Pumili ka ng trabahong tutugon sa iyong hilig upang higit kang pakinabangan ng iyong bayan.
- Gregoria de Jesus

Saturday, October 17, 2009

BIYERNES SANTO



Narito ang isang dulang- iglap na nilkha ng inyong- lingkod noong May, 2005 para sa isang playwriting workshop na ginanap sa Cultural Center of the Philippines. 

 BIYERNES SANTO
 ni Romano Borja Redublo

Mga Tauhan:

Manang Lydia-  60 Taong gulang
 
Angelica-  25 Taong gulang

Maririnig ng mga manonood ang tinig ng mga matatandang nagbabasa ng pasyon, unti- unti itong hihina habang lumiliwanag ang entablado.

O Diyos sa kalangitan
Hari ng Sangkalupaan
Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan.

Sa kwarto ng isang Home For The Aged, makikita sa entablado ang dalawang kama at isang mesa at kahon sa ibabaw nito. Sa kabilang bahagi ay may bintana at makikita sa entablado si Manang Lydia na nakaupo sa wheelchair na kababakasan ng kalungkutan at labis na pagkainip. Maririnig ang yabag ng mga paa at lalabas sa entablado ang nakangiti ngunit halatang pagod na si Angelica, may dalang bag, supot at nakalugay ang buhok. Hahawak ang dalaga sa wheelchair ng matanda.

MANANG LYDIA: Akala ko’y hindi ka na darating.

ANGELICA: (Nakangiti pa rin.) Pwede po ba namang mangyari ‘yun?

MANANG LYDIA: Tinanghali ka na yata, Biyernes Santo pa naman ngayon. Saan ka ba nanggaling? Parang hinihingal ka pa.

ANGELICA: (Bibitiw sa pagkakahawak sa wheelchair at ialapag ang dalang bag at supot sa mesa.) Wala ho ito Manang. Malakas pa ho ako sa kalabaw. Ideniliver ko lang po ‘yung mga order sa akin na leche flan doon kina Mrs. Enriquez, ‘yun pong naikwento ko sa inyo na may malaking bahay sa Sta. Ana. Biruin n’yo, kumuha ng dose piraso. Itatago n’ya raw sa ref nila at ihahanda sa Linggo ng Pagkabuhay. Sayang din naman ho, dagdag panggastos din sa bahay.

Biglang lilingon si Angelica kay Manang Lydia.

ANGELICA: Ay! May sasabihin nga pala po ako sa inyo. Natatandaan n’yo pa po ba ‘yung naikwento ko sa inyo noong isang buwan? ‘Yung tabaho sa Dubai...

MANANG LYDIA: Angelica, mano ba namang itali mo ‘yang buhok mo hija. Gamitan mo ng pamuyod.

ANGELICA: (Pupunta muli sa mesa at kukunin ang pamuyod sa bag at saka magtatali ng buhok.)
‘Yan mukha na po bang artista?

MANANG LYDIA: Naku hija, mas maganda ka pa kay Gloria Romero noong kabataan niya.

ANGELICA: (Muling hahawakan ang wheelchair at aktong ipapaling papalabas. ) Tayo na ho.

MANANG LYDIA: Saan?

ANGELICA: Hindi po ba’t may pabasa sa covered court, ayaw n’yo po bang pumunta?

MANANG LYDIA: (Bubuntong- hininga) Paano ba naman kasi si Marta, si Marta, ‘yung nandito...(Ituturo ang kama sa kaliwa.)

ANGELICA: O, kilala ko ho si Aling Marta. Ano naman po ang ginawa niya?

MANANG LYDIA: Ay, aywan ko ba. Nasabi ko lang naman na baka gusto niyang magligpit ng hinigaan niya tuwing umaga. Mano ba naming ayusin niya ‘yung kumot, ‘yung unan, akalain mo ba naming talikuran ako habang nagsasalita pa ako…(Malumanay) Santisima, parang walang pinagkatandaan, ako ngang nakaratay rito sa wheelchair eh nakukuhang mag- imis- imis, siya pa kayang nakakatayo pa.

ANGELICA: Hayaan n’yo na ho. May nagliligpit naman ng mga hinigaan, ako, si Monet…

MANANG LYDIA: Naku! Si Monet? Napakasuplada ng batang iyon. Madalang pa sa patak ng ulan kung ngumiti.

ANGELICA: Mabait ho ‘yun, mahiyain lang ho talaga. Tigann n’yo makakasundo n’yo rin ho siya. Masarap ‘yun magluto. Masabihan ngang dalhan kyo minsan dito.

MANANG LYDIA: Huwag na lang. Kung hindi lang din galing sa’yo, eh hindi na bale.

ANGELICA: (Bababa ang tinig.) Ayaw n’yo po ba talagang pumunta sa pabasa?

MANANG LYDIA: Hay naku, dito na lang ako. Tutal nakapagdasal na naman ako ng Santo Rosario. 

Luluhod si Angelica at aayusin ang mga paa ng matanda na nawala na sa ayos ang pagkakalapat sa wheelchair.

MANANG LYDIA: Santo- santo na naman ano Ineng. Alam mo ba noon, noong bata pa ako, lagi akong isinasama ng nanay ko sa Visita Iglesia. Huwebes Santo pa lang ng madaling- araw, lumalakad na kami. Inuuna namin ‘yung simbahan ng San Isidro Labrador sa Lucban. Tapos, ‘yung parokya ng Sta. Catalina sa Lucena.

ANGELICA: Napakamadasalin naman ho ng pamilya n’yo. Gawain din ho naming ‘yan noong mga bata pa kami. Inuuna po naming ‘yung simbahang malapit sa amin, ‘yung San Antonio De Padua.

MANANG LYDIA: (Nakangiti. ) Siyanga?

ANGELICA: Kaso noon pa ho iyon. Bago pa ho ako mag- grade six. Bago pa ho mamatay ang Itay. Naaalala ko pa nga ho, kahit Mahal na Araw, hindi makapagpigil si Raymond, ‘yun ho bang sumunod sa akin, ang hilig magpabili ng kung ano- ano: lobo, sitsirya, trumpo…

MANANG LYDIA: Eh si ano? Si ano, ‘yung bunso.

ANGELICA: Si Michelle ho. Kpapanganak pa lang ho sa kanya ‘nun. Naku ngayon, nagdadalaga na rin. Binibiro ko nga ho, sabi ko baka pagbalik ko eh may asawa na siya, maunahan pa niya ako.

MANANG LYDIA: Pagbalik? Bakit saan ka ba pupunta? Magde- deliver ka na naman ban g leche flan? Magpahinga ka naman hija, magtika- tika. Maigi nga rito, kahit paano may pabasa pa. Aba sa ibang lugar, parang piyesta.

ANGELICA: Ewan ko nga ho eh. ‘Pag Domingo De Ramos, bukod sa palaspas, eh puro bakasyon na ang iniisip nang lahat: sa Boracay, sa Palawan, sa puerto Galera. At kung may- kaya- kaya ang pamilya, eh magho- Hong- Kong pa.

MANANG LYDIA: Amerika pa kamo. May kakilala nga akonoon eh, mula Lunes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay nandoon, nandoon sa Paoay. Doon sa malalaki ang mga alon.

ANGELICA: (Tatatayo at mapapangiti.) Hawaii ho, pabaritong bakasyunan ng mga mayayaman.

MANANG LYDIA: Ay kahit ano pa, pare- pareho naman ‘yung paliguan.

ANGELICA: (Titingin sa matanda at may maaalala.) Teka nga ho pala, may sorpresa po ako sa inyo.

MANANG LYDIA: Naku, ano naman ‘yun? Dinalhan mo ba ako ng leche flan ha?

Muling pupunta si Angelica sa mesa at kukunin ang supot. Bubukasan ito at ilalabas ang isang alampay. Mula sa likod ay isusuot ni Angelica ang alampay kay Manang Lydia.

ANGELICA: Heto ho. Nagustuhan n’yo ho ba ang kulay? Ako po ang pumili niyan, mabuti na nga lang ibinigay kanina ng tindera sa tawad ko.

MANG LYDIA: Ang bait mo talaga Ineng.Ibang- iba ko ‘dun sa mga anak ko. Ewan ko ba kung saan ako nagkamali sa pagpapalaki sa mga batang ‘yun. Por Diyos, Por Santo, dadalawa na nga lang sila. Si Clara, ‘yung panganay ko, sunod sa pangalan ni Santa Clara. Magandang bata, napakaganda. Si Rafael, ‘yung bunso ko, ipinangalan naman kay San Rafael. Patron ng nasira kong asawa na si Federico, tiga- Batangas kasi ang pamilya nila.

ANGELICA: (Marahang sasagot.) Ganoon ho ba?

MANANG LYDIA: Si Clara, nabaliw sa pag- ibig, ginamit ang puso hindi ang kukote. ‘Yan, wala tuloy maipagmalaki. Paano ba naman, hindi rin tapos ng kolehiyo ang asawa. Ayun, nagmamaneho lang ng pedicab. Nagsisiksikan silang paranfg sardinas doon sa dampa nila sa Baseco. Aba’y biruin mong magkaanak na ng pito! Isang bibig pa akong poproblemahin ‘pag doon ako tumira. 

ANGELICA: (Pahihinahunin ang matanda.) Huwag ho kayong magsalita ng ganyan. Hindi naman ho nila ginustong maging miserable. Mahirap lang ho talaga ang buhay ngayon. Kung hindi ka maghihigpit ng sinturon, palagi kang kakapusin sa budget. Kaya nga ho naisip kong mas maganda pang pumunta ako...

Biglang iiyak si Manang Lydia.

MANANG LYDIA: (Humihikbi, lumuluha) Binigay ko naman lahat nang oras ko. Dinadala ko naman sila sa simbahan. Buhos ako sa pag- aasikaso sa kanila, halos kinalimutan ko na ang sarili ko. Ni hindi ko na ngang makuhang magkolorete pa sa mukha.

ANGELICA:Shhhh...tama na ho.

Pupunasan ni Manang Lydia ang luha, pipiliting ngumiti.

MANANG LYDIA: Bago ko nga pala makalimutan, may ipapakita ako sa’yo. Ayoko pa sanma kasi hindi pa tapos, pero nasasabik na akong makita ang reaksyon mo. Pakikuha mo ‘yung kahon sa ibabaw ng mesa.

Kukunin ni Angelica ang kahon sa ibabaw ng mesa at iaabot kay Manang Lydia.


ANGELICA: Heto po.

MANANG LYDIA: (Ilalabas ang gantsilyong ginagawa.) Ilang araw ko na rin itong ginagawa. Patungan ng flower vase, magandang ilagay sa ibabaw ng mesa. Ibibigay ko sa’yo. 

ANGELICA: (Nakangiti.) Talaga si Manang o, nag- abala pa kayo. Salamat ho.

Matapos magpasalamat ni Angelica ay aayusin niya ang magulong kama ni Aling Marta.

MANANG LYDIA: Kita mo, ikaw tuloy ang gumagaw niyan.

ANGELICA: Manang, trabaho ko po ito. Dito, panay kumot at unan ang sinasalansan ko. Doon, pihado kong mananawa ako sa mga pinggan, kutasara, tinidor at baso.

MANANG LYDIA: Yanong hirap na kasing humanap ng maayos- ayos na trabaho ngayon .

ANGELICA: Sinabi n’yo pa. Buti na nga lang kahit hindi ko natapos ‘yung kurso kong nursing eh nakuha pa ako dito. Mahina na rin ho kasi ang tanggap ng tahiin ng Inay. Gusto ko hong makatapos ng kolehiyo ‘yung dalawa. Si Raymond, gustong maging engineer. Si Michelle, ang taas ng pangarap, gustong maging flight stewardess. Kaya kailangan ko ho talagang kumayod nang todo para makaipon ng malaki- laki.

MANANG LYDIA: Mabuti ka pa ganyan ang takbo ng isip mo, sana ganyan din si Rafael. Yanong batugan ng batang ‘yun. Tapos ‘yun ng kolehiyo pero ayaw maghanap ng matinong trabaho. Kesyo mahirap daw, kesyo magulo raw. Magtitiyaga na lang daw siya ‘dun sa talyer kasama ng asawa niyang di- mawarian ang ugali. May isa na rin akong apo ‘dun sa batang ‘yun. Tumira ako sa kanila noon. Minsan, sabi ko, huwag paliguan ang bata ‘pag may pilay. Sukat ba namang sigawan ako. Pati panlkaban sa usog na nilagay ko, pilit tinanggal. Noong misan ngang narinig ‘nung babae na pinapayuhan ko si Rafael na mangibang- bansa para umase- asenso ang buhay, ba’y binulyawan na naman ako. Ang sabi pa’y wala akong kwentang lola, inaalisan ko raw ng ama ang apo ko. Gusto ko lang naman silang umasenso. Pero namili na si Rafael. Mas ginusto pa niyang iwanan ang ina niya sa gate ng pesteng Hone for the Aged na ito, parang bagay na walang silbi.

Sa ikalawang pagkakataon ay mapapaiyak ang matanda. Lalapit si Angelica at muli siyang pahihinahunin.

ANGELICA: Tama na ho Manang. Gusto po ba ninyong mahiga muna?

MANANG LYDIA: Anong mahiga? Hindi ako inaantok! Puro sama ng loob ang dinulot nila. Wala naming masama sa pagpunta sa ibang bansa a! Walang masama sa pagtulong sa pamilya.

ANGELICA: (Lluluhod at ngingiti.) Wala ho, walang masama sa pagtulong. (Hahawakan sa kamay si Manang Lydia) Di ba nga ho, ako mismo pupunta ako sa Dubai. Manang, sa Lunes na ho ang alis ko.

MANANG LYDIA: (Magugulat pero mahinahon pa rin. ) Saan kamo? Saan ka pupunta?

ANGELICA: (Tatayo at masaya.) Sa Dubai ho, sa Middle East. Natanggap na ho akong waitress ‘dun. Abot- abot nga ho ang pasasalamat ko’t mabilis naayos ang mga papeles. Ipagdasal n’yo po ako ha Manang, medyo natatakot po kasi akong sumakay ng eroplano.

MANANG LYDIA: Bakit? Para saan?

ANGELICA: Di ba mahirap nga po ang buhay. Matutulungan ko na po ang pamilya ko. Mapapalitan na po namin ‘yung mga lumang gamit, mapapaayos na naimn ‘yung bahay, mapapa...

Mapuputol sa pagsasalita si Angelica.

MANANG LYDIA.: (Mababa ang tinig.) Hindi pwede.

ANGELICA: (Saglit na matitigilan.) Ano ho?

MANANG LYDIA: Hindi ka pwedeng umalis.

ANGELICA: Bakit po?

ANGELICA: Si Manang naman o, syempre may papalit sa akin. Si Monet, o kaya baka may bago. Mas maganda, mas mabait...(Muling hahawakan ang kamay ni Manang Lydia.) Papayag ba naman akong walang mag- aalaga sa inyo?

MANANG LYDIA: (Aalisin ang kamay ni Angelica. Tumataas ang boses) Ayoko ng iba! Di ba sinabi ko sa’yong hindi ko gusto ang ugali ‘nun ni Monet!

ANGELICA: Manang, iyan pa ho ba ang gusto ninyong ipabaon sa akin, sama ng loob? Huwag naman hong ganyan.

MANANG LYDIA: (Pasigaw.) Eh di huwag kang umalis!

ANGELICA: Hindi naman ho iyon pwede.

MANANG LYDIA: Bakit hindi pwede?

ANGELICA: May pamilya po ako di ba? Panganay pa ko. Ako po ang inaasahan nila, ‘pag hindi po ako kumilos, kawawa ang pamilya ko.

MANANG LYDIA: Kawawa sila, pero ako!? Paano ako!? Paano naman ako!? Ineng, hindi mo na ko inisp!

ANGELICA: Manang huwag naman hong ganyan. Tama na ho.

MANANG LYDIA: Katulad ka rin nila. Katulad ka rin ni Clara, ni Rafael! Iiwan mo rin ako!

ANGELICA: Hindi po totoo ‘yan.

MANANG LYDIA: Nagsinungaling ka eh. Kaya mo ba ako binigyan nito? (Ituturo ang alampay.)

ANGELICA: Hindi po. At saka magtatrabaho po ako. Hindi po ako magpapakasarap doon. Akala ko ho ba walang masama sa pagtulong? Sa pag- alis?

MANANG LYDIA: (Ibabato ang ginagantsilyo.) Oo, pero hindi ikaw! Hindi ka pwedeng umalis!

ANGELICA: Gusto ko pong makaipon.

MANANG LYDIA: (Umiiyak.) Huwag ka ng umalis. Heto...(Huhubarin ang wedding ring at pilit ibibigay kay Angelica.) kunin mo ‘to. Pwede ‘to, makakatulong ito sa’yo. Sa’ yo na ‘to. Huwag ka ng umalis. Huwag ka ng umalis…

ANGELICA: Manang, please.

MANANG LYDIA: Huwag ka ng umalis.

ANGELICA: Manang.

MANANG LYDIA: Anak.

Yayakap si Angelica kay Manang Lydia. Habang dumidilim ang entablado ay maririnig ang papahinang hikbi ng matanda. Kasabay nito ay ang pagsasabi ni Angelica ng “Babalik po ako. Babalikan ko kayo.” Kasunod nito ay ang sabay- sabay na tinig ng mga matatandang nagbabasa ng pasyon. 

O Diyos sa kalangitan
Hari ng Sangkalupaan
Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan.

TELON
 

Saturday, October 3, 2009

Ayoko na ng Class Suspension

 1 week na rin ang nakalilipas noong manalasa ang bagyong Ondoy dito sa Pilipinas.

Nagising ako nang maaga noong Sabado, September 26,  dahil ang alam ko, may pasok ako sa Masters. Mahina lang naman ang ulan noong umaga, wala talagang nag- akala na mangyayari ang mga nangyari. Kumain pa ako ng almusal. Walang pasok si Romel dahil restday niya rin noong araw na 'yun. Si Cookie, may pasok daw siya ng ala una ng hapon.

Tuloy- tuloy na ang ulan Biyernes pa lang ng gabi, pero hindi naman ganoon kalakas. Umuulan pero pabugso- bugso lang. Titigil, hihinto, ganoon lang ang drama ng ulan na 'yun.

Mga alas otso nang umaga, nagsimulang bumalong ang tubig sa bahay namin. Medyo sanay na kami rito kasi dati na namang bumabalong ang tubig sa sahig namin, pero kaunti lang 'yun, mataas na ang 1 and a half inches na tubig sa sahig. Kaya ganoon na lang ang gulat namin noong pataas na nang pataas ang tubig. Parang kahit anong punas namin sa sahig at lampaso ang gawin namin, hindi talaga natutuyo. Sobrang bilis ng pagtaas ng maruming tubig.  Kinabahan na kami, lalo na ang Mama ko. Itinaas na namin 'yung ibang mga gamit, nilagay namin sa higaan ko at sa higaan ni Cookie (mabuti na lang at may double- deck kami). Sa isang iglap, abot na sa baywang namin ang tubig sa loob ng bahay. Sumisigaw na si Mama, nasa trabaho pa naman si Daddy, na- stranded din daw siya kaya hindi rin makauwi. Tsk.tsk.tsk. Hindi sapat 'yung mga kamay namin para isalba ang ilang gamit, nalubog na sa tubig ang karamihan. Sabi ni Romel, lumabas na muna kami. Iwan na raw muna namin 'yung bahay at i- lock na lang, kasi wala na kaming magagawa kahit manatili pa kami doon. 


Kaya ayun nga, nag- stay na muna kami sa labas. Doon kami sa tindahan ni Ate Edith. Tinulungan na rin namin 'yung iba naming kapitbahay na mag- angat ng gamit nila.Hindi ko alam pero ginutom daw ng sobra si Mama, kaya nagluto siya ng hotdog at itlog. 'yun na lang ang kinain namin habang basang- basa ang mga katawan namin ng tubig ulan.

Ilang segundo, minuto, oras ang lumipas. Lagi naming sinasabi sa bawat isa na, "...parang humihina ang ulan, parang bumababa na ang tubig." Bakit? Kasi kailangan naming maging positibo, kailangan naming may panghawakang pag- asa... kahit mukhang delubyo na ang nangyayari.

Gabi na nang humina din ang ulan. Bumalik na kami sa bahay namin para tingnan kung ano pa ang maaari pang pakinabangan. Dumating na rin ang Daddy ko. Sinimulan na naming tabuin lahat ng tubig at ilabas ng bahay. Matagal. Inabot yata kami ng tatlong oras sa pagtatanggal lang ng tubig. Hindi pa doon natapos, ang mga basurang naiwan, mga gamit na nasira at mga damit
na nabasa ay kailangan pa naming harapin at ayusin.

Natural sa tao ang mainis. Human nature ika nga ng nakararami na kapag may nangyaring hindi maganda ay maaasar ka... at maghahanap ka ng sisisihin. Galit na galit ako kasi binaha kami, hindi naman kami binabaha dati (well, hindi ganoon kalalim). Pikon na pikon ako kasi maghapon akong basa at nasa labas. Asar na asar ako kasi ngayon pa naisipang magbungkal ng kalsada nang mga pulitiko (ginagawa ang kalye malapit sa amin) para "ayusin", eh tag- ulan na.

Binuksan namin 'yung TV ng medyo matapos na kami sa ginagawa namin, o mas tama yatang sabihing noong napagod na kami.Pahinga muna. Noong mga oras na 'yun, nakita namin na mas maraming tao pala ang mas nahirapan. Maraming tao pala ang nanatili sa labas ng bahay nila, sa bubong. Hindi na nila kinaya ang tubig kahit pa may second o third floor pa ang tinitirhan nila. Maraming hindi nakakain. Maraming umiiyak at humihingi ng tulong. Akala ko kami lang. Akala ko kami lang ang nahirapan at sa amin lang nangyari ang ganoong kamalasan.Marami palang naging "biktima", hindi lang kami. At higit na mahirap ang nangyari sa kanila, maswerte pa kami.


1 week na ang nakalilipas pero hindi pa rin masyadong maayos ang bahay namin. Hmmmm. May bagong bagyong paparating kaya itinaas na namin ulit 'yung ibang mga gamit. Sana, kung uulan man, 'wag nang masyadong malakas. 'Wag na sanang maulit ang baha, nakakatakot. Alam kong imposibleng mangyari, pero sana 'wag ng bumagyo ulit. Hindi na ko hihiling na sana walang pasok. Kahit magtrabaho na lang ako araw- araw. Kung tulad ulit ni Ondoy ang kapalit? Ayoko na ng class suspension.