Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Tuesday, April 27, 2010

Oksimoronik


Sino ang kumuha ng perlas?
Mabuti at nakita ng bulag ang lahat.
Nagkwento ang pipi,may aksyon pang kasama.
Pinakinggan ng binging pulis ang mga nangyari.
Itinuro ng lalaking kulang ang daliri kung saan tumakbo,
Pero ang pilantod pa rin ang humabol sa magnanakaw.

Nasaan ang asawa mo?
Hayaan mo na, maliwanag pa naman ang gabi.
'Wag ka ng maghintay ng kalaro sa soltario.
Kainin mo na lang ang malamig na bulalo.
Maniwala kang nasa kapangitan ang kagandahan.
Maaalala ka rin ng makalilimutin mong Mister.

Tapos na ang klase?
Umalis agad ang pagong na guro,
Dinalian ang pagtuturo ng Pisika.
Nabingi yata sa katahimikan ng mga mag- aaral niya,
Napagod sa pananatili sa mesa.
Lumayas, pabulong na sumigaw at nagmura.

Wala ka pa ring trabaho?
Matagal ka nang natapos, noong nakaraang buwan.
Maraming bakanteng posisyon sa pabrika.
Maaari ka ring maging bantay- salakay na guwardiya.
Magsilbi ka na lang kaya sa mga dayong tigarito.
'Pag wala talaga, maghalo ka na lang ng malambot na simento.

Bakit ang dami nilang anak?
Epektibo naman daw ang lumang metodo.
Ngayon, siksikan sila sa malaking barong- barong.
Pero masustansya naman ang ulam nilang talong.
Mabitamina ang kapeng iniinom ng mga bata.
Malusog din naman ang payat nilang katawan.

Saan galing ang mga kalat na 'to?
Malilinis na basura lang naman ang itinatapon ko-
papel, bulok na gulay, mga tira- tirang pagkain at tunaw na plastik lang.
Sana dumaloy na ulit ang baradong estero.
Dahil ayaw kong lumangoy sa munting dagat ng basura,
At malunod sa mababaw na lawa ng grasa.

Siya pa rin ba?.
Pilitin mong 'wag isipin ang init ng kanyang panlalamig.
Dayain mo ang oras at mga panahong wala siya.
'Wag mong pansinin ang napakarami niyang pagkukulang.
Kung talagang mahal mo pa, pagtiisan mo ang kagandahan niya.
Pero kung hindi na, lagi mong alalahaning kinalilimutan mo na siya.

No comments: