Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Friday, November 4, 2011

Ngayong Mas Mahaba na ang mga Gabi

 

Kay bilis natapos ng maghapon
Parang hangin lang ang umagang nagdaan
Ang masayang pananghaliang pinagsaluhan
Ang kapana- panabik at nakakikilig na mga tagpo
Na tila nagmula sa isang teleseryeng romantiko
Ay isa na lamang alaala
Gayundin ang meriendang buong tamis na inihanda
Sa hapag
Para sa iyo, para sa akin
Para sa atin
Sa dapithapong may dalang awit ng pagsinta
Habang lumulubog ang araw
Sa dalampasigang binabalot ng matingkad na kahel
Kasabay ng mga panakaw na kwentuhan at hagikgikan
Inilahad ko sa’yo ang aking mga panaginip at pangarap
Pinakinggan ko ang salaysay ng iyong buhay
Nagpatianod ako sa tawag ng kasiyahan, 
ng kaligayahan… 
ng kabaliwan.

Batid kong ang lahat ng iyon ay maglalaho sa pagsapit ng dilim
Alam kong sa pagpapalit ng araw at buwan ay matatapos ang galak na aking nadarama
Mawawala  kang parang bula
Mapapatid ang pising nagdurugtong sa akin,
sa sa’yo… 
sa atin.

Noo' y handa ako sa pagtulog nang mag- isa
Panatag akong magsolo sa kama
Sa pag- asang kinabukasan ay muling masisilayan ka 
Nakangiti at masigla.

Subalit tila may kakaiba sa lagay ng panahon ngayon
Kasabay ng pag- alis ng habagat at pagdating ng amihan
Ang di maipaliwanag na takbo ng klima
Ang nakapapasong init ay dagling mapapalitan ng maladelubyong bagyo
Nakapagtataka.
Waring nagmamadali sa pagsikat ang araw 
At nag- aatubili sa paglitaw ang buwan
Nakalulungkot.
Mas mahaba na nga ang mga gabi
Mas mahaba na ang panahong di kita makikita
Higit na magiging matagal ang oras ng aking pag- iisa

Balutin man ng mga tala ang kalangitan
Kumutan man ito ng liwanag ng buwan
Paulit- ulit mang sabihin sa aking
Ang kasunod ng pinakamadilim na bahagi ng gabi ay ang bukangliwayway
Hindi mo maitatatangging nakababagot ang paghihintay
Sa pagsapit ng umaga,
sa pagdating mo…
sa wala.































No comments: