Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Sunday, September 20, 2009

Kung Paano ang Manghuli ng Isda sa Mababaw na Bahagi ng Dagat


Paluwas na ako sa Maynila. Babalik na muli sa normal ang buhay ko- sa trabaho, sa pamilya at sa ingay na pansamantalang kinalimutan.Babalikan ang mga tao at  bagay na tunay na bahagi ng aking buhay. Palabas na sa nayon ang bus na sinasakyan ko, malapit na kami sa kabayanan.


Kagabi, nakatuwaan kong manghuli ng isda sa unang pagkakataon, sa mababaw na bahagi ng dagat. Bigla ko na lamang naramdaman na parang gusto kong kumain ng sariwang isda- 'yung ako misno ang humuli. Parang naglilihi? Marahil, isa ito sa mga panahong mayroon akong gustong- gustong kainin at kailangang makuha ko iyon. Minsan matamis na tsokolate, maalat na chichiriya, mainit na sabaw- ngayon gusto ko ng sariwang isda.        

Wala akong bangka, mahal kung rerenta pa. Sa mababaw na bahagi ng dagat, malapit sa dalampasigan at batuhan ako mangingisda. Kinakabahan din kasi akong pumalaot pa.  Mayroon lamang akong maliit na lambat, nagdala na rin ako ng pamingwit at pain. Wala naman kasi akong balak mangisda ng marami, gusto ko lang talagang makakain ng isdang huli ko.


Hindi sumilip ang buwan kagabi. Wala rin ang mga talang nakasanayan ko ng pagmasdan habang nagmumuni-muni.Sa kabila nito'y alam kong may mahuhuli ako, may dala rin kasi akong lampara. Bukod pa roon, pinakiramdaman kong mabuti ang mga alon, banayad at tahimik. Paulit- ulit ko ring itinaas ang aking mga braso upang damhin ang hangin, hindi ito mahalumigmig, ibig sabihin walang ulang paparating. Tamang- tama lamang ang bawat ihip, sapat upang paginhawahin ang aking pakiramdam at alisin ang kaba sa aking dibdib. Maganda ang panahon. Walang buwan.


Naglakad na ako sa dalampasigan, hinubad ko na ang suot kong tsinelas. Handa na ako. Kahit hindi ako masyadong marunong lumangoy at ito ang unang pagkakataon na maghuhuli ako ng isda.Unti- unti, dahan- dahan, tumataas na ang tubig- alat. Malamig. Mula sa aking talampakan, bukong- bukong, binti, alak- alakan, tuhod, hita...ang tubig ay umaangat habang marahan akong naglalakad at nakikiramdam. Huminto ako nang umabot na sa kalahati ng aking mga hita ang tubig. Sa isang malaking bato, ipinatong ko ang dala kong lampara . Ito na 'yun. Buong- giliw ko nang ginamit ang pamingwit at pain.Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim na minuto ang lumipas, walang gumagalaw sa ilalim ng tubig- walang isda. Mabilis akong nainip. Naglakad akong muli. Pinagmasdan ko ang kalawakan ng dagat. Tigil, sa may batuhan ulit. Kailangan kong huminto sa may batuhan para may patungan ako ng dala kong lampara, at saka isa pa, pakiramdam ko mas maraming isda ang nagkukuta malapit sa mga bato. Hinagis kong muli ang dulo ng pamingwit. Nagsindi na rin ako ng sigarilyo gamit ang apoy sa lampara. Oo, nagdala ako ng libangan. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim- anim na sticks na ng sigarilyo ang naubos ko, wala pa rin kahit isang ayungin man lang o sapsap.

Nang sumapit ang madaling- araw, ang aking naramdamang pananabik at kaunting kaba bago ako nagsimulang mangisda ay unti- unting napalitan ng pagkainip at yamot. Imposibleng mawalan ng isda sa dagat, napakalawak nito.Imposibleng wala akong mahuhuli, kumpleto ako sa mga dalang gamit. Ipagkakait ba sa akin ni Inang Kalikasan ang isang pirasong alagad ng tubig? Lakad. Hinto. Lakad. Masid. Sigarilyo. Hinto. Lakad. Sigarilyo. Hinto...Bigla akong natigilan.Ayan! Mukhang may gumagalaw na! Mayroon ng isdang kumagat sa pain! Iaangat ko na!!!Ayan na! Tang-*** ! Nakawala pa!

Huli na ito, 'pag wala pa rin dito ay uuwi na talaga ako. Huling baraha, ginamit ko na ang maliit lambat. Hinagis ko na sa tubig, bahala na. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim... tatlumpung minuto,.hinila ko na pabalik sa akin ang lambat. Wala na akong inaasahan. Kung wala, ganoon talaga; kung mayroon, salamat. Madilim. Bubulumbunin ko na sana ang lambat, nang biglang may nahawakan ako sa loob nito...katamtaman ang laki. Kumakawag- kawag. Buhay pa. Tinitigan ko itong mabuti. Isda!Isda nga! 

Halos isang dangkal din ang laki ng kaisa- isang isdang nahuli ko, medyo maliit pero malaman.Inamoy- amoy ko ito, sa unang pagkakataon ay nahalina ako sa amoy ng isda, parang walang lansa. Malalaki ang malinaw nitong mga mata at pulang- pula ang hasang. Sariwa talaga.Ang saya ko! Hindi ko alam kung anong pangalan ng isdang 'yun o kung ano bang tawag doon ng mga taganayon. Napakasarap ng sariwang isda. Lalong nakapagpasarap nito ay ang isiping ako mismo ang humuli gamit lamang ang aking mga kamay.

Malapit na ako sa Maynila, malapit na akong bumaba ng bus, pero parang naiwan sa balat ko ang tubig- dagat na natuyo at naging mga butil- butil na asin. Parang nalalasahan ko pa sa bibig ko ang isdang hinuli, niluto at kinain ko. Sinabi ko sa aking sarili, kakain ulit ako ng sariwang isda, manghuhuli ulit ako... pero matatagalan pa.

Gala

Kahapon, pagkatapos ng klase ko sa Graduate School, dumiretso na ako sa papuntang Doroteo Jose Station ng LRT line 1 dahil doon kami magkikita ni Jen (ibang Jen naman, 'yung friend kong librarian). Nagpasama siya na magsimba sa Quiapo Church at sa NTC (National Teachers College). 
Akala ko naman kung ano 'yung gagawin ni Jen sa Quiapo...mangungumpisal pala. Habang nasa loob siya ng confession room nakita ko 'yung mga dati kong students sa ASAS, sina Madeline at Maricel.
Tumuloy na kami sa NTC pagkatapos ni Jen. May kailangan yata siyang kuni doon sa dati niyang Prof. Ang kaso, hindi naibigay kasi raw, hahanapin pa. Kaya ayon, nagpaalam na kami at babalikan na lang daw niya next week.
Naglakad kami papunta sa San Sebastian Chucrh. Wala lang, gustong- gusto ko kasi 'yung simabahan na 'yun eh. Loob at labas grabe ang ganda- ganda talaga.
Natapos ang Mini- Manila Tour namin ni Jen sa pagkain ng paborito namaning Sisig Hooray. 

Friday, September 18, 2009

Long Weekend

Wala na namang pasok sa Monday, long weekend na naman ulit.
Sana laging may long weekend.
Anong meron?
Holiday ulit eh.
Basta.

Friday, September 11, 2009

SABAW

Masarap humigop ng sabaw,
sa gabing malamig at maginaw.
Umuulan.
Masarap pakinggan ang tikatik
sa bubungan.
Nilaga? Sinigang? Pochero? Tinola? 
Kahit ano basta mainitan ang sikmura ko.
Sabaw....
Lumulutang,
ang mga rekado.
Pechay? Kangkong? Saba? Papaya?
Kahit ano basta may manguya ako. 
Sabaw... 
Lumulutang ang isip ko,
sa alapaap.
Tula? Dula? Gala? Himala?
Kahit ano basta may magawa ako.
Sabaw... 
Umuusok.
Usok na sumasama sa hangin,
nawawala na parang bula. 
Usok.
Naglalaho ka sa isang iglap,
nawawala at di mahagilap, 
nagtatago at ayaw magpahanap.
Sbawa...
Saabw...
Swbaa... 
Nasasabaw.

From Confused to Confucius


Maraming bagay ang nagpapagulo sa isip ko nitong mga huling araw, linggo, at buwan Hindi ko nga alam kung bakit kinakaya ko pang magtrabaho sa dami ng iniisip ko. Sa totoo lang, hindi naman ganoon kabigat- marami lang talaga. Siguro, kung malalaman ng isang taong kaka-lay- off lang sa trabaho o iniwan ng asawa ang mga iniisip ko ngayon, malamang tatawanan niya lang ako at sasabihing sobrang mababaw lang ang lahat ng mga bagay na inaalala ko. Pero tulad ng ibang taong "sarado- katoliko", "propesyunal" at "idealistic", hinanapan at hinahanapan ko ng dahilan ang lahat ng mga nangyari at nangyayari sa buhay ko- maganda man ito o hindi.


Si Confucius ang pinakabantog na Pilosopong Tsino. Ang mga turo niya ang naging sandigan ng moralidad at pinagmumulan ng inspirasyon ng mga mamamayan ng Tsina, Hapon, Korea at Vietnam. At dahil na rin sa kalakalan at pandarayuhan, nadala ng mga Tsino dito sa bansa, kasama ng iba pa nilang mga produkto ang mga aral ng tanyag na Pilosopo.Naks, nag- research.


"Everything has its beauty but not everyone sees it."
Bakit ba kasi hindi na lang ako ipinanganak na kamukha ni Alfred Vargas o ni Akihiro Sato? Bakit kaya ang hirap- hirap maging "average- looking" Pinoy? Hmmmm. Sa totoo lang, hindi naman ako masyadong pangit, hindi nga lang din masyadong gwapo- sapat lang. Kaya itong quote na ito ang lagi kong sinasabi sa sarili ko. Na mayroon din akong taglay na kagandahan, hindi lang nakikita ng iba. (??????)


"It does not matter how slowly you go so long as you do not stop."
 Maganda ang isang ito. Sa edad ko kasi ngayon, parang nababagalan ako sa mga takbo ng pangyayari sa buhay ko, parang pare- pareho pa.Paulit- ulit kong sinasabi na mayroon akong gustong gawin, hindi pa nga lang ako masyadong sigurado, pero malapit na.Sinasabi ko na lang sa sarili ko, kung natalo nga ni Pagong si Matsing, bakit ako hindi?


"When anger rises, think of the consequences."
Para ito sa mga taong pumepeste sa buhay ko at sa buhay ng pamilya ko. Mahirap magpigil ng inis at galit pero ang iniisip ko na lang, kapag pinatulan ko 'yung mga siraulong iyon, eh di siraulo na rin ako, wala na kaming pinagkaiba. Kaya 'pag hindi ko na gusto 'yung ginagawa ng isang tao sa akin, o sa mga mahal ko sa buhay, hindi ko na siya pinapansin. Ni tawag o text wala na rin. Hindi ko kinalilimutan ito: "Forget injuries, never forget kindnesses.", pero kailangan ko rin namang protektahan ang sarili ko sa paraang alam at gusto ko.


"We should feel sorrow, but not sink under its oppression."
 Sa sobrang lungkot ko, minsan natutulala na lang ako...(Emo Kid?) Nakakalimutan ko na, sobrang positibo ng pananaw ko sa buhay. Na ako 'yung taong di nagpapadala noon sa mga problema. Kaya nag- set na ako ng deadline, dapat matapos na ang mga kalokohang ito.Dapat magwakas na ang teleserye- ish na episode ng buhay ko. Kailangan ko nang bumalik sa tamang landas (naligaw ba?Hehehe.). Sa December, o bago matapos ang taon na ito, sana ok na ok na ako.


"They must often change, who would be constant in happiness or wisdom."
Gustong- gusto ko ang isang ito. Pagkatapos kasi ng dalawang taon na pagtatrabaho at pagiging palagay sa isang maliit na paaralan para magturo, lumipat ako sa isang mas malaki at mas maingay na komunidad. Noong una, sobrang sigurado ako sa desisyong ginawa ko, pero nitong huli para akong nagdadalawang isip.
Naging malaking tulong ang quote na ito at ang pagbasa ko ng librong Who Moved My Cheese ni Spencer Johnson para malaman ko na kasama sa buhay ng tao ang pagbabago. Na kailangan talaga na gumalaw ka para may mangyaring mas maganda sa buhay mo. Hinihintay ko pa rin 'yung magandang mangyayari, sana dumating na. :)


Mahirap lektyuran o turuan ang sarili ng mga bagay na sumasaklaw sa pag- uugali at moralidad. O ng kung paano natin tatanggapin ang isang problema o di kaaya- ayang sitawasyon. Kasi, kung mayroon mang pinakamakulit at pinakamatigas ang ulong estudyante, ang sarili mismo natin 'yun. Nahihirapan tayong ipaintindi sa sarili natin na ang lahat nang nangyayari sa buhay natin ay may dahilan.Ganito lang 'yan, minsan, malalaman agad natin kung bakit naganap ang isang pangyayari, minsan naman kailangan pa natin maghintay nang mahabang panahon bago natin mabatid ang rason.

Muli, tulad ng ibang taong "sarado- katoliko", "propesyunal" at "idealistic", hinanapan at hinahanapan ko ng dahilan ang lahat ng mga nangyari at nangyayari sa buhay ko- maganda man ito o hindi.Walang masama sa minsang pagkonsulta sa mga self help books o sa pagbabasa ng mga akdang "makakatulong" daw sa pagbangon mo mula sa mga problema.(Kung makakatulong sa'yo, bakit hindi?) Ang mahalaga, hindi tayo magpapatali sa pagbabasa lamang ng mga "aral" o "positive quotations". Kailangang maisapuso natin ito at kumilos tayo para magkaroon ng kaganapan ang lahat ng ating mga nabasa. Dapat tayong mag- move- on. Rock n' roll!

Monday, September 7, 2009

UMID


Muli kong uulitin
at ibubulong sa hangin,
halaman, ilog, sa buong papawirin,
ang laman ng damdaming
labis na naninimdim-
na ang hiling lamang,
ang ika’y makapiling.
Muli’ y maririnig
ang tinig kong sawi.
Hindi na papipigil,
abutin man ng dilim.
Lalakbayin nito
kalangita’t karagatan,
iikutin rin, buong kalawakan.
Tanging dalangin giliw, sa pagkakataong ito,
ang ibinubulong ko...sana’y marinig mo.

GUSTO KO PANG MANOOD NG WOWOWEE


Inihain ni Nanay ang adobong kangkong,
Kasabay ng sinaing na puno ng tutong.
Tuwang- tuwa si Johnny, makakakain na siya
Sampu pa ng labing-isang mga kapatid niya.

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim...
Sakto sa anim na maliliit na subo, ang kanyang nakain. 
Sarap na sarap siya at humahalakhak pa,
Habang ninanamnam ang handa ng pamilya.

Nang matapos si Johnny, tumalilis siya agad.
Pinggan at baso niya, sa lababo tinambak.
Pumunta kina Sam, ang kalaro niyang may TV.
Sumilip sa bintana, nakinood ng Wowowee.

Tuwang- tuwa ang bata, sa mga babaeng nagsasayaw.
Pilit pang ginagaya ang mga indak at galaw.
Ayan na si Pokwang, napakaganda niya,
ang dami niyang burloloy, mukha siyang maykaya.

Sa pag- HEPHEP- HURRAY, napapatalon si Johnny,
naguguluhan siya kung kanino kakampi.
Kung sa lolang umiiyak at sa mamang sorbetero,
O sa banyagang naglalaro, may puti at negro.

Si Willie! Si Willie! Ang gwapo- gwapo niya!
May dala siyang pera, dali lumapit ka!
Kaunting sayaw lang at kaunting birit,
Maliwanag limang libo, ang agad na kapalit.

“Sasali ako dyan!” , ang sigaw ni Johnny.
Sabay turo ng bata sa black and white na TV.
“Kaya kong sumayaw, tumula at kumanta…
kahit anong ipagawa niya, basta magkapera.”

Jackpot round na, mas tumindi ang eksena.
Isang milyon ang premyo, may bahay at lupa pa.
Alin ang pipiliin sa mga bayong na ito?
Saan ko matatagpuan mabuting kapalaran ko?

“Sigurado ka na ba?”, ang tanong ni Kuya Willie.
Malakas na “Opo!”, ang sagot ni Johnny. 
Umusal, bumulong ng isang maikling dasal,
Na ang paghihirap ay di na magtagal.


“Bokya!Bokya!” ang laman ng bayong,
Wala na ang bahay, pati isang milyon.
Ang masayang kalahok, biglang nalungkot.
Sampung libo na lamang ang kanyang nahakot.

“Ayos lang ‘yun!”, ang sabi ni Johnny.
“Isang bike na rin ‘yun at maraming kendi.
May damit pa ako, bag at sapatos.
Basta, titipirin ko na lang ang aking paggastos.”

Tapos na ang palabas, umuwi muna ang bata.
Isinara na rin ni Sam ang kanilang bintana.
Nakita ni Johnny, mga pinggang hugasin,
na iniwan kanina’t di pinansin.

Isang buong araw, ang muling nagdaan,
Natulog na ang bata sa kanyang higaan.
Kinabukasan sa kanyang paggising,
Ang sabi ni Nanay, wala silang kakanin.

Sumapit ang alas dose, nakatingala pa rin sila.
Animo’y naghihintay ng mahuhulog na grasya.
Nang biglang napangiti ang Nanay ni Johnny,
“Tara mga anak, nood tayo ng Wowowee!”.

Sunday, September 6, 2009

Hindi Nag- inarte si Shane :)

Tinatamad akong umalis kaninang umaga kasi malakas ang ulan, may bagyo kasi eh. Wala na talaga akong balak pumunta sa dedication ni Aminah Shane Cañas (anak ng friend kong si Claire at husband niyang si Rommel), dahil medyo nakakatamad nga at medyo kulang din ako sa budget. Pero pumunta na rin ako kasi nakakahiya doon sa mag- asawang nag- abala pang imbitahin ako. At saka isa pa, natatakot kasi ako, baka magkatotoo 'yung sinasabi ng mga matatanda na 'pag hindi ka pumunta sa binyag ng aanakin mo (tama, isa po ako sa mga Ninong ng "masuwerteng" bagets), ay mamalasin siya sa future.  Kaya ayun, pumunta na ako kahit na sobrang putik ng daan.

Ayos lang naman, nakita ko 'yung mga dati kong mga katrabaho at kaibigan.

May isang tao lang akong hinanap.

Pero gaya ng inaasahan ko...

hindi siya dumating.

Salamat Lord sa isang magandang sign. 

Thursday, September 3, 2009

Midterms

Midterm examination na ng mga students ko. Gustong- gusto ko talaga 'pag may exam kasi nakaka- petix ako nang sobra. Walang lesson, walang assignment, wala lahat- papasok lang ako para bantayan ang mga estudyanteng gustong magkopyahan. Saya talaga. 

Isa lang ang problema, departmentalized 'yung exam namin sa AdU. Iniisip ko pa ngayon kung papaano ko ia- adjust 'yung exams bukas. Sana 'wag magwala 'yung mga bata.

Zzzzzzz. Petix. :)

 

Tuesday, September 1, 2009

BLANKO


ALMUSAL:
May nakahain ng ___________.
Magtimpla ka na ng kape,
lagyan mo ng ___________.
'Wag mong masyadong damihan
ng asukal-
paubos na kasi.

PAGLIGO:
May mainit na tubig ka na.
Simulan mo ng lagyan ng ___________
ang buhok mo.
Magsabon ka na rin.
Magpahid ka ng ___________
pagkatapos mo.

SA PAGPASOK:
May paparating ng jeep,
dumukot ka na ng ___________
para pamasahe mo.
Punuan.Mainit.
Punasan mo ng ___________
ang pawis mo.

SA ESKWELA:
Nandiyan na si Sir,
ilabas mo na ang ___________ mo,
malamang marami na naman
kayong isusulat.
Tasahan mo na rin ang ___________ ha,
at makinig ka nang mabuti
sa mga leksyon.

TANGHALIAN/ RECESS:
Kainin mo na ang baon mong ___________,
uminom ka ng tubig pagkatapos.
Ang sasarap ng ulam ng mga kaklase mo 'no?
Di bale, mayroon
ka namang panghimagas na ___________.

KLASE ULIT:
Nasaan na 'yung project mong ___________?
Hinahanap na ni Ma'am mo eh.
Ilagay mo sa ___________,
para hindi malukot
at mas presentable.

UWIAN NA:
Susuduin ka ng ___________.
Hapon na pero mainit pa rin.
Masarap 'yung kendi!
May ___________ ka pa ba?
Ang bagal.

PAGDATING SA ___________:
Hapunan na.
Lugaw ang uwi ni Nanay.
Anong oras darating si ___________ mo?
Magtira ka ha.

PAGTULOG:
Humiga ka na sa ___________.
Ilapat mo na ang ulo mo
sa unan.
Mag___________ ka na rin,
medyo maginaw.
Pumikit ka na.