Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Wednesday, April 28, 2010

Chubibo

Matagal akong nanabik,
Sa pagsakay sa 'yo.
Matagal kong pinangarap,
na maangkin ka.
Nag- ipon ako nang todo...
ng lakas ng loob.
Pakiramdam ko kasi noon
Di ko talaga kaya.
Ang lakas kasi ng dating mo.
Sa malayo pa lang, natutunaw na ko-
napapalunok, pinagpapawisan...
sinisinok pa nga, nanginginig,
kinikilabutan.
Parang tangang di alam kung lalaban ba
o babawi dahil sa sobrang kaba-
nandiyan na, aatras pa.
Nakakasilaw ang liwanag mo.
Nakakahilo ang bawat ikot mo.
Lalo tuloy akong nalilito.
Gustong- gusto ko naman talaga,
ang maiduyan mo.
Ang mahawakan ang mga ulap,
makipaglaro sa mga maya kasama ka.
Ang mahalikan sa pisngi
ng malamig na simoy ng hangin.
Gustong- gusto ko talaga,
kaya susubukin ko na.
Suntok ito sa buwan,
parang pagtalon na rin sa bangin.
Pero bahala na,
Kakapit na lang ako nang mahigpit sa'yo.

Tuesday, April 27, 2010

Oksimoronik


Sino ang kumuha ng perlas?
Mabuti at nakita ng bulag ang lahat.
Nagkwento ang pipi,may aksyon pang kasama.
Pinakinggan ng binging pulis ang mga nangyari.
Itinuro ng lalaking kulang ang daliri kung saan tumakbo,
Pero ang pilantod pa rin ang humabol sa magnanakaw.

Nasaan ang asawa mo?
Hayaan mo na, maliwanag pa naman ang gabi.
'Wag ka ng maghintay ng kalaro sa soltario.
Kainin mo na lang ang malamig na bulalo.
Maniwala kang nasa kapangitan ang kagandahan.
Maaalala ka rin ng makalilimutin mong Mister.

Tapos na ang klase?
Umalis agad ang pagong na guro,
Dinalian ang pagtuturo ng Pisika.
Nabingi yata sa katahimikan ng mga mag- aaral niya,
Napagod sa pananatili sa mesa.
Lumayas, pabulong na sumigaw at nagmura.

Wala ka pa ring trabaho?
Matagal ka nang natapos, noong nakaraang buwan.
Maraming bakanteng posisyon sa pabrika.
Maaari ka ring maging bantay- salakay na guwardiya.
Magsilbi ka na lang kaya sa mga dayong tigarito.
'Pag wala talaga, maghalo ka na lang ng malambot na simento.

Bakit ang dami nilang anak?
Epektibo naman daw ang lumang metodo.
Ngayon, siksikan sila sa malaking barong- barong.
Pero masustansya naman ang ulam nilang talong.
Mabitamina ang kapeng iniinom ng mga bata.
Malusog din naman ang payat nilang katawan.

Saan galing ang mga kalat na 'to?
Malilinis na basura lang naman ang itinatapon ko-
papel, bulok na gulay, mga tira- tirang pagkain at tunaw na plastik lang.
Sana dumaloy na ulit ang baradong estero.
Dahil ayaw kong lumangoy sa munting dagat ng basura,
At malunod sa mababaw na lawa ng grasa.

Siya pa rin ba?.
Pilitin mong 'wag isipin ang init ng kanyang panlalamig.
Dayain mo ang oras at mga panahong wala siya.
'Wag mong pansinin ang napakarami niyang pagkukulang.
Kung talagang mahal mo pa, pagtiisan mo ang kagandahan niya.
Pero kung hindi na, lagi mong alalahaning kinalilimutan mo na siya.

Thursday, April 22, 2010

Sipnayan

Lagi mong hinahanap kung ano ang problema.

Kailangan mo pa ng krokis ng pagpaparami,
kahit simpleng- simple lang naman ang solusyon.

Dagdagan mo ang mga panahon na kasama ako,
Magtanong ka kung anong kailangan ko.
Iwasan mo ring paiyakin ako, dahil nakakasira talaga ng ulo.

Bawasan mo ang pagiging pikunin.
Sikapin mong kahit minsa'y maging masunurin.
'Wag ka ring hihingi ng tawad kung hindi ka naman sinsero,
Nang hindi ka manghiram ng mukha sa aso.

Ayoko ng may kahati sa oras mo,
Sawa na akong maglaro nang tatlo tayo.
'Wag mo ng balakin pang
Muling manloko
Di na ko mangingiming kalabitin ang gatilyo.

Hindi mo kailangan analisahang mabuti,
Wala namang hinihinging pormula.
Mananatiling apat ang sulok ng parisukat,
At hindi ko na rin hihingin pa ang pariugat.

Hindi ko alam kung ano ang kalagamitan,
pero handa pa rin akong sumugal.
Maniniwalang tuwid na ang landas mo, aasa sa'yong pagbabago.

Magbibigay pa rin ako
Ng 'sandaang porsyento,

'Wag lang maging guning bilang sa buhay mo.

Friday, April 16, 2010

Oratio Imperata


Ubos na po ang load ng cellphone ko.
Wala ng kakainin ang aso.
Ga- patak ang tulo sa gripo.
Didiskarte pa ng pambayad sa Meralco.
Bakit hindi pa rin po ako nananalo?
Araw- araw naman akong tumataya sa lotto.
Butas na po ang medyas,
Manipis na rin po ang tsinelas.
'Yung paboritong t- shirt ko po kupas na.
'Yung sinangla ko malapit nang maremata.
Said na po ang mantikang pamprito.
Katiting na ang asin na pino.
Tulog pa ang kapitbahay.
Nainom na po ang huling tagay.
Natunaw ang ice cream ng di ko namalayan.
Lumisan siya nang di man lang nagpaalam.
Natuyo ang ilog, nabitak ang lupa.
Ngunit bakit po biglang bumaha?
Sumabog po ang bulkan, nasira ang daan.
Masamang pangitain-
May eclipse na naman.
Umuuha ang bata,
Subalit wala nang luha.
Nakikiusap po ako, nagmamakaawa
Na sana'y maambunan pa
Ng kahit kaunting pagpapala.

Thursday, April 15, 2010

Balisawsawin

Aalis sana tayo ng eight para maaga.
Naging alas diyes kasi tinaghali ka.
Three pm na nang makaligo ka
Kaya alas sais na kita nakita.

Green ang inisip mong isuot kanina.
Pero napako ang mga mata sa pula.
Yellow ang t-shirt na kinuha,
Pero dumating kang naka- lila.

Nahalinang kumain ng adobo,
Natakam ka rin sa menudo.
Naglaway sa sabaw ng pochero
Pero itinuro kay "Ate" ang mechado.

Pinanghawakan ang mga salitang "Pag-iisipan ko"
Nagalak nang sabihin mong "Oo."
Kinabahan sa pagsabi ng "Teka!"
Naglupasay sa sagot mong "Hindi na."

Pwedeng pagpasensiyahan, kayang pagtiyagaan
Ugali mong pabago- bago ng isipan.
Sadya nga lang mahirap ispelengin,
Ang pag- ibig mong...balisawsawin.

Monday, April 12, 2010

Inspirado/ Desperado


Kumukuha ka na naman ng papel.        Kumukuha ako ng papel.
Bakas ang ngiti sa 'yong mga labi.        Naririnig ko ang mga kuliglig sa daa.
Marami kang gustong isulat.                 Kanina ko pa gustong magsulat
Parang ang saya n'yo kasi kanina.         Sandali lang kasi kaming nagsama.

Hinintay mo siya.                                   Matagal akong naghintay.
Masarap ang fishball ni Manong.          Inabot ako ng gutom.
Mahangin din sa labas.                         Nalanghap ko usok ng buong Maynila..
Tahimik.                                                Nakaiinip.

Nang dumating siya,                             Sa wakas dumating din
Ang saya mo.                                        Wala man lang beso.
Ngumiti siya, nagpasalamat.                 May pera pa ba ako?
Sabay kayong...                                    Sabay kami...
Naglakad.                                             Pero may pagitan.

Nag- usap.                                           Nagkwentuhan.
Malamyos ang tinig, pabulong.           Ngunit di nagkaintindihan.
Tanong mo, sagot niya.                       Oo, hindi,tama, mali, siguro, baka, yata...ewan.
Masaya.                                               Maligaya?

Nagpaalam na siya sa'yo.                     Tinapik niya ako sabay talikod.
Pinagmasdan mo siya papalayo.          Naiwan akong  mag- isa.
Pero nakangiti ka pa rin.                       Napaisip tuloy ako.
Ang nasabi mo na lang,                        Bumuntong- hininga, sabay sabing,
"Salamat".                                            "Bahala na".