Ang gusto mo ba ‘yung mukhang artista?
‘Yung maganda ang katawan, matangkad at maporma?
‘Yung sa bawat paglakad maraming matang sumusunod?
Paniwalaan mo ko, mahihirapan ka.
Baka magkaroon ka pa ng maraming kaagaw
Kung mayroon mang ganoong lalaki,
Pipila ka pa nang mahaba.
Pipila ka pa nang mahaba.
Pare- pareho lang naman, di ba?
Kasi lahat ng tao talagang “may itsura”.
Kaya ko rin namang maligo, magpagupit at mag- ahit.
Sabihin mo lang, sabihin mo lang.
Matalino ba kamo ang hanap mo?
‘Yung tipong kumakain ng libro
Sa umaga, tanghali at sa gabi.
Sa umaga, tanghali at sa gabi.
‘Yung parang laging makikipagdebate.
Na ang akala niya kaya niyang
Paikutin ang mundo sa mga palad niya.
Na ang akala niya kaya niyang
Paikutin ang mundo sa mga palad niya.
Na para bang siya lang ang sentro,
Ang alpha at ang omega.
Ang alpha at ang omega.
Baka hindi kayo maging masaya.
Hindi ‘yun magpapatalo sa mga argumento.
Baka maramdaman mo lang
Na mababang uring nilalang ka.
Na mababang uring nilalang ka.
Sapat na ‘yung may sapat na dunong
Mas maigi rin kung magaling dumiskarte
Pero kakayanin ko rin namang mag- aral ulit
Sabihin mo lang, sabihin mo lang.
Mabait ba dapat?
Palangiti, palabati at masayahin.
Kasi nga ayaw mong lagi kayong mag-aaway.
Hindi ka sanay sa hiyawan at sigawan.
Naririndi ka sa masyadong maraming usapan.
Pero hindi ka naman siguro
Naghahanap ng anghel o ng santo, di ba?
Naghahanap ng anghel o ng santo, di ba?
At wala ka rin naman sigurong balak magmahal ng pari?
May sasabihin ako sa’yo,
Hindi rin maganda ‘yung sobrang matino.
Kasama sa buhay ang kaunting pagkakamali
Bahagi ng bawat tao ang kanyang
kapintasan.
Mas mainam kung sa bawat pagtatalong mangyayari, mapapatawad n’yo ang
isa’t isa
Dahil may pagmamahal, pang- unawa at pagtanggap na.
Nakakainip din ang labis na katahimikan
Minsan kailangan talaga ng kahit kaunting gulo
At may mga pagkakamaling madadaan sa pagtawa.
Pero...kaya ko namang ayusin ang ugali ko.
Sasamahan din kita laging magsimba.
Sabihin mo lang ha, sabihin mo lang.
Walang problema sa paghihintay
Sa’yo, sa desisyon mo.
Hindi naman masama ang mag- abang pansamantala.
Hindi rin kita pwedeng sisihin
Ako naman ang pumili nito
Kahit hindi ko pinangarap maging gwardiya at magbantay
Hindi ako nagrereklamo
Pero sana hindi rin ganoon katagal
At huwag sanang maging magulo at
malabo
Alam nating nakakatuwa ang maghabulan
Pero huwag naman nating gawin ‘ to sa maghapon
Magsabi ka ha
Kung itutuloy pa o titigil na.
Mahirap din ‘yung panay iling, tango at ngiti ka lang.
Kung ayawan na, ihihinto natin ang larong ito.
Basta sabihin mo lang, sabihin mo lang.