tirang pagkain
Makikiamot sa mga pusa, aso at daga
Pepestehen mo ang lahat ng mga bagay sa paligid
Magdadala ka ng mikrobyo
Magsasabog ka ng dumi
Araw- gabi mong iikutin ang buong kabahayan
Gagapang- lilipad ka sa sahig, pader at kisame
Pero mas pipiliin mong lumagi sa basurahan
Dahil alam mong doon talaga ang ‘yong tahanan

Subalit alam mo kung ano ang nakakainis
Hindi ka naman ipis
Tao ka
Taong may ugaling higit pa sa isang insekto
Masahol ka pa sa ahas kung umatake nang patalikod
Mas matindi ka pa sa hunyango kung magpanggap na santo
Isa kang linta na sumisipsip ng enerhiya at lakas ng kapwa mo
Para kang leon o tigre na kayang kainin nang buong- buo ang kanyang kasama
Wala kang pinagkaiba sa isang buwaya
Baboy kang patuloy na nagkakalat at dumurumi sa sarili mong kural
At aso kang may talentong kainin muli ang pagkaing naisuka mo na.

Pero kung magkataong ipis ka ngang talaga
At tao ako
Isa lang naman ang katapat mo
Hihintayin ko lang ang ‘yong pagdating
Lagi akong magbabantay
Hinding- hindi kita tatakbuhan
Wala kang makikitang takot
Hindi ka makakarinig ng sigaw
Sa minsan mong pagtigil
Tityempuhan kitang talaga
Buong lakas kong ipapalo ang tsinelas ko sa’yo
Hahampasin kita nang paulit- ulit
Dudurugin kita hanggang sa malumpo ka
At alam mo kung ano ang higit na nakakatawa
Habang pinapatay kita
Ang mga tao sa paligid ko
Pumapalakpak at masaya

Ngunit napaisip ulit ako
Ipis ka lang
At tao nga ako
Mananatili kang isang mababang- uring nilalang
Na ang tanging gamit ay pambalanse lang sa kalikasan
Wala ka naman talagang silbi kung tutuusin
At di rin naman ganoon kalaki ang epekto mo sa amin
Hahayaan na lang kitang umalis
Hindi ka naman kabawasan
Ipagpasalamat mo na lang ang buhay mo
Dahil bali- baligtarin mo man ang mundo
Hindi magiging magkapantay ang insekto at tao

No comments: