Disyembre 16; Biyernes
Madaling araw. Alas kuwatro pa lang ng umaga ay nakagayak na
si Bong para sa unang simbang gabi. Tipikal na labing limang taong gulang na
binatilyong bihis na bihis at animo’y pupunta sa isang party ng kaibigan. Nakatsinelas
nga lang siya. Naglagay siya ng gel sa buhok. Paulit- ulit niya itong sinuklay,
ginulo at sinuklay ulit. Tanghali pa ang pasok ni Bong sa eskwelahan kaya hindi
naman siya nag- aalalang mahuli. Isa pang tingin at lingon sa salamin at
lumabas na siya ng kanilang bahay.
Tulog pa ang siyam na mga kapatid ni Bong nang maglakad siya palabas. Dahan-
dahan niyang pininid ang pinto ng kanilang munting bahay. Gusto sana niyang
magkape man lang. Nasa bakuran na ang kanyang ina at nagwawalis. Maaga ring
nagising. Siguro’y sabik din sa unang araw ng simbang gabi. Nililinis ng nanay
niya an mga tuyong dahon na nalalag mula sa puno ng mangga.
“Alis na po ako, ‘Nay.” Ang sabi ni Bong sa nanay sabay kuha ng kamay nito para
magmano.
“4:30 ang misa, di ba?Bilisan mo na at baka mahuli ka, dumating
ka dun tapos na ang sermon ng pari.”
“Ayaw n’yo po ba talagang sumama?”
“Ay, hindi na. Baka magising ‘yung bunso mong kapatid,
mahirap na. At saka nandun na naman ang lola mo.”
“Unang araw po ngayon ng Misa de Gallo.”
“Hindi na, ‘nak. Maiintindihan ‘yun ng Diyos.”
“Kayo pong bahala.”
Hinatid ng tanaw ng kanyang ina si Bong. Kasabay ang paulit- ulit at malalim na
buntong- hininga.
Malamig ang klima ng umagang iyon sa Barangay Dolores, sa
San Fernando, Pampanga. Kaya naman hindi na alintana ni Bong ang paglalakad
mula sa kanilang bahay papunta sa pinakamalapit na simbahan. Habang paparating
ang araw ng Pasko ay mas tumitindi ang panananabik ni Bong. Lagi niyang naiisip ang maraming palamuti,
masayang pagtitipon, masarap na kainan, mga regalo, ang palabas sa plaza at
patimpalak sa paggawa ng Pinakamagarang Parol.
Ang Giant Lantern Festival ay isang taunang timpalak na nilalahukan ng iba’t
ibang barangay. Naging pamoso na ito dahil na rin sa masigasig na kampanya ng
alkalde at ng iba pang opisyales ng bayan. Sabi nila, malaking pera ang
kikitain kung makikilala ang San Fernando bilang Christmas Capital ng buong
Pilipinas. Dagdag pondo para sa kaban ng kanilang bayan.
Ilang hakbang na lamang ay nasa harap na ng simbahan si Bong. Papalapit na siya
nang papalapit sa tunog ng kampanang humihikayat sa madla na magsimba. Tuwang-
tuwa niyang pinagmasdan ang mga nagtitinda ng bibingka, puto- bumbong, suman at
kung anu- ano pa. Subalit nakaramdam din siya ng kaunting lungkot. Hindi niya
maipaliwanag subalit tila may kung anong hapis siyang nadama. Bigla na lamang
ay nais niyang maiyak.
Bago tuluyang makapasok sa bakuran ng simbahan ay may
babaeng lumapit kay Bong. Medyo may edad na rin. Nakapusod ang puting buhok ng
matanda. Hawak ng babae ang isang bungkos ng sampaguita.
“Andito ka na pala. Dapat kanina ka pa ah. Bihis na bihis ka pa. O, kunin mo,
ito.”, ang sabi ng babae sabay abot kay Bong ng kalahating bungkos ng
sampaguitang kwintas.
“Pasensiya na, ‘La. Nagbihis pa po ako nang maayos kasi po baka makita po ako
nung mga classmates ko rito. Unang araw
po ng simba eh.” ,ang malumanany na sagot ni Bong.
“ ’Sus, nahihiya ka bang makita ka nila? Ikinahihiya mo ito?”, medyo tumaas ang
tinig ng matanda.
“Hindi naman po. Sorry po ulit.”
“Siya, pumuwesto ka na diyan ha, ialok mo na ‘yan sa mga darating.”
Hawak na ngayon ni Bong ang sampaguitang kailangan niyang
itinda at ubusin para sa araw na ‘yon. Sa unang araw ng simbang gabi, kumita si
Bong ng Php 115, hindi na rin masama.
Disyembre 19; Lunes
“Salamat po, Ma’am.” , ang sabi ng batang nagtitinda ng
sampaguita sa harap ng simbahan.
Isang ngiti lamang ang isinukli ni Gemma sa bata.
Mula sa Simbahan ng Ina ng Hapis, 5:30 na ng umaga ay
kumaripas na sa paglalakad si Gemma. May
ilang minuto pa siya bago makarating papunta sa paaralang bayan ng Dolores kung
saan siya nagtuturo. Ika- 7 ng umaga ang
simula ng unang klase.
Hawak ni Ma’am Gemma sa kanyang kaliwang kamay ang
sampaguitang binili at sa kanan nama’y sari- saring mga papel, folders, plastic
folder at plastic envelop. May nakasukbit pa sa kanyang shoulder bag kung saan nakalagay
ang kanyang baong pananghalian, class record, salamin sa mata, payong at kung
anu- ano pa.
Nagmamadali na si Ma’am, ayaw niya kasing ma- late, Lunes na Lunes. Mabilis
niyang naikilos ang balingkinitan niyang katawan. Bago pa man magsimba ay
nagtali na rin siya ng buhok dahil alam niyang ganito nga ang mangyayari. Kahit nakapalda pa siya ay paspas pa rin siya sa
paglalakad. Butil- butil na ang pawis sa
kanyang noo subalit hindi ito pinansin ni Gemma.
Mabuti na lamang at
dalaga pa siya, maliksi pang kumilos. Malapit na siyang mag- trenta años
subalit dalaga pa rin. Para sa kanya, wala namang problema sa ganoon. Hindi
naman daw siya nagmamadali. Ang sabi ng nanay niya dapat ay matulungan niya munang mapatapos sa pag- aaral
si Jun, ‘yung kapatid niyang bunso. At sabi naman ng tatay niya, dapat
makapagpundar muna siya ng lupa’t bahay, mas mainam na rin kung magkaroon na
siya ng sarili niyang sasakyan, kapag nangyari ang mga iyon, baka sakaling
pwede na siyang mag- asawa.
“Godd morning, Ma’am”, ang nakangiting bati sa kanya ng gwardiya ng paaralan.
Isang tango lamang ang isinukli ni Ma’am Gemma. Nagmamadali
pa rin siya. Habol hininga, at hingal na
hingal, sa wakas ay nasa loob na ng paaralan ang guro.
Subalit, sa halip na sa silid ng kanyang advisory class o sa faculty room ay
dumiretso sa principal’s office si
Gemma. Bago siya kumatok ay luminga- linga muna siya, tinignan niya kung
may tao ba sa paligid. Wala pa masyado. 6:01 ng umaga, may ilang minuto pa,
halos isang oras.
Kumatok na si Gemma sa pinto. Agad namang may nagbukas nito.
Isang lalaking marahil ay edad 40 na subalit maayos at matipuno pa ang itsura.
May mangilan- ngilang puting buhok subalit lamang pa rin ang itim. Pusturyoso
ang suot nito sa kanyang puting polo- barong at abuhing pantalon.
“Hinihingal ka na naman, pasok ka na nga.”, ang marahang sabi ng lalaki sabay
kuha ng dalang mga folders at papel ni Gemma.
“Galing pa ko sa simbang gabi, pakisabit mo nga ito sa Sto. Niño”, tugon ni
Gemma habang iniabot ang sampaguitang binili sa harap ng simbahan kani- kanina
lang.
Isinabit ng lalaki ang sampaguita sa santo. Muli siyang
lumingon kay Gemma. Dahan- dahang lumapit sa dalaga. Nang malapit na malapit na
siya ay saka yumakap ang lalaki.
“Dalawang araw tayong di nagkita, miss na miss kita.”, ang
sabi nito kay Gemma.
“’Miss din naman kita.”, sabay halik sa lalaki.
Di nila namalayan na habang nasa gitna sila ng kanilang paglalambingan ay
patuloy sila sa pag- atras sa kabinet na nakapuwesto malapit sa malaking
Christmas Tree sa loob ng principal’s office. Kakaatras nilang dalawa ay
natabig ni Gemma ang isang picture frame. Nabasag ito. Nagulat ang dalawa.
Sabay nilang pinagmasdan sa sahig ang masayang larawan ng lalaking punongguro
kasama ang kanyang asawa at tatlong anak.
Disyembre 21; Miyerkules
“Maasahan n’yo po ang full support ng school natin sa
project n’yo, Kap.”, ito ang sagot ni Mr. Felipe Gatmaitan, ang punongguro ng
Dolores National High School kay Barangay Captain Raul Mendoza.
“’Yan naman ang gusto ko sa inyo, Sir eh. Talagang lagi kayong nakasuporta sa
mga projects ng baragay.” sagot ni Kap.
“Siyempre. Aba, dapat tayo ulit ang mag- champion sa Giant
Lantern Festival.” muling sagot ng
principal.
“Dapat. Malaki ang maitutulong ng premyo nun sa pondo ng
barangay natin. Salamat, salamat ulit, Sir.”
Tatlong araw bago ang inaabangang patimpalak ng
pinakamagarang parol sa bayan ng San Fernando, Pampanga ay abalang- abala na
ang bawat barangay na magpapaligsahan. Halos lahat ay naaaligaga sa paghahanda
ng kanilang parol na lahok.
Kaiba sa tradisyunal na parol na yari sa kawayang patpat at papel de hapon ay
napakarangya ng parol ng mga taga- San Fernando. Gawa ito sa mga makukulay na
plastic na matibay o di kaya naman ay sa capiz. Pinagdurugtong ito ng mga malalaking
alambre, nilalagyan ng napakaraming bumbilya. Pinapagana ito ng mga kableng
dadaluyan ng kuryente para magpatay- sindi at mas lalong tumingkad. Higit sa
lahat, 18 hanggang 20 talampakan ang diametro nito.
Dambuhalang parol.
Pinapangasiwaan ni Captain
Raul Mendoza ang paggawa ng giant parol ng mga taga- Dolores. Kaunting ayos na
lamang at matatapos na ang pabolosong palamuti.
“Bilisan n’yo diyan! Ayusin n’yo kasi! “, mainit na ang ulo ng kapitan dahil
ilang araw na lamang ay dadalhin na sa pinakamalapit na shopping mall ang parol
para mahusgahan ng mga hurado at ng mga mamamayan ng San Fernando.
“Hindi ako pwedeng mapahiya! Anak ng... Tignan mo ‘yan, oh!”, pasigaw na
itinuro ni Kap kay Oca ang isang bumbilyang hindi gumagana.
“Pambihira...Tanga ka ba!? Hindi mo ba napansin na hindi umiilaw ‘yun!?”,
muling sigaw ng kapitan.
“Eh isa lang naman po, Kap., baka hindi na po ‘yan mapansin.”, sagot ng lalaki.
“Tarantado! Kahit isa,
dalawa, tatlo, o isang libo, ang mahalaga may isang ilaw na ayaw gumana.
Matatalo tayo dahil sa kabobohan mo!”, halos sumabog na sa galit ang kapitan.
“Sige po, Kap aayusin ko
po.”
“Dapat noon mo pa ginawa ‘yan, sira ulo ka!”.
Nang umalis ang Kapitan ay
tila nakahinga nang maluwag ang mga gumagawa ng parol.
“Akala mo kung sino. Sa susunod na eleksyon ‘wag na talaga nating iboto ‘yan
ha.”, ang sabi ng isang babae.
“Oo nga, ang kapal ng mukha. Kung alam n’yo lang kung saan napunta ang premyo
noong nakaraang taon. Daang libo rin ‘yun ah. Ni hindi man lang natin
naramdamang ‘tong barangay pala natin ang nag- champion.”, sabad ng isang
lalaking inis na inis din sa kapitan.
Tahimik lamang si Oca na
siyang nasigawan kanina. Patuloy lamang siya sa pagtanggal- kabit ng bumbilya
ng parol at pag- aayos sa mga kable hanggang sa mapailaw niya ito.
“Sa wakas. Salamat sa Diyos.”, isang buntong- hiningang may halong pasasalamat
ang napakawalan niya nang maaayos niya ang lahat ng mga ilaw.
Alas siyete na ng gabi nang makauwi ng bahay si Oca. Takang- takang siya dahil
maaga pa subalit madilim na sa bahay nila. Iginala niya ang kanyang paningin sa
mga kabahayan sa paligid, may ilaw naman sila. Hindi naman pala brownout.
Bagaman tila alam na ni Oca ay nagtanong pa rin sa kanyang asawa nang makapasok
siya sa kanilang tahanan.
“O, bakit ang dilim? Wala ba tayong kuryente?”
“Aba, ano bang aasahan mo!? Dalawang buwan na kaya tayong atrasdo sa pagbabayad
ng kuryente!”, ang pasigaw na sagot ng kanyang asawang walong buwan ng buntis.
May isa pang anak na lalaki si Oca, limang taong gulang na. Kasalukuyan itong
kumakain ng kanin at nilutong instant noodles sa mesang kinalalagyan rin ng
isang kandilang malapit ng maubos. Pawis na pawis na ang bata pati na rin ang
misis niyang buntis pa. Panay ang paypay at punas ng bimpo.
“Gagawa ako ng paraan.”, ito
na lamang ang nasabi ni Oca.
“Hay! Puro ka na lang ganyan. Ang sabihin mo kasi batugan ka! Ano bang pinaggagagawa
mo sa buhay mo, Oca! Paano na lang kami ng mga anak mo!”, galit at tila maiiyak
na ang babae.
Lumabas ng bahay si Oca. Nang nasa may pintuan na siya ay tumingala siya sa
langit. Tila nagdasal. Nagbaba siya ng tingin. Muling iniligid ang kanyang mga
mata. Napako ang mga ito sa kuntador ng kanilang kuryente. Ilang minuto niya
rin itong pinagmasdan. Napangiti siya.
Ilang pukpok, ilang pihit, ilang tanggal, ilang kabit....
Biglang narinig ni Oca ang malakas na tinig ng kanyang anak na lalaki,
“Yehey!!!! May ilaw na!!!!”
Disyembre, 23; Biyernes
“Sige na ho, kunin n’yo na
‘tong singsing ko oh.”, sabi ni Minda habang pinipilit si Mrs. Saavedra na
bilhin ang kanyang gintong wedding ring.
“Ano ka ba, hindi ba wedding ring n’yo ‘yan ni Oca?”, ang sagot ng matandang
babae.
“Ayos lang ho ‘yun, alam na naman niya eh. At saka pang- Noche Buena lang po
kasi namin. Sige na po, Ma’am.”
“Hindi ba peke ito?”, sabay kuha sa singsing.
“Hindi ho ah, mataas ang kilatis niyan.”
“Siya sige, kukunin ko. 500 ha.”
“Ano ho!? 500 lang!?”
“Ayaw mo? Di humanap ka na lang ng ibang bibili niyang peke mong singsing.”
“Eh...sige na nga ho.”
“Papayag ka rin pala eh. Ang
dami mong arte. Ayan!”, sabay abot ng pera sa buntis na si Minda.
Si Mrs. Amanda Saavedra ang
isa sa pinakamaykaya sa barangay Dolores. Ang bahay niya ang isa sa may
pinakamaraming chistmas lights, mula loob hanggang sa hardin. Siya ang madalas
na kuning Hermana Mayor tuwing fiesta. Palagian rin siyang kinukuhang ninang sa
mga binyag at kumpil. Madalas din siyang maging sponsor ng kung anu- anong
paliga at programa ng barangay.
Para sa paskong ito, siya ang nakatokang sumama kay Kapitan sa bayan sa
pagdadala ng lahok na parol sa Giant Lantern Festival sa bayan. Malaking
pribilehiyo ito para sa kanya dahil may ambisyon din siyang kumandidato bilang
kagawad sa susunod na halalang pambarangay. Kinailangan nga lang niyang maglabas
ng medyo malaking halaga bilang kontribusyon sa paggawa ng dambuhalang parol.
Siya na rin ang naatasang humanap at magbayad ng truck na magdadala ng parol sa
bayan. Wala naman siyang angal dito.
“Basta, Kap ha, ‘yung parte
ko sa cash prize ha. At saka ‘yung suporta mo sa akin sa eleksyon.”, ang
nakangising sabi ng matandang babae sa Kapitan ng barangay.
“Siyempre, ikaw pa.”, ang tugon naman ng Kapitan.
Mansiyon na nga kung
maituturing ang bahay ni Mrs. Saavedra sa Dolores. Dahil na rin siguro ang mga
katabing bahay niya ay puro mabababa at yari sa kahoy. Bihira ang mga
mararangyang bahay na yari sa graba at semento. Iila- ilan lang sila.
Sa loob ng bahay ni Mrs. Saavedra ay makikita ang isang malaking piano, mga
antigong palamuti, mamahaling sofa, salang naka- carpet, mga larawang gawa nina
Amorsolo at BenCab, ilang mga piguring Lladro at mga kristal na chandelier.
Kapansin- pansin ang larawan ng kanyang tatlong anak na babae na nakakuwadro.
Ang isa ay tapos ng abogasiya, ang isa ay medisina at ang isa ay accountant sa
isang malaking kompanya. Lahat ay nakapag- aral sa mga sikat na unibersidad sa
Maynila. Makikita rin sa sala ang larawan nilang mag- asawa noong mismong araw
ng kanilang kasal. Luma na subalit mababakas mo pa ang saya sa mga labi nila.
Umupo si Mrs. Saavedra sa sofa at saka nagbuklat ng isang magazine. Ilang
saglit lang ay nag- ring ang telepono.
“Ising......!!!!!!! ‘Yung telepono dali, sagutin mo!”, sigaw ng matandang
babae.
“Ay, opo, Ma’am teka lang po!”, patakbong tinungo ng katulong ang teleponong
limang beses ng nagri- ring. “Hello.
Sino po sila?”
“Si Cathy ito, pakausap naman kay Mama.”
“Ma’am, si Ma’am Cathy raw po kausapin daw po kayo.”
“Akin na ‘yan. Sige na,
umalis ka na at bumalik ka na dun sa ginagawa mo!”
Kinuha ni Mrs. Saavedra ang
telepono.
“Anak, kumusta ka na? Agahan n’yo ang dating bukas ha. Kayo ng mga bata. Pati
si Ate Pat at si Ate Joan mo. Manggagaling lang ako sa bayan para sa contest
dun sa giant lantern, tapos babalik ako agad dito para makapag- noche buena
tayo. Marami tayong handa. Lahat masarap, espesyal lahat. Punta kayo ng
maaga.”, tila naging maamong tupa ang matanda habang kausap ang bunso niyang
anak sa kabilang linya.
“’Yun nga, ‘Ma ang dahilan
kaya ako napatawag. Hindi kami makakauwi ng Pampanga this year. Si Ate Pat,
kailangan dun sa bahay ng in- laws niya, si Ate Joan next week pa ang balik galing
Singapore, ako naman maraming kailangan gawin sa trabaho. Sorry, ‘Ma. Bawi kami
sa’yo sa New Year kapag free ‘yung schedule namin. Sorry talaga.”
“Ah ganoon ba? Hindi ba pwede kahit saglit na saglit lang kayo rito?”
“’Ma, eto na naman tayo. Ang hirap kayang magbiyahe.Sorry talaga. Si Daddy nga
pala, pabalaik na ng US next week kasama si Tita Malou.”
“Hay, ang bwisit mong Tatay!”
“Mabait si Tita Malou, ‘Ma, ano ka ba? Ok na sila ni Daddy, sana maging ok ka
na rin. Sige na, ‘Ma. Masyado ng mahaba ‘tong usapan natin. Mahal na ‘yung
babayaran ko, cellphone ang gamit ko eh. Sorry talaga ha. ‘Love you. Merry
Christmas.”
Biglang ibinaba ng bunso ni Mrs. Saavedra ang kabilang linya. Ni hindi lamang
nagawang magpaalam nang maayos ng matanda sa anak.
“Merry Christmas din.”, ‘ang
bulong ni Mrs. Saavedra sa sarili.
Disyembre, 24; Sabado
Ginaganap ang Giant Lantern
Festival sa San Fernando, Pampanga sa huling Sabado ng Disyembre bago magpasko.
Nagkataong tumapat ito sa bisperas ngayong taong ito kaya naman labis- labis
ang pananabik ng mga tao. Inaasahan nilang mas magiging magarbo ang programa
pati na rin ang mga kalahok na parol ng bawat barangay dahil mas mahaba ang
panahon ng paghahanda.
Damang- dama ang simoy ng Pasko buong paligid. Bukod sa mga tradisyunal na
kakanin at pamaskong pagkaing nilalako sa paligid ay may makikita ring
nagtitinda ng mga lobo, bola, torotot at iba pang laruan. Alas nueve ng gabi
ang nakatakdang oras ng pagpapailaw ng mga higanteng parol. Dito na makikita at
huhusgahan kung kaninong lahok ba ang pinakakaaya- aya, makulay at kaakit-
akit. Habang lumalalim ang gabi ay patuloy sa pagkapal ang tao sa paligid.
May sampung barangay ang lumahok ngayong taong ito. Walang tulak- kabigin sa
mga parol dahil lahat naman talaga ay paboloso at magarbo.
Dumating na ang takdang oras. Sinimulan ng pailawin ang mga dambuhalang parol.
Hindi magkamayaw ang mga tao sa hiyawan at palakpakan. Sinasabayan pa ng
napakalakas na musikang pamaskong disco na nagmumula sa mga malalaking speakers
sa paligid. Patay- sindi ang mga bumbilya ng sampung kalahok na parol. Walang
gustong magpaawat, lahat ayaw magpatalo.
Subalit, sa di inaasahang pangyayari ay bigla na lamang isa- isang di umilaw
ang mga bumbilya ng parol ng barangay Dolores. Parang kandilang unti- unting
nauupos. Napupunding isa- isa ang mga ilaw.
“Aaaayyyyyyyyyyyy....sayang naman...”, malakas ang pinagsama- samang tinig ng
mga manonood sa paligid.
Ang parol ng barangay Dolores na kanina ay naghihingalo, tuluyan ng namaalam.
May kawad daw na bumigay at di na kinaya pang padaluyan ng kuryente ang kabuuan
ng higanteng parol.
Hindi na maipinta ang mukha
ng Kapitan ng Barangay Dolores at ng isang matandang kanina pa nagpapaypay.
Walang ibang emosyong mababanaag sa kanilang mga mukha kundi galit at labis na
pagkamuhi. Matalim ang tingin na ipinukol nila sa lalaking nakatayo sa gilid na
siyang nangangasiwa sa pagpapailaw sa parol.
“Gago ka talaga, Oca akala ko maayos na ‘to!?”, ang sigaw ng kapitan sa lalaki.
“Oo nga, ang laking pera ang nasayang diyan. Sitaulo ka!”, susog pa ng babaeng
namamaypay.
“Pasensiya na po. Sa kable po nagkaproblema eh.”, sagot ng electrician na si
Oca.
“May magagawa ba ang paghingi mo ng pasensiya!? Tanga ka!”, sigaw muli ng
kapitan.
Sa mga panahong iyon ay may ibang tao na ang nakapansin na tila may komosyong
nangyayari. Dumarami na ang mga usisero at usisera subalit patuloy pa rin sa
pagsigaw at pagsinghal ang kapitan at ang matandang babae.
Hindi na umimik pa si Oca, kinuyom na lamang niya ang kanyang mga palad.
Disyembre 25; Linggo ng
umaga; Araw ng Pasko
Hindi muna magtitinda ng
sampaguita si Bong ngayong umagang ito, Pasko naman. Sa halip, lumabas siya ng
bahay 5:30 ng umaga para bumili ng pandesal na pagsasaluhan nilang mag- anak sa
kanilang almusal maya- maya lang. Masaya si Bong. Pasipol- sipol pa habang
naglalakad papunta sa pinakamalapit na bakery.
“Merry Christmas, Bong! Bibili ka?”, ang sabi ng tindera.
“Oo, Ate. Trenta pesos na pandesal. ‘yung tostado ha. Merry Christmas din!”,
ang sagot naman ng binatilyo.
“Ok, sandali lang ha.”
Tumalikod ang babae para
kunin ang binibiling pandesal ni Bong. Hawak niya sa kanyang kamay ang 50 pesos
na perang papel. Iniligid ni Bong ang kanyang mga mata sa kabuuan ng bakery.
Napako ang mga ito sa isang lokal na diyaryong nakasabit, kahilera ng mga
lalagyan ng kendi at sigarilyo.
Ang nakalagay sa headline ng pahayagan:
MALIGAYANG PASKO!!!
Binasa pa niya ang ilan pang nakasulat. May mga balita tulad ng:
BARANGAY SANTA LUCIA, BAGONG KAMPEON SA GIANT LANTERN FESTIVAL
PRESYO NG LANGIS MULING TATAS NG 50 SENTIMO KADA LITRO
ISANG LALAKING PRINCIPAL AT
KALAGUYONG TITSER, PATAY SA ILANG TAMA
NG BARIL. LEGAL NA MISIS, SUMUKO NA
ANO BA ANG SIKRETO NG
LOVETEAM NINA GERALD AT KIM?
KAPITAN NG BARANGAY AT ISANG
HERMANA, INUNDAYAN NG SAKSAK, PATAY. SUSPEK, PINAGHAHANAP PA.
Pagkatapos basahin ni Bong
ang ilan sa mga nakasulat sa harap ng diyaryo ay muling bumalik ang mga mata
niya sa headline... MALIGAYANG PASKO!!!