Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Wednesday, April 25, 2012

HINDI NA KAYA PANG ITAGO NG RETORIKA


Matagal ko itong pinag- isipan
Gaya ng matagal kong paghihintay sa'yo. 
Masugid akong nag- abang sa pagsilip ng bahaghari
Subalit hindi pa yata nalalapit ang pagtila ng ulan. 
Bagaman dinilig nito ang uhaw at tigang na lupa
Kasabay naman ng bawat patak 
Ang pagdaloy ng aking luha.
Kinukubli, tinatago lamang. 

Paulit- ulit kong sinabi sa aking sarili na ikaw ang dapat
Na ito ang tama
Ngunit naging mas marami ang mga panahong
Malungkot ako sa piling mo.
Ni hindi mo napansing naramdaman kong mag- isa ako
Kahit na magkasama tayo.

Matiyaga akong nakinig
Maniwala ka
Pinilit kong kumapit pa
Sa pagmamahal, sa pagtitiwala.
Pero hindi ko na yata kaya.

Noon, naniniwala akong ang pag- big ko sa'yo
ang nagbigay direksyon sa buhay ko
Pero ngayon, hindi na ako sigurado kung ito ba talaga ang tamang daan. 
Dahil palagi akong naliligaw
Ilang beses akong nawala sa aking sarili. 

Mahal, sikapin mong maging higit na mabuting tao
Marahil minsa'y nalilimutan mo lamang na mabait ka. 
Ipinapaalala ko lamang na hindi laging maayos
Ang hilera ng mga bituin sa langit
Mas madalas pa ngang magulo ito
Maraming mga pagkakataon pang susubukin ka ng tadhana
Kayanin mo sanang lahat.
Habaan mo pa ang iyong pasensiya
Maniwala kang pinagpapala ang taong may mababang- loob.

Hindi na kailangan pa ng mga malalalim na salita
Walang magagawa ang mga alusyon, tayutay at idyoma
Hindi na kaya pang itago ng retorika.
Napakasimple.
Magiging maayos ako
Magiging maayos ka.
Hindi na tayo magkakaproblema
Ang kailangan lamang...
Hindi na tayo magsama pa.  


No comments: