Mula sa kawalan
Galing sa kalawakan
Sa isang mahabang paglalakbay
Patungo sa kung saan
Naglakad ako sa mga ulap
Tumakbo- takbo ako sa purgatoryo
At pilit kong tinakasan ang impiyerno.
Sapagkat di lang isang beses akong namatay
Di lang miminsan akong pinagluksaan
Ng aking pamilya’t mga kaibigan
Ng mga taong di ko kilala
Di lang isang panahon silang lumuha
Dahil palagi nilang naririnig ang aking pagtangis
Ang aking paghingi ng tulong sa tuwina
Walang sigaw mula sa akin ang di nila naulinigan
Subalit wala naman silang nagawa
Sapagkat ako mismo ay paralisado
Ang isip, ang katawan at ang kaluluwa
Pinaslang ako ng taong minsa’y aking sininta
Mas ginusto niyang mamatay ako
Para mabuhay siya
Katawa- tawa.
Dahil ang bilis niyang nakalimot
Nawala sa kaniyang gunita
Na matagal naman na talaga akong patay
Inabutan na niya akong walang buhay.
Ginising niya lang akong muli
Binigyang- hininga lang ako ng kaniyang pag- ibig
Pinakilos ako ng kanyang pagmamahal.
Pero nalimot niya ‘yon.
Pinaglamayan ako.
Pinagsindihan ng kandila
At pinagdasalan.
Natapos ang pasiyam.
At ang apatnapung araw ng pagdadalamhati.
May bagong kamay akong nakikita sa liwanag.
At hawak- hawak niya ang aking puso.
Makinig ka,
Tulad ko rin
Ikaw ay mamamatay
Subalit kahit walang katiyaka'y
Pipiliin mo pa ring muling mabuhay.