Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Tuesday, August 28, 2012

Si Gollum, Ang Singsing at Ang Pagkagumon sa Kapangyarihan



Hindi maikakailang ang pelikulang Lord of the Rings (ni Direktor  Peter Jackson ) ay talaga namang tinagkilik ng mga manonood sa buong mundo. Bagaman matagal ng nailathala ng manunulat na si  J. R. R. Tolkien ang aklat na may parehong pamagat, ang adaptasyon ni Jackson ang isa sa naging pinakamatagumpay. Para sa henerasyong ito na nahihirapang tumanggap ng mga kwentong klasiko (lalo na ang mga kabataan), naging hamon para sa direktor, mga aktor, staff at crew ng buong produksyon na kapain ang panlasa ng mga manonood. Subalit sa tulong na rin ng mga makabagong aparato,ng special effects, nabigyang- buhay ang aklat. . 

Isa akong Harry Potter fan. Marahil ay impluwensiya na rin ng aking mga kapatid (na mas mahilig talaga sa Wizard boy na iyon). Subalit nagbago ito nang mapanood ko ang Lord of the Rings. Hindi ko nabasa ang bersyon nito sa libro. Masyado kasing maliliit ang tipo ng letra at makapal---sa madaling salita ay tinamad ang inyong lingkod na magbasa. Magkaganunpaman ay hindi ito naging hadlang upang mapahanga ako sa LOTR. Bawat eksena ng nasabing pelikula ay kaabang- abang, kapana- panabik at makapigil- hininga.   

Ang inyong lingkod ay hindi nagpapanggap na "isang mahusay na kritiko ng pelikula". Isa lamang po akong ordinaryong moviegoer at DVD addict. Nais ko lang  pong magbahagi ng aking mga opinyon, pananaw, interpretasyon (o kahit ano pa mang salita ang nais ninyong itawag), sa isang karakter na para sa akin ay pinakatumatak sa buong pelikula--- si Gollum. Nais ko ring ibigay ang pagkakapareho ng kanyang mga katangian sa ating mga tao.    

Mula sa ninuno at angkan ng mga  Stoor Hobbit (mga unano/maliliit na nilalang) si Gollum.  Ang orihinal niyang pangalan ay Smeagol  subalit napalitan ito sa haba ng panahon ng kanyang pananatili sa kanyang daigdig; kasabay ng pagbabago ng kanyang itsura. Mapanlinlang, mabangis, mapanglansi at mabalasik ang karakter ni Gollum. Wala siyang ibang nais kundi ang mabuhay sa mundong kanyang nakagisnan kasama ang kanyang "Precious" (Pinakatatangi).



Ang "Precious" ni Gollum ay hindi tao, unano o hayop man---isa itong singsing (http://en.wikipedia.org/wiki/One_ring). Pinakamamahal niya ito. Labis niya itong iniingatan. Nagtataglay ito ng kapangyarihang ni sa hinagap ay di maiisip ng isang ordinaryong nilalang na pwedeng taglayin ng isang tao. 
Noong una, ang singsing ay pagmamay- ari ni Sauron. Isang kakila- kilabot na nilikha na ang nais lamang ay maghasik ng lagim. Hindi naman iisa lang ang singsing, marami ito. Subalit sinigurado ni Sauron na ang sa kanya ang nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan sa lahat. Nalinlang niya ang mga  Elven smiths na mismong gumawa ng mga singsing. Nilipat ni Sauron ang halos lahat ng kanyang kapangyarihan sa singsing. 

Bunga na rin ng di matapos- tapos na digmaan, agawan ng kapangyarihan at pagkamkam ng ari- arian ay nagkaroon ng di masawatang gulo sa buong  Middle-earth (tagpuan ng kwento). Nawala sa pangangalaga ni Sauron ang singsing. Napunta ito kay Isildur. Subalit nalaglag rin ito mula sa kanyang daliri at napunta sa ilog. Nanatili ito roon sa loob ng dalawa at kalahating millennia. Ganoon katagal. 

Pagkaraan ng mahabang panahon, habang namamangka sa ilog ay nakita ito ni  Déagol. Kaibigan at kamag- anak ni Smeagol. Tuwang- tuwa si Deagol dahil noon lamang siya nakakita ng ganoon kagandang singsing. Kaarawan ni Smeagol noong araw ding iyon. Hiniling niyang ibigay na lamang sa kanya ang singsing bilang regalo. Subalit di pumayag si Deagol. Parang sinaniban ng kung anong masamang espirito ay biglang sinunggaban ni Smeagol si Deagol, sinakal niya ito hanggang sa bawian ng buhay. Dagling kinuha ng sakim na nilalang ang singsing at mula noo'y tinawag niya itong "My Precious".

Nagkaroon si Smeagol na tinawag ng Gollum kalaunan, ng mahabang buhay dahil sa singsing. Isa lamang ito sa mga pambihirang kakayahan ng naturang alahas. Nanirahan siya sa loob ng kweba sa loob ng maraming taon. Malayong- malayo na ang kanyang itsura mula noong isa pa lamang siyang ordinaryong hobbit. Mukha na siyang isang halimaw. 

Sa paglaon pa ng kwento ay napunta ang singsing kay Bilbo Baggins dahil sa kapabayaan ni Gollum. Bagaman nagsisisi ay wala nang nagawa ang kawawang "halimaw". Tulad kay Gollum, nagkaroon din si Bilbo ng mahabang buhay. Natuklasan din niya ang isa pang kapangyarihan ng singsing---invisibility (kakayahang hindi makita ng iba). 

Ipinasa naman ni Bilbo ang singsing sa kanyang pamangking si  Frodo Baggins. Dito na nagsimula ang "totoong pakikipagsapalaran" sa palabas. 

Dahil sa naging bahagi na ng pagkatao ni Sauron ang singsing, nagbalik siya upang bawiin ito para makapaghasik muli ng lagim. Ang tanging paraan upang maiwasan ito ay ang dalhin ang singsing sa Dark Tower sa Mount Doom. Kailangang maitapon ito ni Frodo sa kumukulong apoy upang tuluyang mawasak. 

Ano na ang papel ni Gollum sa pelikula? Nasaan na ang karakter niya sa kwento? Nilinlang niya si Frodo at ang kaibigan niyang si Samwise "Sam" Gamgee. Pinaniwala niya ang dalawa na sumama siya sa Mt. Doom para sirain ang singsing. Nagbigay siya ng direksiyon. Nagtiwala naman ang magkaibigan. Subalit, di lang isang beses niyang niloko sina Frodo at Sam. Bago matapos ang kwento ay mahuhulog si Gollum sa kumukulong apoy kasama ng kanyang "Precious" 

Kinailangang muling ikwento ang ilang pangyayari mula sa pelikula upang maayos na mailahad ang punto ng akdang ito. 

Si Gollum ay maaaring ako, ikaw, siya, sila o tayong lahat. Sa madaling salita, ang kanyang mga katangian ay walang pinagkaiba sa isang ordinaryong tao---gahaman, sakim, tuso at sinungaling. Subalit, hindi naman ito palagiang nangyayari. Naniniwala pa rin ang inyong lingkod na ang tao ay likas na mabuti, minsan ay nalilimutan lamang niya ito. 

Ang "pagka- Gollum" ng isang indibidwal ay makikita sa pagkagumon sa kapangyarihan. Maaari nating ituring ang singsing na simbolo ng labis at perpetwal na lakas. Dahil na rin sa pagnanais ng tao na magkaroon ng kontrol sa kanyang paligid at sa kanyang kapwa ay nalalasing siya sa kaunting kapangyarihan na nakamtan niya. Magbubunga ito ng hindi paaawat na kagustuhang panghawakan ang naturang kapangyarihan sa abot ng kanyang makakaya---anoman ang maging kapalit nito. Manira man siya ng reputasyon, ng relasyon o ng isang buong komunidad. Ang tanging mahalaga para sa kanya ay ang mapangalagaan ang kanyang pansariling interes at ang kanyang "kapangyarihan". 

Sa kontekstong Pinoy, kitang- kita ito (bagaman gasgas na) sa mga pulitikong ayaw bumitiw sa kanilang pwesto (lalo na sa mga lalawigan). Matapos man ang kanilang termino, patatakbuhin nila sa eleksiyon ang kanilang kaanak para lamang mapangalagaan ang kanilang posisyon sa nasabing bayan. Makikita rin ang di magandang gawi na ito sa isang opisina o kahit saanmang lugar ng trabaho na may mga tagapamunong kapit tuko sa kanilang pwesto. Ginagawa ang lahat upang "protektahan" ang kanilang trono, kahit na ang makapanakit pa ng kapwa. Wala silang pakialam sa nararamdaman ng kanilang mga nasasakupan, ang tanging mahalaga ay ang kapangyarihan. 

Tunay na tulad ng opyo na nakakaadik at ng alak na kapag sumobra ay nakakalasing, ganoon din ang kapangyarihan. Kung hindi magagamit nang mabuti ay di malayong matulad tayo kay Gollum. Lalamunin tayo ng ating pagkagumon. Subalit, huwag nating kalimutan na di tulad ni Gollum, tayo ay tao. Iba tayo sa kanya. Bukod sa ating mataas na kakayahang mag- isip, mayroon tayong puso. Mayroon tayong wagas na pagpapahalaga sa pamilya, sa kaibigan, sa katrabaho, sa kapwa. Pakaisiping higit sa pagkakaroon ng kontrol sa mga bagay- bagay sa paligid, higit na mahalaga ang respeto. Respetong kusang ibinibigay dahil sa pagmamahal. Walang saysay ang kapangyarihang nakuha sa masamang paraan lalo pa't ito ay resulta ng kasinungalinagn at palagiang panlilinlang. Ikaw rin, gusto mo bang maging kamukha si Gollum? :D  


No comments: